Tumaas ang kilay ni Phoenix sa tanong ni Maximo. "I am sorry?" usal niya sa mataas na tono.
Napaka-weird naman ng tanong nito. Ano ba naman ang alam nito kung premature baby siya o hindi? At ano naman ang significance noon?
Ipinilig nito ang ulo. "Nothing.” Iniwas nito ang tingin sa kanya. Parang lumilipad ang isipan nito. “I hope Elaine Mae had a nice life."
"She had me. She loves me. Pero isa siyang malungkot na babae. She used to laugh, she used to smile but there was always sadness in her eyes. Sa palagay ko hindi siya naka-get over sa pagkamatay ng papa ko. Mahal na mahal talaga niya si Papa." As if there was a part of her mother that she couldn’t touch.
"At ang papa mo...si Thomas? Maayos ba ang naging trato niya kay Elaine Mae?"
Lalo siyang nakadama ng lungkot. "Namatay si Papa sa yellow fever sa Egypt habang nasa isang excavation trip. Nakilala ko na lang po siya sa pamamagitan ng pictures at sa mga sulat niya kay Mama noong magka-penpal pa sila. Kaya nga gusto kong i-retrace ang roots ko sa pamamagitan ng pagiging archaeologist. Para hindi ko maramdaman na may kulang sa pagkatao ko.” Pilit niyang pinasigla ang boses. Masyado na kasing malungkot pag-usapan ang tungkol sa pagkamatay ng ama niya at ang kawalan niya ng ama. “Sabi ninyo kaibigan kayo ni Mama. Ibig sabihin kilala din ninyo ang papa ko. Long distance love affair kasi ang relasyon nila. Nakilala ko lang siya tungkol sa sulat na padala niya kay Mama."
"Nakilala ko lang minsan si Thomas Knowles. He seems like a nice and intelligent man." At mariing nagdikit ang mga labi nito. Iyon lang ba ang masasabi nito tungkol sa ama niya? She was expecting more.
"Hindi ba kayo naging magkaibigan?" maingat niyang tanong.
"No. Hindi niya gusto ang relasyon namin ng mama mo tulad ng ibang tao sa mundo,” mapait nitong wika.
Naalarma siya. "May dahilan ba sila para hindi masiyahan sa pagkakaibigan ninyo ni Mama?" Guwapo si Maximo Pantaleon. Sa kabila ng edad nito ay di nawawala ang karisma nito. Natitiyak niya na maraming babae ang nagkakagusto dito noong kabataan nito. At para maging simpleng kaibigan lang ito ng nanay niya, sinong hindi maghihinala ng maganda.
"Your phone is ringing. Dapat sagutin mo iyan. Baka boyfriend mo iyan,” sabi nito at humigop ng tsaa.
Nagulat siya. Kung hindi pa nito sinabi ay hindi pa niya mapapansin na nagri-ring ang cellphone niya. Nataranta siya nang makitang si Vance nga ang tumatawag. “Excuse me,” sabi niya at pumihit para sagutin ang tawag. "Oh! Hello, Vance! Palabas ka na ng office?"
"Nasaan ka na? Kanina pa kita hinihintay dito sa Greenbelt Starbucks,” anito sa boses na parang nauupos na ang pasensiya.
Nang tingnan niya ang wristwatch niya ay pasado alas singko na ng hapon. Napaungol siya. “I am sorry. I am on my way." Dinampot niya ang napkin at pinunasan ang gilid ng labi niya. Sa sobrang pagkalibang niya ay mahigit isang oras na siya sa café at kakuwentuhan si Maximo.
"Sa palagay ko ay kinuha ko nang masyado ang oras mo. Sabi ko ten minutes lang."
"Nalibang po ako. Thank you for the tea," wika niya. Aminin man niya o hindi, nalibang siyang makipagkwentuhan dito kahit di naman history o tungkol sa pagiging archaeologist niya ang pinag-usapan nila. Bigla niyang naalala ang necktie na sa palagay niya ay bagay dito at binili niya. “Oh! I think nagkamali ako ng bili sa isa sa mga necktie. Hindi po ito bagay kay Tito Mauricio at kay Vance.” Inabot niya dito ang paper bag. “I think this will suit you more.”
Puno ng pagkasabik nitong sinilip ang paper bag. Inilabas nito ang maroon necktie na may print na dilaw na mga ibon at saka nakataas ang babang idinikit sa dibdib. “Wow! Mukhang lalo akong guguwapo dito. Thank you very much, hija. Kung alam mo lang, napasaya mo ako. Kung may anak siguro ako, matutuwa ako kung ibibili din niya ako ng necktie katulad mo.”
“Wala po kayong anak?”
"My ex-wife and I tried so hard. Hindi talaga para sa amin ang anak. How about you call me and we'll chat some other time?” Inabot nito ang business card sa kanya. “Next month babalik na ako sa Europe. Baka hindi na tayo magkita ulit. You see, parang kasama ko lang si Elaine Mae kapag kasama kita. Pwede tayong maging magkaibigan."
"I will...try,” aniya at tipid na ngumiti saka lumabas na ng café. “Mauna na po ako.”
Malakas ang kaba sa dibdib ni Phoenix habang papunta sa Greenbelt. Hindi niya ito dapat ine-entertain. Dapat nga ay iyon na ang huling pagkikita nila ni Maximo. Hindi na niya ito dapat pinapaasa o kahit sinabi man lang na susubukan niya.
