“Ma’am Phoenix, mukhang masarap po ang niluluto ninyo,” sabi ni Doria, ang ang head cook sa mansion ng Villaviray. “Magugustuhan tiyak iyan ni Sir Mauricio.” Kahit na inaantok pa dahil gabi na siya nakauwi mula sa Palawan ay masigasig pa rin siya na magluto ng agahan.
“Binili ko po talaga ang isdang iyan sa El Nido para sa kanya. May binili din akong isang kilo para sa inyo,” sabi niya at hinango ang luto nang danggit. Maaga siyang gumising para makipagbuno sa kusina. It was not her strongest skill, pero kaya naman niyang magprito ng danggit at itlog.
“Salamat po, Ma’am. Matutuwa ang mga kasamahan ko nito,” sabi ni Manang Doria. “Pero huwag na ninyo kaming ipagluto. Nakakahiya naman.”
Pero ang totoo ay istrikto ito pagdating sa kusina. Hindi ito basta-basta nagpapapasok doon. Hinayaan lang siya nitong magluto dahil pakiusap niya.
“Gusto ko lang po talagang ipagluto si Tito Mauricio kahit ngayon lang. Ngayon lang naman.” Mas nauna pa nga niyang ipinagluto si Vance kaysa dito. She felt a bit guilty about it. Kaya naman gusto niyang bumawi. Kung mananatili siya sa Pilipinas, mas madalas niyang magagawa ito.
Isa iyon sa mga bagay na nabalewala niya noon pero ngayon ay nakikita na niya ang importansiya. Isinantabi niya ang guilt para sa pangarap niya. Ngayon ay maari na siyang makabawi sa tiyuhin niya at maipakita naman niya ang pagmamahal dito. Isa iyon sa advantages ng pananatili niya sa Pilipinas.
Nang lumabas si Phoenix ng kusina habang dala ang bandehado ng danggit ay nauna na sa breakfast table si Mauricio. Nagbabasa ito ng diyaryo habang umiinom ng paborito nitong Columbian brew coffee. "Good morning, Tito!” masayang bati niya at humalik sa pisngi nito. “Heto na ang danggit mo."
"Wow! Ngayon mo lang ako ipinagluto ng breakfast,” gulat nitong usal.
"I know you have particular taste. Hindi mo alam kung gaano kahirap sa akin na makipagbuno at makiusap kay Manang Doria para payagan ako na gumamit ng induction heat cooker niya. Ayaw niyang may ibang nakikialam sa kusina niya. Pero dahil magpiprito lang naman ako ng danggit, hinayaan na niya ako."
Pinagmasdan nito ang inilapag niya sa harap nito. "Danggit ito."
"Higanteng danggit po. Nabili ko iyan sa El Nido at marami pa akong daing na isda na binili para sa inyo.”
“That’s thoughtful of you. Ito ang pinakagusto ko sa lahat ng pasalubong mo. Na-touch talaga ako.”
Napailing na lang si Phoenix nang maalala ang lahat ng ipinasalubong niya kay Mauricio mula nang magtungo siya sa abroad – mga antique na items na pinaghirapan pa niyang hanapin sa mga pinupuntahan niyang bazaar o kaya ay paintings na paborito din nitong kolektahin. Pero sa danggit lang pala ito mata-touch. Siguro iyon mismo ang gusto nito. Simpleng daing na isda lang at maipagluto niya ito. It means that she was home.
"Ilang araw nga akong di nakatulog. Iniisip kasi kita,” sabi ni Mauricio.
"Bakit naman ninyo ako iniisip? Malaki na po ako at alam ko na ang ginagawa ko. As you can see I am doing great. Dapat yata kayo ang magbakasyon. Or better yet, why don't you go out on a date?" aniya at pilyang ngumiti.
"A date? At my age? That's silly I am already fifty-six years old."
Kinuha ni Phoenix ang teapot at nagsalin ng peppermint tea sa tasa niya. Saka niya nilagyan ng honey. "Malungkot din kapag mag-isa at walang love life. Walang magpapangiti at maglalambing sa inyo. Dapat iyon ang iniintindi ninyo kaysa pinakikialaman ninyo ang love life ko."
She was happy enough on her own. Hindi na nito kailangan pang ireto siya kung kani-kaninong lalaki na hindi naman niya feel.
Bigla nagmukhang stressed out ang tiyuhin niya. Hindi niya alam kung dahil nag-suggest siya na makipag-date ito o dahil ayaw na niyang pakialaman ito ang love life niya. "I am too old for that. At ano ba ang nakain mo at bigla mong napag-initan ang love life ko?"
"Danggit?" usal niya at ngumisi dito saka kumagat ng danggit.
"Hindi na naabutang gising kagabi. Mukhang napagod ka sa biyahe."
“Nakakapagod pero ayos lang po,” aniya at nagkibit-balikat.
“Kumusta naman ang isang linggo mo sa El Nido?”
Biglang nagningning ang mata ni Phoenix. Daig pa niya ang lumaklak ng isang mug na kape sa enerhiyang rumagasa sa dugo niya. "Tito, El Nido is a paradise! It is like a treasure island. Not just El Nido but the whole of Palawan. Sa El Nido pa lang ilan na ang archaeological sites. Imagine if they start digging the rest of Palawan. Tiyak na magkakagulo ang lahat sa archaeological world. And of course, you already know about the islands, the lagoons, the beaches and the astounding views. Isama mo pa ang mga mababait na tao doon. Wala yata akong masamang masasabi sa El Nido. Kahit saan ako tumingin o pumunta, maganda ang nakikita at na-experience ko.”
