“THIS way.”
Itinuro ni Quelvin ang daan patungo sa upper deck. Doon sila dumaan nang ihatid sila ng speed boat kagabi. Natatandaan ni Beatrice na lounge area ang upper deck at nasa isang bahagi ang entrance at exit na kinaroroonan din ng iron ladder na iniaangkla sa speed boat ng mga darating at aalis. Ganoon nalang ang pagkamangha niya ng makita ang lounge.
Napakaganda! Mas maganda palang tingnan ang lay out noon kapag ganitong umaga kesa kapag gabi. Nagkalat ang mga potted plants, dwarf size na palm trees at lounge chair. May maliit din na Jacuzzi sa kalagitnaan ng upper deck. Para talaga siyang nasa isang maliit pero magandang lost island.
“Ang ganda!” Hindi niya napigilang sabihin.
“Yeah, napakaganda.”
Napabaling siya sa nagsalitang si Quelvin sa kanyang tabi na sa kanya pala nakatingin. Nahawi niya ang buhok na nililipad ng hangin. Napakasarap din ng hangin mula roon. Kung pipigilan siya ni Quelvin na bumalik na sa coastal area ay baka magpatianod siya. Gusto tuloy niyang pagsisihan na ninais na niyang makabalik sa hotel kanina.
“Great!”
Sabay silang napabaling ni Quelvin sa nagsalita mula sa entrance.
“Mom!” bulalas ni Quelvin.
“So, siya na ba ang itinatago mong girlfriend dito sa float mo?” tanong ng isang mabait ang bukas ng mukha at magandang babae na sa palagay niya’y nasa katanghaliang edad.
Mukha itong mabait na maski nakita sila sa ganoong ayos ay hindi kakikitaan ng pagsita. Para pa ngang nagbabanta ang malapad na ngiti nito. Sa tabi nito ay isa ring magandang babae na hindi nalalayo rito ang hitsura, mas bata nga lang ito sa una. Hawak noon sa isang kamay ang batang babae na marahil ay pitong taong gulang. Pare-parehong eleganteng tingnan ang mga ito sa summer outfit na suot. Bumitiw ang bata sa kamay ng ina at naglibot sa paligid ng lounge.
“Anong ginagawa niyo dito? Ate? Bakit dinala mo dito si Mommy?” tila nalilitong tanong ni Quelvin.
“Wala akong kasalanan. Hindi na kasi paawat si Mommy kaninang dumating kami sa Costa Galaxia at malaman na wala ka sa unit mo. Wala akong ibang choice kundi samahan siya rito. Maski ang mga security ay walang nagawa sa pagpipilit niyang makarating dito sa float mo. You know Mom, hindi man siya magtaray ay nakukuha niya ang gusto niya.”
Naramdaman ni Beatrice ang isang maliit na kamay na humihila sa laylayan ng crop blouse niya. Nilingon niya ang batang babae at nakalimutan ang mga tao sa kanyang paligid. Mahilig siya sa mga bata at kapag may ganoong mga cute na anghel na lumalapit sa kanya ay instant na natutuon roon ang atensyon niya.
“Hello po. I’m Quendra. What’s your name po?”
Napangiti siya ng malapad. Saludo siya sa mga batang magalang at gumagamit ng ‘po’ at ‘opo’.
“I’m Beatrice. Trix for short.” Nakatungong saad niya rito. Itinukod niya ang mga kamay sa kanyang tuhod para magka-level ang mga mukha nila.
“Tita Trix nalang po. Tita, pupunta ka ba mamaya sa birthday party ko?”
“Ha?” nagtatakang tanong niya.
“Hindi ka ba ini-invite ni Tito Quelvin?” Napakunot-noo siya. Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. “Di ba girlfriend ka ni Tito? Dapat kasama ka niya mamaya sa party ko.”
“Yes, apo. Kasama talaga siya ng Tito Quelvin mo.” Napaunat siya sa pagkakatayo ng lumapit sa kanila ang ina ni Quelvin. “Hindi naman pwedeng iwan ni Tito ang girlfriend niya.”
