Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 47

“Buksan mo na,” udyok ni Deutsch nang makita ang pag-aalinlangan niya.

Tinitigan lang ni Vance ang envelope. Paano kung imbitasyon nga iyon sa kasal ni Phoenix? Parang natatakot siya.

Hinatak ni Deutsch ang envelope mula sa kanya. “Ako na nga ang titingin.” Binuksan nito ang envelope at nakakunot ang noo na inilabas ang laman. Napanganga ito nang basahin ang nasa loob at binuklat. Puno ng pagkabahala ang anyo nito. “Vance, take a look at this.”

Inabot nito sa kanya ang laman ng envelope. Una ay isang bond paper na may naka-print.

I know who sabotaged your baby-making plans.

“Anong…” Kumunot ang noo niya nang tingnan ang 8”X10” na larawan. Nagulat siya nang makitang larawan ni Evarlita sa isang café sa isang mall. At may kausap ito – si Phoenix.

“Damn!” Tama nga ang hinala niya. Nangingig ang buong katawan niya sa galit. Parang gusto niyang manuntok. Hindi niya alam kung ano o sino. But he never felt so enraged before. Heto na ang ebidensiyang hinahanap niya. Talagang si Phoenix ang may kagagawan ng lahat.

She was the philantropist? Philantropist, my ass!

Tinawagan niya ang private investigator na dati niyang kaklase noong high school. “Bronson, kaya mo bang i-trace ang transaction sa pera ni Phoenix Villaviray sa loob ng isang buwan?”

“No problem, Boss. Bigyan mo ako hanggang bukas.”

It didn’t make him feel any better. Umupo siya sa couch at isinubsob ang mukha sa palad. “Mapipilipit ko talaga ang leeg ng babaeng iyon!” galit na bulalas niya at mariing hinawakan ang envelope.

“O, pare, cool ka lang!” wika ni Deutsch at tinapik ang balikat niya.

Walang problema sa kanya kung matalo man siya dahil may pera siya. Hindi nagalaw trust fund na iniwan sa kanya ng mga magulang niya. Kaya pa niyang magsimula ulit. Pero paano ang kompanyang pinaghirapan nila ng Ninong Mauricio niya? Paano na ang mga taong umaasa sa Villaviray Construction?

Masisira ang lahat ng iyon dahil sa katusuhan ni Phoenix. Nakikinita niyang babagsak ito kasama ang kompanya lalo na kapag pumasok sa eksena ang mga Pantaleon. Yes. She didn’t care. All she cared about was to spite him.

What a vicious, vicious woman.

Ipinilig ni Deutsch ang ulo. “Hindi ako makapaniwala na magagawa niya ito. Binigyan ko pa mandin siya ng benefit of the doubt.

“So do I. Ikakasal na siya sa ibang lalaki. Ano pang gusto niya?” gigil niyang wika at ihinagis ang envelope. Kumalat pa ang ibang laman niyon.

Dinampot ni Deutsch ang iba pang laman ng sobre at binasa. “Uh oh! Sa palagay ko kailangang makita mo ito.” At inabot nito sa kanya ang pictures at papel.

Una ay ang larawan ni Nelson, ang lalaking pakakasalan ni Phoenix. May kausap ito na isang babaeng may umbok ang tiyan. Nasa isang restaurant ang mga ito. Maya maya pa ay yumakap na ang babae kay Nelson. Sa pangatlong larawan ay hinalikan ng babae si Nelson. At sa huling larawan ay mag-isa na lang ang babae habang umiiyak.

Binasa niya ang impormasyon tungkol kay Nelson at sa babaeng kasama nito.

Una ay kay Nelson Toledo. Isa itong archaeologist at nakasama sa excavation team ni Phoenix ni Phoenix mahigit anim na buwan na ang nakakaraan. May malawak na hacienda ang pamilya nito sa Bukidnon. Pero sa ngayon ay mukhang namemeligro ang mga Toledo dahil inuutusan na ng gobyerno ang mga ito na ibigay sa mga magsasaka ang lupain na matagal nang ayaw isuko ng mga gahaman. Humihina na ang kabuhayan ng mga ito. Kaya naman pala walang kakurap-kurap ito na alukin ng kasal si Phoenix. Alam ba ni Phoenix na gagamitin lang ito ni Nelson?

