GF Trilogy Chapter 23

“Sir, Ma’am. Kailangan po namin ng statement niyo para sa pagpapa-blotter rito.” Sabi ng isang pulis na nilingon ang ngayo’y inaaresto nang si Maruki.

“Susunod nalang kami sa prisento. She badly needs time to relax. So, please. Give us a moment.” Pakiusap naman ni Gelo.

Nang tumango ang pulis na kausap ni Gelo ay saka naman siya nito iginiya palapit sa kotse nito. Nakaalis na at lahat ang mga pulis pero naroroon pa rin sila ni Gelo sa loob ng kotse nito, di kalayuan sa iskenita na pinasukan nila ni Maruki. Matapos siyang bigyan ng tubig ng binata ay wala na maski isang salita na lumabas sa mga bibig nila.

“Ikaw naman kasi! Bakit ka ba sumama-sama pa sa lalaking iyon? Winarningan na kita, hindi ba? Sinabi ko na sayong mag-ingat ka sa kanya.” Tila nagsesermon na hayag ni Gelo matapos ang ilang sandali.

Gayunpaman, maski pinagtataasan siya ng boses ni Gelo ay nahihimigan pa din niya ang matinding pag-aalala mula rito.

O baka, imahinasyon niya lang iyon dahil iyon ang gusto niyang maramdaman.

“Hindi naman siya dating ganyan.” Pangangatwiran niya. “Oo nga at parati siyang nagyayaya sa akin na makipag-date. Nanliligaw din siya dati at lagi ko siyang nire-reject. And I thought his over with me. Hindi na rin naman siya gaanong nangungulit. Kailan nalang ulit.”

Pumalatak ito. “Dahil akala niya, nagpapakipot ka lang. At nang humingi ka sa kanya ng invitation papasok sa Costa Galaxia, iniisip niya na nagpapakita ka ng motibo. Kahit naman siguro sinong lalaki na parati mong tinatanggihan at isang araw ay lalapitan mo, iisipin na nagbago na ang isip mo at papatol ka na din.” Pangangatwiran nito.

Alam niyang hindi nito gustong ipagtanggol ang kabaro pero pinapaliwanag nito sa kanya ang consequences ng mga maling aksyon niya noon na sinisingil na ang kabayaran ngayon.

Siguro, panahon na para pumayag siyang tawagin nitong ‘babaeng hindi nag-iisip’.

Napapikit siya ng mariin at isinandal ang ulo sa head rest. Anong oras na kaya? Baka nag-aalala na ang kanyang ina sa kanya. Kailangan pa nilang pumunta sa presinto at magpa-blotter…

Bigla siyang napaunat sa pagkakaupo!

“Paano na? Mawawalan na ako ng trabaho!” Bulalas niya.

Nagtagisan ang mga bagang ni Gelo. “Bibigyan kita ng trabaho, huwag ka nalang muling bumalik sa boss mo na iyon!” Napabaling siyang bigla rito. “Huwag mo akong tingnan ng ganyan.” Anito.

“Nagbibiro ka ba? Hindi ko linya ang pag-aalok ng insurance!”

“Sino bang maysabi na gagawin kitang insurance agent? Ikaw nalang ang mag-manage ng isang branch ng café ko dito sa Maynila, tutal hindi ko na din iyon gaanong naaasikaso.”

“May café ka?” manghang tanong niya rito.

“Yes, I have five branches of café and restaurants here in Manila, Quezon City and Makati. Mas madalas nga lang akong tumao sa café kung saan nabuhusan mo ako ng yogurt shake mo.” Napamaang na naman siya sa sinasabi ni Gelo. Hindi niya alam ang bagay na iyon.

“Kung gusto mo naman, mag-abroad na lang tayo. Since ako muna ang acting big boss, ikaw naman ang papalit kay Ania bilang executive assistant sa real estate business ng tito niya. And actually, my stepfather.” Hayag nito na ikinalaglag ng panga niya.

