“This is a load of bull! Akala ko desidido at professional ang mga babae sa agency na iyon ng mga babymaker. Akala ko ba walang aberya sa agency na iyan?” frustrated na angil ni Vance nang puntahan siya ni Deutsch sa opisina niya kinabukasan.
Pabalik-balik siya ng lakad sa carpeted na sahig. Di na siya magtataka kung numipis na ang carpet na nilalakaran niya. He was frustrated as hell. Hindi siya sanay na hindi natutupad ang mga plano niya. Not something as vital as this one. Pakiramdam niya ay isa siyang bulkang sasabog anumang oras. Gusto na talaga niyang magwala. Bakit napakamalas niya?
Nagsalin ng whiskey si Deutsch sa decanter. “Wala tayong magagawa. Nagbayad pa nga ng multa si Evarlita sa agency. Mukhang may generous siyang donor. Too generous if you’ll ask me. Anong charitable institution daw ang nagbigay ng tulong kay Evarlita?”
Tumigil siya sa paglalakad at kinuha ang bote ng whiskey dito. Nagsalin siya sa sariling baso. “Maniniwala ka ba na ang taong iyon daw ay naniniwala na hindi kailangang ibenta ng isang magulang ang anak niya? Kaya mukhang gusto niyang sagipin ang mga babymaker sa ganoong dilemma. Ipinamigay daw kasi ang babaeng iyon noong bata pa. Ibinenta ng magulang.” Nagkibit-balikat siya. “I find it hard to believe. Parang eksena lang sa teleserye, hindi ba?”
Umupo si Deutsch sa swivel chair. “Mukhang may ipinaglalaban. A woman with a mission?”
“Ako? Paano naman ang ipinaglalaban ko?” wika niya. Tinungga niya ang whiskey. “All my plans had been blown into pieces.”
Parang sinabugan siya ng bomba. Nasa ground zero siya. Hindi niya alam kung paano babangon. Hindi niya alam paano magsisimula muli.
“Tawagan ulit natin ang agency. I am sure may maire-refer silang bagong surrogate mother. Marami pa naman, di ba?” sabi ni Deutsch at pinaikot ang swivel chair niya na parang batang naglalaro lang. His friend was pretty cool about it. Habang siya naman ay halos sumabog na sa sobrang frustration.
“Hindi ko magagawa iyon hangga’t hindi ko nalalaman kung sino ang nag-donate ng dalawang milyon kay Evarlita.” Hinaplos niya ang sariling baba. “Hindi maganda ang hinala ko dito. Parang may sumasabotahe sa akin.”
Hindi mawala ang hinala ni Vance iyon. Noon pa lang nalaman niya na umalis si Evarlita at ang pamilya nito papuntang probinsiya at di ito pumunta sa clinic sa araw ng procedure ay hindi na magandan ang sapantaha niya. Napatunayan lang ang hinala niya nang sabihin nito na may nag-donate ng pera kay Evarlita. Dalawang milyon ang nakuha nito at walang kapalit? The woman acted as an individual. Hindi isang charity institution. A walking charity institution.
“Si Phoenix ba ang pinagsususpetsahan mo?” tanong ni Deutsch.
“Sino pa nga ba? Siya lang naman ang makikinabang kapag nabulilyaso ang plano ko na magkaanak. Siya lang ang may motibo na sirain ang mga plano ko.”
Sumimangot ang kaibigan niya. “Hindi naman siya ang tipo na mananabotahe. Busy iyon sa pag-aasikaso ng kasal niya.”
“Ewan ko. Hindi ko na siya kilala. Malaki na ang nagbago sa kanya.”
Gone was the trusting and sweet Phoenix he knew. Wala na itong pinagkakatiwalaan ngayon. Hindi na ito nakikinig sa pakiusap. Hindi naman niya ito masisisi dahil sa mga kasinungalingang nakapaligid dito. Pero naging sarado na ang utak nito. At wala yata itong ibang misyon kundi ang pabagsakin siya sa kahit anong paraan. Pakakasalan nito ang lalaking di nito mahal para lang tiyakin na hindi siya mananalo dito. Gasino ba naman ang suhulan nito ang babaeng pinili niyang maging ina ng anak niya? Marami itong paraan para malaman iyon. Marami. At hindi siya titigil hangga’t hindi niya nalalaman ang totoo.
“Tanggapin mo na lang na hindi talaga si Evarlita ang babaeng nakatakdang maging ina ng anak mo. Mag-log in ka na lang ulit sa account mo sa kay Madam Caro.” May website si Madam Caro, ang may-ari ang agency para sa surrogate mothers. Naroon ang profile ng mga babae sa ilalim ng agency nito at ang katangian ng mga ito. Pati health record ay naroon din. “Tingnan mo kung may matitipuhan ka na maging surrogate mother. May panahon ka pa naman, di ba?”
Bumuntong-hininga si Vance. Nahirapan siyang magdesisyon noon nang piliin niya si Evarlita. Ngayon ay may bago na naman siyang ikokonsidera. May babae bang di basta-basta tatalikod sa usapan? Paano siya nakakatiyak na hindi na naman siya maiiwan sa ere. Baka naman kapag nakapili na siya ay kasal na si Phoenix.
Parang may sumaksak sa dibdib niya. Ikakasal na ang dalaga sa iba. It should have been him. Siya dapat ang kasama nitong nagpaplano ng kasal gaya ng napag-usapan nila noong sila pa.
Ayaw niyang mapunta si Phoenix sa ibang lalaki. Siya dapat ang maging ama ng anak nito. Meron man o walang stipulation sa last will and testament ay gusto pa rin niya ito. Pero kinamumuhian siya nito. Ilang beses na ba siya nitong tinanggihan at ipinagtabuyan. A man could only take so much. May pride din naman siya.
Minsan ay sumasagi sa isip niyang pigilan ang kasal nito pero alam niyang pareho lang silang mapapahamak. Lalo lang siya nitong kamumuhian at maraming taong maapektuhuan kapag ginamit niya ang emosyon niya. Even if he wanted her to be his, even if he wanted to protect her, he couldn’t do it anymore. Kailangan na nilang maghiwalay ng landas.
Tumunog ang intercom. “Vance, may package na dumating para sa iyo,” sabi ng sekretarya niyang si Judith.
“Pakipasok na lang sa opisina ko. Salamat,” utos niya. Mabuti na lang at inayos ni Judith ang schedule niya at naka-clear siya sa buong araw na iyon. He was not in the mood for anything. He couldn’t think straight. Maya maya pa ay pumasok na ng opisina si Judith at inabot ang brown envelope sa kanya. “Kanino galing?”
Nagkibit-balikat ang sekretarya niya. “Walang return address. May messenger lang na nagdala dito.” Tumaas ang kilay nito. “Malay mo imbitasyon sa kasal ni Phoenix.” At saka nakangisi itong lumabas ng opisina niya.
Nah! Hindi siya imbitado sa kasal ni Phoenix. Ni hindi nga siya makatapak sa mansion ng mga Villaviray mula nang basahin ang last will and testament at magkasagutan sila. At kahit imbitahan pa siya ay hindi rin siya pupunta. Parang naglaslas na rin siya ng pulso kapag ginawa niya iyon.