"FINE!"
Napangiti sa sarili si Beatrice nang marinig ang pagsuko ng pinsang si Jeanette. Sinasabi na nga ba't mapapayag niya rin ito sa nais niya sa sandaling ilabas na niya ang pinakamagaling na sandata, ang contact number ni Quelvin.
Desidido na siya. Guguluhin niya ang weekend vacation ng talipandas niyang boyfriend at ng bagong babae nito. Pero hindi niya iyon magagawa ng mag-isa. Kailangan niya ng partner in crime. Hindi pwede si Aleika dahil may photo shoot ito bilang modelo. Ito namang si Jeanette ay hindi aprubado ang kanyang plano. Kaya't para mapa-oo ito ay isinuhol niya ang contact number ni Quelvin.
“Cous, sigurado ka ba talaga sa gusto mo? Hindi ba mas malaking kahibangan iyan? Binabalaan kita, iiwan kita sa resort sa sandaling umatungal ka sa harapan ko kapag nakita mo si Kirk at ang babae niya.” di paaawat na banta pa ni Jeanette.
Hindi siya sumagot sa halip ay sinimangutan pa ang pinsan. Nagpatuloy naman sa pangdi-discourage ang bruha.
“You’ll going to hurt yourself. Bakit hindi ka nalang makipaghiwalay, as in now na! Tutal may dahilan ka na at sapat na iyon para hindi ikaw ang lumabas na masama sa relasyon ninyo. Alam ko naman na isang issue sayo ang sasabihin ng mga mutual friends niyo.”
“At sa palagay mo, hindi ako masasaktan kung makikipaghiwalay ako ngayon?” sansala niya.
“Yun na nga! Masasaktan ka rin kahit ano pang gawin mo, so, bakit hindi mo pa gawin ngayon? Hurt yourself now! Broke with him and burst into tears. Siguro naman, after a week ay maayos ka na ulit.”
Pinandilatan niya si Jeanette. Kung magsalita naman kasi si Jeanette, para bang ang gagawin niyang pakikipaghiwalay kay Kirk ay madadapa lang siya at magagalusan sa tuhod. At kapag nalagyan ng antiseptic ay ayos na. Hindi ganoon kadali iyon. Kirk is her first boyfriend, her first love at lahat ng first niya sa pakikipagrelasyon.
“No way! Hindi pa naman sure na tinatarantado niya ako. Gusto ko munang makasigurado. Baka paranoid lang ako.”
Nangako siya noon sa sarili na kapag nagmahal siya, iyon na ang una at huli. Kaya naman ayaw niyang tanggapin na mauuwi lang ang kanilang dalawang taong relasyon sa hiwalayan. Hindi niya pa rin nais tanggapin na kaya siyang lokohin ni Kirk. Mabait ito at responsable. Sa totoo lang ay hindi naman ito basta-bastang lalaki. Edukado ito, may magandang trabaho. VP for Marketing ito ng isang beauty products company. Maski pa may kompanya ang pamilya nito ay nagpilit itong magtrabaho sa ibang kompanya para patunayan ang sarili sa ama. At isa iyon sa nakatawag ng pansin niya. May sarili itong paninindigan. Bukod roon, hindi niya pa ito nabalitaang nag-two time kaya naman panatag ang loob niya na sagutin ang panunuyo nito.
Si Aleika ang dahilan ng pagkakakilala nila. Naging modelo ang kaibigan sa kompanya nina Kirk. Minsan ay isinama siya ni Aleika sa photo shoot nito at eksaktong naroroon rin si Kirk para bisitahin ang photo shoot ng modelo. Ipinakilala sila ni Aleika sa isa’t-isa at doon na nagsimula ang lahat-lahat. Si Aleika ang informant niya sa pagba-background check niya kay Kirk at maging nang magkarelasyon na sila. Kaya nga nang magsimula siyang maghinala ay si Aleika din ang naging tagapagsaliksik niya. Ganoon nalang ang pagsisisi nito na naging tulay ito ng pagkakakilala nila ni Kirk.
‘Don’t blame yourself. Hindi mo naman sinabi na magkagustuhan kami.’
“Ayan ka na naman!” untag sa kanya ni Jeanette. “Akala ko ba ay atat na atat ka nang gantihan ang Kirk na ‘yan? Bakit ngayon, umaasa ka na naman na mali ang hinala mo eh nakita mo na nga sila?” paninita nito.
“I just wanted to give him a benefit of the doubt.”
“Hindi ko alam kung anong dapat itawag sayo, martir o tanga?”
Natahimik at napaisip si Beatrice. Nagiging tanga na nga ba siya sa parating pagbubulagbulagan sa mga ebidensyang nagtuturo sa kanya ng mga maling nangyayari sa relasyon nila ni Kirk?
