"What the heck! Magpapakasal na si Phoenix sa ibang lalaki? Mukhang ayaw na nga niya sa iyo, Vance,” naiiling na wika ni Deutsch nang puntahan niya ito sa bachelor’s pad nito sa isang condominium sa The Fort.
Matapos niyang malaman na ikakasal na si Phoenix at nakumpirma mismo niya sa kaibigan nitong si JK na seryoso iyon at inaasikaso na ng mga ito ang marriage license ay naapektuhan siya ng todo.
Naisip niyang baka magpakasal ito sa iba balang-araw pero di niya inaasahan na drastic ang magiging desisyon nito. Na magpapakasal agad ito kahit wala pang isang buwang namamatay ang Ninong Mauricio niya.
"Damn! Anong gagawin ko? I kissed her and she still wanted to marry that man. I thought I could change her mind,” aniya at tinungga ang fifteen-year old na whiskey na regalo kay Deustch ng tiyuhin nito.
"Anong gagawin mo? Forget about her. Kunin mo ang parte mo na dapat ay para sa iyo sa pamana sa iyo ng tiyuhin mo. Maraming ibang babae diyan. Magpakasal ka rin para quits kayo. Hindi ka pwedeng maging maging mahina ngayon. Mukhang seryoso si Phoenix na kalimutan ka. Hindi na effective ang halik mo sa kanya," sabi nito at sumubo ng chicharong bulaklak na paborito nitong ipulutan kahit pa anong alak ang iniinom nila.
"Ayokong magpakasal sa ibang babae,” wika niya. “That’s too complicated. At alam mo naman si Phoenix lang ang babaeng sineryoso ko.”
“Business arrangement lang naman ang mangyayari. Maraming lalaki ang gumagawa no’n. At marami rin namang babae na handang magpakasal para sa stability, company at magkaroon ng anak. Mutual understanding lang ang mahalaga at chemistry. Minsan nga kahit walang chemistry. After all, anak lang naman talaga ang habol mo.”
“No to marriage. Too many strings attached.”
“E di huwag kang magpakasal. Sabihin mo na anak lang ang gusto mo.”
Umiling si Vance. “Hindi rin pwede. Baka umasa ang babaeng mapipili ko na balang-araw ay mamahalin ko siya. I can’t do that. Baka gamitin pa niya ang anak namin na pang-emotional blackmail.”
He could see now how vicious women can get. Kay Phoenix pa lang ay nagugulat na siya kung paano tumakbo ang utak nito. Paano pa ang ibang babae na sanay na sanay na magpaikot ng mga lalaki? He must be smarter than them. And the way to go is to stay away from them entirely.
"Mag-artificial insemination na lang."
“ARTIFICIAL INSEMINATION?!” bulalas ni Vance nang marinig ang suhestiyon ni Deutsch. Itinigil na niya ang pag-inom ng alak. Nahihilo na siya sa dami ng ideyang pumapasok sa kanyang utak subalit hindi sumagi sa kanya ang artificial insemination. “Parang napaka-unemotional naman ng suggestion mo, pare! Nakakabawas yata sa pagkakalalaki ko.”
Hindi niya ma-imagine ang sarili na nagbibigay ng semilya sa isang sperm bank samantalang kaya niya namang gumawa ng anak sa sarili niya. Hindi siya impotent. He is a normal man and he performs well in bed. Bakit kailangan pa niyang magbayad sa isang medical procedure sa pagkakaroon ng anak? Ni hindi siya magiging physically involved. Ugh! Hindi niya iyon pinangarap.
“But that is your only guarantee na sa iyo nga ang bata. Isipin mo, kahit sabihin mo pang virgin ang makuha mong babae, how sure are you na hindi ka niya masasalisihan?”
Tinitigan ni Vance ang kaibigan. Mukhang seryosong-seryoso ito sa suhestiyon. May punto man ito, hindi pa rin niya matanggap. May damdamin naman siya at hindi biro-biro ang pagkakaroon ng anak para lang magkapera. Babae at anak ang pinag-uusapan dito. Hindi biro-birong responsibilidad ang kakaharapin niya.
Ayaw niyang maging desperado subalit desperasyon na ang nararamdaman niya. Walang madaling option. Kailangan niyang maging maingat dahil maraming buhay ang nakasalalay dito.
“Alam mo, kung ayaw mong gawin ito,” sabi ni Deutsch nang mapansin na naguguluhan siya. “Ibigay mo na lang kay Phoenix ang chance na magkaroon ng anak. Tutal, sinasabi naman niya na may karapatan siya sa kompanya.”
Tumiim ang kanyang bagang. “Pangalan niya marahil ang dala ng kompanya pero wala siyang alam na kahit isang bagay dito. History ang expertise niya. Magbungkal sa mga sinaunang siyudad at libingan. Wala siyang alam sa engineering at construction gaya ng trabaho mo. At ang gagawin lang niya kapag nakuha ang kompanya ay ibigay ang pamamahala sa ama niya.”