But she didn’t have the heart to say no to the old man. Siguro dahil parte ito ng buhay ng nanay niya. May mga bagay siyang natuklasan sa nanay niya na parang ito lang ang nakakaalam. Siguro ay may kabutihan din ito na nakita ang nanay niya. Kung hindi ay di naman siguro magiging malapit ang mga ito sa isa’t isa kung hindi dahil doon. After all, mas sensitive ang mga artist gaya ng ina niya. Marami itong nakikita na di nakikita basta-basta ng ibang tao. At marahil ay iyon din ang dahilan kaya magaan ang loob niya kay Maximo.
Humihingal na si Phoenix nang makarating sa mesa ni Vance sa labas ng Starbucks. "Sorry. I am late,” aniya at ibinagsak ang sarili sa couch sa harap nito. “Hindi ko na talaga napansin ang oras.”
“Gusto mo ba ng tea? Iced tea? They have green tea frappe here.”
“Tubig. Gusto ko lang ng tubig. Thank you.”
Hindi madaling takbuhin ang Glorietta papuntang Greenbelt kahit pa nga naka-flats lang siya. Naroon din ang kaba niya at ang guilt.
Wala akong ginawang masama, pangungumbinsi niya sa sarili habang nakikita si Vance na kumukuha ng tubig para sa kanya. As if I gave away company secrets to Maximo Pantaleon. Nagtsaa lang naman kami at nagkwentuhan tungkol sa nanay ko. Tama. Labas na iyon sa away ng pamilya namin.
It was sort of like a secret friendship like what her mother had with Maximo. Magaan ang pakiramdam niya kapag kasama niya ito. Na parang nakikilala ulit niya ang nanay niya. Alam niya na mali, na parang tinatraidor niya ang Tito Mauricio niya. Pero hindi talaga niya maintindihan kung paanong magiging banta si Maximo sa kanila. At minsan lang naman ito. Hindi naman nito malalaman.
Dali-dali niyang tinungga ang baso ng tubig na inilapag ni Vance sa harapan niya. Nang maubos niya ang isang baso ay inabutan siya nito ng isa pa. Saka lang napugnaw ang uhaw niya nang maubos niya ang pangalawang baso. “Thank you,” usal niya at pinunasan ang labi ng tissue. “Napagod talaga ako sa pagtakbo. Galing pa kasi ako sa kabila.” Suminghap siya dahil bahagya pa rin siyang hinihingal.
“Saan ka pa ba nanggaling?”
Tumuro siya. “Galing ako sa Glorietta. Nag-enjoy akong mag-ikot-ikot kaya nawala sa isip ko ang oras.”
“At tumakbo ka papunta dito? Hindi ka sana nagmadali. Look at you. Napagod ka tuloy,” anitong may halong paninisi.
“Ayokong nale-late sa usapan,” wika niya at kinuha mula sa mas paper bag ang maliit na paper bag na may lamang necktie para dito. “Here. Tingnan mo kung bagay ito sa iyo.”
Bakas ang pagkasabik sa mukha nito nang kunin ang paper bag. “Binilhan mo ako ng regalo?”
“Hindi lang naman ikaw. Si Tito Mauricio din,” maagap niyang sabi. Ayaw niyang magkaroon ito ng kung anu-anong ideya.
Subalit sa halip na tingnan ang loob ay nakuha ng nakadikit na card sa ibaba ng paper bag. “Tingnan ko nga kung anong message mo sa akin.”
Message? Anong message? Saan nanggaling ang card na iyon?
Kumabog siya nang maalala na binigyan siya ni Maximo kanina ng business card nito. Sa kamamadali niyang umalis ay basta na lang niyang inilagay sa paper bag na may lamang pinamili niya. Crap! Nawala sa isip niya. Hindi iyon pwedeng mabasa ni Vance.
“Akin na iyan,” aniya at sinubukang agawin ang business card mula kay Vance.
“Wait!” anito at inilayo ang card sa kanya habang binabasa. “Maximo Pantaleon? Why do you have his business card and his personal number? Paano ito napunta sa iyo?”
Napalunok siya. “Oh, well… t-that…”
"What's the meaning of this?" Puno ng akusasyon ang tono ng binata at gayundin ang kislap ng mga mata nito.
"Nothing,” aniya at yumuko. Ano bang dapat niyang sabihin dito nang hindi lumalabas na parang tinatraidor niya ang Tito Mauricio niya?
"Nagkita kayo?" tanong niya sa mataas na tono at iwinasiwas ang business card.
"Aksidente lang na nagkita kami sa Debenhams. Tapos niyaya niya akong magtsaa."
Madilim ang mukha ni Vance. "He is a dangerous man. Sinabi ko na sa iyo noon pa na dapat ay iwasan mo siya. Hindi mo na ba naalala ang bilin namin sa iyo ni Tito Mauricio o wala nang halaga iyon sa iyo?"
Bumuntong-hininga siya. "Anong masamang pwede niyang gawin sa akin? Nagtsaa lang naman kami. Nagkwentuhan sa mga bagay na wala namang kinalaman sa kompanya. Maayos naman ang pakikiharap niya sa akin. Ano namang business secret ang makukuha niya sa akin?"
"Nothing."
“Isa pa, wala naman akong balak na tawagan pa siya o contact-in. Hindi na rin naman kami magkikita. He is going back to Europe soon. Naging polite lang naman ako sa kanya. Kinuwentuhan niya ako tungkol sa nanay ko.”
“Anong sinabi niya tungkol sa kanila ng nanay mo?” tanong nitong may himig ng pagkaalarma.