“THE inauguration is a big success! You did a great job on that eco-condo. Impressive really,” bati ni Deutsch kay Vance. Galing sila sa bagong bukas na condominium na usap-usapan na ngayon sa buong bansa dahil sa makabagong disenyo nito. Wala pa siyang pahinga dahil kagagaling lang niya sa apat na araw na conference sa Hong Kong. Tumuloy agad siya sa opening ng condo mula sa airport. Worth it naman ang pagod niya. Malaking tagumpay ang opening. Kung naroon lang sana si Mauricio nang mga oras na iyon. Tiyak na masisiyahan ito.
“Nah! Your dad is brilliant. He designed it after all,” sabi niya at nagkibit-balikat. Iilan na lang ang tao noon sa function area ng condominium.
“Pero ikaw ang nakapagsabi sa kanya kung anong alternative ang pwede ninyong gawin matapos mong makita ang flaw sa design niya. Ngayon ay hinihiling niya na sana ay ikaw na lang ang naging anak niya,” iiling-iling na sabi ng kaibigan niya.
Gusto ni Vance ang mga design ng ama ni Deutsch. His designs were known for its eco-friendly and could stand the climate change. Kaya naman nag-e-enjoy siya na makatrabaho ang kompanya ng ama nito. Sa Villaviray Construction din ay gusto nila na gumamit ng eco-friendly pero matitibay na materyales. Kaya naman usap-usapan na ang bagong bukas na condo na mas eco-friendly na siyang latest trend ngayon. Masaya siyang maging parte ng proyekto na sinuportahan nang todo ni Mauricio noong nabubuhay pa ito.
“Bakit hindi tayo mag-celebrate?” suhestiyon nito. “That was a hell of a successs! Lalong dadagsa ang mga kliyente. And the girls as well.” At kumindat ito. Bago pa man magsimula ang party ay may mga target na itong babae at ang ilan ay nakalista na sa black book nito. Kailangan lang mamili ni Deutsch ng “the best”, depende sa mood nito sa gabing iyon.
Umiling si Vance. “I can’t! I need to check on Evarlita. Noong isang araw pa ang procedure niya. Sobrang busy ng schedule ko sa Hong Kong kaya hindi na rin ako nakapag-follow up,” aniya at niluwagan ang necktie. “Mukhang may problema din sa cellphone niya dahil di ko ma-contact pagdating ko kanina. Nag-aalala na ako at excited. Sana lang successful ang fertilization sa kanya.”
Hindi inaakala ni Vance na magiging ganito siya ka-excited sa pagkakaroon ng anak. He thought it would be just a procedure. Kailangan lang niyang gawin dahil iyon ang hinihingi ng testamento ni Mauricio. Kahit hindi siya physically naroon sa procedure o kahit hindi natural na proseso ang ginamit at hindi naman siya malapit sa magiging ina ng anak niya, ibang klase pa rin ang pakiramdam na magkakaanak siya. Ngayon pa lang ay gusto na niyang ibigay ang lahat-lahat dito.
Nakakalungkot lang na hindi sila magkakaroon ng conventional na pamilya. Hindi niya alam kung gaano siya kahandang maging single father. Alam niyang hindi madaling magpalaki ng anak. Maraming magbabago. Mas malaking responsibilidad ang hahawakan niya. At ang batang iyon ang magiging nag-iisa niyang kapamilya. Sa kasamaang-palad ay lalaki itong walang ina. Pero makakaisip siya ng paraan para di nito maramdaman ang kakulangan sa buhay nito. He would try his best to be a great father for his child.
“Gusto mo bang samahan kita sa bahay ni Evarlita?” tanong ni Deutsch.
Umiling siya. “Hindi na. Ako na ang bahala. Alam ko naman na may allergy ka pagdating sa usapang pagbubuntis. Kaya mag-focus ka na lang sa mga babaeng gustong makipag-date sa iyo,” wika niya at lumingon sa direksyon ng isa sa mga socialite na dumalo sa okasyong iyon. Kanina pa ito nagpapapansin sa kanila ni Deutsch pero matagal na siyang nag-quit sa dating scene kaya wala siyang interes.
“Gusto ko lang namang maging supportive. Pero tama ka. The night is still young. I want to enjoy it.”
Iniwan niya si Deutsch na may malapad na ngiti sa labi habang nakayakap sa leeg ang socialite na nagmula sa pamilya ng mga hotelier. Hindi na nga siya ang dating Vance. He was about to become a father. Gusto niyang maging mabuting ama katulad ng namayapa niyang ama at si Mauricio.
