Agad na nagtungo sa aisle ang ina ni Nelson na si Serafica. "Ilabas ang babaeng iyan! Baliw iyan! Nanggugulo iyan dito."
"Ipapakaladkad ninyo ang isang babaeng buntis? Wala talaga kayong puso,” puno ng hinanakit na sabi ng babae. “Hindi ako aalis dito hangga't hindi hinaharap ni Nelson ang responsibilidad niya sa akin. Nelson! Nelson! Nangako ka sa akin! Sabi mo pananagutan mo ang dinadala ko. Pananagutan mo ang anak natin."
"Rosalinda?" narinig niyang usal ni Nelson.
"Kilala mo siya? Sino siya?" tanong ni Phoenix at tiningala ang lalaking pakakasalan niya. Bakas ang pagkagulat sa mukha nito at… guilt?
Subalit nawala ang guilt sa anyo nito nang iwasiwas ni Serafica ang nakatuping abaniko. "Wala lang iyan. Huwag ninyong pansinin. Hindi ko alam kung bakit nakapasok ang baliw na iyan dito.” Ngumiti ang matandang babae sa direksiyon nila. "Father, ituloy ninyo ang kasal. Wala lang iyon."
Lumunok ang pari. Parang alanganing ituloy ang kasal dahil sa pagtutol ng buntis na babae. Mukhang balewala na lang din kay Nelson ang nangyari at humarap muli sa pari. Binigyan siya ng pari ng makahulugang tingin. Parang siya ang pinagdedesisyon nito kung itutuloy ang kasal o hindi.
“Ituloy na natin ito,” sabi ni Nelson at ngumiti sa kanya.
Ganoon na lang iyon? Itutuloy nila ang kasal nila kahit na may babaeng buntis na nagmamakaawang panagutan ni Nelson? Matatapos na lang ba ito kapag ipinaladkad nito palayo ang babae sa security?
Then Phoenix remembered her mother. She imagined her when she was younger. Noong ipinagbubuntis ito at ikinakasal ang ama niya sa ibang babae. Sa pagkakataong ito ay siya ang pakakasalan sa isang lalaki na ang pagkakaalam niya ay hindi kagaya ng ama niya. But she might be marrying the kind of man that she detested. Bigla ay parang si Maximo Pantaleon ang katabi niya.
Hindi kaya ng konsensiya niya na itaboy at kaladkarin na lang ang isang buntis na lalaki. Hindi din niya kayang pakasalan ang isang lalaki kung wala itong ipinagkaiba sa ama niya.
Hindi siya nakatiis sa huli at tumingin sa pari. "Sandali lang, Father." Tumingin siya sa dalawang security guard. "Huwag ninyong paalisin ang babaeng iyan. Gusto ko siyang makausap."
Pinigilan ni Nelson ang braso niya. "Ano ka ba? Ikakasal na tayo. Huwag mo siyang pag-aksayahan ng oras."
"Anong huwag pag-aksayahan ng oras? May babaeng nanggugulo sa kasal ko. At gusto kong malaman kung bakit niya ginagawa ito."
"Gusto niya ng pera. Pera lang naman ang habol ng mga mahihirap na iyan at ang akala nila ay makukuha nila iyon sa pamamagitan ng paninilo sa mga mayayaman," wika ni Serafica at itinaas ang noo."Kaya mas mabuting palayasin na lang natin siya dito. Sinisira niya ang okasyong ito."
"Palalayasin ninyo at ipapakaladkad ang isang buntis?” Napailing si Phoenix. Hindi siya makapaniwala na nangyayari ito. Wala ba talagang puso ang mga ito? “No. I want to talk to her. Kung wala kayong itinatago sa akin at walang responsibilidad si Nelson sa babaeng iyan ay walang problema." Tinanaw niya ang security na may hawak sa babae. "Bitawan ninyo siya. Gusto ko siyang makausap." Binitiwan ng security ang babae. Bumaling siya sa pari. "Padre, pwede po ba na mag-usap muna kami?"
Tumango ang pari. "Maghihintay lang kami hanggang maayos ito."
“Salamat po.” Tumalikod siya at naglakad palapit sa babae. "Doon tayo sa loob," aniya kay Rosalinda at itinuro ang direksiyon ng sala ng bahay na pinanggalingan niya kanina.
Ayaw niyang maeskandalo ang lahat sa kung anumang pag-uusapan nila. Gusto niyang protektahan ang lahat sa masalimuot na usapin na ito.
