“GIVE me that dreamy look, Phoenix,” sabi ng photographer na si Isaac na nagha-handle ng pictorial ng kasal niya. “Isipin mo na parang isa kang prinsesa na hinihintay ng prinsipe mo sa araw ng kasal ninyo. Ang lalaking pinapangarap mo.”
Kumunot ang noo ni Phoenix sa mga pinaggagagawa sa kanya ng photographer. Nasa loob siya ng silid niya at katatapos lang mabihisan at ayusan. Kanina pa siya kinukuhanan ng photographer sa bawat galaw niya. At hindi pa nangangalahati ang araw na iyon. May kasalan pang magaganap at tiyak na santambak na posing at projection na naman ang kailangan niyang gawin para magmukhang fairy-tale ang kasal na iyon.
Ayaw na sana ni Phoenix pagdaanan ang komplikadong proseso ng kasal, ang mga wedding pictorial at kung anu-ano pa. Kahit ang magarbong gown na hindi niya alam kung paano niya ilalakad sa sobrang bigat. At ang pinakamahirap sa lahat ay ang magpanggap na isang dream wedding ang magaganap sa kanyang Prince Charming. Pakiramdam niya ay magkaka-migraine siya at tutumba anumang oras.
“No. Don’t give me that look. That’s not how a bride-to-be must look like on her wedding,” reklamo ng photographer na mukhang nafu-frustrate na sa kanya. Hirap na hirap kasi ito kapag binibigyan siya ng instruction.
"I am sorry. Masama talaga ang pakiramdam ko,” wika niya at sinapo ang noo. Ilang araw na niyang iniisip kung tama ang ginagawa niya. It didn’t seem right.
Seriously, paano sila magkakaanak ni Nelson? Ni hindi nga niya maatim kapag hinahalikan siya nito. Kapag niyayakap siya nito ay nakakadama siya ng panlalamig. Maisip pa lang niya ang honeymoon nila ay parang masusuka na siya.
“Sir Isaac, pasensiya na po. May bridal jitters po kasi ang bride,” maagap na wika ng maid of honor niyang si JK at nilapitan siya. “Kung gusto ninyo kunan na lang ninyo habang kino-comfort ko siya.”
Nagkibit-balikat ang photographer. “Okay. Pwede na siguro iyon.”
Alam niyang de-kalibre ang kinuhang photographer ng nanay ni Nelson para sa kasal nila. May mga shots ito na gustong makuha. May reputasyon itong kailangang pangalagaan at mukhang masisira iyon dahil sa kanya. Mahal ang bayad dito. Bahala na ito. Basta di niya kayang magpanggap na okay.
Humingi si Phoenix ng ilang minutong privacy at lumabas ng silid ang photographer. Naiwan silang dalawa ni JK sa loob. “Gusto mo pa bang ituloy ito?” tanong ng kaibigan niya.
“Wala nang urungan. Alam mo kung anong nakataya dito,” aniya sa pilit na pinatatag na boses.
Ngayon pa ba siya uurong? Nakatiis nga siya sa pagiging demanding ng pamilya ni Nelson sa kanya habang inaasikaso ang kasal. She was weary. She had apprehensions but she could get through this. May mga babae nga na napipilit ipakasal pero nakaka-survive naman at kalaunan ay nagiging masaya ang pagsasama. Marami na siyang napagdaanan. Kaya niya ito.
“Looks like your heart is not into it. Alam naman natin kung sino ang nasa puso mo.”
Nanatiling tuwid ang tingin niya at di sinulyapan si JK. “May kanya-kanya na kaming buhay ni Vance. Malamang ay busy siya ngayon sa paghahanap ng magiging nanay ng anak niya. Maybe he is working on it. Siguro rin kumuha siya ng limang iba’t ibang babae para maging surrogate mother ng anak niya para lang matalo ako.”
Kahit paano ay mas komportable siya sa ideya na artificial insemination ang gagawing procedure ni Vance para makabuo ng bata. Hindi pa rin siya komportable tuwing iniisip ito na aangkinin ni Vance ang ibang babae.
