Heartbreakers Series Chapter 65

Parang bumalik siya sa unang panahon habang pinagmamasdan ang mga palazzo at mga sinaunang bahay. Nai-imagine niya ang mga sinaunang tao suot ang mga sinaunang damit ng mga ito. Mukhang mai-inspire siyang mag-design.

Ipinarada nila ang scooter nila sa dulo ng Curso Umberto, ang sikat na kalye sa Taormina kung saan nakalinya ang iba’t ibang mga restaurant, shops at may mga tindahan pa at restaurant na nagbebenta ng Mafia items.

“Bakit iba ang architecture sa Sicily kaysa sa ibang lugar sa Italy?” tanong niya habang iniisa-isa nila ang mga souvenir shops.

“Dahil dati pa pinag-aagawan ang Sicily ng iba’t ibang Mediterranean super powers. Ito ang pinakamalaking isla sa Mediterranean at pinaka-strategic ang location. Greeks, Romans, Arabs and even Spanish conquered it. Hanggang maibalik siya sa Italy. And Taormina is the Sicilian’s Monte Carlo without the casinos and royal bloods,” paliwanag nito at hinila siya papasok sa isa na namang souvenir shop. Karamihan ng item doon ay antique. “Pumili ka ng gusto mo. Ako ang bahala.”

“Sabi mo ililibre mo ako, ha?”

Hindi niya ugaling magpalibre lalo na sa lalaki. Pero hindi naman mahal ang mga bilihin doon. She just wanted either an old bracelet or earring to jive with the pearls that she would design. Lalong dumami ang ideas na naisip niya sa dami ng magagandang item na nakita niya.

“Come ti chiami?” narinig niyang tanong ni Andreas.

Kumunot ang noo niya. Mukhang may babae na naman itong dinidiskartehan. Babaero talaga ang kumag. Nang lingunin niya ay nakauklo ito sa harap ng isang batang babae na may mahaba at kulot na buhok na sa tantiya niya ay tatlong taon lang. Anak marahil iyon ng may-ari ng souvenir shop. Nakakapit ang bata sa palda ng nanay nito at nagtago nang bahagya. Pero sumilip din ito at ngumiti kay Andreas. Inabot ng bata ang kamay kay Andreas at kinamayan ito.

May kakaibang init na humaplos sa puso niya nang makita ang maliit na kamay ng bata na hawak ng mga kamay ni Andreas. The little girl was so trusting. Napakadali kay Andreas na paamuin ito.

Then she imagined that child as his own. Sa palagay niya ay magiging mabuting ama si Andreas. Mamahalin nito ang magiging anak nito.

Nagsalubong ang mata nila ng bata. Bumuka ang labi nito. “Mama!” At saka ito ngumiti sa kanya. Isang bata na si Andreas ang ama at siya ang ina.

Napapitlag siya nang haplusin ni Andreas ang pisngi niya. “Synn, may napili ka na ba? Kung gusto mo bilhin na natin lahat.”

“Namimili pa ako. Magpa-cute ka muna sa bagong girlfriend mo.”

“Sinong girlfriend ko?” inosenteng tanong nito.

“Iyong batang kausap mo kanina. Pati bata inaakit mo.”

Mahina itong tumawa.“Natuwa lang ako sa bata.Masarap sigurong may anak.”

Kahit kailan ay di pa sumagi sa isip niya ang magkaanak. Ni ayaw nga niyang makipag- relasyon sa lalaki, magkaanak pa. Pero kanina ay bigla na lang niyang naisip ang isang magandang batang babae na anak ni Andreas at anak niya.

Having a child will help normalize your reproductive system, Synnovea. Women are made to be mothers. More than all the options I mentioned, ito ang pinakanatural na paraan para gumaling ka. Don’t you want to be a mother?

Nang lumabas sila ng shop ay paulit-ulit pa rin niyang naririnig ang sinabi ng pinsan niyang doktor. Senyales ba ang imaheng nakita niya kanina para magbago siya ng isip? Ito na ba ang pagkakataon niya para baguhin ang buhay niya.

