Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 52

Umingos si Phoenix at kinuyom ang palad. Ang lakas naman ng loob ng lalaking iyon para pumunta sa bahay niya at alamin pa kung okay na siya. “Sana sinabi mo buhay pa naman ako at wala akong planong maglaslas ng pulso.”

“Phoenix, ano ba naman ang sinasabi mo? He means well.”

Far from it. Ito mismo ang sandaling pinakahihintay ni Vance – ang maungusan siya nito. Di maiwasang maggiyagis ang ngipin niya. Ayos na nga. Nautakan na niya ito. Pero parang nag-hoard ito ng swerte dahil kung kailan bagsak na dapat ito sa laban nila ay malaki ang advantage nito ngayon.

“Ipokrito! Ang sabihin mo nagsasaya siya ngayon. Of course, mas nauna na siya ngayon sa labanan namin. Pero hindi ako papayag na manalo siya. Kailangan kong malaman ang plano niya…” Isabotahe ulit iyon kung kinakailangan.

Hindi pa tapos ang labanan nila. Lugmok siya ngayon pero hindi ibig sabihin ay talunan na siya. Bigla siyang nagkaroon ng lakas para bumangon. Hindi siya matatahimik hangga't di niya natitiyak na hindi mapapasakamay ni Vance ang kayamanan ng tiyuhin niya. May panahon pa siya para makahabol.

Pinisil ni JK ang braso niya. “Tama na, Phoenix! Dahil sa kagustuhan mong manalo sa kanya kaya ka nagpapadalos-dalos. Namamali na ang mga desisyon mo. At sa palagay ko ay malinis ang intensiyon ni Vance. Concern talaga siya sa iyo.”

Itinaas niya ang palad upang sawayin ito. “JK, stop it. Hindi ngayon ang oras para kampihan mo si Vance. Please. Down na down na ako. Kahit ngayon lang intindihin mo naman ang nararamdaman ko. Si Vance ang dahilan ng lahat ng gulong ito. Siya ang makikinabang sa lahat ng palpak na nangyayari sa buhay ko. I need my friend to give me one hundred percent support. Kahit ngayon lang.”

Itinaas nito ang mga kamay bilang pagsuko. “Fine. Hindi ko na babanggitin si Vance. Why don’t you slow down a bit? Sa ginagawa mo, sinasaktan mo lang ang sarili mo. Magpahinga ka muna.”

Sinapo niya ang noo at nanlulumong pinagmasdan ang kaibigan. “Will I ever fix this mess?” Hindi pa rin matatahimik ang isipan niya lalo na’t alam niyang malaki ang nawala sa kanya sa araw na iyon. At nariyan lang si Vance na tiyak niyang nagpapa-piyesta sa pagbagsak niya.

“Yes. Start it by fixing yourself. Wala kang maso-solve na bagay-bagay at hindi ka makakapag-isip ng matino kungh sarili mo di mo maayos-ayos. You look like a mess. Kahit sumpa ng mummies matatakot sa iyo.”

“I know,” aniya sa malungkot na boses.

Hinawakan nito ang siko niya. “Come. Magbihis ka muna at maglinis para makapagpahinga ka. Pwede tayong mag-usap pagkatapos mong mag-ayos, kumain at magpahinga. There is no use punishing yourself. Lalo kang walang maa-accomplish kung kakawawain mo ang sarili mo. Baka magkasakit ka pa.”

Tama naman ito. Sino pa ba ang aayos sa sarili niya kundi siya lang? Ayaw niyang magkasakit. Ayaw niyang lalong magmukhang kaawa-awa. Ayaw niyang maramdaman na miserable siya. “I…I just want hot tea at sabaw ng nilagang baka." Parang iyon lang ang kayang tanggapin ng sikmura niya.

Inalis muna nito ang magarbong skirt at train ng gown niya saka siya pinaupo sa study table niya. Ihinain nito ang pagkain sa kanya. Nanginginig ang kamay niya nang sumandok siya ng sabaw. Nanlalambot siya. Nang humigop siya ng sabaw ng sinigang na baka ay mas umayos ang pakiramdam niya. Kanina pa nagmamakaawa ang sikmura niya para pakainin siya. Sumubo na rin siya ng kanin. Nagsunud-sunod na siya ng subo. Kailangan ng pagkain ng katawan niya. Ngayon na lang niya na-realize na gutom na gutom na siya.

"May dessert ba ito?" tanong niya sa kaibigan.

"Cake lang kaso... wedding cake mo iyon."

"Pwede na iyon," sabi niya at humigop ng sabaw. Cake lang naman ang gusto ng panlasa niya sa wedding menu dahil siya ang pumili ng flavor at design. Ang iba ay ina ni Nelson ang nag-apruba. In times of depression, magandang company ang pagkain kaysa magpakamatay sa gutom.

Tumawag ito sa intercom para magpadala ng cake. "Gusto mong magbabad sa bathtub?" alok ng kaibigan habang kumukuha siya ng sarsiyadong isda na hindi na rin niya matanggihan.

Tumango siya. "That sounds nice. Thank you." Wala namang mangyayari sa kanya kung magpapakagutom siya o kaya ay di siya maliligo. She wanted to fight back in her own way. She couldn't wallow in pain and self-pity forever.

Makalipas ang kalahating oras ay malinis na ang platong pinagkainan niya at sinisimot na lang niyang ang icing sa pangalawang hiwa ng cake. Iyon lang daw ang naiwan sa handa niya dahil walang gustong gumalaw. In a way, she felt revitalized. Gusto pa sana niya ng panibagong slice pero di na kakayanin ng tiyan niya. Busog na busog na siya.

