Nag-aalimpuyo ang hangin sa labas. Tanda nang paparating na bagyo. Umiingit ang lantern na gawa sa abaka na nasa tabi ng kama ni Synnovea. Wala nang ilaw sa isla kaya nagtitiyaga siya sa generator. Tiniyak din niyang fully charged ang laptop niya pera makapagtrabaho. Di naman siya makapag-concentrate sa ginagawang accounting report dahil namamanhid ang katawan niya sa lamig. Kahit ang kape niya ay di na sapat para painitin ang pakiramdam niya.
Kumusta na kaya si Andreas? He must be traveling somewhere around the globe. Baka nasa Caribbean ito at prenteng-prente sa yate nito. habang nagbababad ito sa mainit na araw at pinagkakaguluhan ng mga sexy na babae, siya naman ay nangangaligkig sa lamig. Naalala niya ang nakakatunaw na tinig nito at ang mainit nitong halik. Kung naroon lang sana ito, di siya lalamigin.
Lumabas siya ng kama bitbit ang tasa niyang wala nang laman. Kailangan ulit niya ng panibagong tasa ng kape. Di niya kailangan ang init ng katawan ni Andreas. Isang buwan na nang huli silang nagkita. Dapat burahin na niya ito sa isip niya.
Nang pumunta siya sa kusina ay naabutan niyang nagsasalang ng kalderong puno ng tubig ang katulong nilang si Ditas. “Anong iluluto mo?” tanong niya. Katatapos lang nilang mananghalian ay magluluto agad.
“Magpapainit po ng tubig. May nakisilong po kasing bangka sa atin. Pati nga po si Ma’am Bea, sinundo na sa baba. Baka mahiyang makituloy.”
Madalas na makisilong ang mga mangingisda at ang mga bangka sa isla nila lalo na’t bumabagyo. Tinatanggap nila ang mga ito bilang bisita. Kapag sila din ay inaabutan ng masamang panahon sa dagat, tinatanggap din sila sa ibang lugar at itinuturing na bisita. Natural nang magdamayan ang mga tao sa mga liblib na lugar.
Bahagya niyang binuksan ang bintana para silipin kung ilan ang mga bisita nila. Inaasahan niyang maliit na bangka lang ang nakadaong. Nagulat siya nang makita ang isang may kalakihang sailing yacht. Signora ang nakapinta sa yate.
Ninerbiyos siya nang marinig niya ang tawa ng Tita Beatrix niya. “Matutuwa tiyak siya kapag nakita ka. Miss na miss ka na noon.”
Nang bumukas ang pinto ay bumulaga agad sa kanya si Andreas na nakasuot ng plastic na raincoat. Muntik na niyang maibagsak ang hawak na tasa ng kape.
“Ikaw?” Itinuro niya ito. “Anong ginagawa mo dito?” Imposible naman na napadaan lang ito o naligaw.Napakalawak ng mundo.Bakit doon pa ito mapapadpad?
He was dripping wet. Di sapat ang raincoat nito para proteksiyunan ito sa malakas na ulan. Parang pangalawang balat na nito ang basang puti na polo na nakadikit sa katawan nito. He looked as sexy as hell.
Kanina lang ay iniisip niya ito. Akala niya ay nasa ibang bansa ito at nagsasaya kasama ang ibang babae. Ngayon ay nasa harap na niya ito.
“Mamaya ka na magtanong. Kailangan pang magbihis ni Andreas. Napagod siya sa biyahe niya. Mainit na ba ang tubig?” tanong ni Beatrix kay Ditas.
“Ipapasalin ko na po kay Makoy, Ma’am.”
Pinisil ni Beatrix ang braso ni Andreas. “Ihahanda na muna namin ang guestroom. Hindi ka naman nagpasabing dadating ka.”
“Ako na po ang maghahanda, Tita,” prisinta niya at pumunta agad sa guestroom. Nanginginig ang kamay niya habang pinapalitan ng bedsheet ang kama. Nakakapangilabot ang lakas ng bagyo sa labas. Nagngangalit ang dagat. Mag-isa lang si Andreas na bumiyahe sa maliit na yate nito. Nababaliw na ba ito?
Bigla siyang nag-alala kahit alam na niyang ligtas ito. Mas gugustuhin pa niyang magbabad ang yate nito sa Mediterranean kaysa suungin nito ang delikadong dagat at makita niya. Ito na yata ang pinakamalalang bagyong kinaharap niya. Maisip lang niya ang pinagdaanang panganib ni Andreas ay nanghihina na siya.
Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok si Andreas na nakatapis lang ng tuwalya sa baywang at walang suot na pang-itaas. “Hindi ka pa tapos?”
Natulala siya sa imahe nito. Pagans would surely worship him. Kulang na lang dito ay olive crown at pwede na itong Roman god. Nakalimutan na niyang pinapalitan pa niya ng punda ang unan. “H-Hindi ka ba nasaktan?”
Tipid itong ngumiti at mukhang naiilang. “I am okay.”
Kumunot ang noo niya at biglang uminit ang ulo. “Nasasabi mong okay ka samantalang bumiyahe ka lang nang mag-isa papunta dito. At hindi mo ba alam na may bagyong paparating? Paano kung nasiraan ka o kaya lumubog ang yate mo?”
Nagulat ito sa biglang pagbabago ng mood niya. Kanina ay malumanay ang boses niya. Ngayon ay malapit-lapit na siyang maghisterikal. “Pwede bang hayaan mo muna akong magbihis bago mo ako sermunan?” malumanay na tanong nito.
Ihinagis niya ang punda ng unan sa kama at tumayo. “Ay, hindi pa ako tapos! Kung suicidal ka, huwag mo dito gawin kung pwede!”
“Sa palagay ko mas gusto mo akong panooring magbihis kaya hindi ka pa lumalabas dito sa kuwarto ko.” Nang-aakit itong ngumiti at akmang kakalasin na nito ang tuwalya nito. “Bibilang ako, ha? One, two…”
Mabilis siyang kumaripas at tumakbo palabas ng kuwarto. Habol niya ang hininga nang makarating sa sarili niyang kuwarto. Isa talagang malaking tukso si Andreas. Hindi talaga magandang ideya na naroon ito sa isla. Sadyang inaakit siya nito para magkasala siya. Hindi siya magpapaakit dito!