Ramdam niya ay mag-isa na lang siya sa mundo. Ulilang lubos. Wala nang magmamahal sa kanya.
I am sorry, Tito. Patawarin ninyo ako sa pananakit ko sa inyo. Patawarin ninyo ako sa mga pagkukulang ko. Sana malaman ko kung paano ako makakabawi sa inyo kahit na huli na. Kung may hihingin kayo sa akin ay gagawin ko.
Nakarinig siya ng yabag hanggang tumigil iyon sa likuran niya. Naisip niyang si Mang Ador iyon at may sasabihin sa kanya kaya di siya nag-abalang lumingon. "Hija, nakikiramay ako."
Gulat siyang lumingon at tiningala ang nagsalita. Tumigil ang puso niya sa pagtibok nang makita kung sino ito. Si Maximo Pantaleon.
"Anong ginagawa ninyo dito?" aniyang di maitago ang galit sa boses.
Ito ang unang beses na muli niya itong nakita at alam niyang ito ang ama niya. At wala siyang nararamdaman ngayon dito kundi pagkamuhi – matinding galit sa panloloko nito sa ina niya at sa pagtatakwil nito sa kanya. At ito ang huling tao na kailangan niyang makita ngayon.
Umupo ito sa tabi niya. "Pinilit kong umuwi agad ng Pilipinas nang malaman ko ang nangyari sa tiyuhin mo. Mabuti at naabutan pa kita dito."
Humalukipkip siya. "Why? You are not exactly close friends. O baka naman iniisip ninyo na ngayong wala na si Tito Mauricio ay mas madali ninyong mapapabagsak ang kompanya niya.” Hindi niya hahayaang mangyari iyon.
"Ikaw lang ang inaalala ko, hija. Akala ko ay magkaibigan tayo,” anito sa boses na animo’y nasaktan. “Gusto ko lang matiyak na ayos ka lang.”
Naniningkit ang mata niya itong tiningnan. "Ang alam ko ayoko nang magkaroon pa ng kaugnayan sa inyo. Ibinalik ko na ang kuwintas sa inyo at malinaw ang mensahe sa inyo. Ayokong maging kaibigan ka.” At lalong ayaw niyang magmalasakit ito sa kanya at umakto ito na parang may pakialam ito sa kanya. Hindi ba’t isang katatawanan lang dito ang existence niya? Isang laro na naipanalo nito?
"Naisip ko na utos iyan ni Mauricio sa iyo."
"Hindi alam ni Tito Mauricio ang tungkol sa kuwintas,” aniya sa malamig na boses. Kung nalaman iyon ng tiyo niya, tiyak na mas masasaktan ito.
"Kung kailangan mo ng karamay...kung kailangan mo ng tatayong ama sa iyo, nandito lang ako,” wika nito at ginagap ang kamay niya.
Nakadama si Phoenix ng panlalamig. Binawi niya ang kamay dito. "Isa lang ang tumayong ama para sa akin. Si Tito Mauricio iyon. At hindi siya mapapantayan o mapapalitan ng kahit na sino. Isa pa, masyado na akong matanda para maghanap pa ng father image. Salamat na lang po,” aniya sa malamig na boses.
Huminga ito ng malalim. Pakiramdam niya ay may gusto pa itong sabihin sa kanya pero di nito alam kung paano sasabihin. "Phoenix, naikwento ko sa iyo na maging malapit kami ng nanay mo sa isa't isa.” Nagsimulang kumabog ang dibdib niya. Parang alam na niya ang patutunguhan ng sasabihin nito at hindi niya ito gusto. “Ang totoo nagkaroon kami ng relasyon. At base sa petsa ng kapanganakan mo, wala pa noon si Thomas Knowles sa Pilipinas. Ako ang laging kasa-kasama ni Elaine Mae noon. Phoenix, ako ang ama mo."
"Ano?" bulalas niya at maang itong tiningnan.
Nang mga oras na iyon ay parang sumabog ang mundo niya. Alam na ni Maximo na siya ang anak nito. And he accepted it right away. Na parang napakanatural lang ng lahat. Hindi niya alam kung paano magre-react dito.
“Maaring gusto mong makatiyak kung ako nga ang ama mo,” sabi ni Maximo. “Pwede tayong magpa-DNA test kung gusto mo. You can rightfully claim your place as a Pantaleon. Hindi mo kailangang mabuhay ng walang ama, ng walang pamilya. May pamilya ka pa. Narito ako para sa iyo."