Lumabas ng shower room niya si JK. “Ready na ang bathtub mo. Gusto mong tulungan kita sa damit mo?”

“Kahit sa zipper na lang,” sabi niya at tumalikod dito. “Kaya ko na mula dito. Thank you, JK.”

Mataman siya nitong tinitigan. Parang tinatantiya nito kung kaya na nga ba niyang mag-isa at dapat siya nitong iwan o kailangan siya nitong bantayan. Sa huli ay ngumiti ito at pinisil ang balikat niya. “Tawagan mo na lang ako kung may kailangan ka. Nasa guestroom lang ako sa kabila.”

Niyakap niya ito. “Thanks for being here.”

Hindi niya alam kung anong gagawin niya kung wala ang kaibigan niya para umalalay sa kanya. Siguro hanggang ngayon ay nagmumukmok pa rin siya at umiiyak, miserable at nanlilimahid. In a way, she felt better now.

Nang lumabas ito ay saka lang siya pumasok sa shower room. Nahigit niya ang hininga nang makita ang scented candles na nakapalibot sa bathtub. May talulot ng rosas na lumulutang sa tubig ng bathtub. Ikinawkaw niya ang kamay sa tubig at nasamyo ang mabangong amoy ng rosas. It was romantic. Really romantic.

Hinubad niya ang damit at itinaas ang buhok sa ulunan niya. Umungol siya nang lumusong siya sa mainit na tubig. Napapikit siya nang lumukob sa kanya ang samyo ng rose essence na nasa tubig. Parang unti-unting tinutunaw ng init ng tubig at ng mabangong amoy ng rosas ang pagod niyang katawan. It was heaven.

Ikinatang niya ang ulo sa gilid ng bathtub at ipinikit ang mata. It was supposed to be her honeymoon tonight. Isusuko dapat niya ang sarili kay Nelson – sa lalaking di naman niya mahal. Masisikmura ba talaga niya iyon?

What if things were different? Paano kung ibinaba niya ang pride niya at sa simula pa lang ay pumayag na siya sa proposal ni Vance ay hindi siguro magiging ganito kagulo ang lahat.

Ano bang dapat niyang gawin para maayos ang lahat ng ito? Pwede bang hayaan na lang niya kay Vance ang kayamanan ng tiyuhin niya? Oras na ba para ibaba niya ang pride niya at ipaubaya na lang kay Vance ang lahat at lumayo? Ano ba ang mapapala niya kapag siya ang nanalo? Anong patutunayan niya? Bukod pa diyan, malabong manalo siya ngayon. Ang inakala niyang advantage niya kay Vance ay wala na ngayon. Paano kung may bagong babae na itong napili para maging surrogate mother? At siya naman ay hindi makakahanap basta-basta ng lalaking pakakasalan at magiging ama ng anak niya.

Pagod na pagod na siyang makipaglaban. Wala na siyang oras. Hindi kaya palpak ang nangyayari sa kanya ngayon dahil hindi siya naging patas sa laban? Sinuhulan niya ang surrogate mother na kinuha ni Vance. Baka nga karma ito sa kanya dahil sa ginawa niya kay Vance.

Ito ba talaga ang gusto mo? Isuko kay Vance ang lahat? Paano naman ang puso mo na sinaktan niya? Ganoon na lang ba iyon? Tatanggapin mo na lang na isa kang talunan pagdating sa kanya? Ibibigay mo na lang sa kanya ang lahat ng ipinaglaban mo? This is not you, Phoenix.

Ipinilig niya ang ulo. Naguguluhan na siya kung anong dapat gawin. Kung susuko o lalaban pa. Pride na nga lang ang mayroon siya. Pero saka na niya iisipin iyon. Hindi ngayon ang tamang oras para magdesisyon. Wala siya sa sariling huwisyo, pagod ang katawan at isipan niya. Hindi siya pwedeng magpadalos-dalos sa desisyon dahil nakasalalay din sa kamay niya ang kabuhayan ng maraming tao. Mga taong pinahahalagahan din ng Tito Mauricio niya.

Maya maya pa ay naramdaman na ni Phoenix ang paglamig ng tubig. Umahon siya sa bathtub. Umahon siya sa tubig. Suot ang bathrobe ay bumalik siya ng kuwarto. Tinuyo niya ang buhok niya at nang magsimula na siyang antukin ay humiga siya sa kama.

Hindi pa siya sigurado kung anong gagawin sa labanan nila ni Vance. Isang bagay lang ang sigurado niya. Hindi pa siya handang harapin ang mundo. Ayaw na niyang may makitang ibang tao. Ayaw niyang magmukmok sa mansion. Gusto niyang magpakalayo-layo na lang at hayaan mnunang lumamig ang lahat. Hindi naman habambuhay itong kahihiyan niya. May darating pang mas interesanteng balita at natitiyak niyang makakahanap na naman ng bagong pag-uusapan ang mga tao. Makakalimutan din ng mga ito ang nangyari sa kanya.

Nagsisimula nang pumikit ang mata niya nang marinig niyang may kumakaluskos sa balkonahe. Dumilat siya. May nakita siyang anino doon. Narinig niya ang paglagitik ng lock at bumukas ang pinto. Pumasok ang malamig na hangin at niyakap niya ang sarili. What the…! May ibang taong nakapasok sa kuwarto niya.

Bumalikwas siya ng bangon. “S-Sino ka?”

“Phoenix, this is me. Vance.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.