Pinisil ni Andreas ang kamay niya. Nasa loob na sila ngayon ng Taormina Cathedral. Nasa harap sila ng Byzantine Madonna. Oil painting iyon na ang border ay gawa sa silver at may semi-precious stones.

“This is dedicated to Holy Mary of Greeks. Natagpuan ito sa loob ng lumang dingding ng simbahan. Sabi nila, inilagay daw doon ng mga anghel para proteksyunan sa mga invaders noong Arabian era.” Huminga nang malalim si Andreas. “I like this painting. Lagi ipinaaalala sa akin nito kung gaano katindi ang bond namin ni Mama. Iba pa rin kasing magmahal ang nanay. At sana dumating ang time makita ko rin ang anak ko na yakap ng nanay niya. That would be wonderful.”

Lahat na lang yata ng naririnig niya o nakikita niya kay Andreas ay tungkol sa pagiging isang ina. Dumudugo na ang tainga niya. Hindi siya halos humihinga hanggang makalabas sila ng cathedral.

“Synnovea, bakit hindi mo subukang mag-asawa at magkaanak? You still have the chance. Don’t be stubborn,” naririnig niyang sabi ng Tita Beatrix niya. “Hindi bale sana kung isang ovary lang ang tatanggalin nila dahil sa cyst mo. They might take the uterus out as well. And you won’t be as healthy as you used to. Gusto mo bang tumulad sa akin? Nang gusto ko nang magkaanak, hindi na pwede. Pangarap kong magkaroon ka ng anak at asawa. Ano pa naman ang isang taon? Baka mahanap mo ang lalaki para sa iyo. Baka magkaanak ka na. Life would be more wonderful for you then.”

Wonderful. A child could save her. Hindi na niya kailangan pang mag-undergo ng operasyon. Iniwas niya ang tingin sa bata. “Hindi ako masyadong mahilig sa bata,” usal niya. “Natutuwa lang akong makita sila pero sa palagay ko wala akong tiyagang mag-alaga. Sa palagay ko hindi bagay sa akin ang maging nanay.”

“Kung mga perlas nga naalagaan mo, mga bata pa kaya.”

“Magkaiba naman ang pearl farming sa pagkakaroon ng anak.” Magpapaliwanag pa sana siya pero dahan-dahang inilapit ni Andreas ang mukha sa kanya. Napaurong siya. “What are you doing?”

“Trying to kiss you. Bago na naman tayo mauwi sa pagtatalo.”

Nanuyo ang labi niya. The idea of that kiss was really tempting. Pero natatakot siya. Hindi niya pwedeng pagkatiwalaan ang sarili pagdating kay Andreas. Inipon niya ang lahat ng lakas niya at tumakbo palayo dito.

“Synnovea, saan ka pupunta?”

“Lalayo sa iyo!” sigaw niya.

Nanunukso itong ngumisi. “Scared?”

“No. Kailangan lang nating magpalamig pareho. Ilibre mo ako ng ice cream.” At itinuro niya ang isang ice cream house.

“We don’t have ice cream here. It’s gelato.”

“Kahit ano pang tawag diyan, ilibre mo ako.”

Ilang hakbang lang ay nakasunod na ito sa likuran niya. “You can’t always run away from me, Synnovea.”

Hindi nga siguro niya ito matatakasan sa basta basta. Pero tatakbo pa rin siya hangga’t makakaya niya. Tutal ay di na niya mapagkakatiwalaan ang puso niyang manhid pagdating sa mga lalaki. Andreas broke that barrier. At parang di na lang ang operasyon ang option niya. Na parang pwede na rin niyang ikonsidera na maari siyang magkaaasawa, magkaanak at magmahal.

No! Hindi mangyayari iyon lalo na ang pinakahuli. Andreas could be her salvation but she couldn’t risk falling for him and ruining her self.

Mas malala pa iyon kaysa sa sakit niya.

She should be in control of the situation. She would just enjoy her vacation and appreciate Andreas. Nothing more.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.