Matapos malaman ang masamang balita ay di na siya nag-empake ng gamit. Dinala na niya ang suitcase niyang di pa naaalis ang laman. Nagdala lang siyang ng extra na damit na pwede pa niyang pagkasyahin. Nagbilin na lang siya ng mga kailangang asikasuhin kay Fatima at tumawag sa hotel para magpaalam. Kumuha siya ng connecting flight. Bumaba siya sa Narita Airport at doon na lang siya sumakay ng eroplano papuntang Manila. Mula sa airport ay tumuloy siyang ospital.
Nilapitan niya ang may sakit na ina. Namumutla ito habang may suot na oxygen mask. May suwero rin itong nakakabit sa braso. Hinaplos niya ang buhok nito. Gone was the glamorous Perla Calderon. Maputla ito. Parang napakalaki ng hirap na pinagdaanan. Kahit sa mahihirap na pinagdaanan ng pamilya nila, her mom maintained her poise and elegance.
“Siguro mag-I-improve na siya ngayong nandito ka. Nagising siya kanina at hinahanap ka. Sabi ng mga doktor, stressed out lang si Mommy. Kailangan lang niyang magpahinga at mabawasan ang isipin niya.”
“Anong nangyari? Bakit naman siya mai-stress out? Hindi naman siya nagtatrabaho. Kaya nga ako nagpapakahirap sa abroad para wala na kayong intindihin? May problema ba dito na hindi ninyo sinasabi sa akin, Lillie?”
“Ate, sa cafeteria na lang tayo mag-usap,” anito at nag-aalangang sinulyapan ang natutulog nilang ina. Napilitan siyang sumunod dito. Mukhang may problema nga at ayaw nitong marinig ng mommy niya kung sakali.
“May kalokohan ka bang ginawa at natuklasan ni Mommy?” tanong niya.
Umiling ito. “Mabait ako, Ate. Di ko kasalanan ang nangyari kay Mommy. Nagkaganyan siya kasi uuwi ka na.”
Lalo siyang nagulat. “Bakit? Dahil ba masyado siyang na-excite na uuwi ako o dahil ayaw pa niyang umuwi ako?”
Nanginginig ang kamay nito nang hawakan ang tasa ng kape. Sa huli ay pinili na lang nitong ibaba ang tasa. “Ate, wala na ang bahay at kotse na binili mo. Lahat sila naipatalo ni Mommy sa casino.”
“What?” Nakuyom niya ang palad at binayo ang mesa. Gusto niyang magalit at magwala. Pero sa huli ay mangiyak-ngiyak na lang siyang napasandal sa upuan. Nanghihina siya. Wala na ang pinaghirapan niya. “N-Nagsusugal si Mommy at isinugal niya ang lahat ng pinag-ipunan ko?”
“Nasanay si Mommy sa luho. Iyon lang ang outlet niya nang nambabae si Daddy,” paliwanag ng kapatid niya. Malaki ang kinikita ng daddy niya dahil may-ari ito ng computer store dati.
Nawala ang bisyo ng mommy niya namatay ang daddy niya. Bumagsak ang kompanya nito dahil na rin sa kagagawan ng mga babae nito. Habang silang tunay na pamilya nito ang naghirap. Nawala ang mga kaibigan ng mommy niya dahil mahirap na sila. Napilitan siyang mag-abroad para makaahon sila.
“Bakit bumalik na naman siya sa bisyo niya?”
“Nagbalikan ulit ang mga kaibigan niya nang makitang gumaganda ang buhay natin. Niyayaya si Mommy sa sosyalan. And recently, sa casino. She thought that you won’t mind since I won’t tell you. Di naman kasi malaki ang naipapatalo niya. Nitong huli, sinabi niya sa akin na malaki ang natalo sa kanya. Kasama na doon ang bahay na nabili mo at ang kotse mo.”
Mariin siyang pumikit. Sa mommy niya ipingalan ang kotse at ang bahay niya. After all, sa kanya rin naman iyon mapupunta sa huli. Di niya alam na pati iyon ay magagalaw nito. “Nangyayari na pala ito pero di mo sinasabi sa akin.”