Ang ibigsabihin ay girlfriend nito ang pamangkin ng stepfather nito? O baka si Hailey lang ang girlfriend nito dahil iyon naman ang lagi niyang nakikitang kahalikan nito?

At sino naman ito para manduhan siya sa mga dapat niyang gawin?

“Excuse me? Sino ka ba para—”

“I’m Angelo Martinez Benson. Since kilala ako ng lahat bilang isang Martinez na may mga accomplishment na sa buhay, handa na akong tanggapin ngayon ang alok na pangalan ng step dad ko. Isa pa, kailangan din iyon para sa pagiging successor ko sa business niya. So, finally, I’ll officially use my stepfather’s name. And I will give it to you also… soon. Very soon.” Makahulugang banat nito sa kanya na lalong nagpapagulo sa utak niya.

Para bang napakadami na nitong binuong plano kasama siya na ni hindi man lamang siya kinonsulta.

“Okay,” bumuntong-hininga ito nang walang makuhang reaksyon sa kanya kundi pagkamangha. “Kung masyado kang nabibilisan, magsimula tayo sa simula. Kailangan muna nating magkakilala, tapos, liligawan kita, kahit gaano katagal. At kapag sinagot mo na ako, deretso na tayo sa engagement and then—”

“Teka lang! Teka lang!” pamamatlang niya sa mga pinagsasasabi nito.

Pakiramdam niya ay nakasakay siya sa roller coaster at sa sobrang bilis ng pag-ikot ay wala na siyang maunawaan.

“Anong pinagsasasabi mo? At paano ka naman nakakasigurado na sasagutin kita?” mataray na sita niya kay Gelo.

“Hindi kita tatantanan hangga’t hindi mo ako sinasagot. Isa pa, alam ko naman na hindi na ako mahihirapan dahil alam ko na ang damdamin mo. You like me too. And maybe, you already love me.”

“How could you—”

Bago pa man niya mapabulaanan ang mga sinabi nito ay mabilis na nitong naangkin ang kanyang mga labi. Dahil sa pagkabigla at idagdag pang sabik na sabik na rin siya rito ay hindi niya napigilan ang tugunin ang mga halik nito.

“You already gave me your answer, sweetheart.” Kumikinang ang mga matang saad ni Gelo.

Hindi niya nagawang makaangal. Paano pa niya gagawin iyon kung ang sarili na niyang katawan ang nagtatraydor sa kanyang damdamin?

“Gelo, bakit mo ba ginagawa ito?” seryoso nang tanong niya na hindi ito magawang tingnan ng mata sa mata.

Natatakot kasi siya na baka ang lahat ng mga sinabi nito ay paraan lamang nito para mahimok siya sa mga gusto nito. Remember, he is an insurance agent also. Paano kung para-paraan lamang ang lahat ng iyon para mapa-oo siya sa mga gusto nito? May Ania at Hailey pa nga sa buhay nito at heto siya, pinipigilan ang sarili na magtiwala sa panghihimok nito.

“Are you really asking me?” Tila gusto nitong maghurumentado nang tumango siya. “I can’t believe it! Tanga ka ba o manhid ka lang talaga? I love you, Jeanette! Hindi ako magkukumahog na makabalik kaagad sa bansa maski kailangan pa ako sa business ng stepfather ko roon sa US para lang makita ka na!”

Kung ganoon ay nasa US ito kaya isang linggo muna ang lumipas bago niya naramdaman muli ang presensiya nito?