Bigla ang ginawa niyang pagbaling dahil sa sinabi nito. “Ma’am, may gusto po akong sabihin—”
“O please, hija. Don’t call me Ma’am. It’s very formal. Call me tita Suzzette.” Malambing na sabi nito na umabresiete sa kanya.
“And I’m Ate Quelly.” Sabi naman ng ate ni Quelvin. “We’re please to meet you…” Ibinitin nito ang sasabihin para dugsungan niya ng pangalan.
“Beatrice po.”
“Oh, very beautiful name. It suits you, hija.” Sabi ni Tita Suzzette.
“At last, nakilala na din namin ang itinatago-tagong girlfriend ng kapatid ko.”
“Kaya naman pala ginawang restricted area ang mga floats. Dito itinatago ng mga iyan ang mga girlfriends nila.”
“Let me explain, tita, ate!” awat niya sa mga ito.
“Oh? It’s so good to hear that! Ang sarap pakinggan ng may bagong tumatawag sa aking ate.” Nakangiting saad ni ate Quelly. “Di ba Mom? Ang saya na may bagong member ng pamilya.”
“Tama ka anak. Paano? Tara na at kailangan pa nating maghanda para sa party ni Quendra. Right apo?” baling nito sa bata na ngiting-ngiti na tumango sa kanila.
Napabaling si Beatrice kay Quelvin para humingi ng tulong. Nakapamulsa na ito sa summer shorts nito at nagsasalubong ang mga kilay habang tila yamot na yamot na pinapanood ang mga bagong dating at pinagkakaguluhan siya.
“Mommy, ate, please. Pabayaan nyo muna akong magpaliwanag.” Naiinis na saad nito.
“Shut up!” Padaskol na bumaling ang ina ni Quelvin rito. “Alam ko na ang sasabihin mo. Na hindi mo girlfriend si Beatrice at kliyente mo lang siya.”
“But that was the truth! Kliyente ko siya sa Life Savers!” giit nito. Nasa mukha nito ang pag-aalala na hindi paniwalaan ng ina.
Napangiti siya sa sarili. Capable pala ng iba’t-ibang emosyon si Quelvin. At sa kabila ng mabait na bukas ng mukha ng ina nito, natitiyak niyang sa hitsura ng binata ay takot ito sa ginang.
“At ano palang ginagawa ng isang kliyente sa iyong private sanctuary? And overnight?” nakaigkas ang kilay na tanong nito.
Aba’t sa ibinait-bait ng bukas ng mukha ni Tita Suzzette, marunong pala itong magtaray?
“Right, Quel. Sa hitsura niyo ay parang mga bagong gising lang kayo. Imposible namang kakarating niyo lang dito samantalang wala namang speed boat na nakakalat sa laot maliban sa sinakyan namin. Napakalayo ng coastal area para languyin niyo lang ang papunta rito.” Dugsong ni ate Quelly.
“Hindi niyo naman kailangang ikaila na magkatabi kayong natulog sa buong magdamag at sinolo niyo pa ang lugar. Sa pagkakaalam ko ay nasa Maynila na si Karl sa mga oras na ito.” Napasinghap siya. Ngumiti si Tita Suzzette. “Nauunawaan ko hijo. Ganito na talaga ang mga kabataan ngayon. Alam ko din, hindi ka na bata para sitahin pa kita sa mga ginagawa mo sa buhay. Pero ang itago mo sa amin na pamilya mo ang tungkol sa pakikipagrelasyon mo, hmm, I think we deserve an explanation!”
“Mom—”
“Anyway, sa ibang araw ka na magpaliwanag. We need to go back to the coast. Ten o clock magsisimula ang party ng apo ko.”
Nagpatiuna na ang ginang sa pagbalik sa hagdanan pababa sa speed boat. Sumunod rito ang mag-ina.
“Sumunod na kayo sa amin. Marami pa kayong oras at pagkakataon para sa isa’t-isa. Ibigay niyo muna ang araw na ito sa anak ko, okay? Lalo ka na, Quel.” Baling sa kanila ni ate Quelly.