No! She loves him. Tama lang naman na alamin at kumpirmahin muna niya ang mga hinala kaya’t aligaga siyang i-stalk ang boyfriend. Tutal, ngayon lang naman nangyari iyon. Baka nga napa-paranoid lang siya dahil madaming nagkalat na talipandas sa paligid. Tulad nalang ng mga ex-boyfriend ng mga kaibigan niya. Natatakot lang siya at nag-aalala na baka matulad siya sa kinahantungan ng relasyon ng dalawa niyang kaibigan. Unang nasira ang kay Aleika, sumunod ang kay Jeanette at ayaw niyang sumunod.
Huminga ng malalim si Beatrice at hinarap si Jeanette. “Gusto mo pa bang makuha ang number ni Quelvin o magtatatalak ka nalang diyan? Sige ka, baka maisipan kong ialok nalang kay Myta ang offer.” Ang tinutukoy niya ay ang officemate nito sa pinagtatrabahuhan nitong Steel Corporation. Malapit rin iyon sa mismong target ng usapan nila ni Jeanette. Si Maruki Gonzalo, isa sa mga residente ng Costa Galaxia. “Surely, gustong-gusto noon na magkaroon ng contact number ni Quelvin. Hindi ba’t sinasamba rin noon si Mr. de Luna? Siya nalang ang pakikiusapan—”
“I already said ‘fine’, didn’t I!” yamot na awat nito sa pangte-threat niya.
“So, tutulungan mo na akong makakuha ng invitation papasok sa Costa Galaxia at sasamahan mo ako roon in three days?”
“What else? Baka may gusto ka pang idagdag?” asar na saad nito.
“Wala na.” malapad na ngumiti siya.
I-e-eksakto nilang biyernes ng madaling araw bibiyahe para makauwi din sila ng linggo ng gabi dahil may pasok pa siya ng araw ng lunes. Tuwing biyernes naman ay wala siyang klase. At may mapapagkatiwalaan naman siyang tao sa souvenir shop niya kaya’t wala siyang poproblemahin kung tatlong araw man siyang mawawala sa siyudad.
Tagumpay ang first move. Bahala na itong magdahilan kung paano ito uungot ng invitation kay Maruki para makapasok sila sa loob ng Costa Galaxia. Alam niyang napakalaking pabor ang hinihingi niya sa pinsan. Manliligaw at boss nito ang Fil-Japanese na si Maruki at parati nitong tinatanggihan ang imbitasyon noon na magbakasyon ito sa Costa Galaxia, tapos ay bigla iyong lalapit para humingi ng imbitasyon.
Hindi niya maintindihan ang pinsan kung bakit ba parati itong tumatanggi na pumunta sa Costa Galaxia. Sikat na sikat ang exclusive residential and leisure property na iyon. Sa pagkakaalam niya, isa iyong coastal area sa Batangas na may anim na libong ektarya ang laki at binubuo ng labindalawang cove. Dinevelop iyon ng isang bilyonaryong negosyante na Italyano. Thirty percent ng land area lang ang dinevelop para ma-preserve ang natural wealth ng lugar.
Ipinangalan ang labindalawang coves sa mga planeta at bituin sa Solar system, ngunit hindi tulad ng pagkakasunod-sunod. Ang first cove na tinawag na Sun Cove ang main destination ng mga nagpupunta sa Costa Galaxia at ginawa namang residential area ang kasunod na Cove na tinawag na Earth Cove. Ang sumunod pang sampong cove ay hindi na pinakialaman sa halip ay inalagaan.
At lahat ng magpunta sa Costa Galaxia ay parang mga naeengkanto at gustong-gustong bumalik. Na-curious tuloy siya at minsan nang pinangarap na makatapak sa lugar na iyon kasama si Kirk. Subalit ang talipandas na si Kirk. Nagpunta nga iyon roon pero hindi naman siya ang isinama.
At ngayong makakapunta na siya roon dahil na din rito, magkasamang tuwa at kaba ang pakiramdam niya. Tuwa dahil matutupad na ang pangarap niyang makarating sa pinapangarap na lugar ng napakarami, pero kinakabahan din siya dahil baka sa unang pagtapak niya roon na tinuturing na langit ng lahat ay maging impyerno naman sa kanya.
“COSTA GALAXIA! We’re here atlast!”
