GF Trilogy Chapter 21

‘UTANG NA galang naman, tigilan mo na akong lalaki ka.’

Ngaling-ngaling bigyan ni Jeanette ng upper cut ang kanyang bisita nang umagang iyon. O mas tamang sakalin nalang niya ang kanilang labandera na tumawag sa kanya para sabihing may bisita siya. At ang bisita pa niya ay ang lalaking sinisikap niyang tiising huwag makita. Baka kasi magbago na naman ang takbo ng hangin umiikot sa kanyang utak at ang desisyon niyang sikaping kalimutan si Gelo ay biglang mabaligtad.

“Anong ginagawa mo rito?” nakasimangot na agad niyang bungad. Bumaling siya sa may kusina at pasigaw na nagsalita. “Ma! Aalis na po ako. Male-late na ako sa trabaho ko.”

“Teka, anak. May bisita ka, harapin mo muna.” Pasigaw ring tugon ng kanyang ina.

Saglit pa at nasa harapan na nila ito at may dalang kape. Gusto niyang sumbatan ang kanyang ina kung bakit pa nito ipinagtimpla ng kape ang kanyang bwisita. Ah, siguro dapat na rin siyang magpasalamat dahil pwede niya iyong ibuhos kay Gelo para lumayas na ito.

“Kayo nalang po ang humarap sa kanya. Hindi ko siya kilala.”

At dere-deretsong naglakad palabas ng bahay. Hindi naglipat sandali at kasunod na niya ang magaling na lalaki. Ano pa bang kailangan nito sa kanya?

“I’m flying for US with Ania.” Narinig niyang sabi nito mula sa kanyang likuran.

“So? Anong pakialam ko!?” angil niya.

Nagpunta lang ba ito roon para magpaalam sa kanya? Bakit? Wala naman siyang pakialam rito. Kahit saan pa ito lumipad at maski sino pa ang babaeng kasama nito sa paglalakwatsa ay wala siyang pakialam!

“Jeanette naman! Please, mag-usap naman tayo ng maayos, pwede ba?”

Hinarap na niya ito bago pa man niya sapitin ang garahe. “Nag-uusap tayo ng maayos. Ikaw ang hindi maayos kausap. Umalis ka na nga! Busy ako at male-late na ako sa trabaho ko. Kaya tsu-tsu… alis na.” Ikinumpas pa niya ang isang kamay na parang nagtataboy ng langaw.

At bago pa man siya tuluyang makalulan sa kanyang kotse ay bigla nalang siyang hinapit ni Gelo sa kanyang bewang. Hindi niya inaasahan ang sumunod nitong ginawa. Kinabig nito ang likod ng kanyang ulo, and passionately kissed her. Hindi man niya naisin ay natagpuan nalang niya ang kanyang sarili na kusang tumutugon sa mga halik nito.

“Good bye kiss lang naman ang hihingin ko pero mukhang hindi ko iyon makukuha dahil mainit pa din ang ulo mo. Kaya, wala akong ibang choice kundi sapilitan iyong kunin sayo. Sige, alis na ako. You take care for me, okay?”

Kanina pang nakalayas sa harapan niya si Gelo pero naroroon pa rin siya sa tapat ng kotse niya, nakatulala sa nilabasan nitong gate habang tuluyang nalulusaw ang kanyang katarayan.

A-anong nangyari?

“PIZZA delivery po!”

Nag-angat ng mukha si Jeanette sa nasa harapang delivery boy. Pangatlong araw na iyon. Nagtataka siya kung bakit oras-oras yata ay may dumadating na deliver ng pagkain at snacks roon sa opisina para sa kanya pero hindi naman siya umoorder. Bayad na daw iyon ng umorder at ipinadeliver nalang sa kanya.

