Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 24

"Small world, huh?" anitong di pa rin nawawala ang ngiti at luminga sa paligid. Animo’y hinahanap nito kung may iba siyang kasama. “Mukhang wala kang bodyguard ngayon o asungot.” Si Vance marahil ang tinutukoy nito.

“I don’t need one. Matagal po akong namuhay sa ibang bansa nang mag-isa at walang ibang nag-aalaga sa akin. Nasa Makati lang naman po ako. Ibibili ko po lang ng necktie si Tito Mauricio." Gusto niyang ipakita dito na sa kabila ng pagiging protective ni Vance sa kanya ay kaya niyang alagaan ang sarili niya. Isa iyong babala na kung may masama itong plano sa kanya ay di naman siya nito mapapaikot.

"Mukhang mas bagay sa mas bata ang isang iyan,” anito at tumango sa direksyon ng necktie na hawak. Stripe iyon na silver, blue silver at blue grey.

“Oh!” usal niya at tiningnan ang naturang kurbata. "I am buying one for Vance as well." At di maiwasang gumuhit ang ngiti sa labi niya nang maisip ito.

"Ah! The boyfriend.” Hindi na niya kinontra ang hinuha nito at inilagay sa maliit na basket ang necktie para kay Vance. "Mukhang maganda ang taste mo sa necktie. Why don't you pick one for me as well?"

"My apologies. I am afraid I don't really know you, Sir. At hindi ako basta-basta bumibili ng necktie para sa hindi ko masyadong kilala." He was practically a stranger to her. Her family’s enemy at that. Pero di niya alam kung bakit parang gusto niyang i-recommend dito ang silver and light blue stripped neck tie. Sa palagay niya ay bagay sa pagiging charming nito sa kabila ng edad.

"How about you get to know me better over a cup of coffee? My treat."

Nasa dulo na ng dila niya ang pag-oo pero bigla siyang natigilan. Binalaan na siya ni Vance tungkol dito. Kalaban ito ng pamilya niya.

"I am sorry. I have another appointment in…” Tiningnan niya ang white ceramic Chanel wristwatch niya. Kulang isang oras pa bago sila magkita ni Vance sa Greenbelt para sa dinner date.

"Just for ten minutes? Just humor this old man."

Bumuntong-hininga siya si Phoenix. "I don't think it's..."

Paano ba niya sasabihin sa matandang lalaki na ayaw ng tiyuhin niya na kausapin man lang niya ito nang hindi siya nagmumukhang bastos? Kahit paano naman ay maayos siyang pinalaki at kailangan ay maganda pa rin ang ipakita niya kahit sa itinuturing pang kalaban ng pamilya nila. Wala namang ipinapakitang kagaspangan sa kanya si Maximo.

"May sinabi bang masama ang tiyuhin at boyfriend mo tungkol sa akin?"

Umiling agad siya. "No. Nothing."

"It is just ten minutes. Sa maniwala ka at sa hindi, may pinagsamahan kami ng mama mo. Nalulungkot ako nang malaman kong namatay siya. Gusto... gusto ko lang makipagkwentuhan tungkol sa naging buhay niya. Sa naging buhay ninyo," sabi ni Maximo at sumilay ang lungkot sa mga mata nito.

Hindi niya alam kung saan nanggaling ang kamay na dumukot sa puso niya nang makita ang lungkot sa mga mata nito. Hindi naman siya madaling maapektuhan ng emosyon ng ibang tao. Pero pagdating kay Maximo Pantaleon ay parang madaling hawakan ng emosyon ang puso niya. Siguro dahil pinag-uusapan nila ang nanay niya.

Bumuntong-hininga siya. “Okay. I don’t think ten minutes would hurt.”

Binayaran niya ang mga kurbatang napili at isinama niya pati ang necktie na sa palagay niya ay babagay kay Maximo. Hindi rin niya alam kung bakit pero ipinahiwalay niya iyon ng balot. Wala namang binili si Maximo. Mukhang hinintay lang siya talaga.

Sa isang coffee shop sila tumuloy kung saan natatanaw ang park sa labas ng mall. Nakaka-relax ang view doon lalo na’t nagsisimula na ring bumaba ang araw. “Anong coffee ang gusto mo?” tanong nito nang tawagin nito ang wait staff. “Gusto mo rin ba ng white coffee katulad ng mama mo?”

Natatawa siyang umiling. “No. Never been a coffee girl.” Nakangiti siyang tumingala sa waitress na kumukuha ng order nila. “Peppermint tea with honey and red velvet cupcake.”

Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Maximo. "Just like me.” Matapos ibigay ang order nitong peppermint tea at honey glaze donut ay hindi pa rin nawawala ang pagka-amaze sa anyo nito. “I can see that we have the same taste.”

