Heartbreakers Series Chapter 12

NAG-AALALANG tinanaw ni Arizona ang malakas na ulan mula sa bintana ng kuwarto ng nanay niya sa ospital. Humahagupit ang hangin sa labas. Pasado alas sais na ng umaga pero wala siyang mabanaag na liwanag.

“Ate, tutuloy ka pa ba sa interview mo? Malakas ang ulan. Balita nga may paparating na bagyo. Huwag na lang kaya,” nag-aalalang sabi ni Lillie.

“Hindi pwedeng hindi ako tumuloy.” Kinabukasan na lalabas ang nanay niya mula sa ospital. Marami silang bayarin. Di pa nare-release ang backpay niya. Kung di pa siya makakahanap ng trabaho, baka sa kalye na sila pulutin.

“Delikado na kasi ngayon. Alam mo ba na may bumagsak na billboard sa EDSA kagabi? Baka mamaya mabagsakan ka ng billboard.”

Ibig-ibig na niya itong tuktukan. “Tigilan mo nga ako. Aalis na ako. Baka mamaya ma-late pa ako sa interview. Mapurnada pa ang trabaho ko.”

Mula sa St. Luke’s ay sumakay siya ng taxi. “Manong, sa MRT station po.” Doon na lang siya sasakay ng pa-Buendia. Pagdating sa Buendia ay saka na lang ulit siya magta-taxi. Gusto lang niyang makatiyak na makakaiwas siya sa traffic.

Pero papunta pa lang sa MRT station ay na-traffic na siya. Malaking volume ng sasakyan ang na-stuck sa kalsada. Kalahating oras din ang nasayang bago siya makarating sa MRT station. Samantalang malapit lang ang Cubao sa St. Luke’s.

Pagdating sa MRT station ay punong-puno ng tao. Lahat ay bugnot na bugnot. Napanganga siya. “Dito ako makikipagsiksikan?”

“Bad trip naman, o! Kung kailan nagmamadali saka made-delay ang biyahe!” bugnot na sabi ng mama sa harap niya. Nang tingnan niya ang electronic marquee ay naka-anunsiyo na ten minutes na made-delay ang tren.

“Akala ko pa mandin mapapadali ako dito.” Tumanaw siya sa may EDSA. Halos di kumikilos ang sasakyan doon. “Mas okay na ako dito.” Maaga pa rin kaya makakarating pa rin siya nang maaga sa La Brissa Hotel.

Natigagal na lang siya nang pagdating ng tren at bumukas ang pinto ay naghangusan papasok ang mga tao. Kahit na ayaw pa sana niyang pumasok pero naitulak na siya ng mga tao. Mabilis siyang kumapit sa bar. Halo-halo na ang mga tao at lahat ay nagngingitngit habang naggigitgitan.

“Naku! Sana lang mukha pa akong tao kapag dumating ako sa hotel.”

Hindi na siya makahinga sa sobrang sisiksikan. Ni hindi niya maramdaman ang aircon ng tren o ang malamig na panahon dahil sa sobrang dami ng tao.

Tumalim ang mata niya nang makitang may mga lalaking nakaupo sa bench at prenteng-prente sa pagbabasa ng diyaryo o pakikinig sa I-pod. Habang marami silang mga babae na nakatayo at nakikipagsiksikan.

“Ang kapal talaga ng mga mukha. Mga walang kahihiyan. Naturingang lalaki, walang modo. Mga ungentleman!” gigil niyang wika. “Di bale, makakalabas din ako sa tren na ito. Kalahating oras lang naman ang titiisin ko sa pesteng MRT na ito.”

Pagdating ng Buendia station ay bumubuhos pa rin ang ulan. Dumaan muna siya ng ladies’ room. Hinaplos niya ang palda. “Buti naman hindi ako mukhang galing sa lata ng sardinas.” Nag-retouch na lang siya ng make up.

Pagbaba niya ng station ay nagulat siya nang makitang santambak din ang mga tao na naghihintay ng masasakyan. Maging ang bumibiyaheng jeepney ay mahaba din ang pila. Tiningnan niya ang relo. “Naku! Hindi na ako makakaabot pa nito kung makikipaggitgitan pa ako.”

Traffic din sa bahaging iyon kaya malabong may dumating na sasakyan dala na rin marahil ng masamang panahon. Sinimulan niyang maglakad. Kung suswertehin siyang may dadaang taxi, doon na lang niya paparahin.

Umihip ang malakas na hangin. Nanlaki na lang ang mata niya nang bumaligtad ang payong niya. Pinili niyang isara na lang iyon.

“Mabuti na lang ambon lang ito. Hindi ako masyadong mababasa.” Hand dryer na lang ang gagamitin niya para matuyo ang buhok niya at damit. Nagpatuloy siya sa paglalakad at mahigpit na niyakap ang folder na kinalalagyan ng resume niya at mga credentials. Sinagupa niya ang malakas na hangin. Naka-french bun ang buhok niya pero maging iyon ay parang gusto ring tangayin ng hangin. “Dapat nga yata nakinig na lang ako kay Lillie. Sana hindi na lang ako tumuloy.”

But she needed a job so badly. Ayaw niyang magpa-importante dahil lang kaibigan niya ang isa sa mga nirerespetong tao si Simone sa hotel. Dapat din niyang ipakita na deserving siya sa trabaho dahil pinaghirapan niya at may skills siya.

Nililibang na lang niya ang sarili sa pag-iisip nang humangin ulit nang ubod lakas. Tumapat siya sa asul na tolda na tumatakip sa tindahan na nandoon. Sarado ang tindahan kaya nakasayad ang tolda hanggang sa lupa.

Saktong pagdaan niya ay tinangay ng hangin ang bahagi ng tolda at humagis sa kanya ang tubig na naipon sa paanan niyon. Napasinghap siya nang maramdaman ang malamig na tubig. Nanlaki ang mata niyang tiningnan ang coat niya at palda na nabasa ng tubig. Gusto na niyang maiyak sa sama ng loob.

“Ano ba? Bakit ba napakamalas ko?” hinagpis niya.

Gusto nang tadyakan ni Arizona ang tolda sa sobrang inis. Pero wala rin naman siyang mapapala kung gagawin niya iyon. Una, di naman makakalaban ang tolda sa kanya. Di rin siya masisiyahin kahit na lurayin niya iyon.

“Paano pa ako haharap sa interview ko kung mukha akong basang sisiw? Ano bang kasalanan ko? Bakit ako ginaganito?” sentimyento niya. Di tuloy niya alam kung tutuloy pa siya sa interview o hindi na. Nawawalan na siya ng pag-asa.

Narinig niya ang pagbusina ng sasakyan sa tabi niya. Nang lumingon siya ay nakangiting mukha ni Nikolos ang nakadungaw. “Hi! Need a lift?”

Nasapo niya ang noo. Dumating na ang peak ng kamalasan niya. Si Nikolos Theron. “Diyos ko! Ilayo po ninyo ako kamalasan. Tatanggapin ko na po ang lahat ng kamalasan sa araw na ito basta paglahuin lang ninyo siya sa harap ko.”

Pero parang napasarap ang tulog ng Diyos dahil sa bagyo at di dininig ang dasal niya. Dahil di pa nasiyahan si Nikolos. Bumaba ito ng kotse at nilapitan siya. “Are you okay?” nag-aalala nitong tanong.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.