“Tita Trix, hihintayin po kita sa party ko.” Pahabol naman ni Quendra.
Napalingon tuloy si Beatrice kay Quelvin. And she found an apologetic look from him. Ano pa nga bang magagawa niya? Napakababait ng ina at kapatid nito. Maski naabutan silang magkasama sa float ng buong magdamag ay wala siyang narinig na pagkondena o masamang impresyon mula sa mga ito. Idagdag pang hindi kayanin ng puso niya na tumanggi sa simpleng kahilingan ng isang cute na cute na bata.
“Free ka ba mamayang ten?” narinig niyang tanong ni Quelvin.
“Uhm, wala pa naman akong plano for the day.”
“So, pwede ka mamayang ten? Alam mo kasi, nag-iisang pamangkin ko si Quendra at kung dadating ako sa party niya na hindi ka kasama, sigurado akong kukulitin niya ako. Sa nakita kong pagkaaliw niya sayo—”
“Saan ba gaganapin?” putol niya sa pagpapaliwanag nito.
“Sa Andromenda Lounge.”
“Okay, darating ako.”
“Hey! Kayo diyan! Sumabay na kayo sa amin pabalik sa coast!” sigaw sa kanila ni ate Quelly.
Wala siyang naging tutol ng akayin at alalayan siya ni Quelvin sa may hagdan pababa sa speed boat. Nauna ito sa kanya para maging mas madali ang pag-alalay sa kanya. Hindi sinasadyang naalis sa pagkakaangkla ng bakal na hagdanan ng float sa speed boat kung kailan malapit na siyang makababa roon.
Ngunit bago pa man makalayo ang iron ladder sa speed boat ay mabilis na siyang nahablot ni Quelvin sa kanyang bewang at tuluyang pangkuhin hanggang sa maibaba sa speed boat. Napatunganga nalang siya sa mabilisang aksyon nito. Nakatitig lamang din si Quelvin sa kanya habang nakatingala at nakatunganga siya rito. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Bakit ganoon siya tingnan ni Quelvin? Parang napakadami nitong gustong sabihin pero maski isa ay hindi naman magawang ilabas. Gusto ba nitong humingi ng paumanhin sa mga maling assumption ng ina at kapatid nito? Yun lang ba talaga ang laman ng mga titig nito sa kanya? Bakit pakiramdam niya ay may iba pa?
Malapad ang mga ngiti sa mga labi nina ate Quelly at Tita Suzzette ng mapagawi sa mga ito ang mga paningin niya. Agad na umagwat siya kay Quelvin.
“Akala ko ba, hindi mo siya girlfriend, Quel? Bakit ganyan kayo kalalagkit kung magtitigan?” pangangantyaw ni ate Quelly.
Hindi niya nagawang magkaila. Hindi rin kasi siya sigurado sa kung ano ba ang naramdaman niya sa sandaling magkahinang ang mga mata nila ni Quelvin.
NGAYON napatunayan ni Beatrice na hindi lahat ng first impression ay siyang tama at totoo. Nung una, akala niya, si Quelvin ang tipo ng lalaki na hindi marunong ngumiti, magsaya at makisama. Iniisip niyang puro trabaho at pera lamang ang inaatupag nito. Untouchable ito dahil sa estado nito sa buhay at dahil suplado at istrikto ito. Pero sa nakikita niyang pakikipagkulitan nito sa mga bata na kaibigan ng pamangkin nito na naroroon sa party at ginaganap sa Andromenda Lounge, masasabi niyang totoo at hindi panaginip ang Quelvin na nakasama at nakausap niya kagabi. Mabait at bukas ang pandinig sa kahit sinong may hinaing at problema. Kahit pa nga sa tulad niyang estranghera lamang. Malayong-malayo sa Quelvin na inakala niyang suplado at hindi marunong ngumiti. Ito ang tipo ng lalaking kayang maging kahit sinong gugustuhin nito.
“So, how long you’ve been together?”
Napapitlig si Beatrice nang marinig ang tinig ni Tita Suzzette. Nasa tabi na pala niya ang ginang.
