Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 44

“Kapit na po ako sa patalim, Miss Phoenix. Kung hindi lang dahil sa sakit ng tatay ko, hindi ko tatanggapin ang alok ni Sir Vance,” salaysay ni Evarlita.

Pinuntahan niya ito sa mall kung saan ito nagtatrabaho bilang sales lady at hinintay niya na mag-out ito sa trabaho. Iyon ang huling araw nito sa trabaho dahil kailangan nitong magpahinga at maging physically fit sa nalalapit na procedure kung saan ito isasailalim. Babayaran ni Vance ang magbibigay ng allowance dito sa panahong hindi ito pumapasok.

Ibibigay ang paunang bayad na isang milyon kapag natiyak na fertilized na ang egg sa sinapupunan nito at ang isa pang milyon kapag naisilang na ang bata.

May tumor sa utak ang ama nito at kailangan nang maoperahan sa lalong madaling panahon. Hindi kalakihan ang sinusweldo nito bilang sales staff at alam niya na napakalaking halaga ang kakailanganin sa pagpapagamot. Una ay kailangang tanggalin ang tumor sa utak at mahabang rehabilitation. Malaking bagay ang dalawang milyon na ibabayad ni Vance dito.

“At labag sa loob mo na gawin ito?” marahang tanong niya.

She pretended to be a philanthropist. Isang babae na may misyon sa buhay upang huwag nang danasin pa ng mga kababaihan na mahiwalay sa mga anak nito dahil sa kahirapan. Na hindi na kailangan pang ibenta ang anak ng mga ito.

Tumango ito. “Hindi pa po ako handang magkaanak lalo na sa ganitong sitwasyon. A-Ayoko pong ipagbili ang anak ko. Alam ko na malaking kasalanan ito sa Diyos,” anito sabay hagulgol. “Kailangang-kailangan ko lang talaga ng pera.”

Hinagod niya ang likod nito at inabutan ng kahon ng Kleenex. “Tahan na, Evarlita. Ano nga pala ang sinabi ng boyfriend mo? Alam ba niya itong gagawin mo?”

Lalong lumakas ang iyak nito. “Nagalit si Joaquin nang malaman niya ang gagawin ko. Binalaan niya ako na iiwan ako kapag itinuloy ko pa itong plano ko. Pero ano ang magagawa ko? Hindi ko alam kung saan ako hahanap ng kalahating milyon para sa pagpapagamot ng tatay ko.”

Naiintindihan niya ang sitwasyon nito. Gusto niyang mairita sa nobyo nito. Kung iba lang ang sitwasyon ay sasabihin niya ditong iwanan ang boyfriend para maisalba ang buhay ng ama nito. Hindi man lang inisip ang sakripisyong ginagawa ni Evarlita. And Vance exploited that need.

Pero siyempre di naman niya pwedeng pasamain si Vance dito. Mukhang si Vance ang tagapagligtas nito.

“Nahihirapan na ako,” pagpapatuloy nito. “Mahal ko ang tatay ko pero hindi ko rin kayang mawala sa akin si Joaquin.”

Hinawakan niya ang kamay nito. “Mag-back out ka sa pinag-usapan ninyo ng Vance na iyon,” aniya. “Sundin mo ang gusto ng puso mo. Piliin mo si Joaquin.”

Napipilan ito at maang siyang tiningnan. “P-Pero paano ang tatay ko? Kailangan ko pa rin ng pera para ipagamot siya. Hindi ko alam kung saan ako hahanap ng dalawang milyon.”

Ngumiti siya. “Nandito ako para tulungan ka. Gaya ng nasabi ko, misyon ko ang tulungan ang mga katulad ninyo. Tatapatan ko ang bayad ni Vance na dalawang milyon para ipampagamot sa tatay mo at para makapag-bagong buhay ka kasama si Joaquin. Ibibigay ang two hundred thousand ngayon at ang natitira pang halaga kapag hindi ka sumipot sa schedule ninyo.”

Pinahid nito ang luha. “G-Ganoon lang? Bibigyan ninyo ako ng pera nang walang kahirap-hirap? Ano ang kapalit nito, Miss Phoenix?”

Umiling siya at nagkibit-balikat. “Wala. Gusto ko lang makatulong sa mga nangangailangan. Kamamatay lang ng tiyuhin ko na tumayong ama ko sa sakit. Ginagawa ko ito para sa kanya.”

