GF Trilogy Chapter 22

MAG-AALAS-DOSE na ng gabi nang silipin ni Jeanette ang bed side clock niya pero wala pa ding tigil sa pagtunog ang cellphone niya. Halinhinan ang mga miscalls at messages roon mula sa nag-iisang sender at caller na si Gelo. Puyatan yatang talaga ang trip ng magaling na lalaki. Gustuhin man niyang matulog ay hindi niya magawa dahil sa maingay na cellphone, hindi naman niya iyon magawang i-silent o patayin dahil baka may emergency na tumawag o mag-text sa kanya. Kaya naman sa huli, hindi pa din humihinto ang cellphone niya sa pag-iingay sa kalagitnaan ng gabi.

Inabot ni Jeanette ang cellphone at binasa ang message matapos marinig ang message alert tone. At katulad pa din ng mga naunang text ang naroroon.

‘Iniiwasan mo ba talaga ako? Hindi kita patutulugin hangga’t hindi mo sinasagot ang tawag ko.’

At tinakot pa siyang talaga!

Pero palagay nga niya ay seryoso ito dahil hindi naman ito humihinto sa pag-contact sa kanya. Narinig niya ang malakas na pagkatok sa pinto ng kanyang silid. Malamang na ang kanyang Mama iyon at naiingayan sa kanyang cellphone.

“Jeanette? Gising ka pa ba? Sino ba ‘yang ka-text at katawagan mo? Dis-oras na nang gabi, nanggugulo pa! Sagutin mo na iyan nang matigil na!” narinig niyang utos ng kanyang Mama.

Inaasahan na niya iyon. Maaga pa itong aalis bukas para sa seminar nito. Ahente ng bahay at lupa sa isang malaki at sikat na subdivision ang kanyang ina. Group sales manager na ito at marami ring inaasikaso kaya maaga itong gumigising at late nang natutulog. Kaya naman, natural na katukin na siya nito sa kanyang silid dahil malamang na hindi na ito makapagpahinga.

“Sige po, Ma. Tulog ka na, good night.” Sigaw niya na hindi naman bumababa ng kama. Ayos na iyon dahil malamang na narinig na siya ng ina.

“Sagutin mo na ang maingay mong cell—”

Inabot niya ang cellphone at tinanggap ang tawag. Tumahimik naman na ang kanyang ina mula sa labas. Siguro ay nakampante na ito sa pagtahimik ng kanyang aparato.

Pero maski tinanggap niya ang tawag ay ni hindi siya nag-hello man lang sa nasa kabilang linya.

“Hello, Jeanette?” untag ni Gelo.

Pinili niyang huwag magsalita. Bahala itong maglitanya. Pagbibigyan na niya ang pagtawag nito kaya lang ay bahala rin itong mabwisit sa gagawin niyang pananahimik!

“Jeanette naman! Mag-usap tayo ng maayos. Pakinggan mo ako.”

Ano pa nga bang ginagawa niya? Hindi pa ba siya nakikinig rito?

“Alam ko naman na naging unfair ako sayo nang araw na ipahatid nalang kita sa chopper. Hindi ko kasi maiwan si…” he sighed.

Bwisit na ito?! Tumawag lang ba ito para durugin na naman siya? Napakawalang-puso talaga!

“Okay, let’s settle everything. Magkita tayo bukas at mag-usap ng maayos tutal ay mukhang ayaw mo talagang makipag-usap ngayon.”

Hindi na niya napigilan ang sarili at nagsalita. Gusto niya itong sakalin! At kung nagkataong kaharap niya ito ngayon ay baka nga nagawa na niya!

“Alam mo naman pala na ayaw kong makipag-usap sayo, bakit nangulit ka pa hanggang sa ganitong dis-oras ng gabi? At ano bang settle na sinasabi mo? Wala akong credits na dapat i-settle sayo. Kaya wala kang karapatan na mag-schedule ng pakikipag-usap sa akin bukas! At pwede ba? Huling beses ko na itong sasabihin sayo, huwag mo na akong tatawagan! Ayoko nang makausap ka!”

Mabilis na pinindot niya ang end call botton saka isiniksik sa ilalim ng kanyang kutson ang cellphone. Walanghiyang iyon! May balak pang makipag-settle sa kanya ganoong may Ania pa nga ito na hindi nito maiwan-iwan! Bwisit! Ano ba talagang tingin nito sa kanya? Pang-aliw kapag wala sa paligid nito ang babae nito?

Bwisit talaga!

Isinubsob ni Jeanette ang mukha sa kanyang unan at doon pinakawalan ang kanyang mga damdamin. Umiyak siya ng umiyak para maski papaano ay mabawasan ang bigat na meron siya sa kanyang dibdib. Napakahirap naman yata na kimkimin nalang niya iyon.