“Hindi ako magpapakahirap na magpadala sayo ng pagkain sa oras na dapat ay kumakain ka na kung hindi ako nag-aalala sa kalusugan mo. Hindi ako magpipilit na makausap ka maski nagmumukha na akong tanga. At higit sa lahat, hindi ko aabalahin ang sarili ko hanggang hating-gabi na nasa tapat ng bahay ninyo, nangangawit na makontak ka para makausap ka, kung hindi kita mahal at kung hindi ko gustong mapasaakin ka! Sa akin lang at wala ng iba pa! Mahal kita Jeanette! Kung tatanungin mo ako kung kailan nagsimula. Hindi ko rin alam ang sagot. Siguro, noong unang araw na nakaharap kita, o noong araw na binuhusan mo ako ng yogurt shake, o pwede ring noong mga sandali na nakasama kita sa Costa Galaxia. Hindi ko alam! Basta ang alam ko lang, mesirable ako kapag wala ka sa paligid ko. Malaking bagay ang nawawala sa akin kapag hindi kita kasama. Sa buong panahon na na-achieve ko na ang goal ko sa buhay at inaakala ko na fulfilled na ako, hindi ko naramdaman na may kulang pa. Until you pop into my life. Bigla kong na-realize na may isa pa rin pa lang kulang sa akin. And it is to love and be love by you.”

Nabingi lang ba siya sa revelation nito o talagang narinig niya ang lahat ng magagandang bagay na iyon mula sa bibig nito? Nakakataba ng puso ang lahat ng iyon at aaminin niyang halos lumipad na sa alapaap ang puso niya sa matinding kaligayahan matapos ang mga ipinagtapat nito. Pero bakit, parang may mga butas pa din na hindi pa natatakpan.

“Nakakainis ka!” Bulalas niya.

Gusto na naman niyang maiyak matapos maalala ang mga katanungan patungkol kay Ania na hindi pa nasasagot. At paano ba masasagot iyon kung hindi siya magkakalakas ng loob? Kung hindi ngayon, kailan pa? Hindi naman pwedeng parati nalang siyang natatakot alamin ang totoo. Kahit ikamatay ng puso niya, kailangang marinig na niya mula rito ang tungkol roon. “Pinapahirapan mo lang ako sa mga ginagawa mo. Ang hirap-hirap mo kayang iwasan! Tapos, lapit ka pa ng lapit, eh hindi ka naman na dapat lumalapit sa akin. Hindi ako option Gelo, at ayokong manatiling option mo lang. Ayokong—”

“Ang ipinakikipag-usap ko sayo ay ang pagse-settle down at pagbibigay sayo ng pangalan ko pero iniisip mo pa rin na gagawin lang kitang option? How could you?!” masama ang loob na sumbat nito sa kanya. “At paanong magiging option kita eh ikaw ang number one sa priority list ko? Hindi bale na hindi ko mabigyan ng oras ang ibang bagay basta maayos ko ang tungkol sa atin, basta masigurado ko na walang aagaw sayo sa akin.”

“At paano naman si Ania o si Hailey mo?! At ang iba mo pang tropeo na hindi ko pa nakikilala?” angil niya rito.

Umawang ng malaki ang bibig nito na tila hindi makapaniwala sa inilabas ng bibig niya. Ilang sandali pa at bumunghalit na ito ng tawa.

“Are you jealous of Ania? And Hailey? How?” nakakalokong ngumiti si Gelo.

Napatungo naman siya. Hindi niya napigilan ang mapaluha. Bakit ba parang ginagawa lamang katatawanan ni Gelo ang mga seryosong bagay para sa kanya? Nakakainis talaga ang walanghiyang ito!

Naramdaman ni Jeanette ang mga kamay ni Gelo sa pisngi niya at marahang iniangat ang mukha niya. Pagkuway pinaulanan nito ng maliliit na halik ang pinaglandasan ng mga luha niya.

“You don’t have to be jealous of Ania, sweetheart. Pamangkin siya ni Daddy, come on.” Pang-aalo pa nito.

“Pero hindi mo siya totoong pinsan. You are not really related to each other. Pwede kayong…” Hindi niya itinuloy ang sasabihin. Kinakain ang puso niya ng matinding selos at hindi maatim ng mga labi niya na bigkasin ang mga kasumpa-sumpang salita!

“Of course not! My God, Jeanette! Bakit sa dinami-dami ng pwede mong pagselosan, si Ania pa?”

