"What? Tinanggihan mo ang chance na magkabalikan kayo ni Vance at matikman ang yumminess niya sa wakas?” gigil na wika ni JK kay Phoenix. Nakakuyom ang palad nito nang idikit ang kamay sa magkabilang gilid ng ulo niya.
Nasa garden sila noon ng mansion ng mga Villaviray. Katatapos lang nilang maghapunan at hinihintay ang pagbalik ni Nelson. Lumabas ito sandali dahil may aasikasuhin daw ito. She already took too much of her friends’ time. Dapat ay nagtatrabaho pa ang mga ito o kaya ay nagpaplano na sa nalalapit na bakasyon. Si JK nga ay dapat nang ayusin ang kasal nito pero di pa rin siya nito iniiwan. Dahil wala naman siyang ibang malalapitan ay nasabi niya dito ang tungkol sa testamento ng Tito Mauricio niya.
"Do I look stupid to you? Hindi ko na siya babalikan. Obvious naman na mas dadali ang buhay niya kung kakagatin ko ang alok niya." Hindi mapakaniwala si Phoenix na parang isang malaking pagkakamali niya na tanggihan si Vance at itaboy. May matino bang babaeng lululunin ang pride at mas pahahalagahan ang pera kaysa sa respeto nito sa sarili? Hindi siya ganoon.
"Dadali din naman ang buhay mo. As if katulad si Vance ng ibang oportunista sa paligid na walang alam sa trabaho. He is a hardworking man and brilliant, too. Loyal sa kanya ang mga tauhan ng Villaviray Construction. Mas uunlad ang kompanya sa mga kamay niya at buhay donya ka na. Sigurado pa na guwapo at maganda ang magiging mga anak ninyo,” paliwanag ni JK.
"Kaibigan ba talaga kita? Parang kumakampi ka pa kay Vance," nakasimangot niyang wika at sumimsim ng mainit na chamomile tea.
"Nagsa-suggest lang naman ako."
"Mag-suggest ka ng iba. 'Yung mas matino,” aniya at padarag na ibinagsak ang tasa ng tsaa. Parang nang-aasar pa kasi ito. Bakit kailangang ipagpilitan si Vance?
“Hindi pa ba matino at madali ang sinabi ko?”
“Kahit ano basta huwag lang may kinalaman kay Vance. Hindi ko alam ang gagawin ko, JK. Gulong-gulo na ang isip ko,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Phoenix dito. “I need to produce an heir within a year. Dapat ngayon pa lang may plano na ako. Hindi ako pwedeng maunahan ni Vance.”
Hindi pa nga siya nakakabawi sa pagkamatay ni Mauricio at sa komprontasyon nila ni Maximo, heto at may panibago na naman siyang alalahanin. Kung pwede lang sanang basta na lang talikuran ang proviso ng tiyuhin niya ay nagawa na niya. Subalit isa itong bagay na di niya basta-basta matatakasan. At sa pagkakataong ito ay siya papayag na maging talunan.
Pinapak na lang ni JK ang honey na para sana sa tsaa. “Napakahirap naman ng sitwasyon mo. Wala ka namang boyfriend na pwedeng yayaing magpakasal. One-night pa stand kaya?” Matalim niya itong tiningnan. “Oh! You are too prude for that.”
“Oo naman. At paano naman ako nakakatiyak na magkakaanak ako sa one-night stand? Hindi ako ganoong klaseng babae.”
Tumayo si JK at nagpalakad-lakad sa harap niya. “You are willing to get pregnant. You have the money. Gusto mo ng sigurado. Isa lang naman ang solusyon sa problema mo. Artificial insemination!”
Umasim ang mukha ni Phoenix nang maisip ang naturang procedure. Mas tiyak nga naman kung gagamit ng scientific procedure gaya ng artificial insemination at intra-uterine insemination kung saan ay ilalagay ang sperm ng lalaki sa uterus sa pamamagitan ng pagpapasok ng tubo sa loob ng puerta ng babae at doon padadaanin ang semilya.
Pinanlamigan siya nang maisip iyon. “That’s such a cold way to create a child. Parang scientific experiment.” Hindi niya ma-imagine na sa ganoong paraan siya magkakaroon ng anak.
“Pero wala namang hassle. Solo mo pa ang pagpapalaki sa anak mo.”
