Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 105

“Manang Doria, pwede po bang tikman ninyo kung tama lang ang lasa ng oatmeal cookies ko?” tanong ni Phoenix sa tagaluto nang mapalamig na niya ang cookies na katatapos lang i-bake.

Walang siyang inaksayang panahon matapos ang araw na umuwi sila ni Vance mula sa honeymoon. Wala siyang inaksayang panahon. Tinapos na niya ang pagmumukmok at ang pag-iyak-iyak. Wala naman kasing mangyayari kung puro self-pity ang gagawin niya.

Tinanong agad niya si Manang Doria kung anong paboritong ipaluto ni Vance dito. Mula noong isang linggo ay siya na ang nagluluto para sa asawa. Noong una ay patulong-tulong lang siya sa pagluluto. Ayaw kasi ng mga kasambahay niya na mapagod siya dahil na rin sa instruction ni Vance na huwag siyang pagawain ng kahit na ano. Ngayon lang siya nakapagluto nang siya ang mag-isa.

Ilang beses siyang pumalpak sa pagsubok niyang. Parang gusto niyang sukuan ang pagiging domesticated. Iniisip na lang niyang inspirasyon ang mga kababaihan na nagtagumpay sa larangang ito. Kung paanong nakuha ng mga ito ang mga lalaking mahal.

Konting tiyaga lang. Mapapalapit ka ulit sa kay Vance, sabi niya sa sarili habang hinihintay ang reaksiyon ni Manang Doria sa niluto niyang cookies.

Nakakunot ang noo ng tagaluto nang sumubo ng isang pirasong oatmeal cookie. Nang maubos iyon ay tumikim pa ulit ito. Kinabahan siya. Kung hindi siya pasado dito, tiyak na lalo siyang di papasa kay Vance. Back to zero na naman siya.

“Uhmmm… ano pong lasa? May problema po ba?” tanong niya nang di pa rin ito sumagot. Saka niya inalala sa utak niya kung may hindi ba siya nasunod na tamang procedure o nagkamali siya sa timpla ng mga sangkap. Napaka-specific kasi ng baking. Hindi tulad sa ibang lutuin na pwedeng magtantiya o mag-adjust ng mga sangkap.

Nag-thumbs up si Doria. “Ma’am, mas masarap pa ito sa luto ko. Hindi nga po ako makasagot sa sarap. Gusto ko na lang kumakain nang kumain.”

“Talaga po? Kumain pa po kayo,” aniya at inilapit ang bandehado ng cookies dito. Hindi naman siguro siya nito binobola lang dahil kitang-kita naman na na-enjoy nito ang pagkain. “Sa palagay ba ninyo magugustuhan ni Vance kapag natikman niya?”

“Naku! Baka di pa siya umaalis papuntang opisina ay naubos na niya iyan,” sabi nito.

“Sana nga po,” usal niya. Kung ito lang ang paraan para mapalapit ang puso niya sa asawa.

Nalaman niya mula kay Judith na kapag sobrang abala si Vance ay nawawalan na ito ng oras para kumain man lang. Hindi naman niya ito pwedeng bantayan sa opisina at minsan ay ayaw nitong magpa-order ng pagkain. Wala naman itong magagawa kundi kumain na lang kapag kaharap na nito ang cookies na luto niya. Hindi nito matatanggihan.

“Manang Doria, sabi na nga ba’t may naamoy akong masarap,” sabi ni Vance na bigla na lang pumasok sa kusina. Dumampot ito sa tray ng dalawang pirasong cookies at basta na lang sumubo. “Pasarap kayo nang pasarap na magluto. Pa-kiss nga.” At niyakap si Manang Doria saka kinintalan ng halik sa pisngi. “The best talaga kayo.”

Humalakhak lang si Manang Doria na parang nakikiliti. “Sir, hindi naman ako ang nagluto niyan kundi si Ma’am Phoenix.”

“Ikaw ang nag-bake?” gulat na tanong ni Vance.

Nakangiti siyang tumango at pinagsalikop ang palad. “Oo. Okay ba ang lasa?” puno ng pag-asam niyang tanong.