Gusto niyang humalakhak nang malakas. How ironic. Noon ay nagkakandarapa ang nanay niya dito. Ngayon ay handa itong angkinin siya bilang isang Pantaleon nang ganoon lang kasimple? Bakit? Dahil may napatunayan na siya? Dahil may accomplishments na siya at karapat-dapat sa lugar ng pamilya nito? O dahil natatakot itong mag-isa dahil di ito nagkaanak sa babaeng pinili nito?
"Pasensiya na kayo, Mr. Pantaleon. Matagal akong nabuhay na walang ama. Aanhin ko ang isang lalaki na ginawang laruan lang ang nanay ko?” nagngangalit niyang wika. Sarkastiko siyang ngumiti. “Hindi ba pinagtawanan mo pa siya at ipinagtabuyan nang sabihin niyang buntis siya sa akin? Sabi mo wala kang pakialam sa kanya. Hindi ba isa lang akong malaking kalokohan?"
Bumagsak ang balikat nito. "Akala ko niloloko lang niya ako noon para hindi matuloy ang kasal ko sa ibang babae.'
"At sa palagay mo ay gugustuhin kong maging ama ang katulad mo? Mas gugustuhin ko na lang mag-isa." Wala ito sa kalingkingan ng Tito Mauricio niya. Inako nito ang responsibilidad at naging tunay na ama sa kanya. At anong iginanti niya dito? Hindi man lang niya ito napaligaya. And she betrayed him several times with this man – the man who ruined her mother’s life.
Kinuyom ni Maximo ang paladb at puno ng pagsisisi ang anyo. "I was stupid then. At gusto kong itama ang lahat ng pagkakamali ko."
Umingos siya. "Too late. Hindi kita kailangan."
Masyado na siyang maraming sakit na pinagdaanan. Ilang beses na siyang nagtiwala subalit niloko. Natuto na siya ng leksiyon niya. Hindi na ganoon kadaling lalambot ang puso niya.
"Sinabi ko kay Mauricio na babawiin kita sa kahit anong paraan. Sasabihin ko sa mundo na anak kita at hindi ako natatakot,” deklarasyon nito.
"Kailan ninyo sinabi kay Tito Mauricio?” naalarma niyang tanong.
"N-Nang araw bago siya mamatay."
Nahigit ni Phoenix ang hininga. Ayon sa isa sa mga kawaksi ay may kausap daw sa telepono si Mauricio bago ito nawalan ng malay. Mataas ang boses nito at mukhang hindi maganda ang tinatakbo ng kung sinumang kausap nito. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat. Si Maximo Pantaleon ang nagdala ng matinding alalahanin sa tiyuhin niya dahilan para atakihin ito sa puso.
“Ikaw! Ikaw ang may kasalanan!” Binayo niya ang dibdib ni Maximo. "Kasalanan ninyo kung bakit siya namatay! Bakit ba gusto ninyong sirain ang mga taong nagmamahal sa akin? Bakit? Wala kayong konsensiya. Ang lakas pa ng loob ninyo na magpakita sa libing ni Tito Mauricio? Bakit kailangang ikaw pa ang maging ama ko? Bakit kailangan ko pang malaman ang totoo? Bakit kailangan mo pang malaman?”
Hinayaan lang siya nito na bayuhin ang dibdib nito. Parang handa itong harapin ang galit at sakit na ibubuhos niya dito. "Gusto ko lang ipaglaban ang karapatan ko sa iyo bilang ama mo. Huli na nang malaman ko ang totoo pero gusto ko pa ring gawin ang responsibilidad ko sa iyo. Gusto kitang makasama, anak."
Puno ng pagkasuklam niya itong tiningnan sa kabila ng nanlalabo niyang mga mata dahil sa pagdaloy ng luha. "Wala kang anak. Nawalan ka ng karapatan na tawagin ninyo akong anak matapos ninyong tanggihan na panagutan ang nanay ko. Hindi ko kayo kailangan. Lubayan na ninyo ako at ayoko nang makita kayo kahit na kailan!” aniya at itinulak ang dibdib nito palayo.
“Patawarin mo ako. Lalayo ako sa ngayon pero nasa paligid lang ako kung kailangan mo ako,” malungkot nitong usal at naglakad palayo.
Napaupo siya sa damuhan at umiyak nang umiyak. Sira na ang lahat. Pakiramdam niya ay wala nang kaligayahan sa kanya dahil kay Maximo Pantaleon. Ito ang puno’t dulo ng lahat ng gulo sa buhay niya.
Ngayong wala na si Mauricio, hindi niya alam kung paano magsisimulang muli. Hindi niya alam kung paano aayusin ang buhay niya.