“At sino pa? Ang ganda-ganda niya. Para siyang nabuhay na manika! Isa pa, bukod sa akin ay siya lang ang alam ko na dinala mo sa float mo—in your private sanctuary! Sa palagay mo, hindi ako dapat na magselos sa kanya? O sige, kay Hailey din. Hindi ba ako pwedeng magselos sa kanya dahil sa tuwing magkikita yata kayo, wala na kayong ibang ginawa kundi ang maghalikan!”

Pinaghahampas niya ito sa dibdib sa kawalan ng maisip gawing ganti rito sa pananakit nito ng damdamin niya. Kapag nagkakaharap sila, kahit na anong selos niya sa mga babae nito ay hindi niya magawang ilabas dahil alam niyang wala naman siyang karapatan. Pero sa ginagawa nitong panlalandi at paglapit sa kanya, idagdag pa ang pambobola at pagpapasakay, siguro naman, may karapatan na siyang magalit at sumbatan ito dahil alam niya ang totoo. Nakikita niya ang mga ebidensiya ng paghihinala at pagseselos niya.

Nang mapagod siya sa ginagawa ay umiyak nalang siya. Kinabig naman siya ni Gelo palapit sa katawan nito at niyakap.

“Hindi ko kayang pumasok sa relasyong may kahati ako, Gelo. Hindi ko din alam kung kakayanin ko pang muling may makaharap na isa pa sa mga tropeo mo. Ayoko ding mabilang sa kanila. Kaya kung ihehelera mo din lang ako sa kanila, ngayon pa lang, tantanan mo na ako dahil hindi ako papayag. Huwag nalang.” Sa gitna ng pag-iyak ay hayag ni Jeanette.

Gelo let out a frustrated sigh. “Just to clear things out, sa kapatid ko ang float na iyon. At hindi rin ako ang nagdala kay Ania roon? Bakit ko gagawin iyon? Baka mamaya, sapian iyon ng demonyo at gahasain ako?” tila nahihintakutang sabi ni Gelo. “Minsan lang nakarating sa float ni Lester si Ania. Iyon ay nang magbakasyon siya sa Costa Galaxia ng isang linggo. Pinahiram sa kanya ni Lester ang float. After a week ay lumayas na ng tuluyan si Lester at ipinasa na sa akin ang float. Magmula noon ay hindi na muling nakatapak si Ania sa float kapag umuuwi siya ng Pilipinas at nagpupunta sa Costa Galaxia dahil sa hotel siya tumitigil dahil nga magkasama sila ni Hailey. And Hailey is his bestfriend na wala yatang ibang alam na ipang-bati kundi halik.”

‘His?’

“I was just being gentleman. Kahit American girl si Hailey ay hindi ko naman siya kayang bastusin sa pamamagitan ng pagtataboy sa kanya palayo sa akin. Hailey was just a friend. Kung anuman ang nakikita mo ay wala iyong ibang ibigsabihin. Hindi mo lang kasi ako binibigyan ng pagkakataon na magpaliwanag. Lalo na ang patungkol kay Ania. Nang unang puntahan kita sa bahay ninyo ay magpapaliwanag sana ako kung bakit kailangan kong sumama kay Ania at para mamaalam din pero ang init-init ng ulo mo kaya bago pa ako mahuli sa flight ko ay nag-short cut na ako. Kinuha ko na ang goodbye kiss ko nang hindi tayo nagkakalinawan. At, diosko naman, Jeanette, magseselos ka na din lang ay sa bakla pa!”

Bakla?

His bestfriend?

Nanlaki ang mga mata niya. Kaya naman pala hindi man lang nagkainteres si Maruki kay Ania. Malamang na alam rin noon ang tungkol sa bagay na iyon.

“Yung gandang iyon, bakla?” Hindi pa din makapaniwalang tanong niya, mas na sa sarili.

“Madaming nagagawa ang medisina at teknolohiya sa panahon ngayon. Lalo pa sa ibang bansa.”