It was stupid really. Hypocritical even. Heto nga siya at magpapakasal sa isang lalaki at hahayaan niya itong angkinin siya mamayang gabi kahit na parang bumabaligtad ang sikmura niya sa ideya.
“Sana nga tama ang ginagawa mo. Ilang beses na kitang winarningan. Masyado kang padalos-dalos,” paalala ni JK at inayos ang belo niya. “I hope your sacrifice is really worth it.”
Huli na para umurong pa siya. Ilang minuto na lang at maglalakad na siya sa hardin ng mansion ng Villaviray. Ipapangako niya ang sarili nang habambuhay sa lalaking wala naman siyang nararamdaman. Mariin siyang pumikit. Kailangan niyang kayanin ito. Pangangatawanan niya ito.
Maya maya pa ay bumaba na siya sa grand staircase habang nakaalalay sa kanya si JK. Naghihintay na ang kapamilya ni Nelson sa baba at ilang matataas na tauhan ng Villaviray Construction. At sa labas ng hardin ay naroon ang may dalawang daang bisita. Oo, dalawang daang bisita ang pilit na pinagkasya sa garden ng mansion na sa palagay niya niya ay mahigit isang daan lang ang kasya. Sa kabila ng pakiusap niya na bawasan ang mga bisita ay hindi napigilan ang pamilya ni Nelson.
At ngayon ay nakangiti ang isang pinsan ni Nelson na tumatayong wedding coordinator nila. S Trina, isang chubby na babae na feel na feel ang lumuluwang cleavage nito sa hapit na kulay ubeng satin gown.
Itinuturo nito ang gilid ng labi at inuutusan siyang ngumiti. Ngumiti siya. Hinatak ng daliri nito ang gilid ng labi nito para utusan siyang ngumiti pa. Lalo pa niyang nilaparan ang ngiti niya hanggang sumakit ang pisngi niya. Hindi niya alam kung paanong nakikita nito kung nakangiti siya o hindi sa ilalim ng belo.
Konting tiis na lang. Konting tiis na lang.
Bumuntong-hininga si Phoenix. Bukod sa mga kawaksi, pakiramdam niya ay mag-isa siya nang mga oras na iyon. Puno ng mga tao ang bahay na iyon pero wala naman ang dalawang taong nagpapasaya sa kanya kapag naroon siya – sina Mauricio at si Vance. Naalala niya ang humahangang tingin sa mukha ni Vance kapag bumababa siya ng hagdan at magde-date sila. Parang tumitigil ang mundo nit Vance habang pinagmamasdan siya. Na parang noon lang ito nakakita ng magandang babae sa katauhan niya.
But he was not here anymore. Hindi ito imbitado sa kasal niya. Ayaw niyang bigyan ito ng pagkakataon na baguhin ang isip niya. Ayaw niyang atakihin siya ng kahinaan niya dito at masira ang lahat ng plano niya at respeto sa sarili niya. Ito ang tama. Ito ang makakabuti para sa kanya.
Tumugtog na ang Wedding March. Maya maya pa ay isa-isa nang lumabas ang entourage niya hanggang naiwan siya sa sala. Isinara ang pinto na patungo sa garden bilang paghahanda ng paglalakad niya sa aisle. There was a moment of silence. Kumakabog ang dibdib niya. Parang binibigyan siya ng pagkakataong umurong.
Subalit nang bumukas na ang glass door at pumailanlang ang Cannon in D Major ay alam niyang wala na siyang kawala. Tumama sa kanya ang sikat ng araw. Lahat ng mga mata ng may dalawang daang bisita ay tumutok sa kanya. At nakita niya sa dulo ng aisle na naghihintay si Nelson.
Pinilit niya ang sarili na maglakad. Ginusto ko ito. Ginusto ko ito.
Iyon ang mistulang nagtutulak sa kanya na maglakad ng aisle hanggang makalapit siya kay Nelson. Lumunok siya. Her groom. There was so much happiness on his face. And she felt a bit guilty. Magiging sapat na ba siya para dito? Kaya ba niya itong paligayahin kahit na walang katiyakan na mamahalin niya ito?