“Tita!” Nginitian niya ito.
“Hindi mo sinagot ang tanong ko, Beatrice.”
“Hindi ko din po kasi alam kung ano ang isasagot sa inyo. Ang totoo po, hindi—”
“Hindi pa kayo ganoon katagal? But it feels like you were together for such a long time?” Napangiwi siya. Mali na naman ang assumption nito. Pero tama ito sa isang bahagi. Kailan lang sila nagkakilala at kagabi lang niya nakita ang isang bahagi ng pagkatao ni Quelvin pero sa mga sandaling iyon, parang kilalang-kilala na niya ito. “It’s okay and I understand. Natutuwa ako na muling naisipan ng anak ko na sumubok magmahal. Matagal-tagal na din magmula ng tanggihan siya ni Macey. Inakala ko nga na hindi na niya magagawang makipagrelasyon—”
“Sino po si Macey?” Maski parang may ideya na siya ay parang nais pa rin niyang marinig ang kumpirmasyon. At ang hindi niya maunawaan ay kung bakit parang tumamlay ang pakiramdam niya. Napabaling tuloy siya kay Quelvin at sa mga bata.
“Hindi ba niya nabanggit? Oh sorry. Siya ang dapat na magsabi sayo ng patungkol roon.” Napabaling na naman siya sa himig nag-aalalang ginang. Hinaplos nito ang makintab at hanggang balikat niyang buhok. “But you don’t have to worry. Alam kong napakahalaga mo para sa anak ko. Kung hindi ay bakit ka niya dadalhin sa float niya?”
‘Kung alam niyo lang, walang kahit anong ibigsabihin ang pagyayaya sa akin ni Quelvin sa float niya.’
“Okay, hayaan nating ang birthday celebrant naman ang pumili ng mga kasali sa third game natin.” Narinig niyang saad ng baklang host ng kids party.
Naramdaman na naman niya ang maliit na kamay na humihila sa braso niya. Nang lingunin niya iyon ay natunghayan niya si Quendra.
“Mamita, pahiram po muna kay tita Trix ha? Maglalaro lang kami.” Pamamaalam nito.
“Oh sure. Enjoy hija.”
Nagulat si Beatrice nang ang tinutumbok nilang lugar ay ang pwesto ni Quelvin. Hinila rin ng bata ang tito nito at pinagtabi sila. Nagkantyawan at sigawan ang mga bisita.
“Tito, tita, galingan niyo ha?” Kumindat pa sa kanila si Quendra.
Sumunod ay kumuha na naman ito ng ilang pares ng babae at lalaki na mga teenagers. Palagay niya ay mahilig mag-match make ang bata dahil sa tuwing may dadalhin itong pares sa gitna ay nagkakantyawan ang mga tao sa paligid.
Nagsimula ang palaro at gusto niyang magimbal sa mechanics ng game na iyon. Bawat pares ay magpapaunahan paglapatin ang mga parte ng katawan na babanggitin ng host. Noong una ay natutuwa pa siya dahil wala namang malisya ang lahat pero habang tumatagal ay parang nananadya na ang baklang host.
“Ilong sa ilong, go!” sigaw ng host.
Nagkakailangan ang dalawa pang pares ng teenagers na kasali din sa palaro kaya’t parang gusto niya ring mailing. Pero ayaw naman niyang maging kill joy at ipahiya si Quelvin na mukhang game sa panti-trip ng host. Tatlong pares nalang silang natitira at palagay niya, kung magiging mas intimate pa ang babanggitin ng host ay matatalo sila. Nang magtangka si Quelvin na hawakan ang likod ng kanyang ulo ay umangal ang baklang host.
“Wait lang, handsome. Hindi pwedeng humawak sa ka-partner, nose to nose lang.” saway nito kay Quelvin.
Tumango ito at hinarap siya. “It’s just a game, Trix. Let’s just enjoy it.”