Noong unang araw ay natutuwa pa siya, pero kahapon at ngayon ay hindi na. Naaabala kasi siya sa tuwing may dadating na deliver na pagkain. Sa halip na matatapos niya agad ang trabaho niya ay naaatrasado siya dahil nauuna niyang gawin ang kainin ang ipinadeliver. Bukod doon ay nakakainis na nasasayang ang pagkain dahil hindi niya maubos. Halos tikim lang ang nagagawa niya dahil nasusuka siya kapag napaparami ang nailaman niya sa sikmura.

At kung sino man ang taong nagsasayang ng pera para siguraduhing kumakain siya ay gusto niyang makilala. Imposibleng ang boss niya ang may pakana ng lahat ng iyon. Sa tagal na niyang katrabaho ito, wala naman itong naging pakialam sa pagkain niya. Ang mahalaga rito ay natatapos ang trabaho at kung magpapakain ito, alam niyang magyayaya ito sa labas.

“Paki-pirma nalang po sa resibo, Ma’am.”

Inihain ng delivery boy ang resibo at ballpen sa harapan niya. Iniusod naman niya iyon pabalik rito. “Pakipadala mo sa nagpa-deliver niyan. Sabihin mong hindi ko tatanggapin ang ipinadeliver niya ng hindi siya nagpapakilala.”

Iyon ang isa pang nakakainis! Lahat ng delivery boy na naghahatid sa kanya ng food delivery ay hindi magawang sabihin kung kanino galing ang mga idineliver na iyon. Kesyo hindi daw nag-iwan ng pangalan o di kaya, nakalimutang itanong dahil information naman ng pagde-deliver-an ang kinukuha nila.

“Eh Ma’am,” Napakamot ito sa noo. “Hindi po kasi nag-iwan ng contact number si Sir. Contact number niyo po ang ibinigay. Nakaalis na din po siya sa shop namin matapos niyang magbayad ng pizza delivery.”

“O, edi i-refund niyo kapag bumalik siya. Bibigyan pa kita ng pang-refund sa kanya.” Naiinis na sabi niya at naglabas ng pera. “Magkano ba iyang pizza?”

“Huwag nalang po. Tatawag naman po siguro si Sir para tiyakin na na-deliver na. Sige po, alis na po ako.”

Napailing nalang ang delivery boy habang papaalis. Nagdalang-habag naman siya roon. Baka magkaproblema pa ito sa manager nito dahil hindi niya tinanggap ang delivery. Kung bakit ba naman kasi ang dami-dami pang arte ng kung sinong poncio pilato na iyon at pinapa-deliver-an pa siya ng pagkain? Bakit ba hindi nalang iyon dumeretso sa kanya at magpakilala. Nagpapa-suspense pa!

Hmp!

Mahigit isang linggo na rin ang lumipas. Akala niya, magkakaroon ng magandang resulta ang pagbabakasyon niya sa Costa Galaxia pero nang magbalik siya roon ay tila hindi siya nanggaling sa isang bakasyon. Kundi sa isang giyera. Giyera na puso ang sandata. At sa totoo lang, malaki ang naging pinsala ng sandata niya. Durog na durog na iyon.

At kung ganitong may mga nakakainis na pinagti-trip-an siya sa pamamagitan ng ganoong gimik ay hindi niya ikinatutuwa. Isinusumpa niyang hindi na muna siya muling mangangarap ng kahit na sinong kalahi ni Adan. Dahil kasi sa pangangarap niyang malapitan ang lalaking pangarap ng buong bayan ay sa iba naman siya lumagpak. Ang masaklap pa noon, wala rin namang magandang naging bunga ang lahat. Walang magandang nangyari, sa halip ay kabaligtaran. Gusto nalang muna niyang gamutin ang sariling damdamin.

Magandang simula na itong hindi na muling nagpaparamdam sa kanya ang ulupong na si Gelo magmula nang una at huli itong dumalaw sa pamamahay niya para nakawan siya ng halik. Nasarapan nga yata ito ng husto sa halik niya kaya dinayo pa siya sa kanyang bahay para humirit muli bago ito tumulak sa kung saang impyerno ito makikipaglampungan kay Ania. At kung hindi nga ba nakakaloko, nagpaalam pa talaga sa kanya ha?