Habang ang babae naman ay si Rosalinda Cruz. Twenty years old ito at tauhan sa hacienda ng mga Toledo. Ayon doon ay may lihim na relasyon ito at si Nelson. Walong buwan na ang dinadala ni Rosalinda at walang balak si Toledo na panagutan ang bata. Desperada na si Rosalinda lalo na’t wala itong matatakbuhan.

Napatiim-bagang siya. “Alam kaya ni Phoenix ang tungkol sa babaeng ito?” tanong niya at nilingon si Deutsch. Babae rin si Phoenix. Maaatim ba nitong agawan ng ama ang anak ni Rosalinda para sa pansarili nitong interes?

“May babae naman na handang magbulag-bulagan para sa pag-ibig.”

“Hindi niya mahal ang lalaking iyon. Ako ang mahal niya,” wika niya.

“Paano ka nakakatiyak?”

“Because…” I kissed her. Inilapag na lang niya sa mesa ang mga larawan at hindi na sinabi iyon. The kiss was not enough to change her mind, right?

Napaka-ironic lang dahil ikakasal si Phoenix sa lalaking tumatakas sa responsibilidad para magkaanak.

“Sino kaya ang nagpadala ng mga ito?” sa halip ay tanong ni Vance nang di naituloy ang unang sasabihin.

“Alam naman natin na malalagay sa alanganin ang Villaviray Construction oras na mapunta sa kamay ni Phoenix. Ikaw na nga ang nagsabi. She might even give the company to the Pantaleons herself just to spite you. Baka may gustong tumulong sa iyo dahil nagmamalasakit sa kompanya. O may sariling interes din siyang pinoprotektahan. Kung sinuman ang nagbigay niyan, dapat hindi mo sayangin ang impormasyong nasa mga kamay mo.”

“Kakausapin ko si Phoenix tungkol dito,” wika ni Vance at hinablot ang coat niya na nakasampay sa likod ng swivel chair niya. This is war.

Sinambilat ni Deutsch ang braso niya. “Huwag kang magpadalos-dalos. Madali lang para sa kanya na ayusin ang problemang iyan. Pwede niyang bigyan ng pera si Rosalinda para tumahimik. Ang mahalaga lang sa kanya ngayon ay manalo sa labanan ninyo. She will cling unto Nelson Toledo. Kailangang maging magaling ka na strategist. Ang alam ni Phoenix ay naunahan ka na niya. Hayaan mo lang siyang maging kampante sa kasal niya. And boom! Saka mo siya pabagsakin kung kailan hindi niya inaasahan.”

Kumunot ang noo ni Vance. “Anong ibig mong sabihin?”

“Hindi ka ba nakakanood ng mga teleserye? Kailangang dramatic. Kailangang may sisigaw ng “Itigil ang kasal!”.”

Napangiwi siya nang maisip ang sinabi ng kaibigan. “That’s a bit cruel. Hindi ko kayang ipahiya si Phoenix sa harap ng maraming tao.” Mas mabuti nang tapusin ang kalokohang iyon ngayon pa lang.

“You have to be cruel to be kind. Maaatim mo bang mapahamak si Phoenix sa Nelson na iyan? Gusto mo ba na maging miserable ang buhay niya dahil pakakasalan niya ang lalaking iyan? Nagawa nga niyang makabuntis ng ibang babae na hindi niya pananagutan. Paano kung perahan lang niyan si Phoenix at humanap ng ibang babae kapag wala na siyang pakinabang? Gusto mo ba?”

Umiling siya. “Ayoko.” Akala naman niya ay mas mapapabuti si Phoenix sa lalaking iyon. Mas mapapahamak pala ito.”

“You have to look for this woman first,” wika ni Deutsch at itinuro ang larawan ni Rosalinda. “Oras na para makilala niya ang kanyang tagapagligtas. Malay mo. Baka magkabalikan pa kayo ni Phoenix dahil dito. E di happily ever after. Masaya na ang lahat. Mawawalan na siya ng choice sa pagkakataong iyon. Ikaw na lang ang option niya.”

Hindi niya alam kung anong kahahantungan ng lahat ng plano niya. Pero sa pagkakataong ito ay hindi na niya hahayaan si Phoenix na mapunta sa iba.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.