Nililimi pa ni Jeanette ang mga nalaman ng bigla siyang mapahagalpak ng tawa. Na-absorb na niyang tuluyan ang katangahang pumasok sa kukote niya.

“Luka-luka!” bulalas ni Gelo habang panay pa din ang paghagalpak niya ng tawa.

“Ang tanga-tanga ko lang talaga!” sabi pa niya habang panay pa rin ang tawa. Napakaluwag na ng dibdib niya at ang mga luhang lumalabas sa gilid ng mga mata niya ay hindi na dahil sa lungkot at sakit kundi sa kakaibang kapanatagan ng loob ng mga sandaling iyon. All the time, ang inaakala niyang kahalikan nito ay si Ania. At na ang mga halik na iyon ay tanda ng pagmamay-ari rito ng ibang babae. Pero hindi naman pala…

“Can you imagine? I was so jealous of Ania I don’t know how to handle my self and my feelings. I thought she was the one who always kissed you! At nakakasakit sa damdamin ko iyon. Hindi ko pa kasi naramdaman ang magselos ng ganon sa mga naging boyfriend ko, idagdag pa na wala naman nga akong karapatan na magselos dahil wala namang kahit ano sa pagitan natin. Kaya naman, ang ginawa ko, itinulak nalang kita palayo habang maaga pa. Baka kasi hindi ko na magawa iyon kapag nalunod na ako ng tuluyan sa pagmamahal sayo. Alam kong maling mang-agaw at manakit ng kabaro ko pero aaminin kong binalak ko iyon kasi gusto talaga kita. Hindi ko lang talaga magawang sabihin dahil parang ang bilis-bilis ng mga pangyayari. Si Quelvin ang una kong gusto pero nauwi ako sa pagkahulog sayo. And also, it will hurt my pride the moment you’ll discover how I feel pero hindi mo naman magagawang tugunan iyon nang tulad ng nais ko dahil marami akong makakahati sayo, tulad nalang ni Ania.” Napatawa na naman siya matapos mabanggit ang pangalan na iyon. Si Ania ang binabanggit niya pero si Hailey naman ang talagang pinagseselosan niya.

“Bakit ba kasi hindi ka muna nagtanong bago ka nag-isip ng kung anu-ano?” nakasimangot na sita ni Gelo. Mukhang hindi nito gusto ang ideya niya ng paghihinala patungkol rito at kay Ania.

“Paano? Tumawag lang si Ania, nakalimutan mo na kaagad ang tungkol sa akin. Pinili mo pang magpaiwan sa Costa Galaxia dahil sa kanya. Sa palagay mo ba, hindi pa ako dapat na mag-isip ng ibang bagay? Ang pagkakamali ko lang naman talaga roon, naduwag akong malaman mula sa bibig mo na siya ang official girl mo. Hindi ko kakayanin iyon!” Inirapan niya si Gelo nang biglang ngumiti ito ng malapad. Gustong-gusto nito ang mga narinig.

“May mahalaga kasi kaming pag-uusapan nang araw na iyon. Tungkol siyempre sa business ni Daddy. They badly needed me there kasi naospital si Daddy at kailangan ng papalit sa pwesto niya. Dahil wala si Lester, napilitan talaga akong akuin ang iniwan ng kapatid ko. Kaya nga isang linggo akong nasa US. Kung alam mo lang, gustong-gusto ko nang umuwi dahil bukod sa gusto na kitang makita at makasama, nag-aalala ako sa pwedeng maging aksyon ni Gonzalo. Kilala ko ang likaw ng bituka noon. Mabuti na nga lamang at nang magpasya na iyong kumilos ay nakabalik na ako dito sa bansa.” Nagtiim na naman ang mga bagang nito. “Gusto ko nga palang malaman mo Jeanette na hinding-hindi kita papayagan na bumalik sa trabaho mo. Iniingatan lamang kita, huwag ka nang makikipagtalo pa.”

