Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 35

Hindi totoong patay si Tito Mauricio. Hindi siya totoong patay. This is just their ploy to get me back home. Hindi siya pwedeng mamatay.

Paulit-ulit ang mantra ni Phoenix habang sakay ng itim na Mercedes Benz na sumundo sa kanya mula sa airport at patungo na ngayon sa Loyola Memorial Homes sa Guadalupe Makati kung saan daw nakaburol ang labi ni Mauricio.

Mula nang malaman niya ang balita ay paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na kalokohan lang ang lahat. Hindi siya halos nakatulog mula sa flight niya mula Cairo papuntang Manila. It was the longest flight of her life.

Patatawarin ko ang kasinungalingang ito basta buhay lang kayo, Tito. Please. Sana masamang biro lang ang lahat ng ito.

"Tatagan mo ang loob mo," sabi ni Janine Karla na sumama sa kanyang umuwi. Hawak nito ang kamay niya bilang pagbibigay ng lakas ng loob.

"Kahit anong mangyari ay nandito lang kami sa tabi mo," sabi naman ni Nelson.

“Salamat,” aniya at itinuwid ulit ang tingin sa harapan ng sasakyan. Nagpapasalamat na lang siya dahil nagpilit na sumama ang mga ito sa kanya pabalik ng Pilipinas. Pinayagan na rin ang mga ito dahil halos patapos na rin ang excavation nila. Mababaliw siguro siya kung mag-isa lang siya.

Mabilis ang biyahe nila dahil madaling-araw siya dumating. Pinili niyang tumuloy na sa Loyola Memorial Chapel kaysa pumunta muna sa mansion. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni JK. Mangilan-ngilan ang tao sa chapel nang pumasok sila. Naroon ang mga kawaksi at si Vance. May ilang bisita rin na pamilyar sa kanya ang mukha pero di na niya maalala kung sino. Subalit hindi niya nakikita halos ang mga ito. Nakatutok ang mga mata niya sa itim na kabaong na nasa dulo ng silid at ang nakakuwadrong larawan ni Mauricio na nasa gilid.

Nanginginig ang tuhod niya habang papalapit sa kabaong. Sinalubong siya ni Vance. “Phoenix…”

Nilagpasan lang niya iyon at tuloy-tuloy siya sa kabaong. Tumigil sa pagtibok ang puso niya at parang pinilipit nang ubod sakit nang makitang nasa kabaong ang tiyuhin niya at walang buhay. "No! Tito, gumising ka. Please. Huwag mong gawing biro ito. Nandito na ako. Bumalik na ako. Gumising ka na,” pakiusap niya.

Noon lang bumagsak ang luha sa mata niya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari. Naalala pa niya ang mga sandaling kasama niya si Mauricio. Masaya ito at masigla. Tinutukso pa nga niya ito na makipag-date. This can’t be happening.

Tumayo si Vance sa tabi niya. "Naging malulungkutin siya mula nang umalis ka. Matagal ka niyang hinintay. Matagal ka niyang gustong makausap. Hanggang sa huling sandali inaalala ka niya. He had a major heart attack this time. Noong nasa Pilipinas ka pa alam na niyang may sakit siya sa puso. Kaya ayaw na sana niyang umalis ka."

"Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito?" puno ng akusasyong tanong niya at matalim itong tiningnan.

"Sinabi ko sa iyo pero ayaw mong maniwala. Sabi mo gumagawa-gawa lang kami ng kwento para mapabalik ka sa Pilipinas.”

“You should have tried enough! O kaya hindi na lang ikaw ang ipinakausap niya sa akin. Sana nandito ako sa tabi niya nang mga panahong iyon. Sana…”

Tumiim ang anyo ni Vance at sarkastikong ngumisi. “Kahit naman anong gawin naming pakiusap sa iyo hindi ka naman nakikinig. Wala ka naman kasing pinaniniwalaan. Ginawa ko ang lahat para mapabalik ka pero masyadong matigas ang puso mo. All he ever did was love you and protect you.”

“Sa pamamagitan ng ano? Ng panlilinlang sa akin? Ang manipulahin ako?”

“Naririnig mo ba ang sarili mo, Phoenix? Patay na si Ninong pero sarili mo pa rin ang iniisip mo. Grow up!” angil ni Vance sa kanya. “Kahit ano gagawin mo para lang gumaan ang pakiramdam mo. Wala kang pakialam kahit makapanakit ka ng ibang tao.”

Parang sinampal siya sa sinabi ng binata. Yes. Wala siyang pakialam kahit na may masaktang ibang tao. Pero isang tao lang ang gusto niyang saktan nang mga oras na iyon – si Vance. Gusto niyang itapon dito ang lahat ng sakit na nararamdaman niya. Anything to justify the actions she took when she left. Yes, it was all his fault.

"Tama na. Huwag na kayong magtalo,” wika ni JK at niyakap siya. “Vance, pasensiya na. She’s still in shock. Hindi pa niya matanggap ang nangyari sa tito niya. Hayaan na muna natin siya.”

Dumistansiya sa kanya si Vance. "Wala sana kami sa ganitong sitwasyon kundi lang niya isinara ang puso niya,” narinig niyang usal nito. “This is frustrating for me. Ginawa ko ang lahat para mapabalik siya sa PIlipinas. Dahil ayoko ring may samaan sila ng loob ni Ninong. At nagagalit ako na umalis si Ninong sa ganitong sitwasyon.”

