MALUNGKOT na pinagmasdan ni Phoenix ang wala nang taong hardin ng mansion ng Villaviray mula sa bintana ng kuwarto niya. Papagabi na noon. Nag-uwian na ang mga bisita. Nalinis na rin ang hardin na kanina lang ay nag-uumapaw sa mga taong nais saksihan ang kasala niya at wala na ang bakas na kaninang umaga ay may naganap na kasalan doon.
No. Scrap that. Hindi iyon kasalanan kundi isang malaking circus. Isang palabas na nagtatanghal ng pagbagsak niya. Ng kahihiyan niya. Isang napakalaking biro ng tadhana ang nangyayari sa kanya. Napakalupit ng kapalaran niya. Akala niya ay matalino siya dahil naplano niya nang tama ang lahat. Akala niya ay malapit na siya sa tagumpay pero biglang nawala sa kanya kung kailan abot-kamay na niya.
And she felt so dumb, so numb and so tired. Akala niya ay kontolado niya ang sitwasyon niya dahil kontrolado niya ang nararamdaman niya pero hindi pa rin pala. Talo pa rin siya sa huli. Drain na drain din ang pakiramdam niya sa dami ng nailuha niya.
Tiningnan niya ang picture nilang magtiyo. Graduation picture niya iyon sa Oxford University kung saan nakayakap siya sa baywang nito at masayang-masaya. “Ano ba ang nangyayaring ito sa akin, Tito? Gusto ko lang namang sundin ang gusto ninyo pero naging palpak ang lahat. Ikaw ang may gusto nito. Mas gusto mo ba na mapahiya ako? Mas gusto mo ba na si Vance ang makakuha ng kayamanan mo? Mas mahal mo ba siya kaysa sa akin? Ganoon ba talaga akong kasamang pamangkin sa inyo? Gusto ba ninyo akong parusahan? Gusto ba akong parusahan ng Diyos?”
Siguro ay may pagkakamali siya. Siguro ay may kakulangan siya. Hindi naman siya perpektong tao. Maaring malaki ang kasalanan niya sa tiyuhin niya pero hindi ba’t para dito kaya niya ginagawang magpakasal sa isang lalaki kahit di niya mahal ay dahil gusto niyang mapagbigyan ito? Mali pa rin ba iyon? O mas tamang kabayaran sa kasalanan niya ang kahihiyang ito?
May kumatok sa pinto. “Phoenix, it’s me. Pwede bang pumasok?” anang si JK sa malumanay na boses.
Bumuntong-hininga si Phoenix. Ayaw sana niyang magpakita o kumausap sa kahit na sino. Gusto na lang niyang magmukmok sa loob ng kuwarto niya hanggang may kumalat na sakit na pwedeng magpabura sa alaala ng mga tao sa kahihiyang dinanas niya. Pero hindi naman niya matitiis ang kaibigan. Alam niyang ito lang ang pwede niyang matakbuhan nang mga oras na iyon at dadamay sa kanya. Hindi siya nito huhusgahan o pagtatawanan sa kung anumang pinagdadaanan niya ngayon.
Lulugo-lugo siyang bumaba ng kama. Halos kaladkarin niya ang mabigat na katawan papunta sa pinto at inalis ang lock. “Pumasok ka.”
Hindi siya nag-abalang hatakin ang pinto para bumukas. Nanatili lang siyang nakatayo doon at hinayaan na lang niya na si JK ang magbukas at pumasok. Pakiramdam niya ay zombie lang siya habang nakatulala at nakatayo doon.
Saglit na natigilan si JK nang makita siya. Bakas ang awa at lungkot sa anyo nito. Inilapag nito ang dalang tray ng pagkain at niyakap siya ng mahigpit. “Oh, Phoenix! I am sorry."
She also felt sorry for herself. Napaka-miserable ng pakiramdam niya. Parang nakalutang siya at parang ayaw na niyang harapin ang mundo sa labas. It was a horrible, horrible experience that no woman should endure. Choice naman niyang hindi ituloy ang kasal pero nakakahiya pa rin. Hindi niya alam kung paano magsisimula.
Gusto niyang umiyak hindi niya magawa. Pagod na siya. Wala nang tumutulong luha sa mga mata niya. Pati emosyon niya ay said na said na.
Inilayo ni JK ang sarili sa kanya at pinagmasdan ang itsura niya. "Gusto mo bang magbihis? Hubarin natin ang wedding gown mo. Mukhang hindi ka na komportable. Ipipili kita ng ibang damit dito."
“No. I am fine,” aniya sa malamig na boses.
Kahit ayaw niyang tingnan ang sarili sa salamin, alam niya kung anong istura niya. She was a mess. Malamang ay lukot na ang gown niya. Pawis na pawis din siya dahil makapal ang suot niyang damit na di pa rin niya hinuhubad. Nanlalagkit na siya. Mukha siyang sasali sa Halloween costume party dahil sa gulo-gulo niyang buhok at sa kumalat na make up sa mukha niya dahil sa pawis at pag-iyak. Wala siyang balak magpalit ng damit o mag-ayos man lang. She was too depressed to do so.
