“SIGURADO kang kaya mo itong patakbuhin?”
Kasalukuyang naroroon sina Quelvin at Beatrice sa pilot deck ng de Luna Float na pag-aari ng una. Hindi na niya ikinagulat na isa ito sa mga nagmamay-ari ng float ngunit ang labis niyang ipinagtataka ay kung bakit siya nito isinama roon? Parang napakabuti naman nitong tao para patuluyin siya nito sa private sanctuary nito para maaliw at makalimot sa nangyari kanina sa bar. Sino lang ba siya para maging napakabuti nito sa kanya? He doesn’t have to be this concerned and kind to her.
Maliban sa pangalan at kaunting personal information na isinulat niya sa information sheet na ibinigay sa kanya nito noon sa opisina ng life savers ay wala na itong ibang alam sa kanya. At maliban din lang sa pangalan at posisyon nito sa buhay ay wala na din siyang alam patungkol rito. Ni hindi sila magkaibigan. Nagbalak pa nga siyang gumawa ng mitsa ng kahihiyan nang planuhin niyang mag-refund. Tapos ngayon ay naririto sila, magkasama sa float nito?
“Trust me. Naturuan na ako ni Karl kung paano patatakbuhin ang float ko.” Ang tinutukoy nitong Karl ay ang float pilot nito na kaaalis lang. Nagpaalam iyon sa binata na may emergency. Hindi naman mahirap kausap si Quelvin kaya’t pinasabay na nito iyon sa speed boat na sinakyan nila kanina. “So, hindi ka dapat mag-alala kung walang magmamaniobra para sa atin.”
May kung anu-anong pinindot si Quelvin sa pagkarami-raming buton sa harapan nito. May observation screen na nahahati sa lima. Mga CCTV iyon sa apat na paligid ng float at ang ika-lima at nasa gitna ay ang CCTV para sa observation capsule o ang re-tractable submerge.
“Ayan, okay na. Maganda ang view sa ilalim. Halika na.”
Nagmamadaling umalis ito sa pilot seatter at hinila siya patungo sa kung saan. Nadaanan nila ang kitchen, mini bar at isa pang pinto na marahil ay bed room. Pumasok sila sa isang pinto at ang kasunod na noon ay ang spiral staircase pababa. Ganoon nalang ang pagkagulat at pagkamangha niya pagkababa nila ni Quelvin sa submerge ng float. Yari iyon sa makapal na glass enclosure o maaaring fibre glass kaya’t maliwanag na nakikita nila ang kung anu-anong nasa ilalim ng dagat dahil na rin sa liwanag mula sa fluorescent lights.
Napakaganda ng buong paligid. Pakiwari niya’y nasa isa siyang napakalaking aquarium na tulad ng sa Ocean park. Ang pagkakaiba nga lamang, mas madami ang mga isda at lamang dagat. Mas natural ang view sa paligid. At higit sa lahat, mas exciting. Hindi paulit-ulit ang mga species na makikita. Hindi mo mahuhulaan kung ano ang pwedeng magpakita sayo sa anumang sandali.
“Paano kung biglang may lumabas na balyena o pating? Tapos mabasag itong observation capsule?” Nag-aalalang baling niya kay Quelvin.
Malapad na ngumiti si Quelvin at lumingon sa ilalim ng spiral staircase. May animo pinto ng elevator roon at sa isang tabi ay may malaking pulang buton.
“Retracktable ang capsule na ito. Pipindutin lang natin ang red button at aangat na tayo paitaas. Isa pa, wala pa naman akong narinig na naligaw na pating at balyena sa lugar na ito. Kaya, siguradong safe tayo rito.” Pag-aassure nito.
Napatango-tango siya at naupo sa couch na naroroon sa kalagitnaan ng capsule paharap sa view sa labas.
“Paano kapag may bagyo? Paano niyo inilalayo sa dagat ang float?” curious na tanong niya.
“Katulad din lang ng mga yate ang maintainance ng mga float.”
“Ah. So, walang masyadong hussle.” Aniya. “Sure kang safe talaga dito? Naitanong na naman niya. Hindi pa din siya makapaniwalang posibleng magkaroon ng ganitong klase ng yate at intact ang safety.
Napaka-luxurious!
“One thing I noticed from you, parang hirap na hirap kang magtiwala sa pagmumukhang ito?”
Nilingon ni Beatrice ang nagsalitang si Quelvin. Papalapit na ito sa kanya at may dala-dalang isang bote ng mamahaling alak at dalawang goblet. Ibinaba ni Quelvin ang mga iyon sa mesita sa harapan nila at nagsalin ng alak.
“Noong una, gusto mong i-refund ang investment mo sa company namin dahil parang hindi mo gustong ipagkatiwala ang pera mo sa akin. Ngayon naman, natatakot kang mapahamak dito sa loob ng float ko.”