Madami-dami din naman ang mga lalaking naghahangad na mapaibig siya, pero bakit ang bwisit na si Gelo, ginagawa lang siyang option? Bakit sa lalaking iyon pa siya nahulog gayong alam naman niya na kailanman ay hindi siya nito magugustuhan sa paraang tulad ng sa kanya? Oo, gustong-gusto niya si Gelo. Mahal na nga yata niya ito. Kung hindi, bakit naging miserable na ang bawat sandali ng buhay niya magmula ng mag-isa siyang bumalik sa Maynila?

Nang mga sandaling halikan siya ni Gelo, noon niya tuluyang nakumpirma ang ibigsabihin ng mga kakaibang damdamin niya kapag nasa paligid si Gelo. Kapag kasama niya ito, pakiwari niya sarili nila ang mundo. Na para bang sa pagbabangayan lamang nila umiikot ang bawat sandali sa kanilang buhay. Pakiwari niya, siya si planet Earth at ito ang kanyang buwan. Yun nga lang, hindi sila magkatulad ng nararamdaman. Feeling nito, ito si planet Jupiter, na maraming buwan sa paligid. At balak pa yata siyang ibilang nito sa mga iyon.

Huwag nalang!

Bumaba si Jeanette mula sa kama para maghilamos nang mapansin na bukas pa pala ang isa niyang bintana. Lumapit siya roon para isarado iyon pero may napansin siyang kotse na nakahinto sa tapat ng gate nila. Umangat ang kilay niya. Sino naman kaya ang posibleng bisita nila sa ganoong oras ng gabi? Hinintay niyang may bumaba roon ngunit umandar na ang kotse palayo. Lalo siyang nagtaka.

Sino kaya iyon? Parang katulad ng kotse ni…

Hindi kaya si Gelo?

Naipilig niya ang sariling ulo. Maraming Black Accord na kotse sa bansa! Imposibleng si Gelo iyon. Imposibleng magpunta si Gelo roon at abutin ng hatinggabi sa pagkontak sa kanya habang nasa tapat ng bahay nila. Bakit hindi nalang ito nag-doorbell kung ganoon nga?

Hanggang sa magpasya na siyang matulog ay ang tungkol sa taong sakay ng kotseng iyon pa rin ang nasa isip niya.

“SIRA pa din ba ang kotse mo, Jeanette?”

Napapitlig si Jeanette ng marinig ang boses ng kanyang boss mula sa kanyang likuran. Wala na naman siya sa sarili habang naglalakad palabas patungo sa waiting shed para mag-abang ng taxi pauwi. At paano ba naman siyang hindi mawawala sa sarili? Maghapon niyang kinondena ang sarili na huwag tanggapin ang tawag ni Gelo. Nakita pa niya ang binata na nag-aabang sa kanya kaninang papasok siya sa opisina. Hindi niya iyon pinansin at deretsong pumasok ng building. Binabalaan pa niya ang gwardiya na huwag papapasukin si Gelo. Nag-imbento siya ng kung anu-ano sakaling magpilit si Gelo na sundan siya sa loob.

Sinabi niya sa gwardiya na mortal enemy si Gelo ng big boss nila at kinukulit siyang bigyan ito ng appointment para makaharap si Mr. Gonzalo. Kinagat naman iyon ng gwardiya kaya’t nang magtangka si Gelo na pumasok ay agad itong hinarang ng gwardiya.

Pero sa lahat ng ginawa niya, pakiwari niya, sarili lamang niya ang kanyang pinapahirapan. At nakakainis rin naman itong si Gelo. Ano pa ba ang kailangan nilang i-settle? Balak ba siya nitong alukin na maging number two porket nagpahalik siya rito at ni hindi siya pumalag nang humingi ito nang take two?

Peste talaga!

Isa rin naman siyang tanga! Bakit ba siya nagpahalik? At tumugon pa siya.

Dahil gusto mo? Gusto mo siya at ang mga labi niya!

Peste!

“Yes, Sir. Hindi pa din naaayos.” Tugon niya kay Maruki.

“Ayan na naman ang ‘Sir’. Tapos na ang office hours kaya dapat na first name basis na tayo.” Nakangiting anito.

Tapos na talaga ang office hours at nag-over time nalang siya dahil hindi niya matapos-tapos ang trabaho dahil sa pang-aabala sa kanya ni Gelo. Wala na itong ginawa kundi pa-ingayin ang cellphone niya. Hindi rin naman niya iyon mapatay dahil may ilan silang kliyente na sa personal number niya tumatawag.

“Okay. Mauna na ako.” Pamamaalam niya rito.

“You looked exhausted. Sumabay ka nalang sa akin. Ang tingin ko sayo, makakatulog ka sa biyahe sa sobrang pagod.” At iyon din ang pakiwari niya. Pagod talaga siya. Pagod ang isip at puso niya. “Mahirap magtiwala sa mga taxi drivers sa panahong ito. Marami ang mga nagte-take advantage sa mga babaeng pasahero—”

“Ania! Anong ginagawa mo rito?”