Mariing nagdikit ang labi nito at bumuntong-hininga. Pero di na siya nito pinilit magpalit ng damit. “Sabihin mo lang sa akin kapag gusto mo ng tulong kapag magpapalit ng damit. Gusto mo bang kumain? Kanina ka pang umaga hindi kumakain dahil sa dami ng kailangang asikasuhin. Siguradong gutom ka na. Ipinagdala kita ng pagkain.” At isa-isang inalis ang takip ng mga mangkok.
Kumalam ang sikmura niya nang maamoy ang mabangong ulam. Gutom na gutom na talaga siya. Hindi lang niya pinapansin kanina dahil abala siya sa pag-iyak at pagmumukmok. “Galing ba iyan sa kasalan?” tanong ni Phoenix. Hindi yata niya maaatim na kumain ng kahit anong handa sa di niya naituloy na kasal. Baka bumara sa lalamunan niya.
“No. Nagpaluto ako ng bago." Nilagang baka at sarsiadong dalagang bukid na pareho niyang paborito. "Kumain ka na.”
Nakakatakam ang pagkain pero sa huli ay nawalan din siya ng gana. Umiling siya at muling ibinaling ang tingin sa bintana. “Ang mga bisita, maayos naman sila? Napakain ba sila?”
Bumuntong-hininga ito. “Yes. Nakakain silang lahat bago umalis. Naibalik na rin ang mga regalo sa kanilang lahat. I-I am afraid it was a mess. Alam na ng lahat ang tungkol dito. Kalat na sa internet. May mga reporter pa nga na gusto ng interview. They are sooooo insensitive. Muntik pa nga akong mapaaway at muntik ko nang ipakaladkad sa security. Mga walang modo talaga. Paano nila naaatim na ipakain sa pamilya nila ang sweldo nila dahil sa kamiserablehan ng iba?”
Ideya ng pamilya ni Nelson ang pagpapadala ng mga reporter para mag-cover ng kasal nila. Ayon sa ina ni Nelson ay dapat masaksihan ng lahat ang magarbong kasalang iyon. Ngayon ay nasaksihan ng buong bansa ang pare-pareho nilang pagbagsak. Kung siya lang sana ang nasunod, sana ay mas tahimik ang lahat. Walang reporters. Walang masyadong maraming bisita.
“At ang pamilya ni Nelson?” tanong niya.
Nagkibit-balikat ang kaibigan niya. “They left. Ayaw pa sana nilang umalis. Gusto pa nga nilang magpa-interview sa press na inosente daw sila sa nangyari. Blah! Blah! Blah! Ang pinsan lang ni Nelson na wedding coordinator ang nagsabi na magpapalala lang iyon sa mga bagay-bagay. Gusto ka pa nga nilang makausap pero talagang di ko na sila pinalagpas sa hagdan. Gusto pa yatang umapela na ituloy ang kasal. Hindi na sila nahiya. Sana naman manahimik na sila ngayon. And I learned something about them courtesy of a mouthy reporter.”
“Ano iyon?” puno ng kuryosidad niyang tanong.
“Looks like they have trouble with their lands and all. Liliit na ang lupain nila dahil isusuko na nila ang malaking porsiyento ng lupain nila para ipamigay sa mga magsasaka sa ilalim ng agrarian reform program. Nagprotesta kasi ang mga magsasaka at natalo ang pamilya ni Nelson sa kaso. Malaking bagay kung magkakaroon sila ng mas maraming resources. At mukhang resources mo ang target nila. Kaya nga atat na atat si Nelson na ialok ang sarili niya para pakasalan mo. Of course. Mas makakabuti ka sa pamilya nila kaysa sa isang walang-wala gaya ni Rosalinda. Importante sa kanila ang pera.”
"Wala na silang mahihita sa akin," aniya sa malamig na boses. Kung konsensiya niya ang tatanungin ay alam niyang walang uusig sa kanya.
"Ito ang makakabuti para sa lahat. Hindi ko man gusto na sa ganitong paraan mo malaman ang lahat, mabuti na ring nalaman mo ang totoo. Mabuti na ring hindi siya karapat-dapat na pakasalan."