Ngayon ay napapaisip siya. Ano ba talagang gusto niya? Nagmamarakulyo siya nang sundan at puntahan siya ni Gelo sa bahay niya pero ngayon namang hindi nagpaparamdam ang binata ay gusto pa rin niyang magwala.

‘Isa lang naman ang gusto ko, gusto kong maging solong akin ka at walang kahit na sinong kahati sa puso mo, Gelo.’

“Hoy, babae?” untag ni Myta sa pananahimik niya.

Nasa accounting department ito at sa pagkakaalam niya ay malapit rin sa boss nila.

“O?” nakaangat ang isang kilay na baling niya rito. Napatingin siya sa mga folder na dala-dala nito. “Ayan na ba ang mga hinihingi ni Sir? Pakipatong nalang diyan.” Inginuso niya ang gabundok na mga folders sa kanyang harapan at muling itinuloy ang ginagawa.

Naramdaman niya ang pagbababa ni Myta ng mga folders na dala nito. Ang akala niya ay aalis na ito pero naupo ito sa silyang nasa harapan ng mesa niya. Nagkunwari siyang hindi ito napapansin. Alam na niya ang pakay nito, mag-uusisa na naman ito sa kanya. Lalo pa’t may unusual na nangyayari nitong nakaraang araw—ang food delivery ng anonymous sender.

“Bakit hindi mo tinanggap ‘yung pizza? Sayang! Makikihati pa naman sana ako sayo. Mukhang masarap!” anito.

“Lahat naman, masarap sayo.” Aniya na tuloy-tuloy sa ginagawang pag-i-scan ng mga laman ng folder sa harapan niya.

“Oy, hindi naman.” Natatawang sabi ni Myta sa kanya. Tinapik nito ang isang kamay niya na nasa ibabaw ng mesa. “Kilala mo na ba kung sino ang financer mo ng mga pagkain?”

“Hindi pa rin. Kaya nga ipinasoli ko. Bahala ang kung sinong herodes na iyon. Hindi na ako tatanggap ng mga padala niya hangga’t hindi siya nagpapakilala—”

Tumunog bigla ang cellphone niya na nasa bag niya. Hindi niya gawaing tumanggap ng mga personal calls kapag nasa trabaho. Pero dahil unregistered ang number ng caller ay na-curious siya.

“Bakit ipinasoli mo ang ipina-deliver ko?” agad na bungad kay Jeanette ng nasa kabilang linya.

Agad na lumundag ang puso niya pagkarinig sa pamilyar na boses. Ayaw man niya, pero iyon kaagad ang naging reaksyon ng kanyang dibdib.

Kung ganon, si Gelo pala ang nagpapadala ng mga pagkain sa kanya? Naalala niya bigla ang sinabi nito sa kanya noong sabay silang kumain sa Orange Cup Café.

‘Kumain ka ng madalas kahit pakonti-konti lang para makapag-adjust ka ulit sa right daily meal mo.’

Concerned man ito o hindi ay aaminin niyang ikinatuwa niya ang mga sinabi nitong iyon. At dahil nagbabalik-tanaw siya ngayon, para na namang tanga ang puso niya na nami-miss si Gelo. Maski na hindi niya ito dapat na hinahanap-hanap ay hindi niya kinayang pigilan ang sariling damdamin. Kung magpapakatotoo siya ay sa kanyang sarili nalang. Wala na siyang balak na ipaalam iyon sa iba tutal ay wala rin namang silbi. Baka nga sermonan pa siya ng kung sinong pagkukumpisalan niya ng damdamin sa katangahan ng puso niya.

Magmula nang umalis siya ng Costa Galaxia ay ngayon nalang ito muling kumonekta sa kanya. Bakit? Dahil ba sa wala na ulit ang official girl nito? Ano bang akala nito sa kanya? Sub?

