It was a bleak day. Kahit na matingkad ang sikat ng araw sa labas ay parang makulimlim pa rin ang panahon para kay Phoenix. Makulimlim pa rin ang paligid niya. Hindi pa rin niya matanggap na wala na si Mauricio.
Ayaw sana niyang gumising kanina at bumangon sa kama. Ayaw niyang gumising sa kaalaman na wala na si Mauricio. Pero kailangan niyang humarap sa lahat para sa pagbabasa ng last will and testament ni Mauricio. Kailangan muli niyang harapin si Vance. Kung maari lang ay ito na ang huling beses na makikita niya ito. She just wanted to move on.
Nakasuot na siya ng white ruffled long sleeve blouse at itim na pants. Nakasuot din siya ng South Sea pearl earrings at nakapusod na ang mahabang buhok niya. Subalit nakatitig lang siya sa salamin. Ni hindi nga niya magawang mag-make up.
May kumatok sa pinto. "Phoenix!"
"Pasok ka, JK. Bukas iyan," matamlay niyang wika.
Natigagal ito nang makita ang itsura niya. "Ano ba iyan? Ikaw na lang yata ang hinihintay sa library pero di ka pa rin naka-make up. Namumutla ka."
"I am really not in the mood for anything. Kung pwede nga lang hindi na ako pumunta sa pagbasa ng will."
"Mahirap pa bang gawin iyon kahit para sa Tito Mauricio mo? Come on. Ako na ang bahala sa make up mo." Nangilid ang luha niya. "O! Paano na ang make up mo kung iiyak ka? Mas magmumukha kang nakakatakot niyan."
"Hindi ko na kasi alam kung anong gagawin ko. Kung gusto ko pang manatili dito sa Pilipinas. Kung anong gagawin ko sa properties ni Tito. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa Villaviray Construction. Tapos nariyan pa si Maximo Pantaleon na gusto daw akong i-acknowledge sa public bilang anak niya."
Pinunasan nito ng Kleenex ang luha niya. "Compose your self. Hindi ka pwedeng maging mahina. Saka mo na isipin iyan. Isa-isa lang. Okay?"
Tumango siya at hindi na nagsalita hanggang matapos siya nitong lagyan ng make up. Kahit paano ay nagkaroon siya ng buhay. Di tulad kanina na mukha siyang biktima ng bampira.
"There. You are ready," sabi ni JK nang pagmasdan siya sa salamin. Inabot nito ang black purse sa kanya. "Let's go. Huwag mo na silang paghintayin."
Mas matatag na ang lakad niya hanggang makarating sa library. Naiwan si JK sa sala kasama si Nelson. Nasa puno ng mahabang mahogany table ang abogado ni Mauricio na si Attorney Juvel Munsayac. Nakapaikot na sa mesa ang mga kawaksi at ang malapit na kaibigan ng tiyuhin niya na may-ari ng architectutal firm. Isang bakanteng upuan na lang ang natitira at sa tapat niyon si Vance.
Tumayo si Vance para ipaghila siya ng upuan. "Thank you," pormal niyang wika at tiningala ito.
Iyon pinakamalaking pagkakamali pagkakamali ni Phoenix. She sensed how close he was behind her. Nasamyo niya ang panlalaking pabango nito. It brought back memories. Good memories she didn't want want to remember anymore.
"You're welcome," wika nito at lumayo para umupo sa tapat niya. Mukhang wala rin itong tulog. Ito ang abala sa pag-aasikaso ng burol at libing ng tiyuhin niya pati pagharap sa mga bisita. Hindi pa niya ito napapasalamatan kahit na pabalat-bunga man lang.
“Ginawa ni Mauricio ang testamentong ito kulang isang buwan na ang nakakaraan. At tinitiyak ko sa inyong legal ang lahat. He was in his sane mind. Walang pumilit sa kanya na gawin ito at kusang loob niya ang lahat,” panimula ni Attorney Munsayac. "Ginawa ang testamentong ito matapos ang unang atake niya sa puso. Pakiramdam daw niya ay malapit na ang oras niya."