"Kasalanan mo kung bakit ayokong umuwi dito. Kung wala ka sana, hindi ako lalayo. Mas makakasama ko sana si Tito Mauricio. Hindi ko sana siya iniwan.” Kahit anong mangyari ay hindi niya isusuko ang galit niya dito.

Itinaas ni Vance ang mga kamay bilang pagsuko. "Oo na. Lahat na kasalanan ko. Ako na lang ang mali. Wala naman akong ginawang tama para sa iyo. Ako ang nandito habang miserable si Ninong. Habang araw-araw siyang nanghihina at hinahanap ka niya. Come to think of it. You were never there for him. Sarili mo lang naman ang iniisip mo. Hanggang ngayon walang mahalaga sa iyo kundi ang sarili mo. Kaya sige. Isisi mo na lang sa akin ang lahat kung iyan ang makakagaan ng loob mo. Tama iyan. Wala kang kasalanan. Masaya ka na?"

Namagitan na rin sa kanila si Judith, ang sekretarya ni Vance. "Tama na. May ibang tao dito. Saka na ninyo pagtalunan iyan. Magpahinga muna kayo. Wala ka pang pahinga, Vance. Kaya siguro mainit ang ulo mo." Bumaling ito sa kanya. “Ikaw din, Phoenix. Malayo pa ang pinanggalingan mo. Sigurado ako na wala ka pang pahinga.”

"Dito lang ako kay Tito,” aniya at umupo sa pew sa unahan.

"Uuwi na muna ako,” wika naman ni Vance at nilapitan ang mga kawaksi para magbilin. Dapat ay siya ang nag-aasikaso sa mga detalye ng burol at libing ng tiyuhin niya pero wala iyon sa isip niya. Hindi siya makakapag-function dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman niya ngayon.

"Tama siguro si Vance. Makasarili ako. Katulad ng sinabi mo sa akin noong isang araw, pagsisisihan ko ang katigasan ng puso ko," wika ni Phoenix kay JK nang tahimik na ang lahat at nakaalis na si Vance.

"Don't be so harsh on Vance. Siya ang nariyan para sa tiyuhin mo nang panahong wala ka. Kahit kailan ay hindi niya tinalikuran ang tiyuhin mo. Parang mag-ama na nga sila. Natural lang na masaktan din siya sa nangyari. Dapat magkasundo na kayo ngayon. Para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng tito mo,” sabi ni JK.

Tumiim ang anyo niya. "No. Hindi mangyayari iyon. Kahit multuhin pa ako ni Tito, hindi ako makikipag-ayos sa lalaking iyan."

Alam niya na malaki ang pagkukulang niya kay Mauricio. Habambuhay niyang pagsisisihan iyon. Pero wala siyang pinagsisisihan sa pagtrato niya kay Vance. He was such a pest. At lalo niya itong kinamumuhian na dahil sa galit na narara

mdaman niya sa panlilinlang nito ay hindi niya nagawang maniwala na may sakit ang tiyuhin niya. Hindi siya ang nakasama ni Mauricio sa mga huling sandali ng buhay nito. Namatay ito na may sama sila ng loob sila sa isa't isa.

Sabihan na siyang unreasonable pero kasalanan ni Vance ang lahat. She hated him more for it.

MAKULIMLIM ang langit nang ihatid nila sa huling hantungan si Mauricio. Sina Nelson at JK ang nasa tabi niya at laging nakaalalay. Maraming mga kaibigan at tauhan sa negosyo na dumamay. Hindi kalayuan sa kanya si Vance pero pakiramdam niya ay napakalayo nila sa isa't isa. Mas marami pa nga yata ang kumamau dito. Para sa mga tao, ito na ang itinuring na anak ni Mauricio. How about her? Siya ang pamangkin na walang pakialam sa tiyuhin niya. Matapos ang sumbatan nila sa lamay ni Vance ay tiyak na umikot na ang kwento. Wala siyang pakialam. Siya mismo ay hindi pa niya napapatawad ang sarili niya sa nangyari.

Nag-alisan na ang mga nakikiramay hanggang iilan na lang silang nandoon. Ang mga kawaksi, sila ni Vance, sina Nelson at JK at ang abogado ng tiyuhin niya.

"Bukas na babasahin ang last will and testament ng alas nuwebe ng umaga sa library ng mansion. Inaasahan kong nandoon kayong lahat,” wika ni Attorney Juvel Munsayac at inikot ang tingin sa kanila kasama ang mga loyal na kawaksi at mga tauhan ng tiyuhin niya na hindi ito iniwan hanggang sa huli.

"Yes, Attorney. Maraming salamat," wika niya at kinamayan ito.

"Asahan po ninyo, Attorney,” sabi naman ni Vance at ihinatid ito sa kotse. Maya maya pa ay binalikan siya ni Vance. "Hindi ka pa ba uuwi para magpahinga? Nagsisimula nang gumabi.”

Niyakap niya ito. "Dito lang ako. Gusto kong mapag-isa. Iwan na ninyo ako." At sinulyapan niya sina Nelson at JK. They had to go as well. Gusto niya ng ilang sandali kasama si Mauricio. She wanted to grieve alone.

Ipinagpasalamat na lang niya nang nakakaunawa itong tumango at hindi na siya pinilit pa. "Isasabay ko na kayo," alok nito sa mga kaibigan niya at saka bumaling sa kanya. "Iiwan ko na lang si Mang Ador para bantayan ka. Mag-iiwan din kami ng pagkain."

"Salamat," aniya at hindi ito sinulyapan man lang. May silent truce sila ni Vance. Naging civil na sila sa isa't isa mula burol hanggang sa libing. Nirerespeto nila ang pagluluksa ng isa't isa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.