Tumango at pumayag na din siya. Nang ilapit nito ang mukha sa kanya ay napigil niya ang hininga. Hindi niya alam kung bakit pero parang tinatambol ang dibdib niya habang naghihintay na lumapat ang ilong nito sa kanya.
“Okay, huwag aalisin ha?” sigaw ng bakla na ichineck ang bawat pares. “Last na ito. Ang makakagawa ay siyang panalo.”
Gusto niyang kabahan sa mga susunod na mangyayari.
“Lips to lips!” sigaw ng host.
Nagkagulo ang mga tao at kanya-kanyang cheer sa bawat pares. Naririnig niya ang mga tinig nina ate Quelly at Quendra sa isang panig na sumisigaw sa kanila ng ‘lips to lips’.
Hindi niya alam kung ano ang mga sumunod pang pangyayari at naramdaman nalang niyang lumapat ang mga labi ni Quelvin sa kanya. The same intense feeling she felt the other night he kissed her came rushing in. Hindi iisang beses lang siyang nahalikan ni Kirk pero hindi niya naramdaman minsan man ang pakiramdam na ipinagkakaloob ng mga labi ni Quelvin. She felt the pleasure, kiss should have. Pleasure na hindi niya akalaing mararamdaman niya at tinataglay ng mga labi ni Quelvin.
“Meron na tayong winner!” sigaw na naman ng baklang host na nasa tabi na pala nila. Nandun din si Quendra na kinakalabit na naman siya.
“Tapos na po, tito, tita.” Pilyang nakangiti ito sa kanila.
Pakiwari niya’y nag-iinit ang mga pisngi niya dahil halos lahat ng naroroon ay sa kanila nakatingin.
“They looked good together ha?”
“And so much in love.”
“Wala pa ba talagang balak mag-settle down ang anak mo, Zette? Kung pakakawalan niya pa ang girlfriend niya, irereto ko sa anak ko.”
“Hindi na pwede. Sigurado akong wala na silang balak pakawalan ang isa’t-isa. Mamaya lang ay kukulitin ko na sila sa update ng pagbibigay nila sa akin ng bagong apo. Siguro naman ay mayroon na dahil nag-over night sila sa float.” Napasinghap si Tita Suzzette ng bigla siyang bumaling sa gawi nito at ng mga narinig niyang nagsalita. “Oops! Forgive my mouth, hija!” paumanhin nito sa kanya.
Hindi malaman ni Beatrice kung matatawa o maiinis sa itinatagong kadaldalan ng ginang. Ngunit bago pa man siya makapag-react ay nahagip na ng kanyang mga paningin ang isang pamilyar na bulto na nasa likuran lang ng mga nagtsi-tsismisan.
Si Kirk!
Halata ang tinitimping galit sa mukha nito habang nakatingin sa gawi nila ni Quelvin. Bakit ito naroroon? Open ba sa lahat ang party?
“Palakpakan naman natin ang mga winners natin, kids! Palakpakan!” sabi ng host na nagche-cheer.
“Kiss! Kiss!” hiyaw ng madla.
“Let’s go.” Naramdaman nalang ni Beatrice na hinihila na siya ni Quelvin palabas ng Andromenda Lounge.
“Teka, bakit tumatakbo ang mga winner? Okay, mamaya nalang daw nila ike-claim ang mga premyo nila. Let’s rush to the fourth game…”
Nilingon ni Beatrice ang nakangiting si Quelvin habang tumatakbo sila palabas ng napakalawak na lounge. Kung makangiti ito, para bang isang milyon ang naging premyo sa pinanalunan nilang palaro.
Hanggang sa makalayo sila ay ang presensiya pa din ni Kirk ang nasa isip niya. Posible bang magkakilala ang dalawa nina Kirk at Quelvin? Naisip niyang tanungin ang kasama. Huminto na sila sa pagtakbo at kasalukuyan nalang na naglalakad sa dalampasigan.
“Kilala mo si Kirk?”
Bigla ang ginawang pagbaling nito sa kanya. “Not really. Pero alam kong VP for Marketing siya ng isang beauty products company. And that he was your ex-boyfriend.”
