Etna was a Greek word for “I burn”. At iyon ang literal na nararamdaman niya. Parang napapaso siya sa init ng halik nito at ng mga bisig nito na nagkulong sa kanya. Kahit ang kalamnan ng dibdib nito sa ilalim ng palad niya ay parang tumutupok sa kanya.
Hindi niya alam na isang halik ang hihilingin ni Andreas. She never thought that a kiss could be so hotly dangerous. At sa abalang kalye na iyon sa Sicily, nakalimutan na niya kung nasaan sila. Nakalimutan din niya kung paano ang tumutol. Si Andreas lang ang tanging kumokontrol sa kanya.
Nakatulala siya habang habol ang hininga nang maghiwalay ang labi nila. Sa palagay niya ay lumulutang pa rin ang isip niya. Lalo siyang natulala nang makitang nakangiti si Andreas. Sa wakas ay nakangiti na ulit ito.
Pinulot nito ang barya at ihinagis din sa ere saka sinalo. “Naniniwala ako na lucky coin ito. Nagkatotoo ang wish ko.”
Tinutukso siya nito. Bakit kasi magaling itong humalik? Nadala naman siya. Kung ibang lalaki siguro ito, kanina pa niya ihinagis sa bunganga ng Mount Etna. Mukhang hindi lucky coin ang nagpangiti dito kundi ang halik niya.
Nang hawakan nito ang kamay niya at hinila siya papunta sa gelato store ay di na siya tumutol. Bakit parang tama ang lahat ng nararamdaman niya kay Andreas? Ang paghawak nito sa kamay niya, ang pagyakap nito sa kanya o kahit ang paghalik nito sa kanya. Gusto niyang pagalitan ang sarili pero di niya magawa. Ngayon lang niya naramdaman na masaya siya.
Hawak pa rin ni Andreas ang kamay niya habang nakaupo sila sa bench ng Greek theater at pinagmamasdan ang magandang view.
Kinabig nito ang ulo niya at ihinilig sa balikat nito. “Dito ka na lang. Itatanan na lang kita.”
Pumikit siya kasabay ng pagguhit ng ngiti sa labi. If she was only careless and free, she would do that. “Let’s just enjoy this day together. Okay?”
Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Will you miss me?”
Pumikit lang siya at nagkunwaring di narinig ang tanong nito. She didn’t want to miss him. Pero di pa sila nagkakalayo ay nami-miss na niya ito.
Siguro ay di siya mami-miss ni Andreas. Pag naghiwalay sila, may iba na namang babaeng makikipag-date dito. Makakalimutan din siya ni Andreas. At iyon ang gusto niya. Ang tuluyan na siyang makalimutan nito.
MADILIM na ang langit nang umahon sa tubig si Synnovea at sumampa sa speedboat. Tinanggal niya ang diving mask at tinulungan siya ng tauhan niyang si Makoy na tanggalin ang oxygen tank sa likuran niya. Katatapos lang niyang I-check ang mga pearl oyster na nakabitin sa balag sa ilalim ng tubig.
“Ma’am, bumalik na po tayo. Paparating na po ang bagyo. Baka mamaya abutan pa tayo dito. Mahihirapan na tayong bumalik,” sabi ni Makoy.
“Sige. Basta kailangan nating balikan agad ang mga ito kapag umayos na ang panahon.” Kahit pa matibay ang pagkakakabit ng mga pearl oysters sa balag, hindi pa rin siya pwedeng mapalagay lalo na’t masungit ang mga panahon.
Ang mga pearl oysters ay prized animal din gaya ng mga kabayo. Sensitibo ang mga ito sa pagbabago ng paligid. Madaling ma-stress ang mga ito kung pagbabago sa current o kaya ay kung nagiging madumi ang paligid ng mga ito. Ayaw ng mga ito sa polluted na lugar kaya sa isang tagong lugar sa Polilio Island itinayo ng lolo niya ang pearl farm labinglimang taon na ang nakakaraan.
The island was her haven. Her kingdom. Sa lugar na iyon, siya ang naghahari. Dahil pawang mga tauhan niya ang nakatira, siya ang laging nasusunod. Wala rin siyang ibang pinagkakaabalahan doon kundi ang trabaho niya. Ang pearl farm na iyon na ang buong buhay niya.