Bigla siyang napabaling sa pinagmulan ng tinig. Si Gelo na sa palagay niya ay papalapit sa kanya at ang blonde na babae sa tabi nito. Napakaganda at kasing tangkad niya ang babaeng iyon na sa palagay niya ay may lahing Amerikana. Maganda ang tindig nito na parang modelo. Maganda at elegante ang suot na fitted mini-dress nito na halos umabot lang sa singit ng babae ang haba! Ganoon pa man ay bumagay naman rito ang suot at gayundin ang alon-alon na blondeng buhok. Palagay nga niya, nakatingin siya sa isang living Barbie.

Pero…

Ito ba talaga si Ania? Parang hindi naman ito ang walang sawang humahalik kay Gelo roon sa Costa Galaxia kundi ang kasama nito. Anong ibigsabihin noon? Dala-dalawang babae ang syota nito sa iisang pagkakataon?

“Hindi kita ma-contact. And when I’m driving my way to your café, I saw you standing here, so…” nagkibit-balikat ito.

Bakit ganoon? Hindi naman brusko pero parang malaki ang boses nito bilang isang babae. May American accent iyon at bahagyang malamya ngunit sa palagay niya, hindi iyon angkop sa katauhan ng babae.

“Let’s go? Iwan na natin sila diyan.” Untag sa kanya ni Maruki.

Napatango siya rito. Wala na siyang choice kundi ang sumama sa kanyang boss para makaiwas kay Gelo na ngayo’y hinahabol ng babae nito. She was wondering why Gelo did that crazy thing. Bakit ito maghihintay sa kanya sa labas ng buong maghapon gayong nasa paligid lamang pala si Ania? Ano nga bang malay niya kung hindi naman naghintay si Gelo sa kanya? Baka bumalik lamang ito roon ngayong oras ng labas niya sa opisina. Paano niya malalaman? Hindi naman siya bumaba para kumain. Nag-padeliver lamang siya dahil tambak ang kanyang trabaho.

At bakit… bakit parang may mali?

Kung ganoon, ang parating kahalikan ni Gelo ay si Hailey? Paano nangyari? Anong nangyayari?

Naguguluhan siya. Si Ania ang parating bukambibig ni Gelo pero bakit si Hailey ang kalaplapang-labi ng binata? At sa mismong harapan pa ni Ania? Alangan namang pumayag si Ania na kahati nito si Hailey kay Gelo? Kung siya ito, hinding-hindi niya ise-share si Gelo.

Sunod-sunod na bumuntong-hininga si Jeanette habang nagmamaneho si Maruki. Pagkuway may naalala.

Bakit ni hindi nito binigyang pansin si Ania kanina samantalang weakness nito ang mga magagandang babae?

Napabaling tuloy ang nagtatakang mukha niya kay Maruki.

“Why?” nagtatakang tanong nito.

“Bakit hindi mo pinansin ‘yung magandang babae kanina?”

Ngumisi ito at napailing-iling. “Mas maganda ka dun. Real beauty pa.”

Napailing na din si Jeanette sa sinabi nito. Naisip niya na ang ibig nitong sabihin ay retokada ang ganda ni Ania. Pinili nalang niyang humilig sa naka-inclined ng passenger seat. Pakiwari niya ay drained na siyang masyado at kailangan na talaga niyang mag-recharge.

NAALIPUNGATAN si Jeanette ng maramdaman ang tila mainit na hininga sa kanyang leeg. Bigla siyang napamulat para lamang magulat sa napakalapit na mukha ni Maruki sa kanya. Hindi niya alam kung nasaang parte ng Maynila na sila naroroon. Masyadong madilim ang eskinita na kinahihintuan ng sasakyan ni Maruki. At wala din siyang makitang tao na posibleng nagpapakalat-kalat sa paligid.

Bigla siyang naalarma!

Nakatulog pala siya habang sakay ng kotse nito tuloy ay hindi niya nalaman kung saan na ba siya nito dinala. Itinulak ni Jeanette si Maruki palayo sa kanya. Kaunting-kaunti nalang kasi at mahahalikan na siya nito.

“Ano bang ginagawa mo?” maingat at naaalarmang tanong niya maski nahuhulaan na naman niya ang tangka nitong gawin. “At saka, nasaan ba tayo? Hindi naman ito ang daan pauwi sa amin.”

“I thought, we need privacy that’s why were here.” Tugon ni Maruki.

“Privacy?”

Bakit naman nila kakailanganin ng privacy.

