Heartbreakers Series Chapter 72

KAHIT di halos nakatulog, maagang bumangon si Synnovea at dinalaw ang mga bahay ng mga tauhan niya. Kadalasan pagkatapos ng bagyo ay nagkukumpuni ang mga ito ng nasirang bahay o kaya ay nagkakasakit. Nakagawian na niyang magbigay ng tulong sa mga ito kung kinakailangan.

Nagtagal siya sa bahay nina Makoy at ng asawa nitong si Dorina na nanganak nang kasagsagan ng bagyo. Isang malusog na batang babae ang ipinanganak ni Dorina at ipinangalan sa kanya.

Di niya maiwasang ngumiti habang pinagmamasdan ang bagong silang na sanggol. Babies are tiny miracle. Lalo na kung mahal ito ng mga magulang. Maswerte ang mga sanggol na mahal ng mga magulang nito. Di tulad niya.

“Ma’am, pasensiya na po kung hindi ko muna kayo masasamahan na tingnan ang pearl farm ngayon. Hindi ko po kasi maiiwan ang asawa ko,” sabi ni Makoy.

“Naiintindihan ko naman iyon. Ang importante mabantayan mo ang asawa at anak mo. Kaya ko nang mag-isa.”

Iche-check lang naman niya kung anong sira ang naidulot ng bagyo. Kailangan kasi niya iyong I-record. Wala halos ipinagkaiba ang nagtatanim sa mga tulad nilang nag-aalaga ng pearl oyster. Kaya kung hindi matibay ang pagkakasabit ng mga oyster pearls, maaring malaki ang malugi sa kanila.

Naglakad-lakad siya sa dalampasigan. Mabuti at di malaki pinsala sa bagyo. Mahina lang kasi iyon at lumihis sa kanila ang sentro. Papunta na siya sa daungan ng speedboat niya nang makita niya si Andreas na naglilinis ng yate nito.

Wala itong suot na pang-itaas habang mina-mop ang sahig ng yate na nabasa ng ulan. Natigagal na lang siya. Akala niya ay immune na siya sa magagandang katawan ng mga kalalakihan pero di pala siya immune kay Andreas.

Nanunuyo ang lalamunan niya sa bawat paggalaw ng muscles nito. Parang masarap padaanan ng palad niya. Kahit na malakas ang ihip ng hangin ay gumagapang ang init sa katawan niya. Ano bang ginagawa ni Andreas sa kanya?

“Good morning!” bati ni Andreas at itinigil ang pagma-mop. “Ang aga mong nagising. Hindi ka na namin nakasabay mag-breakfast.”

Naglakad siya sa piraso ng kahoy na tuntungan para makasakay sa yate nito. “Tiningnan ko lang ang bahay ng mga tauhan ko at baka may nasira. Saka dinalaw ko ang asawa ng tauhan ko na bagong panganak.”

“Parang mayor ka dito. Lahat ng pangangailangan ng tauhan mo, ibinibigay mo. Balita ko nga pati mga dating pearl divers ninyo, tinulungan mo pa para magkaroon ng handicraft business. At ikaw din ang tumutulong sa kanila na humanap ng magbebenta sa market.”

“Utang na loob namin sa kanila kung bakit maunlad ang pearl farm. Pero mula nang hawakan ko ang pearl farm, nalaman ko na delikado ang paraan nila para makakuha ng wild pearl oysters. Nag-invest ako sa hatchery para di na namin kailangang kumuha sa kanila. Pero wala naman silang ibang alam na trabaho. I have to provide alternative job for them.”

“Pinalalabas mo na wala kang puso minsan pero ang totoo malaki ang puso mo. Bakit ayaw mong subukan na magmahal?” tanong nito.

Iniwas niya ang tingin dito dahil hindi niya makakayang sagutin ang tanong nito. “Diyan ka na muna. Maglilinis lang ako ng speedboat.”

“Nalinis ko na iyan. Na-check ko na rin ang makina mo.”

“Ha?” bulalas niya at nilingon ang speedboat niyang nanlilimahid lang noong isang araw pero ngayon ay malinis na. “You are Andreas del Pierro. Di mo dapat ginawa niya.”

Baka sugurin siya ng mga fans nito oras na malaman na pinaglinis niya ito speedboat niyang kakarag-karag. Maging siya ay di makapaniwalang ginawa nito iyon.

“I am just plain Andreas, Synnovea.” Binitiwan nito ang mop at lumapit sa kanya. “Lahat na lang pinagsisilbihan mo. Sino ang mag-aalaga sa iyo?”

Nahigit niya ang hininga at pumikit nang haplusin ng likod ng palad nito ang pisngi niya. His words were like a caress. Parang gusto niyang hayaan itong alagaan siya. Pero sinasabi ng isip niya na hindi iyon tama.

Inilapat niya ang palad sa dibdib nito para pigilan itong lumapit sa kanya. “You should stay away from me, Andreas. Mapapahamak ka lang sa akin.”

“Bakit? Pagsasamantalahan mo ba ako?” amused nitong tanong.

“Oo,” walang gatol niyang sagot. Mas delikado pa siya kaysa sa mga babaeng naghahabol sa katawan, kayamanan at kasikatan nito.

Hinapit nito ang baywang niya. “Make me your slave then, Synnovea.”

He kissed her expertly. Iyon ang halik na nakapagpanginig na sa tuhod ng maraming babae and tinitiyak ni Andreas na iyon din ang magiging epekto sa kanya. Mukhang nagkabaligtad ang sitwasyon dahil siya na ang naging alipin nito. Napailalim siya sa mahika nito dahil sa isang halik. Isang haplos lang, parang nahipnotismo siya at kusang ginagawa ang anumang iutos ng katawan niya. Her mind couldn’t control her own body anymore. All she cared about was Andreas.

“I could kiss you forever and I never get tired of it.” Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Tell me what you want, Synnovea.”

“Andreas…” Pilit na nag-focus ang utak niya. “Kailangan kong bisitahin ang pearl farm. Iyong mga alaga ko…”

“Sasamahan kita.” Hinaplos ng daliri nito ang pisngi niya. “Aayusin ko lang ito.”

Tumango na lang siya. She must be crazy. Nagmistula na siyang sunud-sunuran kay Andreas. Baliw na nga siguro siya pero magaan ang pakiramdam niya. She wanted to spend the rest of her days with Andreas. Pati na rin ang mga susunod na araw. Ang kanina’y malakas na protesta ng utak niya ay nagsilbi na lang na bulong.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.