Sa isang maliit na apartment na gawa sa kahoy ang tinutuluyan ng pamilya Avanyo sa Taguig. Kasama nito sa bahay ang mga magulang nito. May tumor sa utak ang ama nito at walang pampagamot. Nag-iisang anak si Evarlita at solo lang itong nagtatrabaho sa pamilya. They barely make the ends meet. Walang kakayahan si Evarlita na ipagamot ang ama. Kaya nga ito ang pinili niyang maging babymaker. Matindi ang pangangailangan nito. Kahit paano ay nakakaluwag sa konsensiya niya na nakakatulong siya dito.
Ipinarada niya ang kotse sa harap ng maliit na apartment. Nasa gitna iyon ng limang hilera ng kahoy na bahay. Dalawang beses na niyang ihinahatid niya si Evarlita doon pero hindi siya pumapasok sa bahay. Wala siyang choice ngayon dahil kailangan niya itong makausap.
Walang ilaw sa bahay. Mukhang maagang nagpahinga ang mga tao doon. Kinatok niya ang bakal na gate. “Tao po! Tao po!” tawag niya.
Bumukas ang kabilang gate at lumabas ang isang babaeng may kalong na sanggol. “Ay, Sir! Wala pong tao diyan.”
“Ha?” usal niya at hinarap ito. “Nasaan sila Evarlita? May nangyari ba sa tatay niya?” Baka naman isinugod sa ospital. Nang nakaraang linggo lang ay sumakit ang ulo ng ama nito dahil sa tumor sa utak. Palaki nang palaki ang tumor at nagsisimula nang ipitin ang utak nito at mga ugat.
Umiling ang babae. “Hindi po. Magbabakasyon daw po sila sa probinsiya. Noong isang araw pa po sila umalis.”
“Noong isang araw pa?” tanong niya sa mataas na boses. Kahapon ang schedule nito sa artificial insemination. Paanong umuwi ito ng probinsiya?
“Ano po bang kailangan nila?” tanong ng babae.
“Kaibigan kasi niya ako,” sabi na lang ni Vance. “Hindi ko siya ma-contact sa number niya.” Ibinigay niya ang calling card niya dito. “Pwede bang tawagan mo ako kapag may contact ka sa kanya?”
Nagningning ang mata ng babae nang bigyan niya ng calling card. “S-Sige po, Sir. Baka pwede naman kayong maging textmate ko.”
Maasim siyang ngumiti. “Itatanong ko muna sa girlfriend ko kung pwede.”
“Huwag mo na lang ipabasa ang text ko,” sabi nito at kinindatan siya. “Basta ako si Girlie. Huwag mong kakalimutan.”
“O-Okay. Salamat,” wika na lang niya at pumasok sa kotse niya.
Hindi siya mapalagay hanggang makauwi. Tinawagan niya ang OB-Gynecologist na may hawak sa kay Evarlita. “Good evening, Doc. This is Vance Antiporda. I am sorry for the bother. I just want to check on Evarlita. How did the procedure go?”
“Oh, Mr. Antiporda. We’ve been trying to contact you since yesterday through your mobile. Hindi namin kayo matawagan.”
“I got a problem with my roaming.”
“Hindi po pumunta sa clinic namin si Miss Avanyo kahapon.”
“What? Hindi natuloy ang procedure?” bulalas ni Vance. Nangyari na nga ang kinatatakutan niya. Hindi natuloy ang procedure at di man lang niya nalaman.
“Yes. I am sorry about that. Perhaps we can reschedule it on her next ovulation period,” suhestiyon ng butihing doktora.
“Thank you, Doc,” usal niya at pabagsak na umupo sa sofa. Tulala siya habang nakatingin sa ceiling to floor window ng penthouse condo niya.
Hindi maari ito. Nakaayos na ang lahat. Nakaplano na ang lahat. They even signed a contract which was facilitated by the agency. Hindi pwedeng magkaaberya ngayon. Malaki ang mawawala sa kanya at sa mga taong nakadepende sa kanya.
He must do something about it. Pakiramdam niya ay may hindi tama sa mga nangyayari. And he intended to find it out.
SINUBUKANG kumalma ni Vance habang tinatawagan si Evarlita sa bagong cellphone number na ginamit nito nang i-text ang kaibigan nitong si Girlie, ang bago niyang masigasig na textmate. Nasa opisina siya nang mga oras na iyon at palakad-lakad habang pinakikinggan ang pagri-ring sa kabilang linya. Hindi niya nagugustuhan ang nangyayari. Bakit basta na lang itong pumunta sa probinsiya kung kailan malapit na ang procedure nito? Bakit ito nagpalit ng cellphone number?
Sa wakas ay may sumagot sa tawag niya. “Hello!”
Nakilala niya ang boses ni Evarlita. “Hello, Evarlita! Kumusta na?”
Narinig niya ang pagsinghap nito sa kabilang linya. “S-Sir Vance, paano po ninyo nalaman ang bagong number ko?”