“Hindi pa kami pormal na nagbe-break.” Paglilinaw niya.
Nagdilim at nalukot ang gwapong mukha nito. At hindi niya alam kung bakit parang bumalik ang aura ng unang Quelvin na nakilala niya, masungit at matalim tumitig. Ano bang nagawa niya na nakapagpasama ng mood nito?
“Kung hindi naman pala kayo pormal na magkakilala, bakit nasa party siya ni Quendra?” pagbabalik-paksa niya at pilit binalewala ang pagdidilim ng mukha nito.
“Hindi ko alam. Baka nag-drop by lang dahil sayo tutal ay open ang party sa lahat ng mapadaan.” He released a frustrated sigh. “Kung magso-sorry ba siya, tatanggapin mo siya ulit?” Tila wala sa mood na tanong nito. Gusto niyang malito kay Quelvin. Ang ganda-ganda ng ngiti nito kaninang umalis sila sa party pero ngayon ay hindi na maipinta ang pagmumukha nito. “So?” untag nito sa kanya.
Hindi niya nagawang sumagot. Sa halip ay nangunot ang noo niya. “Hindi kita maintindihan. Bakit parang wala ka sa mood?”
“Masyado lang mainit.”
Isinuot nito ang sunglass na nasa ulo lamang nito kanina at nagpatiuna ito sa isang open air cottage na nakahelera sa malapit sa baybaying dagat. Hinugot nito ang cellphone at tila yamot na yamot na nagpipindot roon at may kinausap. Binagalan naman niya ang paglalakad palapit para makausap nito ng maayos ang kung sino mang tinatawagan nito.
Nang lingunin siya ni Quelvin ay salubong ang kilay na naglakad ito palapit sa kanya.
“Ang bagal mo namang maglakad, napakainit, baka ma-heat stroke ka.” Sita nito sa kanya.
“Ikaw ang baka ma-heat stroke. Bakit ba ang init ng ulo mo?”
“Wala.” Matipid na tugon nito. “Nagugutom ka ba? Gusto mong kumain?”
“No, thanks. Gusto kong bumalik ng hotel. Ni hindi pa kami nagkakausap ng maayos ni Jeanette mula pa kagabi.” Aniya.
Pagkabalik niya sa hotel room nila ni Jeanette ay nagpaalam ang pinsan na mag-e-eco trail. Ni hindi niya naipaliwanag ang sarili rito. At bakit ba niya kailangang maging defensive. Siya lang naman ang nag-iisip na issue ang pag-o-overnight niya sa float ni Quelvin. Pagbalik nila sa Maynila ay makakalimutan na iyon ng kanyang pinsan. Wala siyang dapat na ipag-alala.
Wala nga ba? Paano naman ang ina at kapatid ni Quelvin?
“Siyanga pala.” Baling niya sa binata. “Please do explain to tita Suzzette and ate Quelly the truth about us.”
“Anong gusto mong sabihin ko sa kanila?” nagtatakang tanong nito.
“The truth!” she rolled her eyes. Ano bang iniisip nitong isusuhestyon niya sa kakulitan ng kapatid at ina nito? “Na hindi tayo magkasintahan. Baka mamaya magulat ka nalang na pinaplano na nila ang kasal natin.”
Tila dumoble ang pagdilim ng mukha ni Quelvin dahil sa sinabi niya. Ano bang masama roon? Ang inaalala lang naman niya ay ito. Ayaw niyang magkaroon ito ng komplikasyon dahil sa mga maling assumption ng pamilya nito.
“Fine!” tila naaasar na saad ni Quelvin. “Tara, ihahatid na kita sa hotel.
“Huwag na. Baka lalong lumala ang iniisip ng pamilya mo kung sasamahan mo pa ako sa hotel. Baka may mata roon si Tita at maisumbong pa tayo.” Tanggi niya.
“Parang ayaw na ayaw mong nadidikit ang pangalan mo sa akin ah?” maasim ang mukha na saad nito. Ang mga mata nito ay lumamlam na tila ba may iba pang damdamin na itinatago roon.
