GF Trilogy Chapter 24

NAGLALAKAD sa mahabang pasilyo ng main building ng university si Vincent habang nakikinig sa music ng kanyang ipod nang malaglag sa tapat niya ang ID ng kung sinong kasalubong niya. Kahit naman ganoong abala siya sa pakikinig sa ipod ay aware pa din siya sa mga nangyayari sa paligid.

Pinulot ng binatilyo ang ID at napakunot-noo matapos mabasa ang pangalan ng estudyanteng nagmamay-ari noon.

Ellery Mendrez.

Sikat sa unibersidad si Ellery. Paanong hindi? High school pa lamang ito ay mabangong-mabango na ang pangalan sa showbiz. Mga piling commercials at branded na produkto lamang ang iniindorso nito. Ayon sa mga interviews sa mga magulang nito, hindi pa daw pinapayagan ang anak na tumanggap ng maraming endorsements at projects dahil mas mahalaga ang pag-aaral nito.

Ang ina ni Ellery ay kilalang international fashion specialist at ang ama ay isa sa pinakamayayamang negosyante sa bansa. Nakakasalamuha niya si Ellery sa maraming special gatherings ng mga kilalang tao dahil nasa alta-sosyedad rin naman ang pamumuhay niya. Iyon nga lang, tila hindi naman siya nag-e-exist sa napakakulay at marangyang pamumuhay ng dalagita. Ni hindi siya nito kilala at nilalagpas-lagpasan lang siya nito sa mga okasyong pareho nilang dinadaluhan. Kilala niya ito pero hindi siya nito kilala. Hindi siya nito natatandaan maski minsan na silang nai-introduced sa isa’t-isa sa isang okasyon.

He adores her. She’s the most beautiful girl he’d ever laid his eyes. And the most snobbish girl he’d ever met. Ang tangka niyang pakikipagkamay sana rito nang i-introduced sila sa isa’t-isa ay hindi natuloy dahil agad itong nagpaalam matapos lapitan ng kapwa modelo at hilahin palayo. Right then, naisip niyang iba talaga ito. Karamihan sa mga babaeng nasa edad niya, hindi palalagpasin ang makadapara-palad siya. Pero si Ellery ay hindi man lang siya pinag-ukulan ng pansin.

“Miss? ‘Yung ID mo.” Tawag-pansin ni Vincent kay Ellery. Hindi pa naman ito gaanong nakakalayo. At nasaan ang alalay nito?

Sa unibersidad nila na pulos mga nagmula sa mayayamang pamilya, isa ito sa parating may nakabuntot na alalay. Para itong prinsesang nagmula sa isang royal family na hindi pwedeng madumihan o mahirapan sa bawat pagkilos. Asta-premadonna ito sa unibersidad at ang mga simpleng hiling nito sa founder ng unibersidad ay tila nagiging royal order. Paanong hindi? Inaanak ito ng founder ng paaralan at napakalaki ng donation ng pamilya nito roon.

“Miss?!” untag niyang muli nang hindi ito lumingon. Subalit parang wala pa ding narinig ang babae. “Ellery Mendrez! You dropped your ID.” Naiinis na sigaw niya.

Kung bakit ba naman kasi nagpapakamabuting estudyante pa siya, ganitong wala naman yatang pakialam ang may-ari sa naihulog nitong gamit?

Lumingon si Ellery kay Vincent. Iniangat naman niya ang ID nito para ipakita iyon. Hindi ito natinag sa kinatatayuan at nakakabwisit na nag-effort pa talaga siyang lumapit sa isnaberang babaeng ito.

Maybe because, he had a crush on her even he knew how snobbish she was. At ano ang nakakagulat? Halos lahat ng lalaki sa unibersidad ay nasisilaw sa angking ganda ni Ellery. At hindi naman siya exception sa mga iyon. Even he was charmed by her.

“It is yours.” Saad niya at inilahad ang ID sa harapan nito.

“No, it’s not mine.” Ni hindi iyon pinagkaabalahang abutin ni Ellery.