Bagong number? Great. Nagpalit nga ito ng bagong numero nang di man lang ipinaaalam sa kanya. At lalong di nito inaasahan ang tawag niya. Pinagtataguan ba siya ng babae?
“Pumunta ako sa bahay ninyo. Sinabi ng kapitbahay ninyo na pumunta ka daw sa probinsiya isang araw bago ang procedure mo. At sinabi din ni Doctor Suarez na hindi ka sumipot sa araw ng procedure mo. Ano bang nangyayari?” tanong niya sa mababang boses habang pinipigilan ang matinding iritasyon.
“I’m sorry, Sir Vance,” anito sa nanginginig na tinig. Animo’y maiiyak ito. “Hindi ko na po kayang ituloy. H-Hindi ko na po kayang isuko ang magiging anak ko. Hindi ko rin po kayang mawala sa akin si Jordan. A-Ayoko na po. Uurong na po ako sa usapan natin.”
Nanlaki ang ulo niya. Nag-back out na ang surrogate mother niya. Kung kailan plantsado na ang lahat ay saka naman nagkanda-leche-leche.
Paano na ang kompanyang pinaghirapan niya? Paano na ang magandang nasimulan niya sa Villaviray Construction? Paano na ang Villaviray Construction. Mauuwi lang sa wala.
Daig pa ni Vance ang binagsakan ng langit. Malapit na ang kasal ni Phoenix. Oras na mauna itong magkaanak sa kanya, tiyak na magsisimula na ang pagbagsak ng kompanya. Ngayon pa lang ay nag-e-express na ng apprehension ang mga stockholders, investors at mga kliyente lalo na’t wala pang linaw kung sino ang hahawak ng majority shares ng Villaviray Construction. Hindi niya alam kung gugustuhin pa ni Phoenix na manatili siyang nagtatrabaho doon oras na ito ang manalo. Malabo pa rin kung anong direksyon ang tatahakin ng kompanya oras na ito na ang magmay-ari. It would be chaotic by then.
Gigil na naihalamos ni Vance ang palad sa mukha. “Paano na ang tatay mo? Hindi ba kailangang-kailangan mo ng pera para sa operasyon niya sa utak?”
Hindi siya naniniwalang kaya nitong ipagpalit ang kalusugan ng sariling ama para lang sa isang lalaki. Kabaliwan iyon. Ang alam niya ay mahirap lang din ang nobyo ni Evarlita. Seasonal lang na sales staff sa mall kung saan nagtatrabaho si Evarlita. Saan kukuha ng pera ang mga ito? Malapit nang maubos ang panahon ayon sa doktor na humawak sa ama ni Evarlita. Kapag hindi pa naoperahan ang ama nito sa lalong madaling panahon ay maari nang ikamatay ng ama nito ang papalaking tumor sa utak.
“Wala na pong problema doon,” wika ni Evarlita sa m asayang boses. “May nag-donate po sa akin ng dalawang milyon kaya maari nang paoperahan si Tatay. Ibabalik ko rin po sa inyo ang paunang-bayad ninyo sa akin. Lahat-lahat. Salamat na lang po sa malasakit ninyo.”
Kumunot ang kanyang noo. “May nagbigay sa iyo ng dalawang milyon? Sino?”
Mas maniniwala pa siya kung tumama ito sa lotto o kaya ay may nagpamana dito na mayamang kamag-anak. Sinong basta na lang mamimigay ng pera dito?
Nice timing. At hindi rin niya maiwasang magsuspetsa sa mga kakaibang pangyayari. Wala siyang alam na foundation na mabilis makakapagbigay ng ganoon kalaking tulong nang ura-urada.
“Sabihin na lang po nating may anghel dela guwardiya ako. Isa po siyang pilantropo pero ayaw po niyang ipagsabi kung sino po siya. Kaya ibabalik ko po ang pera na naitulong ninyo sa akin. Walang labis at walang kulang.”
Mariing nagdikit ang labi ni Vance. “Siguro galing din iyan sa pilantropong sinasabi mo.”
“Opo. Napakabait po talaga ni Ma’am… Ooopps!”
Lalong tumindi ang hinala niya. Babae. Babae ang donor nito. “Sino ba talaga ang babaeng iyan?”
“Ayaw po po pala niyang ipagsabi kung sino siya. Secret na lang po namin. Basta hindi daw po niya gusto na mahiwalay muli ang isang anak sa kanyang ina gaya po ng ginawa sa kanya noon. Napilitan daw po ang tunay niyang ina na ipaampon siya noong sanggol pa lang siya sa mayamang pamilya. Alam ko po mabuti rin kayong tao, Sir. Sana po ay makahanap pa rin kayo ng babae na magiging ina ng anak ninyo.”