Nanlaki ang mata ni Deutsch. “Seriously? She hates that man. Iniwan silang mag-ina at ipinagpalit sa ibang babae.”
“According to her, the devil himself is more acceptable than me. Ganoon na ba ako kasamang tao?”
“That’s a woman scorned for you.”
Mahigpit niyang hinawakan ang baso at pinagmasdan ang park na di kalayuan sa pad ni Deutsch. “Hindi ako makakapayag na mawala ang pinaghirapan namin ni Ninong. Hindi ako papayag na mapunta ito kay Maximo Pantaleon. Oras na makuha ko ang kompanya, hindi naman ako magiging gahaman doon. Siyempre pamamahalaan ko lang iyon. Para din kay Phoenix ang lahat. Wala rin namang katiyakan na makikinabang siya oras na makuha ng mga Pantaleon ang Villaviray Construction. Baka mamaya ay isantabi lang siya ng mga ito.”
“Then you take a pick. Kailangan mo nang magdesisyon kung anong paraan ang gagamitin mo para magkaanak. Sabi mo kanina, ayaw mo ng commitment kaya hindi pwede ang mga babaeng may gustong maka-relasyon ka. Dahil mag-e-expect sila na pakakasalan mo sila. Maari pa nilang gamitin ang anak mo against you. Tama ba ako?”
He nodded. “And according to you, hindi advisable ang surrogate mother.”
“I mean, a surrogate mother na kailangan mong galawin. You know what I mean. Baka magkaroon ng emotional involvement. At least mas less emotional kung artificial insemination. Mas nakakatiyak ka pang sa iyo talaga ang bata dahil sperm mo ang naroon. At kung time frame ang pag-uusapan, mas nakakatiyak kang makakahabol ka sa deadline. The doctors will simply detect kung kailan ang ovulation period ng surrogate mother. After the procedure, ilang araw na observation lang. Uulitin ang procedure hanggang ma-fertilize ang itlog. And voila! Magkakaroon ka na ng tagapagmana.”
“Buhay ng anak ko ang pinag-uusapan natin dito,” mariing wika niya. “I hate it when you make it sound like some medical experiment.”
“Iyon naman talaga ang ginawa ng ninong mo sa iyo. Parang experiment na lalabas ang anak mo. Pero wala ka namang choice, hindi ba?”
Pagod na napatingala si Vance. Wala nang normal sa buhay niya mula nang mamatay ang kanyang ninong. He was given this big responsibility. Hindi lang kinabukasan niya ang nakasalalay kundi maging ang kinabukasan ng mga taong nakapaligid sa kanya. That includes Phoenix.
Hindi naman niya kalaban si Phoenix. He was also taking care of her inheritance. Gusto niyang matiyak na patuloy ang progreso ng kompanya para sa sarili nitong kapakinabangan… at sa magiging anak nito kahit sa ibang lalaki pa.
“Okay. Sa tingin ko okay na ako sa artificial insemination,” sa wakas ay wika niya. “At saan naman ako hahanap ng surrogate mother?”
Pinaikot nito ang alak sa basong hawak. “Anywhere! As long as the price is right. Marami namang nangangailangan sa paligid.” Dinampot nito ang smartphone at nag-scroll sa contacts nito. “Hmmm… let me see. Ang alam ko ay may agency na namamahala sa ganyan. May mga babe na handang maging baby maker sa tamang halaga. I will try to contact the head of the agency. But it is hush hush.”
Di gaya sa ibang bansa na legal ang pagiging baby maker, hindi iyon pupwede sa Pilipinas dahil sa family code. Hanggang ngayon ay hindi pa malinaw iyon dahil ang pagiging baby maker ay labag sa batas.
“Sa palagay ko kailangan kong pigilan ang kasal ni Phoenix,” nausal na lang niya. Baka mas maayos pa nila ang relasyon nila. May apprehension talaga siya sa artitificial insemination na ito lalo na’t di niya kilala ang magiging ina ng anak niya.
At kailangan din niya itong sagipin mula sa pagpapakasal nito sa Nelson na iyon. There was something about that guy that he didn’t trust at all. Masyadong malinis. Para sa kanya, ang mga taong mas malinis at mukhang mabait ang mas kahina-hinala. Kailangan niyang protektahan si Phoenix sa mga tulad nito.
Bahagyang itinulak ni Deutsch ang balikat niya. “Maging praktikal ka, pare. Kung puro si Phoenix pa rin ang iisipin mo, wala nang matitira sa inyo. At kung mahal ka pa niya, di siya magpapakasal sa ibang lalaki. Saka mo na intindihin ang pag-isip. Utak muna ang paganahin mo ngayon.” Nag-dial ito at itinutok ang tainga sa smartphone. “Hello, Caro! I have a friend. He needs an heir ASAP. I think you can help him.”