“Parang hindi kayo mahilig sa tsaa,” usal niya habang itinatapik ang daliri niya kasabay ng pagbagsak ng piano.

“You also like classical music?" tanong nito.

Saka niya napansin na sumasabay pala ang daliri niya sa pagbagsak ng nota sa piyesa ni Chopin. "Yes. Closet classical music lover, at least until my mother died. May mga cassette tapes si Mama pero nang minsang isalang ko ay nagalit siya sa akin. She ruined the cassette tapes. Sinunog niya. Hindi ko alam kung bakit samantalang ang sabi ng lola ko noon ay regalo daw iyon ng isang malapit kay Mama.”

“Sinabi ba ng lola mo kung sino?” nakakunot ang noong tanong nito.

“Siguro si Papa. Baka naalala niya si Papa at nalulungkot lang siya. Di na niya nabanggit sa akin.” Itinapik niya ang daliri lamesa. “Kaya lagi akong sumasama sa music club kahit na di naman ako singer. Mahilig kasi sa classical music ang adviser ng music class. Kapag may oras siya ay tinutugtugan niya kami. Kung hilig din ng tatay ko ang classical music, gusto ko rin iyon.” Wala naman kasing nabanggit si Thomas sa sulat na may hilig ito sa musika o sa classical music.

“Nahilig sa classical music si Elaine Mae dahil sa akin,” sabi nito. “Nagkakilala kami nang maging model ako sa isang art class kung saan siya naka-sign up. Ibinigay niya sa akin ang sketch niya bilang regalo. Then I commissioned her to do some paintings for me. Bata pa siya noon pero nakitaan ko na siya ng potential. You see, we have our own art gallery. Tuwing may painting session kami, classical music ang pinapatugtog ko. Nahilig na rin siya doon. I even bring her to orchestra concerts. Madalas ko rin siyang dalhin sa mga art exhibits.”

“H-Hindi po kasi niya kayo nababanggit sa akin.” Sabagay wala naman halos binabanggit ang nanay niya tungkol sa mahigit isang taon na pag-aaral nito sa Maynila. “Nasaan na po ang mga paintings na gawa ni Mama?” tanong niya.

Biglang alumpihit sa upuan si Maximo. “Hindi na niya natapos iyon. As you are aware of, ours was a forbidden friendship. Magkalaban ang pamilya namin sa negosyo. We had to keep our friendship a secret. I even commissioned her for a series of sketches and paintings.”

Nagningning ang mata niya. “Really? Pwede ko po bang makita?”

Iniwas nito ang mata. “Nalaman na ng pamilya niya ang tungkol sa pagiging malapit namin sa isa’t isa at pinaglayo kami.” Nilagyan nito ng honey ang tsaa nito at marahang hinalo. Na parang damang-dama pa nito ang lungkot ng alaalang pinalayo ito sa nanay niya. “Matapos ang graduation ko ay nagpunta na ako sa London. Nagpatuloy pa ako ng pag-aaral doon. Di ko na nakita pa si Elaine Mae. Wala na akong nabalitaan pa tungkol sa kanya… hanggang ngayon. Hanggang nakita kita.”

Mukha namang inosente at maganda ang pakikipagkaibigan nito sa nanay niya. Malayo sa sinasabi ni Vance na di ito naging mabuting impluwensiya kaya nilayuan ng nanay niya. Hindi na niya naitanong pa ang detalye sa katotohanang iyon. Ibang ideya ang sumagi sa isipan niya.

"Sabi ninyo sa akin na hindi ako kahawig ng tatay ko at ang nanay ko. Sino ang sinasabi ninyo na kahawig ko? Artista ba siya?" pabiro niyang tanong.

"No. She was a beauty queen. Kahawig mo ang mata ng bunsong kapatid kong babae. Ipapakita ko sa iyo ang picture niya sa susunod na magkita tayo. Lumaban siya sa Miss Universe noong eighteen years old siya. You have the same eyes,” wika nito habang di inaalis ang tingin sa kanya.

“Weird. Hindi naman kami magkaano-ano pero siya pa ang kahawig ko ang mata.” Nagkibit-balikat siya at sumubo ng cake. “Sabagay marami namang mga tao na may pagkakahawig pero hindi magkaano-ano.”

“Unless…” Tumaas ang kilay niya. Ipinilig nito ang ulo. “Never mind. If you don’t mind me asking, how old are you?”

"Twenty-six na po."

"At ang birthday mo?"

"February." Then she told him what year.

Nahigit nito ang hininga. "Are you a premature baby?"

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.