Nagsalubong ang kilay niya at hinablot ang headset ng kanyang ipod. Baka kasi nabingi siya. O... Malabo ba ang mga mata nito? May pangalan nito ang ID at may larawan din nito. Bakit nito itinatanggi na pagmamay-ari nito ang gamit na iyon.

“Ano?”

“Sabi mo, naihulog ko na iyan, hindi ba?” Humalukipkip ito. “Kapag naihulog ko na ang isang bagay, hindi ko na pinupulot. Madumi na kasi. Sayo nalang kung gusto mo. Magpapagawa nalang ako ng bago.” Hinubad nito ang ID lace at iniabot sa kanya. “Sayo na rin iyan. Remembrance.” She smiled at him. At ang lahat ng pagkainis niya sa kayabangan nito ay dagling napawi ng napakagandang ngiting iyon.

Gusto niyang tadyakan ang sarili matapos muling makalayo ni Ellery. She was so full of herself. How could he still adore her in that nasty attitude?

Wala sa loob na isinilid niya sa bulsa ang ID at ID lace. Dapat ay itinatapon na niya iyon dahil nakakabwisit ang may-ari. Pero hindi niya maatim na basurahan lamang ang makikinabang sa magandang larawan na naroroon sa ID.

So, he’ll just keep it himself.

Napailing siya sa sarili. Ganoon ba talaga kapag nagkaka-crush? Kahit gaano kasama ang ugali ng crush, hindi pa din magbabago ang paghangang damdamin na inilalaan niya para rito?

“Vince!” napalingon siya sa tumatawag. Ang kinakapatid at second cousin niya na si Quelvin ang nalingunan niya. Inaanak ito ng Daddy niya at magpinsan ang mga ama nila. Close sila nito maski second cousin lamang sila.

Tinapik siya nito sa balikat. “Ano? Ini-snob ka na naman ng crush mo? Ayos ang naisip mong paraan ng pagpapapansin ah?” tatawa-tawang pang-aasar nito sa kanya.

Sinimangutan niya ito. “Ayoko na sa kanya. Ang yabang!”

“Sus, sabi mo lang iyan. Ibinulsa mo nga ang ID niya. Kung ayaw mo na talaga sa kanya, itatapon mo na ang ID niya.” pambubuyo pa nito.

Sa inis niya ay dinukot niya sa bulsa ang ID at ibinalibang sa basurahan.

“Happy?”

Tumawa lang si Quelvin. Gusto niyang lingunin ang basurahan pero pinigilan niya ang sarili. Kakantyawan lang siya ni Quelvin.

“Sina Kyle at Ellery na ba? Bakit lagi silang magkasama?” narinig niyang tanong ng isang babae sa kasama nito. Papasalubong iyon sa kanila.

Biglang lumobo ang tenga niya sa pakikinig.

“Ewan ko. Parang, ang sweet nga ni Kyle sa malditang Ellery na iyon.” Sagot ng kasama nito.

“Nakakainis naman kasi si Kyle. Kawawa lang siya kay Ellery-premadonna. Ako nalang sana ang niligawan niya. Sa akin, siya ang pagsisilbihan ko sa halip na ako ang pagsisilbihan niya.”

“Tss. Tumahimik ka nga Liz. Asa ka pang mapapansin ni Kyle? Alam mo namang kay Ellery lang nakatutok ang atensyon noon lalo’t sa lahat ng lalaking animo aso sa paghabol kay Ellery, kay Kyle lang siya maayos ang pakikitungo.”

“Ibig mong sabihin, sila na nga?”

“Malay? Baka. Bakit maganda ang pakikitungo sa kanya ni Ellery?”

“Paano ba ‘yan, Vince? Mukhang wala ka naman palang pag-asa sa crush mo.” Untag sa kanya ng pinsan.

“Tss. Shut up, Quel! Sinabi ko nang hindi ko na siya gusto. Ang yabang niya, at ayoko sa mga mayayabang!”

“Sinabi mo eh. Tara na sa canteen. Nagugutom ako.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.