“I WANT gelato. ‘Yung Mediterranean mint.”
“Gelato?”
“Oo. Yun ang gusto ko, huwag kang umangal.”
Napailing nalang si Quelvin.
Nasa Orange Cup Café sina Beatrice at Quelvin. Pareho silang basang-basa kaya’t sa labas nalang sila pumuwesto para umorder bago bumalik sa Earth Cove. Ang paghabol niya kay Quelvin sa dagat ay nauwi sa basaan ng tubig-dagat at pagpapaligsahang sumisid hanggang sa mapagod at magpasyang bumalik sa kani-kanilang silid. Nagyaya muna si Quelvin na dumaan sa Orange Cup para bumili ng pagkain.
“Your bill, Sir.”
Inihain ng service crew ang bill nila at mga order. Kasama ang isang gadget. Hindi niya alam kung para saan ang bagay na iyon pero nasagot ang tanong niya ng idiit ni Quelvin ang thumb finger nito sa touch pad at i-enter ang pin.
“Okay na?” anito sa crew na tumango at nagpasalamat saka sila iniwan.
“Tara na.” anyaya ni Quelvin na tumayo at binitbit ang mga order nila.
Cappuccino ang kay Quelvin at Gelato naman ang sa kanya. Kinuha niya rito ang para sa kanya at sabay silang naglakad papunta sa Earth Cove.
“Kape nalang sana o hot chocolate ang ini-order mo. Sisikmurain ka nito.” Puna ni Quelvin sa gelato niya saka ininom ang cappuccino nito.
“Katanghalian, sisikmurain?” angal niya.
“Pero galing tayo sa paglalangoy. Tsk.”
“Para saan yung pag-ano mo ng thumb dun sa dala nung crew?” naitanong niya ang kanina pa niyang iniisip.
“Yun ba? Para mai-charge ang bill ko sa account ko.” Tugon nito.
“Paano kapag naputol ang thumb finger mo?”
“Naka-register ang lahat ng daliri ko pati sa mga paa. Thumb finger nga lang ang ginagamit ko madalas.”
“Ah…” nasabi nalang niya.
“Saan mo gustong pumunta pagkatapos nating magpalit ng damit?”
“Sa condo unit mo. Saang cluster ka ba?” Balewalang saad niya. Gusto niyang malaman kung ano ang magiging impact rito ng sinabi niya.
At hindi siya nabigo nang makita ang nabibiglang reaksyon nito. Pinagtawanan niya ito.
“Very funny. But in case you want to drop by, sa cluster 3 ako. 306”
“Sige.”
“Sige? As in pupunta ka?”
“Hindi.” Natawa na naman siya. Iniisip talaga nito na may balak siyang puntahan ito sa unit nito? “Matutulog at magpapahinga ako at kapag magustuhan kong mamasyal ulit, saka kita gagambalain sa telephone line ng unit mo.”
“Iniinsulto mo ba ako? Lalapitan mo lang ako kapag kailangan mo ng kasama?” naiinis na humigop ito sa hawak na paper cup.
“At sinong dapat kong gambalain? Ikaw ang boyfriend ko di ba?” pagbibiro pa niya. “Kung makikita ako ni Kirk na hindi kita kasama, magtataka iyon.”
“Hindi mo na siya makikita rito.” Anito at nagpatiuna sa paglalakad.
Hindi niya ito naunawaan kaya’t nagmamadaling hinabol niya si Quelvin.
“What do you mean?” Umabrisiete siya sa braso ng binata para hindi siya mahuli sa paglalakad nito. Tiningnan lang ni Quelvin ang kamay niyang nakakapit sa braso nito at muling uminom sa hawak.
“Ipina-cancel ko sa administration ang anumang transaction nila ng kasama niya.”
“Ha? Bakit? At paano mo nagawa at paano sila pumayag?”
“Tinawagan ko ang administration office kanina lang at sinabi ko na isho-shoulder ko ang damages ng cancellation. Nagpo-photo shoot pala sila rito at gagawa ng commercial clip pero bakit tatlong araw ang reservation nila?”
Kung ganoon ay ang administration office ang kausap nito kanina sa cellphone nang lumapit ito sa isang cottage?
“Bakit nga?!” nalilito pa ring tanong niya.
Manghang binalingan siya ni Quelvin. “Bakit mo ba ako sinisigawan?”
“Dahil hindi kita naiintindihan sa ginawa mong iyon.”
“Dahil… dahil gusto ko at ayaw mo silang makita, hindi ba?”
“Hindi lahat ng gusto mo ay pwedeng mangyari!”
“Bakit hindi? Kaya nga itinayo ang Costa Galaxia ay para makabuo ng panibagong mundo para sa mga residente rito. Ang Costa Galaxia ay para sa mga taong nais ng panibagong mundo. Mundo na malayang makagalaw at gawin ang nais nila. Pwedeng paalisin ng residente rito ang taong ayaw nila at hindi naman residente rito basta’t may magandang dahilan.”