Napangiti na siya ng malapad. Para siyang ipinaghehele ng mga salita nito. “Sino bang maysabi na balak kong bumalik roon? Di ba’t sinabi mo na mag-a-abroad nalang tayo?”

“Are you serious?” Nanlalaki ang mga mata na untag nito sa kanya.

“Of course. Pero bago iyon ay madaliin na natin ang starting over again plan mo. Ulitin natin ang lahat, minus the ‘away-thing.” Nakangising saad niya.

“Away-thing? Hindi pwedeng alisin iyon!” demand nito. “Iyon nga ang isa sa napakadaming bagay na nagustuhan ko sayo. Dahil palagi mo akong inaaway, hindi na kita nakalimutan maski sa unang araw pa lang ng pagkikita natin. I’ve been supplying the need of my self to kiss you… in my dreams. Dun lang natutupad ang kagustuhan kong halikan ka.”

“Nakakainis ka talaga!” Bulalas ni Jeanette. “Nakalimutan mo na ba na hinalikan mo ako sa Saturn Cove?”

Tumawa ito ng malakas. “I will never forget that. Binitin mo ako ng sobra at sisingilin kita ngayon ng mahal.”

“Hindi ako ang nambitin kundi ang—”

“Gusto ko lang sabihin na wala akong maski anong bagay na nakalimutan patungkol sayo. Para kang mantsa sa puting-puting damit at napakahirap alisin.”

“Mantsa?”

Sa dami ba naman ng pwede nitong ihambing sa kanya ay bakit mantsa pa?

“Oo, Jeanette. Isa kang hard stain sa utak ko na hindi ko nagawang burahin magmula ng pumasok ka rito. Pinilit kitang alisin pero kahit anong pursige ko ay hindi kita mapawi. So, I decided to deal with you rather than washing you out. Kaya lang, ikaw ang tipo ng mantsa na habang tumatagal ay kumakalat. Mula sa utak ko ay sinakop mo ang puso ko at maging ang buong pagkatao ko. Now, the boring Mr. PlainWhite was perfectly stained by you. Hindi na kita kayang alisin at wala akong balak na alisin ka pa. I will always wear the stained Mr. PlainWhite dahil para sa akin, ikaw ang pinakamagandang mantsa na nangyari sa buhay ko.”

“Paano naging maganda ang mantsa?” Nakasimangot na salungat niya.

“Masyado kang pessimistic. Why don’t you look at the positive side? Ang mga plain white shirt ay minamantsahan pa ng mga colorful tint to make them look beautiful. Ang boring naman nga kapag purong puti lang. The plain white shirt was me and the colorful stain was you. You bring color into my boring life, Jeanette. Sa kabila ng halos perfect ko nang buhay ay hindi ko pa naramdaman ang kaligayahan na naramdaman ko nang magsanga ang mga landas natin. You baffles me, you drive me crazy… pero sa kabila ng lahat ng iyon, you still made my day, Jeanette. You make me feel alive. You make me laugh and I don’t know if I can still live my life the way it is kung hindi na kita kasama sa pagbuo ng mga araw, buwan at taon sa buhay ko.”

Kung may hihigit pa yata sa salitang napakasaya ay iyon na ang nararamdaman niya. She was so happy she didn’t know how to express it. So she just hold his face and plant little kisses on it. And finally, claimed his lips in the most passionate kiss she knew.

“I’ve been with so many guys. I’ve fell in love not just thrice, many times, but I never felt completely happy and alive until I met you. Hindi man ikaw ang unang nagustuhan ko, Angelo, pero alam ko, sa kaloob-looban ng puso ko, ikaw nalang ang una at huling lalaki na mamahalin ko ng ganito katindi.”

He then laid down his lips on hers. Duda siyang makakarating pa sila sa presinto para magpa-blotter. Sa sobrang sarap ng pinagsasaluhan nila ay baka hindi na sila matapos pa.

WAKAS

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.