Kumunot ang noo ni Vance at dali-daling uminom ng tubig. “Bakit ka nagluto?” tanong nito sa mataas na boses. “Hindi ba sinabi ko sa iyo na ayokong magtatrabaho ka dito. Okay lang na magbigay ka ng instruction kung anong iluluto at kung anong aayusin dito sa bahay pero hindi ko gusto na gumagalaw ka. Gusto mo bang may mangyaring masama sa baby natin?”

Kahit si Manang Doria ay napapitlag at in-excuse ang sarili. Takot ang mga kawaksi doon kapag nagalit si Vance dahil di nasusunod ang mga utoso nito lalo na kapag sangkot siya at may kinalaman sa magiging anak nila.

Sinapo niya ang impis pa rin na tiyan. “Okay lang naman kami ng baby. H-Hindi naman kami nasaktan. And besides, nag-bake lang naman ako. Alam ko naman ang ginagawa ko.” Masarap nga sa pakiramdam niya kapag pinagsisilbihan niya si Vance.

Bumuntong-hininga ito. “Dapat hindi ka masyadong naggagagalaw. Hindi makakabuti sa bata kung mapapagod ka. Ayoko nang mauulit ito.”

“Okay,” sagot na lang niya at pilit na ngumiti.

Hinawakan nito ang baywang niya. “Come. Mag-breakfast na tayo.”

Heto na naman sila. Kapag may ginagawa siyang effort para pagsilbihan ito ay wala siyang pakialam. She felt unappreciated…again. Ilang beses na niyang ipinagluto ito ng hapunan. Ilang beses na rin niyang inayos ang gamit nito. He was all praises to their househelp. Pero kapag nalalaman nitong siya ang nagluto o nag-asikaso sa mga gamit nito ay sermon lang ang inaabot niya.

Nakadama siya ng kurot sa dibdib. Isang sakit na nakakasanayan pa rin niya kahit na palala nang palala ang sakit kapag hinahayaan niyang pumasok sa isip niya. Ipinapasok na lang niya sa isang tainga at inilalabas sa kabila.

For the baby, for the baby, for the baby…

Iyon na lang ang paulit-ulit niyang pakonsuwelo sa isipan niya. Inaalala nito ang anak nila kaya ayaw nitong mapagod siya. Ayaw na lang niyang makipagtalo dito dahil tiyak na hahaba ang usapan. Sa huli ay di rin naman ito makikinig sa katwiran kahit sabihin niyang ayos lang sila ng baby.

Parang lawing nakatutok ang paningin ni Vance sa kanya habang kumakain siya. Kahit na balewalain niya ang lungkot na nararamdaman ay di mawala ang bigat sa puso niya. Ayaw nito na tumulong siya sa gawaing-bahay. Ayaw nito na asikasuhin niya ito. She had so much time in her hands.

“Kumain ka ng kumain,” sabi ni Vance at nilagyan ng fruit salad ang plato niya.

Tapos na ang paglilihi niya at di na rin siya maselan sa kakainin pero kailangan pa rin niyang mag-ingat. Gaya nga ng sinabi ng OB-Gyne niya ay hindi naman kailangang maging malaki siya o ang bata. Ang size nga ng bata ang imo-monitor nila kung ayaw niyang ma-caesarian. Kaya puro masusustansiyang pagkain lang ang kakainin niya. Kahit si Vance at ang mga kawaksi ay may specific na pagkain lang na pwedeng kainin para di daw siya ma-tempt na kumain ng pagkain na bawal sa kanya.

Mahigpit ang hawak niya sa kubyertos habang nakatingin sa mga prutas sa harapan niya. Bigla ay hindi siya makahinga. Her free soul wanted to get out of its cage. Nagsisimula na siyang ma-suffocate sa bahay na iyon at sa mga patakaran ni Vance. Gusto ulit niyang maramdaman na normal siya.

“Hindi ka na kumain diyan. May gusto ka bang sabihin sa akin?” tanong nito nang mapansin na tahimik siya.

“Vance, kasi di ba sabi ni Doktora ayos naman daw ang kondisyon ko noong nakaraang check up ko?”

“Then it is good news. Nagbunga ang pagsisikap namin na alagaan ka. kaya nga dapat di ka nagpapalipas ng pagkain. Ayoko rin na mapapagod ka.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “I mean, I am strong and I can work if I want to.”

Tumaas ang kilay nito. “And your point is?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.