Tinulungan siya ni Makoy sa pagtatabi sa speedboat sa isang cove na nag-o-offer ng proteksiyon sa malalaking alon at di kalayuan sa bahay niya. Di kalayuan ang bahay niya sa pearl farm kaya di siya na hihirapang mag-monitor sa may limang libong pearl oyster na inaalagaaan nila.
“Umuwi ka na. Kabuwanan ng asawa mo, hindi ba?”
“Salamat po, Ma’am. Basta po ninang kayo ng anak namin.”
Tumango siya at ihinatid ito ng tanaw nang umakyat habang pabalik sa bahay nito. Ang pagiging ninang siguro ang pinakamalapit nang magagawa niya para maging ina. Hindi na siya umaasa na magiging nanay siya. Hindi siya magiging katulad ni Makoy at ng asawa nito. Hindi para sa kanya ang pagpapamilya.
May shower room sa labas ng bahay nila at doon agad siya tumuloy. Sermon kasi ang aabutin niya sa Tita Beatrix niya kapag pumasok siya ng bahay nang basa siya. May nakahanda na siyang roba at tuwalya doon. Suot niya ang roba nang pumasok ng bahay. Nakapamaywang na si Beatrix habang naghihintay sa kusina na siyang madadaanan kapag ginamit ang backdoor.
“Ano? Nagpagod ka na naman, Synnovea?”
“Tiniyak ko lang po na secured na balag sa farm. Mahirap nang masira ang mga iyon. Malaki ang mawawala sa kita natin.”
“Kailangan bang ikaw pa ang gumawa? May tauhan ka naman na pwedeng mag-dive. Alam mong bawal sa iyo ang mapagod.”
Si Beatrix ang naging nanay niya sa simula pa lang. Ilang buwan lang siya nang mamatay ang nanay niya. Matandang-dalaga ito kaya sa kanya umikot ang buhay nito. Alalang-alala ito sa sakit niya. Nadoble iyon nang umuwi siya mula sa Italy nang walang kasamang boyfriend o walang napipikot na lalaki.
“Ang mga tauhan natin nagkukumpuni ng mga bahay nila para di masira ng bagyo. Nahihiya ako kay Makoy dahil siya pa na buntis ang asawa ang nakatulong ko.”
“Hindi kita aalalahanin kung may boyfriend o asawa ka man lang.”
“Wala nga po!” mariin niyang wika at nagsalin ng mainit na tubig sa tasa. Kailangan niya ng kapeng pampagising. Nakakaantok ang malamig na panahon. Madami pa siyang gagawing accounting report.
“Ano ang gagawin mo kay Andreas?”
“Mabait lang po siya sa akin.”
Isang buwan na mula nang manggaling siya sa Italy. Dismayado si Beatrix dahil hindi niya naging boyfriend si Andreas. Boto pala ito kay Andreas para maging boyfriend niya. Tuwing tumatawag si Andreas para kumustahin siya, halos ipagduldulan nito sa mukha niya ang telepono. Lagi naman siyang nagmamadaling magpaalam kay Andreas at nagdadahilang may trabaho siya. Ayaw na niyang maging malapit dito tulad sa Sicily. Ayaw din niyang umasa pa ang tita niya sa kanilang dalawa.
“Baka di mo siya inakit. Hamak mas maganda ka naman sa mga babaeng nakakasama niya sa mga magazine.”
Binuklat niya ang nakasalang kaserola. “Wow! Arrozcaldo!”
Hinawakan nito ang balikat niya at pilit siyang pinaharap dito. “Synnovea, seryosohin mo ako. Mas maganda kung mag-aasawa ka na lang. Kung bakit di pa natutuklasan ng mga doktor noon na pag-aasawa at pagkakaanak lang ang solusyon diyan. Sana hindi na lang ako nagpa-opera. Malungkot ang walang pamilya, Synnovea.”
Niyakap niya ito. Siya na lang ang natitira dito. “Tita, nandito naman ako.”
“Alam ko. Pero paano kung wala na ako? Sino ang magmamahal sa iyo?”
Hindi galit ang tita niya sa kanya. Nag-aalala ito. Ayaw nitong nakikitang nasasaktan siya lalo na’t minsan na nitong nilabanan ang sakit nito. Nawala na ito ng pagkakataon na bumuo ng sarili nitong pamilya.
Maaring si Andreas ang nakikita nitong paraan para malusutan niya ang sakit niya. Pero hindi niya magagawang lokohin si Andreas. Kailangan nito ng babaeng magmamahal dito. Wala siyang maibibigay na pagmamahal dito.