Tito Mauricio, sinunod ko na ang gusto mo. Sana naman tama ang ginagawa ko. Give me a sign that I am doing the right thing.
Dahil ang totoo ay natatakot siya. Natatakot siyang magkamali na naman at masaktan. Lamog na lamog na ang puso niya.
Halos wala nang naririnig si Phoenix sa sobrang lakas ng kaba sa dibdib niya nang tumigil siya sa tapat ni Nelson. Sinalubong siya nito at hinawakan ang kamay niya. "You are beautiful. At last, you will be mine," bulong ng binata sa kanya.
Hindi niya alam kung bakit may dalang kilabot sa kanya ang sinabi nito. She should be used to his affection right now. Ikakasal na sila. Ito ang magiging ama ng anak niya. Malapit na niyang ibigay ang sarili dito. Kahit na gustuhin pa niyang tumakas ay hindi na siya makakatakbo, kailangan na lang niyang sanayin ang sarili.
"Narito kayong lahat upang saksihan ang pag-iisang dibdib nina Nelson at Phoenix," panimula ng pari na magkakasal sa kanila.
There was a smug look on Nelson's face. Kampante ito at anyong nagmamalaki habang siya naman ay parang aatakihin ng hyper acidity sa sobrang kaba. She just wanted to get over it. Get over everything.
Mahigpit ang pakakahawak ni Phoenix sa bouquet habang pinakikinggan ang seremonyas ng pari sa mga dapat nilang malaman bilang mag-asawa. Halos hindi na niya naiintindihan ang mga iyon. Gaano pa ba katagal ito? Nagsisimula na siyang maapektuhan ng init. Mabigat at mainit din ang gown na suot niya. Namumuo na ang pawis niya sa noo. Nagsisimula nang tumulo ang pawis sa katawan niya. Hindi siya makahinga. Kinuha niya ang abaniko na ka-partner ng gown niya na nakasabit sa kamay niya at saka ipinaypay sa sarili. Parang gusto na niyang mag-collapse.
"Kayo ba ay may nalalamang pamimilit sa dalawang narito ngayon upang magpakasal o labag sa kanilang kalooban na humarap sa altar? May tumututol ba sa kasalang ito?"
Pigil ni Phoenix ang hininga sa tanong na iyon ng pari at pumikit. Ako, anang maliit na tinig mula sa puso niya.
"Ako! Tumututol ako sa kasalang ito!"
Narinig niya ang pagsinghap ni Nelson. Bigla siyang dumilat. Una niyang nakita ang gulat na mukha ng paring magkakasal sa kanila. Oh, no! Nasabi ba niya nang malakas ang pagtutol niya? Nakakahiya naman. Paano ba niya ipapaliwanag sa mga ito na hindi iyon ang ibig niyang sabihin? Sabihin na lang kaya niya na joke lang iyon?
Subalit wala sa kanya ang atensyon ni Nelson. Nakapihit ang katawan nito at nakatingin sa likuran niya. Tumingin din siya sa likuran at naulinigan niya ang komosyon.
"Itigil ang kasal!" anang boses ng isang babae. At sa pagkakataong ito ay natitiyak niyang hindi sa kanya nagmula ang boses."Bitiwan ninyo ako!"
Isang babae ang nasa dulo ng aisle at kinakaladkad ng dalawang security. Maliit lang ang babae. Sa palagay niya ay lumagpas lang ng konti sa limang talampakan. Morena ito at hanggang baywang ang tuwid na buhok. Nakasuot ito ng bulaklaking bestida. At sa ilalim ng bestida ay kapuna-puna ang malaking umbok nito sa tiyan. Nabahala siya.
No. Pakiramdam niya ay nanlalaki ang ulo niya at namamanhid. Ito ang kinatatakutan ng lahat ng mga babae sa kasal nila. Na may isang babaeng malaki ang tiyan na basta na lang magpapatigil sa kasal. Parang eksena lang sa pelikula o kaya sa telenobela. No! At nang mga oras na iyon ay parang lumulutang siya.
Hindi ito nangyayari sa akin. Hindi ito nangyayari!!!!