Inabot niya ang alak na ibinibigay ni Quelvin at ininom. “Ang sarap nito ah. At mas matapang sa nainom ko kanina.” Nagsalin siyang muli at uminom. Tiningnan siya ni Quelvin na para bang naghihintay ito ng sagot. “Anyway. Hindi naman sa ganoon.” Pasubali niya “Napaka-imposible lang kasi ng mga bagay-bagay na dala mo. I mean, like what I said before, the Life Savers offer is too great to be true. At ngayon, itong observation capsule sa ilalim ng float. Nakakabilib! Parang sa sobrang galing at sa sobrang ganda, hindi kapani-paniwala. Hindi kaya panaginip lang ito?” Inabot niya ang bote ng alak at nagsalin muli.
Tumawa si Quelvin. Gusto niyang matulala habang nakatitig sa mga mata nito? Mga matang noong una ay inakala niyang mala-punyal sa talim tumitig. Hindi niya lubos akalain na kaya noong ngumiti rin katulad ng pagngiti ng mga labi ng binata. Naramdaman ni Beatrice ang marahang pagtapik nito sa pisngi niya.
“Ano ba?” angal niya.
“Para makasigurado kang hindi ito panaginip.” Nakangiti pa din si Quelvin sa kanya na para bang aliw na aliw sa mga inilalabas ng bibig niya.
Nakasimangot na nilagok niya ang alak. “Dahan-dahan ka naman! Maaga pa. Baka maubos mo agad ang inumin natin.” Saway ni Quelvin.
“Mayaman ka naman eh. Edi bumili ka ulit.” Sabi niya na nagsalin muli. Tumawa na naman ito at lumagok din ng alak. “Parang ayaw ko pa ding maniwala na wala ako sa isang panaginip. Bakit kasi tumatawa ka? Hindi ba, suplado ka? Istrikto?”
Pakiwari niya ay nagiging groggy na ang kanyang paningin dahil sa mamahaling alak na iniinom nila pero ayaw niyang huminto sa pag-inom. Dahil kung gagawin niya iyon, matatapos na din ang sandali ng pagba-bonding nila ni Quelvin. Malamang na ihatid na siya nito sa kanyang hotel room. At ayaw niya pang umuwi. Gusto niyang… gusto niya pang manood ng mga isda at lamang dagat doon sa loob ng observation capsule!
“Iyan ba ang first impression mo sa akin?” untag nito sa kanya.
“Iyon ang ipinakita mo sa akin ‘nung unang araw na magkakilala tayo. Pero ibang-iba ka ngayon. Hindi ka na pormal at mas lalong hindi istrikto ang aura mo.”
“Forgive my attitude that day. Masama kasi ang bungad sa akin ng umaga ng araw na iyon. Kinukulit ako ng mommy… anyway, ganoon lang ako kapag wala sa mood pero sa totoo lang, mabait naman ako.” Iniba nitong bigla ang sinasabi.
Tumawa siya at lumagok ng alak. “Gusto mo bang tulungan kitang magbuhat ng sarili mong bangko?” pagbibiro niya. Hindi na niya pinansin ang pagputol nito sa sinasabi.
Ngiti ang isinagot ni Quelvin sa kanya. Nang tangka niyang abutin ang bote ng alak ay inunahan siya nito at ito ang nagsalin para sa kanya.
“Bakit ang konti?” angal niya ng halos sapin lang ang inilagay nito sa kanyang baso.
“May tama ka na. Hard liquior itong iniinom natin.”
“Hindi ba’t sabi ko na gusto kong uminom para makalimot? Broken hearted ako ngayon.” Paalala niya rito at inabot ang bote saka nagsalin muli. Hindi na niya ito binigyan ng pagkakataon na sawayin at pigilan siya. Deretsong ininom niya ang alak.
Napapalatak si Quelvin. “Hindi mo dapat na pinag-aakasayahan ng panahon ang ganoong uri ng lalaki.”
“I love him.” Katwiran niya. “And I thought his the one. Kaya nga kahit… nararamdaman ko nang may mali sa relasyon namin, ayaw ko pa ding tanggapin.” Isinandal niya ang likod sa back rest ng couch saka mariing pumikit. Parang umiikot na ang kanyang pakiramdam. Para siyang nahihilo dala ng kalasingan.
Kung nagmulat lang sana ng mga mata si Beatrice, nakita na niya marahil ang pagtiim ng mga bagang ni Quelvin.
“Mahal mo pa din siya maski niloko ka na niya?”
“Inaantok na ako…”
And all became black…
NAPABALIKWAS ng bangon si Beatrice ng masilaw sa sinag ng araw na nagmumula sa nahawing blinds ng bintana ng float.
Bintana ng Float!
