Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 20

MAHIGPIT na hinawakan ni Phoenix ang kubyertos habang hinihintay ang sagot ni Vance. Anong isasagot nito sa Tito Mauricio niya? Papayag ba ito sa kagustuhan ng Tito Mauricio niya na ipa-date siya sa ibang lalaki? Paano na sila kapag nangyari iyon?

Naku! Huwag lang itong magkamali ng sagot. Baka madagukan niya ito sa harap ng pagkain kahit na labag sa kagandang asal.

"No. I am sorry, Ninong. Hindi na po siya makikipag-date sa ibang lalaki. Ako ang makaka-date niya sa party,” matatag na deklarasyon ni Vance.

"Vance..." usal ni Phoenix. Hindi niya inaasahan iyon. Noon lang niya nakita na tumutol si Vance sa gusto ng tiyuhin niya maliban kapag tumututol ito na makipag-date sa ibang babae.

Bumaling si Vance sa kanya at ngumiti. "Kung okay lang sa iyo na ako ang ka-date mo, Phoenix,” anito sa suwabeng boses.

"Of course. Of course,” sagot niya. Pwede naman nitong i-assert ang kagustuhan nitong siya ang maka-date niya sa Tito Mauricio niya pero talagang hiningi pa rin nito ang huling salita mula sa kanya. Naramdaman niya ang respeto nito sa kagustuhan niya. She really appreciated that.

Natahimik si Mauriicio habang maang silang pinagmamasdan ni Vance. Hindi niya alam kundi nito aprubado ang napagkasunduan nila. Baka iniisip nito na nagsasabwatan silang dalawa para di matuloy ang plano nito na ireto sila ni Vance sa iba. Malay ba niya kung abrupado nito si Vance para sa kanya.

Pagkuwan ay nasisiyahang tumango si Mauricio. "Do you need to shop for the party? My secretary is at your disposal,” sabi pa nito at inilahad ang kamay.

Umiling si Phoenix. "No. Ayoko pong makaabala."

"Or better yet, ako na mismo ang sasama sa iyo,” suhestiyon naman ni Vance.

"Hindi ba busy ka?"

"I will make time. Sa palagay ko hindi gaanong mahigpit ang schedule ko bukas. Sasamahan kita sa boutique. Then let’s have dinner afterwards,” sabi ni Vance.

"That’s a great idea,” wika ni Phoenix. Gusto niyang makasama ito nang madalas. Isang linggo silang magkasama kaya sanay na siyang nasa tabi lagi ito.

"May site visit ako sa Laguna ngayon. Mauuna na po ako, Ninong." Kinintalan ni Vance ng halik ang noo niya. "I will see you tonight."

“Great. Mag-ingat ka,” aniya at inayos ang kuwelyo ng polo nito.

Nagpaalam ito sa tiyuhin niya. Then he gave her a lingering look before he left. She let out a sigh. She was so looking forward on an evening with him.

"So what's with that kiss and that look?”

Nagulat si Phoenix sa tanong ni Mauricio habang naghihinala siyang tinititigan. "Po? Wala lang,” aniya at nagpatuloy kumain.

"Anong wala lang? May holding hands pa nga kayo. So what's going on between you two? Anong nangyari sa El Nido?"

Hindi niya sinalubong ang mga mata nito. Hindi madaling magtago ng sekreto sa mapanuring mata ni Mauricio pero itatago niya hangga’t kaya niya. "Nothing. Naisip lang namin na pwede kaming magkaibigan. Hindi namin kailangang mag-aral dahil marami kaming napagkakasunduan."

"'Yung totoo?" tanong pa rin nito at mukhang wala siyang balak na tantanan.

Bumuntong-hininga si Phoenix. Wala naman siyang magagawa kundi aminin dito dahil malaki ang pagkakaiba ng pakikitungo nila ni Vance sa isa't isa ngayon. "Alright. Sinabi sa akin ni Vance na gusto niya ako. At kaya daw niyang patunayan sa akin na seryoso siya sa akin. Na hindi niya ako paglalaruan katulad ng ibang babae. Hindi ko po alam kung gaano siya kaseryoso."

"Ano sa palagay mo sa kanya?" kaswal na tanong niya.

"Weird po noong una. Kasi tingin ko po parang kontrabida ang role niya sa buhay ko. Pero habang kasama ko siya sa El Nido ay marami akong natuklasan sa kanya. Nirerespeto at pinahahalagahan niya ang mga bagay na gusto ko. Hindi naman iyon ginawa ng ibang mga lalaki na ipina-date ninyo sa akin noon."

"So you like him now?"

"I more than like him," aniyang di napigilan ang ngiti na may kasamang kilig nang umamin. "I mean, I don't know if I should feel this way. Gusto kong mag-ingat. Naguguluhan na po ako. Ano pong palagay ninyo kay Vance?"

