“I love you, Synnovea.” Natahimik ito sa kabilang linya. Mukhang nagulat ito. “Wala ka bang isasagot sa akin?”
“Nagulat lang ako sa sinabi mo. I-I have to go now.”
Nagsalubong ang kilay niya at sa huli ay ngumiti din. Di muna niya pipilitin si Synnovea na sagutin siya. Hindi madali para sa isang tao na I-express ang nararamdaman sa salita. Ang importante ay nararamdaman niyang mahal siya ni Synnovea. Words would just come later.
Inilapag niya sa kama ang kahon ng gown at ang bouquet ng roses. Naroon din ang note na iniimbitahan niya itong mag-dinner. He envisioned the diamond engagement ring that he bought a week ago. Pinaghandaan niya ang gabing iyon para mag-propose kay Synnovea. The ring would look good on her.
He was through playing around. Si Synnovea na lang ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay at maging na ng magiging anak niya. Ayaw na niyang umuwi nang mag-isa sa bahay at walang matagpuan na naghihintay sa kanya. Sana lang ay tanggapin nito ang proposal niya. Dahil kung di lang din naman ito ang makakasama niya, baka mag-ermitanyo na lang siya sa Antarctica kasama ang mga penguin.
Pagdaan niya sa sala ay napansin niya ang envelop na nakapatong sa center table. Dinampot niya iyon at nabasa ang pangalan ng isang OB-gynecologist sa gilid. Bigla niyang naalala ang pananakit ng puson ni Synnovea. Hindi pa rin siya matahimik kahit na sabihin na normal lang ang dysmenorrhea sa mga babae. Gusto niyang tiyakin na di na masasaktan si Synnovea.
Tinawagan niya ang numero na nasa envelop. Narinig niya ang pagsagot ng malambing na boses ng babae sa kabila. “Hello! I want to set an appointment with Dr. Fernandez. Is she available after lunch?”
SA UNANG pagkakataon ay nagustuhan ni Synnovea ang pagsusuot ng dress. Nagpatulong pa siya kay Ariz na naging ka-close na niya para maglagay ng make up. Iyon pala ang nagagawa ng in love. Napipilitang maging maganda para kay Andreas. Kahit pa sabihin ni Ariz na di na tumitingin sa ibang babae si Andreas dahil obvious na in love sa kanya, ayaw pa rin niyang maging kampante. Maraming babae ang nakaabang kay Andreas. Sabi nga ng Tita Beatrix niya, she should learn how to keep her man. If she had to fight tooth and nails just to keep him, she would.
Sa palagay niya ay si Andreas ang nagtama ng lahat ng mali sa buhay niya. Akala niya ay puro sakit ng ulo lang ang dala ng isang lalaki sa buhay niya. Kaya siguro siya nagkasakit para ipakita sa kanya na di siya pwedeng mabuhay nang mag-isa. Kailangan din niya ng lalaking mag-aalaga at magmamahal sa kanya.
Loving isn’t always about tragedy and losing someone. It was about gaining a new life. Hindi lang sakit niya ang ginamot ni Andreas. He even fixed her shattered heart. He taught her how to trust. Kaya gagawin niya ang lahat para lang iparamdam dito ang pagmamahal niya.
“Ma’am, nandito na po tayo,” untag sa kanya ng driver ni Andreas na naghatid sa kanya sa penthouse condo ni Andreas.
“Thank you po.”
Hawak niya nang mahigpit ang pouch niya habang nakasakay ng elevator. She could feel it. There was something special about that night. May pinaghahandaang sorpresa si Andreas sa kanya. Excited na siyang malaman kung ano iyon.
Nakatayo si Andreas sa tabi ng glass wall at nakatanaw sa labas. Ni hindi man lang ito lumingon pagpasok niya. May hawak itong brandy isang kamay.
“Andreas, I am here!” Niyakap niya ito. Nang di nito sinagot ang yakap niya ay nagtataka niya itong tiningala. Malungkot ang mga mata nito. Parang napakalaki ng problema nito sa mundo. “Hey! What’s wrong?”
Marahan nitong hinaplos ang pisngi niya. Lalong bumakas ang sakit sa mga mata nito. As if touching her was bringing him great pain.
Pinigilan niya ang kamay nito. “Huwag kang ganyan. Anong problema?”
Lagi na lang itong nakangiti kapag magkasama sila. Hindi siya sanay nang nakikita itong malungkot o nasasaktan. Mas nasasaktan siya.
“Synnovea, mamahalin mo pa rin ba ako kapag hindi kita mabibigyan ng anak o kaya impotent ako?”
Kung ganoon ay may problema nga. Imposible na maging impotent si Andreas. He already proved it to her several times. Nagulat din siya nang sabihin nitong maaring di sila magkaanak. But she’d survive somehow.
Kinintalan niya ito ng halik sa labi. “I really don’t mind. Kung hindi man tayo magkakaanak, nandito pa rin tayo para sa isa’t isa. Iyon ba ang sinabi ng doktor mo? Na hindi ka na pwedeng magkaanak?”
His lips curved in a cynic smile. “I wonder if you really don’t mind. Importante sa iyo ang magkaroon ng anak, hindi ba?”
“Siyempre. Para sa ating dalawa iyon. Pero kung hindi ka pwedeng magkaanak, matatanggap ko naman.”
Magpapatuloy pa rin ang sakit niya pero hindi na siya natatakot. Wala na nga siyang pakialam kung di man siya gagaling. Mas importante sa kanya si Andreas. At ngayon siya nito higit na kailangan.
“Nasasabi mo lang iyan ngayon pero iiwan mo ako. Kapag hindi na kita nabigyan ng anak at impotent ako, hahanap ka ng iba.”
Bumuntong-hininga siya. Mukhang mas malalim pa ang problema ni Andreas kaysa sa inaasahan niya. “Sabi ko hindi kita iiwan so I am staying with you. Que impotent ka o hindi ka pwedeng magkaanak, hindi na importante sa akin.”
Naging malamlam ang mata nito nang kintalan siya ng halik sa labi. “Parang gusto ko nang maniwala na mahal mo nga ako.”