Malapad ang ngiting hinubad ni Beatrice ang sunglass habang minamasdan ang napakagandang lugar na iyon sa Sun Cove. Kompleto sa mga recreational amenities ang lugar at ayon sa pamphlets na hawak niya—na iniabot ng isang guide pagkababa nila ng ferry sa ducking area na tinatawag na Galaxia ferry terminal—nasa Earth Cove ang mga residential condominiums at mga hotels pati na rin ang Enchanted Walled Garden. Doon naman sa Sun Cove na una nilang pinuntahan ay ang Beach and Country Club, Pool Complex, Galactic Bar, Restaurants and Cafés, kabilang ang Orange Cup café at Andromenda Lounge na ginagawang event area, Market town o ang one stop shop sa gitna ng Earth Cove at Sun Cove at ang mga walking area at trekking location sa iba pang cove. Pinapayagan ang mga guest na pumasok sa iba pang cove kung mag-e-eco trail or bike trail, bird watching at trekking.
Ngayong naroroon na sila ni Jeanette, hindi siya magkamayaw kung paano at saan siya magsisimula sa mga nais i-enjoy na amenities ng resort. Halos makalimutan na niya ang totoong pakay, pagkababang-pagkababa niya ng ferry kanina. Sa sobrang ganda ng lugar, parang nais niyang isipin na nasa isa siyang paraiso. All things were green, blue and white. Napakaganda sa paningin ng napakalinis na paligid at napakasarap sa pakiramdam ng sariwang hangin.
Maigi nalang at puno ng schedule si Maruki at hindi iyon nakasama sa kanila ni Jeanette. Susunod nalang daw iyon sa kanila sa ikatlong araw nila sa Costa Galaxia. Ini-offer sa kanila ng binata ang condo unit nito pero tinanggihan ni Jeanette. Kukuha nalang raw sila ng hotel rooms.
‘Baka mabaon pa ako sa utang na loob kay Maruki at maging kabayaran pa ay ako.’ Anito sa kanya noong pauwi na sila galing sa pakikipagkita kay Maruki. Maliwanag na hindi nito gusto si Maruki at sa pagkakatanda pa nga niya ay iniiwasan nito ang binata. Dangan at kinulit niya ang pinsan na lumapit ito roon.
“What are those?” napabaling si Beatrice sa tinutumbok ng mga mata ng pinsan.
Hindi niya mapagpasyahan kung mga yate ba ang apat na bagay na naglutang sa malawak na dagat. Pero kung mga yate ang mga iyon, bakit pabilog?
“Floats po ang tawag sa mga iyon. Galaxy Float.” Narinig niyang paliwanag ng guide na nasa likuran lang nila.
“Floats?” nagkaduwetong tanong nila ni Jeanette.
Ngumiti si Missy, ang guide nila. Saka nagpaliwanag. “Pag-aari po iyan ng mga pioneer residents ng Costa Galaxia. Actually, galing pa po iyan sa Italy. Parang mga yate sila na pabilog ang hugis, condo-like ang lay out at nagpapalutang-lutang sa laot araw-araw. Depende kung saan nais papuntahin ng mga may-ari. May retractable submerge po kasi ang bawat float at kung nais po ang view sa ilalim ng dagat ay inilalaot po ang mga float. Siyempre ay depende pa din po sa may-ari. May kanya-kanya po silang pilot na araw-araw ay naroroon para sa sandaling kailanganin ng may-ari ang service nila ay hindi na ipapatawag pa.”
“Luxurious floats!” manghang bulalas ni Jeanette. “Ang yayaman siguro ng mga may-ari niyan. Apat lang sila?”
“So far, apat pa lang po ang nag-avail ng Galaxy Float. May iba pa rin po na nag-i-inquire at under processing pa.” magalang na sagot ni Missy.
“Eh bakit hindi iyan naibalita? I mean, sikat ang Costa Galaxia. Bakit walang naglalabas ng article patungkol sa Galaxy Float?” nagtatakang tanong niya.
“Kasi po, mga pribadong tao ang mga may-ari ng mga floats. Hindi nila basta-basta ipinasisilip ang mga floats nila, minsan, kahit mga relatives nila ay hindi nakikita ang loob ng float. Ang mga pilot naman po nila ay malamang na inabisuhan na huwag maglabas ng information patungkol roon. At siyempre, hindi rin naman po basta-basta nakakapasok ang media rito dahil strict ang security. Kailangan pa nga ng invitation ng mga guest galing sa mga residents rito bago makapasok ang mga guest tulad niyo. At siyempre, parating nasa laot ang mga floats at may security kaya’t hindi napapasok ng kung sinu-sino. Tinuturing po kasi ng mga may-ari na private sanctuary ang mga float nila. Wala pa po akong narinig na may-ari ng float na nagdala ng guest sa kanilang float maliban kay Mr. Benson na ipinaubaya ang paggamit sa kapatid niya. Nasa England po kasi si Mr. Benson at ang kapatid niya ang pinamanahan ng float niya.”
