Nagulat si Phoenix. Hindi iyon ang inaasahan niyang magiging reaksiyon ni Vance kay Maximo. Was he thinking that the older man wanted to make a move on her?
“Vance, anong problema?” tanong niya. Nag-uusap lang naman sila ni Maximo tungkol sa nanay niya. Parang pangit yata kung mapagbintangan pa ang matandang lalaki na pumoporma sa kanya. Nakakahiya naman. Maximo was only trying to be cordial with her because he was her mother’s old friend.
Inilagay lang siya ni Vance sa likuran nito. “Dito ka lang. Huwag kang lalapit sa kanya,” wika pa rin nito na may halong pag-aalala. Hindi nawawala ang matiim na tingin nito kay Maximo na puno ng babala.
Ngumisi lang si Maximo. "Ah! You must be Mauricio's lapdog.”
“I am not a lap dog,” angil ni Vance dito.
“You are acting like one.”
Naramdaman niya ang lalong pagtindi ng animosity ni Vance para sa mas matandang lalaki. Mukhang seryoso nga yata ang gulong ito. “Pinagkakatiwalaan niya ako para alagaan si Phoenix at ilayo sa mga katulad mo. Ayaw niyang ma-associate ang pamangkin niya o kahit na sinong kamag-anak niya sa isang tulad mo.”
Humalakhak lang si Maximo. “Down, boy. Nagkukwentuhan lang kami ni Phoenix. Hindi masama iyon."
“Oo nga. Nagkukwentuhan lang kami ni Mr. Pantaleon,” depensa naman ni Phoenix. Hindi niya alam kung anong pwedeng gawin sa kanya ni Maximo sa gitna ng party na iyon. Pervert ba ito? Nambibiktima ng mga batang halos anak na nito? Hindi naman siguro siya ganoon katanga. Sa dami ng mga tao doon, di naman siya basta-basta masasamantala. Kaya na niyang alagaan ang sarili niya.
"Sinabihan ka na ni Tito Mauricio na huwag kang lalapit sa pamilya niya,” mariing bulong ni Vance sa kanya. Bakas ang iritasyon sa mukha nito.
Nakakunot ang noong tiningnan ni Phoenix si Maximo. Saka niya naalala noon na may isang pamilya na pinaiiwasan sa kanya ang tiyuhin niya – ang mga Pantaleon. Pero mukhang dahil lang sa isyu sa negosyo kaya di kasundo ng tiyuhin niya ang mga ito. Wala naman siyang kinalaman sa kompanya.
“Pasensiya na. Hindi ko na maalala,” aniya at kinagat ang labi.
But that was a long, long time ago. Kahit noong bata pa siya ay di naman siya mahilig na makihalubilo sa mga alta sociedad. Pakiramdam niya ay outsider siya. Isa o dalawang beses lang niya nakasama ang mga Pantaleon sa isang party pero di naman siya nagtangkang humara sa daraanan ng mga ito.
At kahit na alam ni Phoenix na isang Pantaleon si Maximo na dapat niyang iwasan, hindi naman yata niya kayang basta na lang itong bastusin o supladahan. Di naman siya pinalaki na ganoon. Maayos naman itong nakipag-usap sa kanya. Kung anuman ang problema sa negosyo ay wala siyang kinalaman doon.
"It is a pleasure to meet you, hija,” nakangiti pa ring wika ni Maximo sa kanya. “Maybe we can have a little chat about your studies and discoveries when your handsome guard dog is not around." And he lifted his wine glass as a salute before he walked away.
Mabigat ang loob na pinagmasdan ni Phoenix ang matandang lalaki habang naglalakad ito palayo. Hindi man lang siya nakapagpasalamat dito sa pakikipag-kwentuhan sa kanya. Higit sa lahat, nanghinayang siya dahil hindi na niya narinig ang iba pang kwento tungkol sa nanay niya.
"Why are you so rude to him?" sita agad niya kay Vance at nakasimangot na humarap dito. “Nag-uusap lang naman kami ni Mr. Pantaleon. Wala naman siyang ginagawang masama sa akin.”
"Masama siyang tao. Stay away from him. Tiyak na mag-aalala si Ninong Mauricio kapag nalamang kinausap mo siya.” Hindi pa rin nawawala ang pag-aalala sa mukha ni Vance.
Masamang tao? Masyado naman yatang harsh iyon. Ano ba si Maximo Pantaleon? Pumapatay ba ito ng tao? Nagnanakaw ba ito? Terorista ba ito?
“Bakit mo naman nasabi iyon? Saka sabi niya kaibigan siya ni Mama. Mukhang maganda rin ang pinagsamahan nila."