Parang may kutsilyong tumarak sa dibdib niya. Iyon ang mga panahong pinili niyang huwag paniwalaan na may sakit ito. Nangilid muli ang luha niya habang kinakain siya ng guilt.
“Para sa matatapat kong mga kawaksi, bawat isa sa inyo ay pagkakalooban ng karampatang halaga para sa sa matapat ninyong paninilbihan sa akin. Subalit inaasahan kong hindi ninyo pababayaan sina Vance at Phoenix. Sana’y kung ano ang katapatan at paninilbihang ipinakita ninyo sa akin ay gayun din sa kanila."
Nag-iyakan ang mga kawaksi. Kung tutuusin ay sapat na ang halagang nakuha ng mga ito para makapamuhay ang mga ito nang hindi naninilbihan sa kanya. Desisyon na lang ng mga ito kung mananatili sa poder niya o nais ng mga ito na mag-iba na ng pamumuhay.
Ang ilang paintings sa personal na koleksiyon ay ibinigay sa malapit nitong kaibigan. Ang iba ay sa kanila ni Vance. Ang iba ay idinonate sa iba't ibang institusyon.
“Ang ancestral house ay mapupunta sa nag-iisa kong pamangkin na si Phoenix Villaviray at ang lahat ng lupaing nasasakop nito. May bank account din na nakalagay sa kanyang pangalan na nagkakahalaga ng twenty million pesos."
That was more than enough. At komportable siya sa mansion. Siya ang may karapatan doon bilang isang Villaviray. Manirahan man siya sa ibang bansa o hindi ay hindi niya iyon isusuko o ibebenta.
"Ang tatlong vintage cars ko ay mapupunta kay Vance. Alam ko na mamahalin niya ang mga sasakyang iyon gaya ng pagmamahal ko."
Nakayuko si Vance habang tumatango at kuyom ang palad. Sigurado siyang emosyonal din ito. Bukod sa galing sa negosyo ay pareho ito ng tiyuhin niya na fascinated sa vintage cars.
"Samantala, ang Villaviray Construction kabilang na ang ilang shares of stocks ko sa iba’t ibang kompanya gayundin ang natitira ko pang mga ari-arian ay mapupunta sa sinuman kina Vance at Phoenix na mauunang magkaroon ng anak.”
“Ano?” sabay nilang wika ni Vance.
Pareho silang hindi makapaniwala sa sinabi ni Attorney Munsayac. Parang isang masamang biro. Kailangan nilang magkaroon ng anak para makuha ang natitirang mana? Hindi lang basta natitira iyon. Halos sixty percent ng kayamanan ng tiyuhin niya iyon. At masyadong mabigat ang hinihingi sa kanila - isang anak.
“Kung maari sana ay patapusin ninyo ninyo ako sa pagbabasa,” wika ni Attorney Munsayac. “Kung wala pang anak ang sinuman sa kanila sa panahong binabasa ang testamentong ito, may isang taon at kalahati silang palugit upang mai-prisinta ang kanilang anak. Hindi mahalaga kung anong paraan ang gagawin basta’t matiyak ko lang ang pagkakaroon ng tagapagmana sa nalalabi kong ari-arian lalo na ang Villaviray Construction."
“S-Sandali, Attorney,” aniyang hindi matanggap ang mga naririnig. “This is lunacy. Bakit kailangan pang gawin ito ni Tito? Dapat automatically, ako ang tagapagmana niya dahil ako ang pamangkin niya. Bakit kailangan pang isama ang lalaking iyan?” At tinuro si Vance.
Napamaang si Vance pero tiningnan lang siya at nanatiling nakapinid ang bibig. Mukhang nainsulto ito sa tanong niya. Wala siyang pakialam. She really felt offended. Parang ipinamukha ng tiyuhin niya na mas pabor ito kay Vance kahit na siya pa ang kadugo nito.