“Hindi sa ganoon.” Napapadyak siya. Wala na ito sa mood at ayaw niyang tuluyan itong ma-badtrip sa kanya. Para kasing lahat ng sabihin niya ay hindi nito nagugustuhan. “Diyan ka na nga.”
Naglakad siya pabalik para lamang bumalik muli kay Quelvin at umabrisiete rito. Nagulat pa ito sa ginawa niya.
“Ngumiti ka naman, please. Paparating sina Kirk at Brenda.” Mahinang bulong niya.
“Ganoon? Bumalik ka lang para hindi mahalata ni Kirk ang totoo? Akala ko ba ayaw mong lumala ang maling assumption ng pamilya ko patungkol sa atin? Paano kapag may makakita sa atin ngayon na malapit sa pamilya ko?”
“Quelvin naman!”
“Tss.” Bumitiw si Quelvin sa kanya at nagpatiunang maglakad papasalubong kina Kirk at Brenda. Nanlupaypay siya. Tapos na ang pagtulong nito sa kanya. Na-badtrip na ito ng tuluyan. “Sweetheart, let’s go. Masyadong mainit.”
Hindi man ngumingiti si Quelvin habang sinasabi iyon ay puno naman ng pagsuyo ang tinig nito. Napangiti siya ng malapad at patakbong lumapit kay Quelvin. Pumaloob siya sa isang braso nitong nakabukas para sa kanya habang eksaktong nakalapit na sina Kirk at Brenda. Binalewala niya ang dalawa at nginitian ng matamis si Quelvin. Naisip niya, kahit gaano ka-badtrip si Quelvin sa kanya, hinding-hindi siya nito magagawang tiisin at hayaang mapahiya sa mga taong itinuturing na niyang kaaway.
Isinuot ni Quelvin sa kanya ang sunglass nito. Napatingin tuloy siya rito. Masarap sa mga mata ang sunglasses nito. Nasisigurado niyang hindi basta-basta ang halaga noon. Kunsabagay ay hindi naman ito gagamit ng mumurahin dahil mayaman ito. Pero bakit parang buwisit na buwisit ito kanina at ang idinadahilan ay ang init raw ng araw?
“Akin nalang ba ito? Remembrance?”
“May remembrance ka na galing sa akin.” Nakangising sabi nito.
“Ano?” clueless na tanong niya. Wala naman itong ibinigay sa kanya.
“Hindi mo alam? Nakadalawa ka na nga.”
Tuluyan nang nag-isang linya ang mga kilay niya sa pagtataka. Kung gaano ito kabilis mag-init ang ulo ay ganoon din kadaling lumamig. Napailing siya. Hindi niya ito maunawaan.
“Ang una ay sa Galactic Bar kagabi at ang pangalawa ay kanina sa Andromenda Lounge.”
Biglang nag-sink in sa isip niya ang tinutukoy nito. The kiss!
“I hate you!!!” Pinagpapalo niya ito sa braso.
“Come on. Alam ko namang nagustuhan mo din. You kissed me back. Ibig lang sabihin noon na nagustuhan mo.” Nang-aasar na akusa pa nito sa kanya.
Tuluyan ng napahagalpak ng tawa si Quelvin nang magkulay makopa ang mukha niya. Sigurado siya sa bagay na iyon maski hindi niya nakikita ang sariling repleksyon. Damang-dama niya ang pag-iinit ng buo niyang mukha dahil sa kahihiyan sa pinagsasasabi nito.
“Hindi kaya!” kaila niya.
“Okay. Kunwari naniniwala ako.” At muli na naman itong tumawa.
“I hate you! You brute! Masyado kang—”
“Gwapo?”
“Assuming!!!” naaasar na sigaw niya at pinagpapalo ito.
Tawa lang naman ang naging sagot ni Quelvin at tumakbo ito papunta sa dagat. Hinabol niya si Quelvin dahil hindi pa siya masiyahan sa ginawa niyang pamamalo. Paano siyang masisiyahan kung ang katugon ng paghampas rito ay isang malutong na halakhak. Halakhak na nang-aasar!