“Come on, Jeanette. Stop playing hard to get.” Nakangisi pang sabi nito. “Alam ko naman na nahihiya ka lang aminin sa akin na gusto mo rin ako. Nagpapakipot ka lang at malamang na nag-iingat dahil baka mapag-tsismisan ng mga kasamahan sa trabaho. But don’t worry. Kung gusto mo ng secret commitment, okay lang sa akin. We’ll do the thing in such private place.”

Nanlaki ang mga mata niya dahil sa mga pinagsasasabi nito. “Thing? Anong thing?”

“Things like this.” Nagtangka na naman itong lumapit sa kanya. At muli ay itinulak niya ito palayo. Gusto niyang mangilabot sa kung anumang nais nito. Gusto niyang mandiri maski hindi naman nakakadiri ang amoy o hitsura nito. Hindi niya lang gusto ang mga iniaasta ng kanyang boss. Mas masahol pa pala ito sa inaakala niya.

Manyak!

“Mr. Gonzalo, boss ko po kayo at wala po akong anumang romantic interest sa inyo?” matapang na paglilinaw niya.

Kinapa niya ang handle ng car door sa tabi niya para buksan ang pinto pero naka-lock iyon.

“Talaga?” Ngumisi ito. Ngising demonyo! “Nagpapakipot ka lang eh. Hindi ba’t nang tantanan na kita sa pag-aaya ko sayong lumabas at makipag-date ay ikaw naman ang lumapit sa akin at pasimpleng nagpakita ng interes.”

Nag-igkasan ang mga kilay niya. Kelan nangyari ang ganoon? Wala siyang matandaan.

“Kunwari ay hihingi ka sa akin ng invitation para makapag-bakasyon kayo ng pinsan mo sa Costa Galaxia pero ang totoo ay binibigyan mo lang ako ng hint na handa ka nang makipagmabutihan sa akin. Ilang beses mo nga akong tinanggihan sa pagyayaya ko sayo sa Costa Galaxia at nang magsawa na ako sa kakaaya ay saka ka kumilos. Ginawa mo lang dahilan ang pinsan mo para hindi gaanong obvious. Now—”

“Excuse me, Mr. Gonzalo? Wala akong planong ganyan. Isa pa, hindi ko ugali ang magpakipot. Kung gusto ko ay ‘go’ agad.”

“Kung ganon, gawin na natin.”

Nagsimula na namang lumapit sa kanya si Maruki. Nahihintakutang itinulak niya ito palayo subalit dahil mas malakas ito sa kanya ay nagawa siya nitong kabigin at pigilan sa pagpupumiglas. Napatili siya!

Ano nang gagawin niya? Hindi siya makakalabas ng kotse dahil naka-lock ang passenger door. Isa pa ay wala namang tao sa lugar kaya’t imposibleng may makakita sa kanila. At kung walang tutulong sa kanya ngayon, posibleng mawala sa kanya ang bagay na pinakaiingat-ingatan niya.

Hindi pwede!

Bago pa man tuluyang lumapat ang mga labi ni Maruki sa kanya ay nakarinig na sila ng malakas na ingay mula sa likuran nito. Iyon ang nakapagpahinto rito sa pagtatangka nito. Noon din lang niya natuklasan na may bumasag ng bintana ng kotse ni Maruki sa mismong tapat nito.

Hindi na niya nasundan ang bawat pangyayari dahil ang sumunod na niyang nakita ay ang paghila rito ng kung sino, palabas ng sasakyan nito. Napalapit siya sa nabuksang pinto ng kotse at natuklasan kung sino ang matapang na lalaking tumutulong sa kanya ngayon.

Nahinto siya sa tangkang pagbaba. Tadyak, suntok at bugbog ang inabot ng manyakis niyang boss kay Gelo. Hindi lubos akalain ni Jeanette na ganoon pala kalakas si Gelo, lalo na kapag ganitong… galit ito!

Oo, matinding galit ang nakikita niya mula sa mga mata ng binata habang nakikipagbuno ito sa nagtatangka pa ding lumaban na si Maruki. Ang hindi niya lamang maunawaan ay kung paanong naroroon rin si Gelo ng mga sandaling iyon.

Nang hindi na makagulapay si Maruki ay binalingan siya ni Gelo. Mula sa matinding galit ay napalitan ng matinding pag-aalala ang laman ng mga mata ng binata. Mabilis na inalalayan siya ni Gelo na makababa sa sasakyan nito. Kasabay noon na naririnig niya ang sirena ng sasakyan ng mga police.

“Okay ka lang ba? Anong ginawa niya sayo?” Sinipat pa siya ni Gelo mula ulo hanggang paa at ininspeksyon kung may anumang galos sa kanyang katawan.

“I-I’m fine.” Magkahalong takot, kaba at pagtataka na tugon niya.

“Let’s get out of here. Sila na ang bahala diyan.” Binalingan nito ang mga pulis na rumisponde at tinanguan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.