“Nakakahiya sa inyo. Pero ano ang gagawin ko kay Sir Vance?” animo’y takot na sabi nito at pinagsalikop ang mga kamay. “Nahihiya ako sa kanya. Ang totoo po siya ang nagbayad ng bills sa check up ng tatay ko at mga gamot. Napakabuti po niya sa akin. Ang totoo kundi lang talaga kay Joaquin baka ma-in love ako kay Sir Vance. Naku! Kapag po nakita ninyo siya napakaguwapo talaga niya.”

Pinigil ni Phoenix na mawala ang ngiti sa mga labi. Wala talagang babaeng nakakaligtas sa karisma ni Vance. Sa susunod ay baka pwede na itong tumakbong senador sa tindi ng karisma nito. “Alam mo, makakahanap si Vance ng papalit sa iyo. Kaya huwag kang mag-alala sa kanya,” pang-aayo niya.

May loophole sa plano niya. She needed to buy time. Oras na sabihin ni Evarlita na hindi ito tutuloy sa procedure ay madali para kay Vance na humanap ng ibang kandidato para maging surrogate mother. May contact ito sa agency. Wala namang problema. She had enough money to bribe those women. She just needed to keep those women at bay. Hanggang umabot sa punto na mahihirapan na si Vance na makabuo ng bata sa takdang oras.

Pinirmahan ni Phoenix ang tseke at inabot kay Evarlita. Hindi nito mapigilan ang sariling yakapin siya sa labis na katuwaan at pinaghahalikan siya sa magkabolang pisngi. “Maraming salamat po, Ma’am. Hulog ka ng langit sa akin, Miss Phoenix. Hinding-hindi kita makakalimutan.”

Sa kabila ng ginawa ay natuwa siya dahil may isang tao siyang napasaya. Hindi na nito kailangang dalhin sa sinapupunan ang anak ng lalaking di naman nito kakilala. Hindi na rin nito kailangang magdusa habang nagsasakripisyo sa ama nitong may sakit. Hindi na nito kailangan pang iwan ang nobyo nito.

Kumalas siya mula sa pagkakayakap nito. “Tandaan mo ang bilin ko. Tumawag ka sa kanya sa mismong araw ng operasyon mo. Kailan ba iyon?”

“Dalawang linggo po mula ngayon.”

It was enough to buy her time. “Huwag ka munang magpakita kay Vance,” utos ni Phoenix dito. “Huwag mo muna siyang tatawagan. Sabihin na ayaw mo nang maging surrogate mother ng anak niya makalipas ang ilang araw.”

Kumunot ang noo ni Evarlita. “Bakit naman ganoon katagal? Hindi ba dapat sabihin ko na agad para makahanap siya ng ibang donor? Kawawa naman si Sir Vance.”

Naggiyagis ang ngipin ni Phoenix. Paano ba niya lulusutan ito? Time to stall Vance was what she paying this woman for. Gusto na niyang sumigaw sa labis na frustration. Hanggang sa huli ay kapakanan pa rin ni Vance ang iniisip nito.

Ngumiti siya at ginagap ang kamay ni Evarlita. “Ano… sa palagay ko lang mas mabuti kung makalayo muna kayo dito. Baka kasi magalit si Vance sa inyo ng boyfriend mo. Bakit hindi muna kayo magbakasyon sa probinsiya? Makakabuti iyon para magpahinga ang tatay mo at maihanda ang katawan niya sa operasyon niya. Uhmm… okay lang ba na huwag mo munang sabihin sa kumuhang babymaker sa iyo? M-Mag-enjoy ka muna at huwag siyang intindihin. I am sure makakakuha rin naman siya ng ibang magiging ina ng anak niya.”

Nakakaunawa naman itong tumango kahit na may pag-aalinlangan pa rin sa mga mata nito. “S-Sige po. Marami po ulit salamat. Hindi lang ninyo alam kung gaano kalaking bagay ang nagawa ninyo para sa akin.”

Sumilay ang ngiti sa labi ni Phoenix. Nakikinita na niya ang itsura ni Vance oras na malaman nitong nag-back out ang magiging ina ng anak nito. Pihadong magwawala ito.

Siya naman ay malapit nang ikasal. May advantage na siya sa binata. Sa kanya ang huling halakhak.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.