Nasapo niya ang sariling sintido. Medyo kumikirot pa iyon dala marahil ng hang over. Ang huling natatandaan niya ay nag-iinuman sila ni Quelvin sa observation capsule. Kaya’t paano siyang nakarating sa kama? Hihiga nalang siya sana muli pero napansin niya ang breakfast na nasa tray sa ibabaw ng bedside table gayundin ang aspirin na kasama noon. Umahon siya sa kama at hinanap ang banyo para mag-ayos ng sarili.
Bumalik siya sa kama at sumimsim lang ng juice saka ininom na ang aspirin.
Napaisip siya. Sila ba talaga ni Quelvin ang naroroon sa float? Bakit walang kahit anong trace ng presensiya ng binata roon?
At bakit ba hinahanap niya si Quelvin? Hindi ba’t dapat na unahin niyang isipin kung paanong makakabalik sa coastal area? Ano bang pakialam niya kung mas gusto ni Quelvin ang makipagtitigan sa mga pugita doon sa observation capsule kesa batiin siya sa kanyang paggising? Napasimangot siya sa naisip. Parang ayaw niyang tanggapin na mas pinili ni Quelvin ang mga pugita kesa kanya.
Sa pagkagulat ni Beatrice ay biglang bumukas ang pinto at iniluwa ang lalaking kanina lamang ay laman ng kanyang utak.
“Gising ka na pala.” Nagsalubong ang kilay ni Quelvin nang lumipad ang mga paningin nito sa tray at mapansing hindi iyon nagalaw maliban sa napangalahati ang juice. “Hindi mo ba gusto ang pagkaing niluto ko? Magpapa-deliver nalang ako.”
“No.” pigil niya. “Okay lang ako. Gusto ko nang umuwi. Malamang na hinahanap na ako ni Jeanette.”
Nakaramdam ng sundot ng konsensiya si Beatrice. Sigurado siyang nag-aalala na ang kanyang pinsan dahil ni hindi siya bumalik sa hotel room nila ng nagdaang gabi. Kung siya ay napakasarap ng tulog sa malambot at komportableng silid na iyon sa De Luna float, malamang na ang pinsan niya’y nagpapanic sa kakahanap sa kanya. Hindi niya dala ang kanyang cellphone kaya’t walang paraan para makontak siya ng pinsan.
“Don’t worry. Ipinaalam ko na sa kanya na magkasama tayo dito sa float kagabi.” Parang balewalang sabi nito.
Nanlaki ang mga mata niya. “What? Paano? Bakit mo sinabi?” nagpanic siyang bigla. Ano nalang ang iisipin ng pinsan niya patungkol sa kanya? Oo at kilala siya ni Jeanette pero sino ang maniniwala na wala silang ginawa ni Quelvin magdamag kundi ang matulog lang? Babae siya at lalaki ang kasama niya buong magdamag. Sinolo pa nila ang lugar.
“Wait.” Pigil nito sa pagpapanic niya. “Tumawag kasi si Gelo sa akin kagabi para itanong kung magkasama tayo. Hinahanap ka daw kasi ni Jeanette. Remember what happened last night in Galactic bar? Sa dami ng tao sa bar kagabi, hindi na nakapagtataka na nakarating na iyon sa kaalaman ni Gelo.” Bumuntong-hininga ito. “I have no choice but to tell them we were here in my float. Hindi na kita naibalik sa hotel kasi maayos na ang pagkakatulog mo sa kama ko. Napakawalang puso ko naman kung iistorbohin pa kita sa masarap mong paghihilik.” Ngumisi si Quelvin.
Pinandilatan naman niya ito at inabot ang isang throw pillow saka ibinato sa binata. Sapul ito sa mukha. Tumatawang dinampot nito ang throw pillow at ibinalik sa kama.
“Excuse me, hindi ako naghihilik. Napasarap lang siguro ang tulog ko kasi, madami akong nainom, plus hindi pa ako nakapagpahinga matapos bumiyahe papunta rito kahapon. Nauna kasi naming gawin ang—”
“I-stalk ang boyfriend mo.” Putol nito sa kanyang sinasabi.
“Kumain at namasyal kami.” Nakairap na pasubali niya. “Nagkataon na na-spot-an namin si Kirk kaya nagtuloy-tuloy na din kami sa pagsunod sa kanya.”
“Okay.” Anito.
“Salamat nga pala kagabi.” Tumayo na siya. “Gusto ko nang bumalik sa hotel.”
“Okay.” Matipid na tugon nito.
Parang gusto niyang mainis kay Quelvin. Wala ba itong ibang alam sabihin kundi okay? Hindi man lang ba ito mag-o-offer na samahan siyang mamasyal gayong nasa weekend vacation naman sila?
‘Abuso ka na raw! Dinamayan ka na nga niya kagabi, gusto mo pang humirit.’