Umiling si Phoenix. “Hindi ko magagawa iyon sa magiging anak ko. Noong una, wala akong balak na magkapamilya. Pero ngayong kailangan kong magkaanak, ayokong bigyan ang anak ko ng di kumpletong pamilya. Alam mo naman kung anong pinagdaanan ko. Paano kapag nagtanong siya kung sino ang ama niya? Anong sasabihin ko? Na nakilala ko lang ang ama niya sa pamamagitan ng sperm? And that’s it? Mas malala pa iyon kaysa sa naranasan ko. At lalong ayoko namang magpanggap katulad ng ginawa ng nanay ko. Walang choice ang nanay ko noon para gawing normal ang kabataan ko nang ipakilala niya si Thomas Knowles bilang ama ko. Ayokong siya ang mag-suffer dahil sa kagustuhan kong talunin si Vance.”
“Anong plano mo ngayon? You only have a year and a half,” wika ni JK na nafu-frustrate na sa nangyayari sa kanya.
"Anong nangyari?" tanong ni Nelson nang dumating. Sa tindi ng intensidad ng pag-uusap nila ni JK ay hindi napansin ang pagdating nito.
"Namomoroblema pa rin si Phoenix kung paanong makukuha ang mana ng tito niya.” Ipinaliwanag ni JK kay Nelson ang tungkol sa kondisyon para makuha ang malaking bahagi ng kayamanan ng tiyuhin niya. “Sabi ko artificial insemination na lang para hindi siya masyadong mahirapan pero ayaw niya."
"Kung magkakaroon man ako ng anak, gusto ko siyang bigyan ng buong pamilya. Mahirap lumaki na walang ama. Ayokong sabihin ko sa kanya na sa test tube lang siya nanggaling. Gusto kong maramdaman niya na buo ang pagkatao niya,” paliwanag ni Phoenix.
Ayaw niyang maranasan ng anak niya ang dinanas niya. Na lumaki siya sa imbentong kwento tungkol sa ama niya. Gusto rin naman niyang maranasan ng anak niya na may amang gagabay at magmamahal dito. Maswerte siya dahil nariyan si Mauricio noong mawalan siya ng ina. Paano kapag nawala siya? Sino ang mapagkakatiwalaan niyang mag-aalaga sa anak niya samantalang wala siyang pamilya? Kanino niya ito iiwan na kadugo niya kundi naman niya kilala kung sino ang ama ng anak niya?
"Saan ka kukuha ng lalaking magpapakasal sa iyo at magiging ama ng anak mo nang ura-urada?” tanong ni JK. “Saan ka makakakuha ng matinong lalaki na alam mong galing sa maayos na pamilya na papayag sa lahat ng gusto mong mangyari, pakakasalan ka at handang maging ama ng anak mo? Siyempre maraming gustong magpakasal sa iyo dahil sa laki ng kayamanang makukuha mo. Saan ka makakakuha ng lalaki na malinis ang intensiyon at mapagkakatiwalaan?”
"Ako," anang si Nelson at itinaas ang kamay. "Handa akong pakasalan ka sa lahat ng simbahan at maging ama ng anak mo."
Naumid si Phoenix nang marinig ang sinabi nito habang narinig naman niya ang paghigit ng hininga ni JK. “OMG! Did you just propose?” tanong ni JK.
"Huwag kang magbiro ng ganyan. Seryoso ako,” aniya nang makabawi.
Walang kangiti-ngiti siyang tiningnan ni Nelson. "Seryoso rin ako. Alam mo naman noon pa na gusto na kita. At hindi kita pwedeng pabayaan sa panahon na kailangan mo ako. I think I am the perfect candidate as your husband and the father of your child. Magkakasundo tayo sa maraming bagay. Pareho tayong archaeologist. I can be your companion. Hindi mo kailangang intindihin kung naiintindihan ng asawa mo ang trabaho mo dahil pareho tayo ng mundong ginagalawan. Who knows? Our child will also become a great archaeologist? We can bring him or her to our excavations. And you don’t have to worry about your inheritance. My family is also well off. Ekta-ektarya ang lupain namin sa Bukidnon. Wala kang dapat alalahanin.”
"Pero hindi kita mahal. Parang ginagamit lang kita para makuha ang mana ng tito ko at para makaganti ako sa ex-boyfriend ko,” may pasubali niyang wika.
"Gamitin mo ako.” Hinawakan nito ang kamay niya at inilapat sa dibdib nito. “At hindi ka dapat ma-guilty kundi mo man ako mahal sa ngayon. Napag-aaralan naman ang pagmamahal, di ba? Sabihin mo lang sa akin kung ano pa ang kailangan kong gawin para piliin mo ako.”