Dapat ay mas gumaan ang pakiramdam ni Phoenix sa sinabi ng kaibigan. Sa kasamaang-palad ay lalo lang niyang naramdaman kung gaano kaawa-awa ang buhay niya. Kung paanong handang magsinungaling ang mga lalaki sa kanya dahil lang sa pera. Una ay si Vance. Pinaibig siya nito sa puntong binago niya ang mga plano niya sa buhay para pangalagaan ang interes nito sa Villaviray Construction. Ngayon naman ay si Nelson. Pumayag daw itong magpakasal sa kanya dahil sa pagmamahal sa kanya. Iyon pala ay may vested interest ito at may babae pa itong nabuntis. Kung tutuusin ay wala naman sa kanya kung hindi man siya nito totoong mahal. Hindi rin naman niya ito totoong mahal at pakakasalan lang niya ito para hindi makuha ni Vance ang kayamanan ng tiyuhin niya na pinakaaasam nito. But it was damaging on her part to discovered his duplicity in such a grand fashion. Anong sinabi ng mga eksena sa telenobela? Oo nga at nakatakas siya sa isang habambuhay na pagkakamali pero hindi niya alam kung paano haharapin ang lahat ng tao ngayong kumalat na ang eskandalong ito.
Bumagsak ang balikat niya at di maiwasang makadama ng lungkot. “G-Ganoon ba ako kapangit o kasama, JK? Wala ba talagang pwedeng magmahal sa akin bilang ako? Lahat na lang ba gagamitin ako para sa pansarili nilang interes?” puno ng hinanakit niyang tanong.
Niyakap siya ni JK. “I am really sorry. Hindi ko talaga inaasahan na ganito kagulo ang lahat.” At humagulgol ito umiyak.
“Wala kang dapat ipag-sorry. I asked for this," aniya at nakagat ang pang-ibabang labi. Hinaplos niya ang likod nito. "Huwag ka nang umiyak."
"Nasasaktan kasi ako para sa iyo."
Mapait siyang ngumiti. "I am through crying. O mas tamang sabihin na wala na akong iiiyak. Kasalanan ko ito. You warned me to take things slow. Na huwag magpadalos-dalos. Heto ang nangyari sa akin ngayon. Sa mukha ko pa sumabog ang lahat sa mismong araw pa ng kasal ko. I nearly ended up with a man who is so much like my father. Kinamumuhian ko ang sarili ko na pinagkatiwalaan ko siya.”
Humablot ng ilang sheet ng tissue ang kaibigan niya sa papaubos nang kahon ng Kleenex. “You did the right thing. Hindi mo hinayaan si Nelson na iwan ang responsibilidad niya sa magiging anak niya. Wala kang dapat na ikahiya sa mga tao. Proud na proud ako sa iyo dahil alam ko na pwede mo pa ring ituloy ang kasal pero inalala mo pa rin ang kapakanan ng babaeng di mo kilala at ng di pa niya naisisilang na anak. Kung tutuusin sa simula pa lang pwede mo na siyang hayaan na lang kaladkarin ng mga security kung gugustuhin mo."
Umiling siya. “Hindi kaya ng konsensiya ko." Siguro dahil bago dumating si Rosalinda ay may agam-agam na siya sa pagpapakasal kay Nelson. Na parang mali ang nangyayari at tama nga ang kutob niya. Bumangon ang galit niya sa pamilya ni Nelson nang balikan ng alaala ang pagtrato ng mga ito kay Rosalinda. "Kung nakita mo lang kung paano nila durugin ng ni Nelson at ng nanay niya si Rosalinda kanina. At si Nelson parang walang kakonse-konsensiya na hindi niya pananagutan ang magiging anak niya. Galit na galit ako sa kanila kanina. Hindi ako makapaniwala na makakakilala pa ako ng ganoon kawalang-puso na mga tao. Parang tingin nila pera lang ang nagpapaikot ng lahat. Na basta may pera ka tama ka."
Kinikilabutan siya tuwing naiisip niya na muntik na siyang um-oo kanina kay Nelson. Isang malaking pagkakamali iyon. Marrying her was hitting two birds with one stone - makakabawi ang pamilya nito para makabalik sa magandang estado sa lipunan at maiiwasan pa nitong panagutan ang mahirap na babaeng nabuntis nito.
Hinawakan ni JK ang kamay niya. “Ipagpasalamat mo na lang na hindi natuloy ang kasal. Paano kung kasal na kayo saka mo pa natuklasan ang lahat? Mas malaking problema iyon. Hindi ka na basta-basta makakawala kay Nelson at sa pamilya niya. They will surely drain you like blood-sucking vampires. Kaya nga ba parang wala akong tiwala kay Nelson sa una pa lang na inalok niya ang sarili niya sa iyo. I am a good judge of character.”
“Except when it comes to Vance," she said in a bitter tone. Masyadong matindi ang pananampalataya ng kaibigan niya sa binata. Hindi nga niya alam kung anong ipinakain ni Vance dito para maging masugid nitong tagapagtanggol. Nasa harap na ng kaibigan niya ang ebidensiya ng panloloko ni Vance pero binibigyan pa rin nito ng benefit of the doubt.
Biglang umaliwalas ang mukha ni JK. Mukhang excited pa nga ito. “Pumunta siya kanina. He wants to check if you are okay.”