Malaki na ang tiyan ng babae. Parang halos kabuwanan na nga. Sapo nito ang tiyan habang naglalakad palapit sa kanya. Wala siyang nararamdamang kaba nang mga oras na iyon. Hindi niya alam kung bakit. Dapat ay matakot siya dahil sa katatagang nakikita niya sa babae. Handa itong lumaban. Nakatakda nitong sirain ang lahat ng plano niya. For some reason, she was calm about it.
"Sasama ako sa iyo," sabi ni Nelson na may bahid ng takot sa mata.
"Ako rin," taas-noong wika ni Serafica at sumunod sa kanila. "At pagsisisihan ng hampaslupang iyan ang kasinungalingang iyan. Parurusahan ko rin kung sinumang nagpapasok sa kanya dito."
Gusto sanang tutulan sana ang pagsama ni Serafica pero wala naman siyang magagawa. Ayaw niyang madagdagan pa ang gulo. Alam niyang usap-usapan na sila ngayon ng mga bisita. Na isa itong malaking kahihiyan. Malamang ay nagsisimula nang kumalat sa social media ang nangyayari.
Pero mas higit ang concern niya sa babae at sa ipinagbubuntis nito. Hindi ganoon kadali para sa isang babae na sumugod doon at harapin ang kahihiyan sa harap ng maraming tao kung walang bahid ng katotohanan ang claim nito. Kaya naman tuwid lang ang tingin niya habang naglalakad sa aisle at hindi na pinansin ang mga curious na tingin sa kanila ng mga bisita. She would deal with them later.
Nasa sala ang ibang mga staff na nag-aasikaso sa kasal at ang ilang kawaksi. "Iwan muna ninyo kami," utos ni Phoenix sa ibang nakamasid sa sala. Nagpulasan ang mga ito habang nagbubulungan.
Itinaas niya ang belo niya. The veil was stifling her. Wala na siyang pakialam sa anu-anong tradisyon. Hindi siya makahinga.
"Maupo ka," utos niya kay Rosalinda at itinuro ang sofa.
"Tatayo na lang po ako," sabi ng babae at sinapo ang tiyan. Kinagat nito ang pang-ibabang labi at saka maingat na sinulyapan sina Serafica at Nelson. Parang mas gusto nito na sila lang ang mag-usap. Sana lang ay mapagsalita pa rin niya ito kahit may dalawang parang aso na sumisingasing sa likuran niya.
"Pwede mo bang sabihin sa akin kung sino ka at kung anong kailangan mo sa amin?" mahinahon niyang tanong.
Mariing nagdikit ang labi ng babae. "Ako po si Rosalinda. Ako po ay..."
"Isa siyang trabahadora sa hacienda namin. Sila ang nagsasaka ng lupa namin. Isa lang naman siyang oportunista na gustong pakasalan ang anak ko," tungayaw ni Donya Serafica at ibinuka ang abaniko nito saka ipinaypay sa sarili. “Wala talagang kahihiyan. Palibhasa ay hampaslupa!”
"With all due respect, Ma'am. Si Rosalinda po ang kinakausap ko," mariing sabi ni Phoenix. Sinadya niyang tawagin itong “ma'am” kaysa sa tawag niya dito na tita para ipakita dito na di siya natutuwa sa inaasal nito.
"Mama, hayaan po natin silang mag-usap," wika ni Nelson na parang nawawalan na rin ng pasensiya sa nanay nito.
Itinikom ni Serafica ang bibig. Mabuti naman at nanahimik ito o baka palabasin niya ito at si Nelson. Hindi naman niya kailangan ang mga ito sa ngayon. Gusto muna nila na magkausap ni Rosalinda nang matiwasay.
Humikbi ng iyak si Rosalinda. "H-Hindi naman po ako oportunista. Nagmahal lang naman po ako. M-Matagal na po kaming may relasyon ni Sir Nelson.” Dahan-dahan nitong inangat ang luhaang mata kay Nelson. “T-Tuwing umuuwi po siya sa Pilipinas lagi po kaming magkasama. At noong huling uwi po niya dito, nalaman kong buntis po ako. Alam po niya iyon."
"That was five months ago," aniya at tinaasan ng kilay si Nelson. At nang mga panahong iyon ay nagpapahaging na ito sa kanya. Iyon pala ay may ibang babaeng naghihintay dito sa Bukidnon. At buntis pa.
"Sabi po niya kakausapin po niya ang magulang niya tungkol sa amin." Huminga ng malalim si Rosalinda. “Umasa po ako at matiyagang naghintay. Mukha po akong tanga. Akala ko pananagutan niya ako. Nitong dalawang buwan na ang nakakaraan ay inaasahan ko na babalik siya para makipag-usap sa pamilya ko. Naghintay ako sa kanya. Tapos nakarating na lang po sa akin na ikakasal na siya sa ibang babae. Hindi ko alam ang gagawin ko.”