“Itinago din ito ni mommy sa akin. Naging busy ako sa pag-aaral kaya di ko rin siya masyadong natutukan. Nang nalaman kong nagsusugal siya, sinabihan kong tumigil pero nagalit siya sa akin. Nagsikip ang dibdib niya nang minsang makita ko siyang umiiyak sa kuwarto niya. Sinabi niya ang totoo. At natatakot siyang magalit ka ngayong umuwi ka na.”
Nasapo niya ang noo at hinayaang tumulo ang luha. “Ano pang kwenta ng paghihirap ko sa ibang bansa kung di lang din naman niya pinahalagahan?”
Masamang masama ang loob niya. Parang tinangay lang ng hangin ang pinaghirapan niya. May naipon siya na pampatayo sana niya ng restaurant. Pero pakiramdam niya ay wala nang halaga iyon. Inuna niya ang kotse ang bahay dahil gusto niyang settled na ang kapatid at nanay niya bago simulan ang restaurant.
Niyakap siya nito mula sa likuran. “Huwag kang mag-aalala, Ate. Nandito ako. Di kayo pababayaan ni Mommy. Graduate na ako. Tutulungan kita na ayusin ito.”
NAALIMPUNGATAN sa pagkakatulog si Arizona nang kalabitin siya ng kapatid niya. Buong maghapon niyang binantayan ang mommy niya at si Lillie ang papalit sa gabi.
“Ate, may bisita ka,” bulong nito sa kanya.
Inangat niya ang ulo. Nang luminga ay nakita niya ang kaibigang si Simone na nakatayo sa dulo ng hospital bed. “Sim!” Niyakap niya ang kaibigan at kaklase noong college pa siya. “Mabuti dumalaw ka!”
“Itatanong ko sana kung kailan ang uwi mo kaya ako tumawag sa bahay ninyo. Pero sabi naman nitong si Lillie, nakauwi ka na dahil naospital si Tita. Tumuloy agad ako dito sa ospital.”
“Dapat next week pa ako uuwi pero ito naman ang nangyari kay mommy.” Napayakap siya dito at di mapigilang umiyak. “Simone!”
“Nasabi na sa akin ni Lillie. Huwag mo nang isipin iyon.” Pinahid nito ang luha niya. “Mabuti pa lumabas muna tayo at kumain. Doon na tayo mag-usap.”
“Pero paano si Mommy?” tanong niya.
“Ako na ang bahala sa kanya, Ate. Sumama ka na kay Ate Simone. Hindi ka pa nagdi-dinner. Baka ikaw naman ang sumunod na magkasakit,” sabi ni Lillie.
“May bagong restaurant malapit dito. Tahimik doon magkaka-kwentuhan tayo,” anito at iginiya siya sa bagong bili nitong BMW.
Mangilan-ngilan lang ang tao sa restaurant at pinili ni Simone ang malapit sa fresco. Hinayaan niyang si Simone ang um-order para sa kanya. “Anong plano mo ngayon? Babalik ka ba sa America?”
Umiling siya. “Kaya nga pinili ko na magtrabaho ng five years straight para sure ako na makukuha ko lahat ng goal ko. Right now it is the farthest thing from my mind. Pagod na akong malayo sa pamilya ko. Dito muna ako.”
“Itutuloy mo ba ang restaurant?”
Sumimsim siya ng red wine. “Mukhang malabo. Baka magtrabaho muna ako sa hotel dito sa Pilipinas. Ayoko munang iwan si Mommy at Lillie.”
“But you have to start from scratch.” She sighed. “I’ll see what I can do. Baka may vacant sa hotel ngayon. Di nga lang ganoon kalaki ang sweldo.”
“That’s okay. Thanks, Sim.” Kahit paano ay nagkaroon siya ng pag-asa.
“Good evening, ladies.” Dahan-dahan siyang lumingon sa nagsalita. Natulala siya nang makita si Nikolos Theron na nakatayo sa likuran niya.