"Mabuti naman at nag-enjoy ka. Inalagaan ka ba ni Vance?"
Bigla siyang naging kimi. "Opo. He is nice to me."
"How nice? Hindi na ba kayo nagbabangayan? Medyo nag-aalala ako na baka ibinaon mo na siya sa kung saang kuweba sa El Nido at matatagpuan na lang siya matapos ang ilang milenyo ng mga archaeologist."
Tumawa lang siya. "We are in good terms now."
Ano bang dapat niyang gawin para hindi naman mahalata na kinikilig siya? Oras kasi na magkwento siya ng detalye tungkol kay Vance ay baka humagikgik na lang siya na parang teenager. At hindi siya pwedeng umakto na isang babae na di makontrol ang emosyon niya sa harap ng tiyuhin niya. That would be… weird. Isa pa ay hindi naman niya alam kung anong planong sabihin ni Vance sa tiyuhin niya tungkol sa intensiyon nito sa kanya. Baka kung siya pang babae ang unang magsabi ay sabihin nito na masyado naman siyang excited. After all, ito ang maghahabol sa kanya. Not the other way around. Under observation pa rin si Vance sa kanya.
"Good morning!" bati ni Vance na biglang pumasok ng breakfast room.
“See? Hindi pa siya artifact in the making,” usal ni Phoenix sa tiyuhin niya. Pero parang may drum set naman sa loob ng dibdib niya pagkakita kay Vance. He looked so damn gorgeous.
Naka-dark grey na itong long sleeve polo at black slacks. Mamasa-masa ang buhok nito at mukhang bagong ligo. Nagmano ito kay Mauricio at humalik naman sa pisngi ni Phoenix. "So what's for breakfast?" At tiningnan siya nito na parang siya ang gusto nitong gawing agahan.
"Danggit. Ako ang nagluto niyan,” aniya at itinuro ang serving dish na may lamang danggit. “Gumawa na rin ako ng sawsawan. May sukang Iloko na may bawang at meron ding hiniwang kamatis at sibuyas. Ikaw na ang bahala kung anong gusto mo”
"Mapapakain yata ako ng marami ng agahan dahil diyan. Pwede bang kunin na lang kitang personal cook ko?" tanong ni Vance sa kanya.
"Hindi mo kaya ang talent fee ko,” aniya at umismid.
"Hindi ka naman gourmet cook,” kontra ni Mauricio sa kanya.
"She's good. Basta siya ang nagluto masarap. Kahapon po siya ang nagluto ng tanghalian namin. Dapat natikman ninyo ang relyenong alimango at ginataang alimango niya, Ninong,” puno ng paghangang sabi ni Vance. Hindi niya alam kung pambobola lang iyon pero naubos naman nito ang ihinanda niya kahapon kaya marahil ay nasarapan talaga ito.
"Magseselos si Manang Doria sa akin kapag ako na ang paborito mong cook. Alam mo naman na may crush iyon sa iyo,” biro niya dito. “Isa na naman sa mga babaeng paluluhain mo.”
Biglang naubo si Vance. “Tubig!”
Natatawa niya itong ipinagsalin ng tubig sa baso at inabot dito. Kung dati ay excited itong ipagmalaki ang conquest nito sa mga babae, ngayon ay hindi na ito komportable. O marahil ay dahil si Manang Doria ay fourty-five years old na. Malayo na sa age range ng mga conquest ni Vance.
Natatawang tinapik ni Mauricio ang likod ni Vance. "Do not hurt my cook or both of us will be in trouble. I am glad you are not six feet below the ground.” Nagpapalit-pailt ang tingin nito sa kanila ni Vance. “Mukhang magkasundo na kayong dalawa. It must be the air in El Nido. Hindi na ba kayo nag-aasaran?"
"Minsan po," sabi ni Phoenix at inabutan ng sinangag si Mauricio.
"Kapag nilalambing ko siya,” dugtong naman ni Vance.
Tinitigan siya ni Vance sa harap ng tiyuhin niya na parang gusto siya nitong tunawin. Hindi niya alam kung paano magre-react doon. Mabuti na lang at naabot na niya sa Tito Mauricio niya ang bandehado kundi ay baka naibagsak niya iyon.
At hindi rin niya alam kung anong isasagot. Madali lang naman itong kontrahin pero hindi niya magawa. Yes, kinikilig siya sa paglalambing nito. Hindi niya kailangang i-big deal ang mga sinasabi nito dahil paraan lang nito iyon para mangulit o magpapansin.
Pero ibang usapan na itong umagang-umaga ay sobrang lagkit nitong makatitig sa kanya na parang siya lang ang tao sa mundo.
Nagpasalamat siya nangh ibahin ni Mauricio ang paksa. "Oo nga pala. Ngayong Friday na ang birthday ni Mr. Ventura. Tanungin mo ang mga kaibigan mo kung pwede silang i-recommend para mai-date ni Phoenix."
Umasim ang mukha niya nang mas maasim pa sa sukang Iloko. "Tito, napag-usapan na natin ito. Stop setting me up with other men."
"Maaasahan ba kita, Vance?" sa halip ay tanong pa rin ng ni Mauricio at hindi nag-abalang tingnan si Phoenix.