Umiling si Nelson. "Sabi ko na wala na kami. Ni hindi ko alam kung sa akin nga ang bata. Ikaw na ang mahal ko noon pa."
"Ano? Wala na tayo?” Sa unang pagkakataon ay nakita niyang nagalit si Rosalinda. Kanina kasi ay parang tinatanggap lang nito ang lahat ng kaapihan ng mag-ina. “Wala kang sinasabing ganyan. Alam mo na ikaw lang ang mahal ko. Kahit na gusto akong ipakasal ni Tatang sa iba para maiiwas sa kahihiyan dahil di mo daw ako pananagutan, ikaw ang pinili ko. Ikaw ang pinili ko. Naniwala ako na babalikan mo ako. Paanong sasabihin mo na hindi mo anak ito at hiwalay na tayo? May nangyari pa nga sa atin bago ka bumalik ng Egypt."
Walang maisagot si Nelson. At kahit pa dumepensa ito. Punong-puno na si Phoenix sa naririnig niya. Hinarap niya ang lalaking pakakasalan. "Totoo ba iyon? Anak mo ang bata?" tanong niya at matiim itong tiningnan. Ayaw niya sa lahat ay ang lalaking iresponsable. Kapag sa saya ay magaling pero kapag sa hirap ay tumatakbo na at hindi hinaharap ang responsibilidad.
Nanginig ang labi nito bago sumagot. "H-Hindi ko alam. There's DNA test and..."
Mariin niyang kinuyom ang palad at nang mga oras na iyon ay gusto niyang ihambalos kay Nelson ang bouquet na hawak niya. "Ikakasal na tayo. Haharap tayo sa dambana at susumpa sa Diyos. Huwag mo akong simulang pagsinungalingan ngayon," babala niya.
"Oo. Ako nga ang ama ng anak niya pero ikaw ang mahal ko.” Ginagap nito ang kamay niya. “Ikaw ang pakakasalan ko."
Nanlamig ang buong katawan niya. Kapal ng mukha nito! Di siya makapaniwala na may lalaking ganito kakapal ang mukha. "At paano ang anak mo kay Rosalinda? Tatalikuran mo na lang para sa akin?”
Sumingit si Serafica. "Hija, pwede naman siyang bigyan ng pera para hindi na kayo guluhin ni Rosalinda at magpakalayo-layo. Iyon lang naman ang gusto sa amin ng babaeng iyan. Pera lang ang gusto ng mga dukhang iyan sa ating mayayaman. Oras na magkapera ay tiyak na mananahimik sila. Iisipin mo na parang walang nangyari. Na katatawanan lang ang lahat ng ito.”
At wala man lang ginawa si Nelson para sawatain ang ina nito. Parang demonyo ang tingin ni Phoenix sa mag-ina nang mga oras na iyon.
Suminghap si Rosalinda at bumulanghit ng iyak. "Hindi naman po pera ang habol ko. Gusto ko lang po na magkaroon ng ama ang anak ko. Ng isang kumpletong pamilya. Kahit po mahirap ako, pinalaki po ako ng ama ko na may dangal."
“Ituloy na ninyo ang kasal. Ako na ang bahala sa babaeng ito,” wika ni Serafica at ngumiti sa kanya. Na parang walang anuman dito ang mga protesta ni Rosalinda. “Huwag na ninyo siyang problemahin.”
Hinawakan ni Nelson ang siko niya. “Phoenix, let’s go. Naghihintay na ang lahat sa atin. Importante ang araw na ito lalo na sa iyo.”
Nanigas siya nang maalala niya kung bakit siya ikakasal. Ang kondisyon sa testamento ng tiyuhin niya. Ang labanan nila ni Vance sa kayamanan at sa Villaviray Construcion. Ang paghihiganti ng puso niyang nasaktan. Nakasalalay ang lahat sa tagumpay ng kasalang ito.
Pero kaya ba niyang maatim na pakasalan ang isang lalaking iresponsable? Kaya ba niyang tanggapin sa buhay niya ang lalaking katulad ng ama niya na handang talikuran ang babaeng nabuntis nito para magpakasal sa iba? At kaya ba ng konsensiya niya pakasalan si Nelson kahit alam niyang may isang babaeng mas nangangailangan dito? Na may isang di pa naipapanganak na bata na aagawan niya ng ama? Isang bata na baka lumaking katulad niya na di buo ang pamilya?
Huminga si Phoenix ng malalim. "Hindi ko na kaya ito.The wedding is off."