“At anong magandang dahilan ang sinabi mo sa administration office para mapaalis sina Kirk?”
Hindi sumagot si Quelvin sa halip ay tinalikuran siya nito at nagpatuloy sa paglalakad. Naiinis na hinabol niya si Quelvin. Humarang siya sa daraanan nito.
“Nakakaasar ka! Bakit mo ba ipinagtatanggol sa akin ang lalaking iyon gayong sinaktan ka nga niya?”
Nabuwisit na ibinalibang ni Quelvin ang hawak na cappuccino. Pwede pala itong basketbolista dahil maski hindi nito iasinta ay nag-shoot pa din sa trash can ang paper cup sa layong tatlong metro.
“Oo nga. Pero pinatawad ko na siya.”
Totoo iyon. Maluwag na ang dibdib niya at sa loob noon ay hindi na siya makadama ng galit o anupaman patungkol kay Kirk. Napatawad na niya ang kasintahan ng ganoon kadali, hindi dahil sa dahilang mahal pa rin niya ito. Ang totoo, matapos niyang umiyak kagabi ay magkakasabay na naubos ang sama ng loob, pagmamahal at luha niya para sa dating kasintahan. Madali niyang natanggap na hindi na nila maaayos ang lahat patungkol sa kanila ni Kirk. Hindi ang tulad ni Kirk ang deserving sa pagmamahal niya. Ang gusto nalang niya ay magkaroon na sila ng closure ni Kirk dahil hindi niya masisimulan ang bago niyang buhay kung mananatiling mayroon siyang gusot sa nakaraan na kasama ito.
“Is that so?” Kitang-kita ni Beatrice ang pagtatagisan ng mga bagang ni Quelvin habang nakatitig sa kanya. Para bang gusto siya nitong sigawan pero hindi naman nito magawa.
“Ano bang gusto mong gawin ko? Magalit pa din sa kanya? Sabi mo nga, nakaganti na ako sa kanya dahil nasaktan ko ang ego niya. Tapos na ang walang kwentang misyon ko dito sa Costa Galaxia. Ang dahilan nalang kung bakit pa ako nandito ngayon ay…” ay ikaw. Gusto ko pang makasama ka. To know you better. “Ay dahil gusto kong ayusin ang mga gusot sa paggitan namin. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi kami nagkakausap. Pero pinalalayas mo naman siya. Paano ko gagawin yun ngayon?” Sa halip ay dugsong niya.
Humahanap lang talaga siya ng tiyempo para makausap si Kirk. Hindi nga lang siya maka-tiyempo dahil lumalamang ang kagustuhan niyang makasama sa bawat sandali si Quelvin.
Hindi niya kayang aminin kay Quelvin na na-enjoy niya ang bawat sandali na kasama niya ito. Na kahit wala pang bente-kwatro oras silang magkasama ay tila nagugustuhan na niya ito.
“You’re impossible, Beatrice Velez! Ganyan ka ba talaga kabaliw sa walang kwentang ‘yun?” nanggigigil na sabi nito.
“Ikaw ang imposible, de Luna! Napaka-arogante mo!” akusa niya. “Kung ganoon pala, sa sandaling gustuhin mong palayasin ako rito ay magagawa mo.”
Lumambot na ang ekspresyon ng mukha ni Quelvin. “Alam mong hindi ko gagawin sayo iyon. Dahil kung may ganoon akong balak, sana, kagabi pa lamang na nagbalak kang gumawa ng kaguluhan ay itinawag na kita sa security office.”
“Bakit si Kirk?”
Natahimik ito ng ilang segundo, pagkuway: “I don’t like him.”
“You don’t like him? Reasonable ba ang alibi na iyon sa administration office? Kung ganoon pala—”
“Hindi mo naiintindihan.” Putol nito sa sinasabi niya.
“Ano ang hindi ko naiintindihan sa sinasabi mong hindi mo gusto si Kirk kaya mo siya pinaaalis? At ako? Sasabihin mo ba na gusto mo ako kaya kahit magdulot ako ng kaguluhan dito sa haven ninyo ay hindi mo ako papalayasin? Ganoon ba? Napakababaw niyo naman palang mga taga Costa Galaxia!”
Umawang ang bibig ni Quelvin para magsalita pero muli iyong tumikom. Yamot na tinalikuran niya ang binata at nagmamadaling nagpatiuna papuntang Earth Cove. Sigurado siyang alam ni Quelvin na tama siya kaya’t hindi nito nagawang mangatwiran sa kanya. Pero hindi rin naman nito ginawang aminin na tama siya.
How dare you Quelvin de Luna! Ganoon ka ba talaga kababaw? Namemersonal ka? Akala ko pa naman, napakabait mo. Na-peace loving ka!
Alam kong hindi ka ganoon Quelvin. You’d show me the real you.