Tumaas ang kilay niya. “Mukha ba akong mangha-harass ng lalaki?”
“That’s why I can’t believe it.”
“Well, you must believe it. Nasa cruise kami at nagsa-sunbathing ako. Naiidlip ako nang naramdaman ko na may nagbuhos ng kung ano sa likod ko. I was in a daze. Nang malinaw na ang isip ko, nakita ko na lang siya na nakatayo sa harap ko at may hawak na bote ng wine. He deliberately did it so he could take a peak of my naked breast. Damn him!”
Bumalatay din ang galit sa mukha ni Simone. “How dare he? My! Marami namang babaeng willing na maghubad para sa kanya. Why would he resort to a tactic as low as that one?”
“Pumayag na nga akong hindi siya sampahan ng kaso. But he left in the middle of the cruise. I never heard anything from him since.”
“Hindi ka man lang niya hinanap para ayusin ang problema ninyo?”
“Kaibigan lang niya ang nakausap ko. And it is an issue that I am not comfortable to discuss with them. Sinabi ko na si Nikolos mismo ang dapat na kumausap sa akin. Nawala na nga sa utak ko ang tungkol sa kanya. Pero nang nakita ko siya kanina, bigla kong naalala ang lahat ng ginawa niya.”
“Siguro dala na rin ng nangyari sa kay Tita. Marami kang problema. Seeing him again made it worse. Kawawa ka naman.”
“Thank you. Akala ko kasi magagalit ka sa ginawa ko.”
Nakangiti nitong ginagap ang kamay niya. “Naiintindihan kasi kita. Mahirap ang pinagdadaanan mo.” Tumigas ang anyo nito. “Basta humanda sa akin ang Nikos na iyon. Akala ko pa mandin nagtitino na siya.”
“Ano bang aasahan mo sa mga lalaki? Puro lang naman sila salita. Walang nagtitino sa kanila. Palala sila nang palala. At habang paniniwalaan mo sila, lalo lang lalakas ang loob nila na gumawa ng kalokohan.”
Tumango-tango ito. “Tama ka. He must pay for what he did to you.”
“Okay na. Nakaganti na ako.”
“But it is not enough. Dapat magbigay siya ng daños sa ginawa niya. I will discuss this with him.”
“Hindi na. Tama na ang nangyari. Now we are even. Ayoko nang idagdag pa siya sa mga problema ko. Gusto kong mag-focus sa problema ng pamilya ko. Di naman niya ako matutulungan. Bahala na siya sa karma niya.”
“You are right. Mas kailangan mo ngang mag-focus sa paghahanap ng trabaho kaysa isipin pa si Nikos. Nababaliw lang ang mga babae na nag-iisip sa kanya. Tutulungan kitang maghanap ng trabaho. If not with La Brissa, hahanap ako sa iba pang hotels. Malalagpasan mo rin ang problema mo.”
Ginagap niya ang kamay nito. “Thanks!”
Pakiramdam niya ay pabigat nang pabigat ang pagsubok na pinagdadaanan niya. Ang tanging konsolasyon lang ay tapos na ang problema niya kay Nikolos Theron. Sana lang ay di na sila magkita pa.
“ARIZE, sorry sa ginawa ko,” anang mommy niya habang pinagbabalat niya ng orange. Magaling na ito at malapit nang lumabas ng ospital. Noon lang sila nagkausap nang sila lang. Kadalasan ay tahimik ito kapag siya ang nagbabantay. Nahihiya marahil sa kanya. “Masyado kasi akong nadala sa ganda ng buhay natin. Na parang walang mababawas sa pera natin kahit na maglibang ako nang konti. Sa sobrang paglilibang ko, kabuhayan na pala natin ang naisusugal ko.”
“Kalimutan na ninyo iyon, Mommy,” aniya at huminga nang malalim. Mabigat pa rin sa kanya ang pagkawala ng mga naipundar niya. Pero unti-unti na niyang natatanggap. Wala naman kasing mangyayari kung sasama ang loob niya.
Iniwas nito ang tingin sa kanya. Subalit di nakatakas sa kanya ang pamumuo ng luha sa mata nito. “Nami-miss ko ang dati nating buhay. Noong mayaman pa tayo at nakatira sa exclusive subdivision, marami akong kaibigan. Sila ang karamay ko habang nagpapakasaya sa piling ng ibang babae ang daddy mo. Nakakalimot ako sa problema. Nakalimutan ko rin na ina ako. Naging iresponsable ako. Di ko man lang naisip ang mga pinaghirapan mo. Kasalanan ko!”
Niyakap niya ito nang humagulgol ito ng iyak. “Mommy, tahan na. Makakasama sa inyo ang pag-iyak.”
“Sabihin mo na galit ka sa akin, anak. Tatanggapin ko. Naging masama akong ina, hindi ba? Sarili ko lang ang iniisip ko?”
Tinapik niya ang likod nito. “It’s over. Tanggap ko na po ang ginawa ninyo. Magsisimula tayo ulit. Magtutulong-tulong tayo nila Lillie.”
“Paano ang mga naipundar mo? Hindi mo na mababawi ang lahat ng iyon. Pati ang restaurant mo hindi mo na rin maitatayo.”
Huminga siya nang malalim. “Magtatrabaho po muna ako dito. May iba pa namang paraan para mabuhay tayo. Hahanap na ng trabaho si Lillie. Dalawa na kaming magtatrabaho. Makakabawi rin po tayo. At ang gagawin lang po ninyo ay magpagaling.”
“Hindi na rin ako sasama sa mga amiga ko. Sa bahay na lang ako.”
Nang matulog ang mommy niya ay may ngiti sa labi nito. Sa palagay niya ay tuloy-tuloy na ang magiging paggaling nito dahil nabawasan na ang problema nito.
Lumabas siya ng kuwarto nito nang mag-ring ang cellphone niya. “Arize, I have a good news for you. May vacant na position sa La Brissa.”