Ang tanga lang niyang talaga! Hindi ba’t nagdesisyon na siyang magmo-move on? Ipinagpapasalamat na nga niyang hindi ito nagpaparamdam sa kanya magmula nang makauwi siya galing Costa Galaxia, pero ngayong malaman niyang ito ang nagpapadala sa kanya ng pagkain ay nag-piyesta na naman ang puso niya?

“Magbuburo ka na naman ba sa trabaho at hindi kakain? Kaya ka magkaka-ulcer—”

“Excuse me? Wrong number ka po.” Kunway hindi niya nakilala ang boses nito.

Natahimik bigla ang nasa kabilang linya. Tila nag-isip iyon. Bumuntong-hininga ito pagdaka. “Angelo, here. Kinuha ko ang number mo kay Beatrice.” Maski papaano ay nakabawas iyon sa kanyang iniinda dahil mukhang nabawasan na ang kaagaw niya sa puso nito. “Ako ang nagpapa-deliver ng mga pagkain para siguraduhing hindi ka nakakalimot na kumain sa tamang oras. Hindi ko nalang ginawang magpakilala kasi…” Nabitin ang sinasabi nito. Hinintay niya itong dugsungan iyon pero nanatili itong tahimik. Kamuntik na niyang isipin na wala na ito sa kabilang linya.

“Kasi?” udyok niya.

“Kasi…” bumuntong-hininga na naman si Gelo. “Alam kong magtatanong ka kung bakit ko ginagawa iyon.”

“At dahil alam ko na ngayon, pwede ko na bang itanong, ha, Angelo?”

“Huwag nalang. Hindi ko din kasi alam kung paano ko sasagutin.”

Bwisit kang lalaki ka! Bakit ganyan ka? Nananahimik na nga ako, guguluhin mo pa ako. Tapos ngayon, hindi ka naman pala sigurado sa damdamin mo? Maigi pa, huwag ka nalang magparamdam para makapag-move on na ako!

Gustong-gusto niya itong singhalan pero hindi niya magawa. Magmumukha lang siyang tanga. Alam na nga niyang may iba pa itong babae, makikihati pa ba siya?

“Okay.” She sighed heavily. “Huwag ka na ulit magpadala ng mga pagkain dito sa office. Bawal ‘yun.”

“Bawal? Ipinagbawal ni Gonzalo?”

“Bakit ba ganyan mo tawagin ang boss ko? Para kayong mga sundalo, last name basis?”

“Ganoon kami gumalang sa isa’t-isa, last name basis. At pwede bang huwag mong ibahin ang usapan? Bakit bawal ang food delivery diyan?”

“Ipinagbawal ko. Nakakaistorbo kasi.” Tugon niya ng matahimik na ito. Parang nakikini-kinita na niyang nalulukot na naman ang noo ni Gelo.

“Istorbo ba sayo ang kumain?” His tone was cold and… dangerous!

Patay ka, Jeanette!

“Madami kasi akong ginagawa tsaka, kumakain naman ako sa oras.” Paliwanag niya. At bakit ba siya nagpapaliwanag dito? “You don’t have to be that concern. Isa pa, huwag mo na nga pala akong tatawagan kasi busy talaga ako, lalo kapag nandito sa office. Kaya please lang ha? Huwag ka nang tumawag. Sige, bye.”

Mabilis na pinindot niya ang end call botton. Natatakot kasi siya na kung maririnig pa niyang muli ang boses ni Gelo ay hindi na niya gustuhing tapusin ang phone call na iyon. Nami-miss na niya ang binata at wala siyang ibang gusto kundi ang makaharap at makasama ito. Pero alam naman niyang hindi pwede at hindi tama. Kaya habang kaya pa niyang pigilan ang sarili sa pananabik rito ay itutulak na niya ito palayo.

“So I guess, kilala mo na ang mistery sender mo?” malapad ang ngiting untag sa kanya ni Myta na hindi man lang nag-abalang umalis habang may kausap siya sa cellphone. Tsismosa talaga! “Grabe ka girl! Kainggit ka! Pero pangit ba kaya mo itinataboy?”