Umiling si Vance. "He is vile. Kalaban ng pamilya niya si Ninong sa negosyo. Marami silang labor practice na labag sa batas at maraming nalagay sa alanganin dahil doon. Hindi siya naging magandang impluwensiya sa Mama mo kaya sa huli ay iniwasan din siya. Mabuti nga napunta na siya sa abroad. Hindi ko alam bakit bumalik pa siya dito.”
"Paano kung nagbago na siya?" malumanay na tanong niya.
"Ang isang ahas kahit na maghunos o magpalit ng balat ay ahas pa rin.” Bumuntong-hininga ang binata at ginagap ang kamay niya. “Pwede mo ba akong pagkatiwalaan dito? Kung hindi sa akin, kahit kay Ninong Mauricio na lang. Mas mabuti pang layuan mo na ang mga taong gaya n iya habang maaga. Hindi naman siya importanteng tao para pagtalunan pa natin. Gawin mo para kay Ninong."
"Okay,” nausal na lang ni Phoenix. Bakit naman niya ipagtatanggol si Maximo dito? Di naman niya kilala si Maximo nang personal. Ngayon nga lang sila nagkita. Mas alam ng Tito Mauricio niya at ni Vance kung ano ang mas mabuti para sa kanya. Mas kilala naman nito si Maximo kaysa sa kanya.
Pero hindi niya alam kung bakit tumututol ang kalooban niya. Magaan ang loob niya dito. Mukha itong mabait. Weird.
Hindi siya basta-basta nagtitiwala sa tao. Sapat na ang warning ni Vance alisin niya si Maximo Pantaleon sa isipan niya. Masyado naman yata siyang nadala sa charm nito para pilit pangatwiranan ang magandang ipinakita nito sa kanya. Di naman ganoon ka-significant ang napag-usapan nila malibang sinabi nito na kaibigan nito ang nanay niya at iba ang mata niya sa nanay niya.
“Kanina pa tayo nandito sa party pero ngayon lang tayo nagkasarilinan.” Yumukod si Vance at inilahad ang kamay sa kanya. “Would you like to dance with me?”
“Sure,” sagot agad niya at ginagap ang kamay nito.
Magaan ang hakbang niya nang igiya siya nito papunta sa dance floor. Hinapit nito ang baywang niya at humalakhak siya nang iikot siya nito. Being in his arms felt so right. Tuluyan nang naglaho sa isipan niya si Maximo Pantaleon. Hindi na mahalaga iyon. Ie-enjoy na lang niya ang gabi kasama si Vance.
INIISA-ISA ni Phoenix ang mga necktie na nakahilera sa Debenhams sa Glorietta Mall sa Makati. Bata pa lang siya ay natuto na siyang mamili ng necktie para sa Tito Mauricio niya. Pakiramdam niya ay iyon lang ang maitutulong niya dito pagdating sa kompanya. It was just a simple task. Pero pakiramdam niya ay malaking bagay na iyon sa Tito Mauricio niya kapag nakikita niya itong ngumiti habang suot ang necktie na napili niya. Matagal na panahon na rin niyang hindi ito nagagawa. Oras na para bumawi siya. Parang pagsisimula ito ng pagbalik ng normal niyang buhay sa Pilipinas.
Sa pagkakataong ito ay hindi lang si Mauricio ang bibilhan niya kundi si Vance din. Ito ang unang beses na bibilhan niya ito ng regalo. Excited nga siya dahil kung tutuusin ay ngayon lang siya bibili ng regalo para sa isang espesyal na regalo. Masyado yatang personal ang necktie. Hindi siya sigurado kung komportable itong binibigyan ng necktie ng isang babae. Malay niya kung may mga rules-rules na naman ito na hindi niya alam pagdating sa pagbibigay ng regalo. Ngayon pa lang naman ito nagsisimulang manuyo sa kanya. She was starting to enjoy his company. Hindi pa niya alam kung handa na siyang maging boyfriend ito. Kapag dumating sa puntong iyon, gusto niyang matiyak na kaya rin niya itong alagaan at ang relasyon nila. After all, a relationship works both ways. Dapat ay alam din niya na kaya niyang harapin ang magiging responsbilidad niya sa isang relasyon.
Vance did a lot of things for her. Pero kahit minsan ay hindi pa niya ito nagagawan ng pabor. Kahit man lang sa necktie ay mapasalamatan niya ito. At sigurado siya na makakaramdam siya ng pride. Sinabi niya sa sarili niya na dalawang lalaki na ang aalagaan niya sa buhay - ang Tito Mauricio niya at si Vance.
"Para sa boyfriend mo ba iyan o sa uncle mo?"
"Excuse me?" usal niya at nilingon ang impertinenteng nagtanong. Nahigit niya ang hininga nang makitang si Maximo iyon. "Sir!” aniyang di alam kung bakit natuwa siya nang makita ito. Bigla niyang naalala ang bilin sa kanya ni Vance tungkol dito. “Mr. Pantaleon, good afternoon," pormal niyang bawi at hinamig ang sarili.