“Phoenix, ayon sa testamento ni Mauricio, pareho niya kayong itinuring na anak ni Vance. Nakasaad din dito na may karapatan din si Vance lalo na sa pamamahala ng negosyo niya dahil siya lang ang may alam sa pasikot-sikot doon. Subalit bilang huling kahilingan, nais niyang magkaroon kayo ng anak. Kailangan ng magmamana ng lahat ng pinaghirapan niya.”
Pinilit ni Phoenix na magpakahinahon sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Buong akala niya ay siya ang magmamana ng lahat ng ari-arian ng kanyang tiyuhin. Hindi niya alam na makakakumpitensiya pa niya si Vance. Ayos lang sa kanya na pamanahan ito ng tiyuhin niya. Pero bakit kailangan pa niya itong kompitensiyahin pagdating sa mana?
And it was unfair on her part. Paano siya mananalo dito? Wala siyang alam sa mga lalaki. Saan siya pupulot ng lalaki na magiging ama ng anak niya? Kundi pa nga dahil sa utos ng tiyuhin niya ay hindi niya magiging boyfriend si Vance. Hindi katulad ni Vance na maraming alam sa mga babae. Isang palakpak lang nito ay tiyak na magpapatirapa na ang mga kababaihan para magmakaawang piliin nito para maging ina ng anak nito. Ano namang laban niya doon?
“Masyado yatang mabilis ang isang taon at kalahati,” komento ni Vance at hinaplos ang sariling baba. Wow! Ayaw yata niyang maniwala na nahihirapan ito.
“Sa palagay ng ninong mo ay sapat na iyon upang magkaroon kayo ng anak. Subalit nais makatiyak ni Mauricio na sa inyo nga ang bata. Ang anak ni Vance ay kailangang sumailalim sa DNA test ang magpapatunay kung sa kanya nga ang bata. Gaya ng nasabi ko, makakapili kayo ng paraang gusto ninyo. Artificial, natural o kung ano pang paraan.”
Nasapo niya ang ulo. “This is heartless! Too cold-blooded!” aniya nang ma-realize ang sitwasyong kinasuungan.
Hindi siya makapaniwala na may inosenteng madadamay dahil sa pera. Kailangan pa ba talaga niyang magkaroon ng anak nang wala sa oras para lang mapangalagaan ang kayamanan?
Hindi siya makapaniwalang makakapag-isip ng ganito ang tito niya. Parusa ba ito ni Mauricio dahil sa katigasan ng puso niya? Unfair pa rin ito. Unfair. Pwede naman siya nitong parusahan sa ibang paraan. Hindi pa ba sapat ang pagdurusa niya dahil sa pagpanaw nito? Na araw-araw siyang kinakain ng guilt?
“Attorney, paano kung wala kahit isa sa amin ni Phoenix ang magkaroon ng anak sa loob ng isa’t kalahating taon?” tanong ni Vance. Napuna niyang maging ito ay hindi rin naging komportable sa nakasaad sa testamento. He was an eternal bachelor. Ayaw nitong magkaanak. Kahit pa nga ginamit nito ang pangarap nitong makaanak sila noon para mapalambot ang puso niya.
“Ang lahat mula sa Villaviray Construction, shares of stocks at maging ang iba pa niyang properties na dapat ay para sa inyo ay mapupunta sa mga charitable institutions at foundations na pinili ni Mauricio.”
“Y-You mean mali-liquidate lahat ng assets ni Tito?” di makapaniwala niyang usal.
Parang umikot ang ulo niya nang tumango si Attorney Munsayac. “Habang wala pa ang isa't kalahating taon ay ako ang mag-o-oversee sa interes ng shares niya at ari-arian. Your one and half year countdown starts now,” hudyat ni Attorney Munsayac na parang may imaginary hour glass na itinaob sa harap nila.
Bawat butil ng buhangin na bumabagsak doon ay mahalaga. Oras na maubos iyon, she was doomed.