Pinandilatan niya ng mga mata si Myta. Mukhang nakuha nito ang ibig niyang sabihin. Tumayo na ito at mabilis siyang iniwan.

“Sabagay, kahit naman nga ako, kung chaka maski madatong, itataboy ko! Nakakahiya naman kasing i-display sa madlang pipol!” Bubulong-bulong pang saad nito habang papalayo.

She rolled her eyes and sighed. Kung makikita lamang nito si Gelo, baka sabunutan siya nito sa ginawa niyang pagtataboy sa binata. Napakahilig pa naman ni Myta sa mga gwapo. Sukdulang mang-away ito maipagtanggol lang ang mga gwapong nilalang sa mundo!

“JEANETTE!”

Kamuntik ng mapalundag si Jeanette sa pagkagulat nang may sasakyang biglang tumigil sa harapan niya. Alas-singko y medya na ng hapon, maigi nalang at nasa outdoor meeting ang boss niya, kundi ay hindi na naman niya alam kung ano na naman ang ia-alibi sa pangungulit noong kumain sila sa labas o ihatid siya pauwi.

Nag-aabang si Jeanette ng taxi pauwi dahil nasa talyer na naman ang tila nabubulok na niyang kotse. Regalo pa iyon sa kanya ng kanyang Papa noong second year college siya. At kahit ganitong may maganda na siyang trabaho ay iyon pa din ang ginagamit niya. Hindi dahil hindi niya afford bumili ng bago kundi dahil sa sentimental value.

Three years nang patay ang Papa niya dahil sa traydor nitong sakit—heart disease. Kapag ginagamit niya ang sasakyan na galing sa ama, pakiramdam niya ay kasama pa rin niya ito at parati siyang binabantayan at pinoprotektahan. Ayun nga lang, napapadalas na ang day off nito sa pagse-serbisyo sa kanya dahil madalas na itong naka-boundary sa talyer.

Bahagyang nagulat si Jeanette matapos makilala kung sino ang sakay ng kotse na biglang huminto sa harapan niya. Hindi niya alam kung tama pa ba ang nararamdaman niyang pagkakarambola ng kung anu-anong bagay sa loob ng kanyang dibdib. Kung bakit ba naman kasi nagpapahara-hara na naman ito sa harapan niya? Paano pa kaya niya mapapanindigan ang salitang move on? Kaunting paglapit pa nito sa kanya at baka tuluyan ng lumiko ang matino niyang isip pabalik sa pagkahulog rito.

Pinilit niyang ignorahin si Gelo. Nang umibis ito ng sasakyan ay nagsimula siyang maglakad. Kung kinakailangan niyang makipagpatintero sa mga sasakyan sa masikip at magulong kalsada para lamang makakuha ng taxi at makalayo na roon ay gagawin niya.

“Jeanette, ano ba?”

Hindi niya ito nilingon. Ilang sandali pa at kaunabay na niya ang kotse nito na parang pagong sa pagtakbo.

“Jeanette, sumakay ka na rito. Mahirap makakuha ng sasakyan sa mga oras na ito.”

Hindi pa rin niya ito pinansin.

“Jeanette! Kapag hindi ka pa huminto, isinusumpa kong bubuhatin kita mula riyan sa nilalakaran mo papasok rito sa kotse ko!” pagbabanta na ni Gelo.

Eksakto namang may dumaang taxi. Mabilis na pinara niya iyon at sumakay bago pa man muling makababa ng kotse nito si Gelo. Nakita pa niya sa rearview ng taxi ang imahe ni Gelo habang tinatadyakan ang gulong ng kotse nito.

Dapat na matuwa siya dahil nakaiwas na siya rito pero bakit mas lumalamang ang bigat at hirap sa kanyang dibdib? Mas na nanghihinayang siya kesa matuwa!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.