“Ang swerte naman ng kapatid nun.” Nasabi niya habang tinatanaw ang mga nagkalat na float. “Bakit ipinamana? Mamamatay na ba siya?”
Sa pagkagulat ni Beatrice ay napatawa si Missy sa tanong niyang iyon. Iniisip siguro nito na nagbibiro siya. Pero seryoso siya. Sino namang walang magawa sa buhay ang ipapamana ang ganoon kagandang ari-arian kung hindi rin lang mamamaalam na sa mundo?
“Hindi ko po alam. Pero ang kapatid na po ni Mr. Benson ang nag-e-enjoy ng lahat ng membership niya rito. Katunayan, ngayon din po iyon uuwi rito. Tuwing rest day noon sa trabaho.”
“Ang sarap talagang maging successful at maging mayaman. Katulad ng mga gurang na may-ari ng mga floats na ‘yan. Malamang, ‘yung mga asawa o kabit lang nila ang isasakay nila sa mga floats nila.” Saad naman ni Jeanette na napaismid pagkuway buong paghanga na minasdan ang mga naglutang na mga Galaxy Floats.
“Naku, Ma’am! Mali po kayo.” Sambit ni Missy.
Napabaling silang sabay ni Jeanette sa guide.
“What do you mean?” tanong niya.
“Hindi pa po matatanda ang mga may-ari ng mga floats. Katunayan, mga bachelors po sila. Mga sikat na bachelors ng bansa.”
Napanganga siya. Ganoon kayayaman ang mga pioneer residents ng Costa Galaxia na magtatapon ng malaking pera para sa luxurious floats? Sigurado siyang milyones ang halaga ng mga iyon. Iyon na yata ang pinaka-latest version ng yate, hindi lang sa bansa. Baka iilang tao pa lamang sa buong mundo ang nagmamay-ari ng ganoong klase ng yate. Hindi pa naman nga kasi siya nakakarinig ng patungkol sa floating resort na parang yate. Ngayon pa lang. At oo, mukhang floating resort nga ang Galaxy Float. Dahil ang isang float na paharap sa kanya ay kitang-kita niya ang lay-out ng upper deck. Mini-resort ang lay out noon.
“Seriously?” di makapaniwalang tanong ni Jeanette. “Hindi pa sila mga gurang? Talagang mayayaman lang or mga anak mayaman?”
“Mga successful at accomplished persons sa kanilang mga linya. Alam niyo Ma’am, tatlong taon na po ako dito pero ni minsan ay hindi pa po ako nakasilip sa loob ng kahit aling float. Nakakainggit nga po ang mga pilot. Enjoy na enjoy nila ang Galaxy Float. Sa pagkakaalam ko, hanggang anim na katao lang po ang kayang i-accommodate ng isang float.” Tila naiiinggit na nanghihinayang na pagbibida nito.
“Yaan mo Missy. Kapag naging ‘jowa’ ko ang isa sa mga may-ari niyan, ire-request kong pasilipin ka.” Pagbibiro ni Jeanette.
“Ay, Ma’am, seryoso ‘yan ah? Huwag niyo pong kakalimutan ang promise mo saken.” Pakikisakay na rin nito.
Tinapik niya sa braso si Jeanette. “Ambisyosa ka, cous.”
“Malay mo naman di ba? Teka, Missy. Ituro mo sa akin kung sinu-sino ang mga may-ari, ha-hunting-in ko.” Dagdag pa ni Jeanette.
Napailing nalang siya sa paghaharutan ng dalawa. Pinili niyang magmasid sa paligid ngunit agad na may nahagip ang kanyang mga paningin. Medyo malayo ang mga iyon at hindi niya sigurado kung tama ba ang nakita niya. Hahakbang n asana siya palapit roon dahil biglang pumasok sa kanyang nahihibang na isip ang totoong pakay nila sa lugar nang may humablot sa braso niya.
“Saan ka pupunta? Ihahatid na tayo ni Missy sa hotel.” Saad ni Jeanette.
Nilingon niya ito. “Nakita ko kasi si…” Bumaling siya sa lugar na pinagkakitaan kay Kirk pero wala na ito roon. Kahit saan siya lumingon ay hindi niya mahagilap maski anino ni Kirk.
“Sino? Si Kirk?” mukhang nabasa ni Jeanette ang ekspresyon niya. “Leave it be. Mamaya natin siya ha-hunting-in. Tsaka nababaliw ka na ba? Bakit ka magpapakita eh di ba’t huhulihin natin siya? Baka biglang umuwi ‘yan, mabubulilyaso ang plano.”
Napatango at napasunod nalang siya sa pinsan ng akayin siya nito papuntang Earth Cove.