"Alam mo naman na siya ang pinagkakatiwalaan ko,” wika ng tiyuhin niya sa malumanay na boses. “Nakita ko halos kung paano siya lumaki at parang anak ko na siya. Napaka-responsable niyang bata, asset siya ng kompanya at gusto siya ng mga tauhan natin dahil sa makatao niyang pamamahala. Walang talo sa kanya.”

"Tito, alam ko na po ang lahat ng sinabi ninyo pero iba ang record niya sa mga babae. He is the love 'em and leave 'em type. Let me rephrase that. He doesn't do love at all. Sa palagay ba ninyo maipagkakatiwala ninyo ako sa kanya?"

Kahit naman sa kanya ay di sinabi ni Vance na mahal siya nito. Sinabi lang nito na magseseryoso ito at pwede pa siya nitong pakasalan. But that was hardly love. Like lang daw siya nito. Like na like na like. Pero kahit gaano pa siya nito kagusto ay hindi pa rin iyon pagmamahal.

At hindi rin naman siya ang Villaviray Construction. She believed that she was more precious than the company. Maipagkakatiwala ba siya ni Mauricio kay Vance?

"Oo naman. Masaya ako kung siya ang magiging boyfriend mo. He is a man of his word. Hindi siya ang tipo na nagsasabi ng nararamdaman niya. He doesn't want to make himself vulnerable. Kaya kung sinabi niya na gusto ka niya, alam niyang sumusugal siya. Noon ka pa talaga niya gusto. Ikaw lang itong laging umaaway sa kanya kaya hindi siya makaporma sa inyo."

"Oh! Sinasabi niya sa inyo?" tanong niya.

"Yes. Sabi ko nga sabihin niya sa iyo na gusto ka niya pero sabi niya tiyak na ire-reject mo lang siya. Ayaw din niya na ipilit ko na magka-date kayo. Lalo ka lang daw maiinis sa kanya. Siya daw ang bahalang dumiskarte sa iyo nang wala ang tulong ko. Sabi niya na hihintayin na lang niya na makuha mo ang lahat ng gusto mo. Siya pa nga ang kumumbinsi sa akin na hayaan kita na tuparin mo ang pangarap mo. Na hayaan kang mag-aral sa ibang bansa at maghukay ka sa Egypt. Madalang ang lalaking nakakagawa ng ginawa niya. Most men would do anything to make their woman stay.”

And Vance made her stay when she got everything she dreamt of. Almost everything. And she really appreciated it. Hinayaan siya nitong lumipad. And at the end of the day, she made her own choices. And whatever choices she would make, alam niyang irerespeto nito.

"Marami pala akong dapat na ipagpasalamat sa kanya kung ganoon. Bakit po hindi ninyo sinabi sa akin?" tanong niya.

Nagkibit-balikat si Mauricio. "Sabi niya huwag ko daw sabihin. Mabigat pa rin naman sa loob ko na malayo sa iyo noon. Pero ano ba naman ang pag-asa ni Vance sa iyo? Babalik ka naman ng Egypt,” malungkot nitong wika.

"Napag-isipan ko na po kahapon. Gusto kong subukang sumali sa excavation ng El Nido. If possible sa iba pang di nabubuksang sites sa ibang parte ng Palawan. Ayoko pong ma-miss ang pagkakataong ito. Hindi na po ako babalik sa Egypt. At siyempre gusto ko na dito lang ako sa tabi ninyo." At si Vance. Ayaw niyang ma-miss pa ang company nito.

"Are you sure? Natagpuan mo na ba ang sarili mo sa Egypt?"

"Sapat na siguro ang oras na ginugol ko doon. Sa palagay ko po ay hindi na magtatampo si Papa sa akin kung bumalik na ako ng Pilipinas. I think I already did enough getting to know him and his works. I already did enough being my father’s daughter. Gusto ko pong gawin ito dahil sa palagay ko po ay mas masaya ako at payapa ang loob ko. I have a connection with El Nido. Something I never felt before."

"Sa El Nido ka ba may koneksiyon o sa lalaking nagdala sa iyo sa El Nido?” nanghuhuling tanong ni Mauricio.

"Tito naman. Huwag mo na akong tuksuhin. Kapag tinukso ninyo ako sa harap ni Vance, magwa-walkout talaga ako,” nanghahaba ang ngusong banta ni Phoenix. Ayaw niyang mailang kapag si Vance ang pinag-uusapan.Bago pa ang nararamdaman niya para sa kanya. Parang ngayon pa lang siya nagsisimulang magka-crush, ma-in love at kiligan. And it was too silly because she was already a grown woman.

"Hindi kita tutuksuhin sa harap niya. Pangako iyan.” His face became solemn. Ginagap nito ang kamay niya. “Masaya ako kung siya ang magiging nobyo mo o pakakasalan mo. Makakampamte ako na aalagaan ka niya."

"At hindi siya mambababae?" nakataas ang kilay niyang tanong.

"Takot lang niya sa iyo."

Isang halakhak ang naisagot niya. Yes. Dapat lang na matakot sa kanya si Vance kapag nanlalaki ito. Lagot ito sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.