Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 62

Bigla siyang napatuwid sa kinauupuan. Hinahamon siya nito at hindi siya ang tipo ng tao na umuurong sa hamon. “Hindi ako magpapatalo sa iyo,” aniya at kumagat ng toasted bread. Hinila niya pabalik ang plato at saka matiim na tiningnan si Vance para ipakita na palaban pa rin siya.

“Children, pwede bang saka na ninyo pag-usapan ang tungkol sa mga kayamanan na iyan. Please? The truce, remember?” paalala ni JK sa kanya. Pumihit ito sa upuan. “Manang, pakitago po ang mga matatalim na bagay. Ilayo ninyo sa dalawang ito. Baka bigla na lang magtagaan.”

Nagtama ang tingin nila ni Vance. Siyempre hindi tungkol sa kayamanan ang labanang pinag-uusapan nila. Their competition would be something more exciting than that. Tiyak na madadagdagan ang kalmot nito sa likod at sa braso. She would definitely have marks on her body as well. Pero walang sinuman sa kanila ang magrereklamo dahil sa labanang ito ay tiyak na wala siyang talo.

“SO what is your plan? Are you coming back to Egypt?” tanong ni JK nang pababa sila ng hagdan. Papunta na ito sa hotel para ihatid ang mga kasamahan nila sa airport.

Nakakalungkot na babalik na ang lahat sa normal na buhay habang pakiramdam ni Phoenix ay tumigil ang mundo para sa kanya. Hindi pa siya makalabas ng bahay. Ang mga kasamahan na lang niya ang dumalaw sa bahay niya nang nakaraang araw para tiyakin na ayos lang siya. Kahit na nagagawa niyang humarap ng nakangiti sa mga ito ay wala nang nagtanong kung plano niyang bumalik sa trabaho at kung kailan.

“Hindi ko masasagot iyan hangga’t hindi ko rin alam kung anong plano ni Nelson. Ayokong magkita pa kami. Nakabakasyon pa naman ako so I might as well use that vacation,” aniya at nagkibit-balikat.

Sinubukan pa rin ng kampo ni Nelson na kausapin siya. Hindi niya alam kung saan kumukuha ng kakapalan ng mukha ang mga ito para umapela sa kanya na ituloy ang kasal. Kahit daw gawin nilang tahimik ang lahat. Mga wala talagang delicadeza. She didn’t know how to get on with her life.

Pinisil ng kaibigan niya ang balikat niya. “Yes. Kailangan mong mag-isip-isip.”

“No. I don’t want to think at all.”

Sa sobrang kaiisip niya ay nauwi siya sa mas malaking gulo. Iyan ang isang leksiyon na natutunan niya. Minsan ay mas ayos na huwag na lang mag-isip at hayaan na lang ang pakiramdam niya na magdesisyon para sa kanya. Yes, it was a bit reckless and irresponsible. Pero sa unang pagkakataon sa buhay niya ay nakatulog siya nang mahimbing mula nang malaman niya ang nilalaman ng testamento ng Tito Mauricio niya. Wala ang kompitensiya sa isipan niya. Hindi niya kailangang isipin kung paano pababagsakin si Vance. Mas magaan ang loob niya at parang nabunutan siya ng tinik na di natuloy ang kasal niya kay Nelson. Si Nelson, ang pamilya nito at ang mga tsismosa na lang ang nagpapagulo sa buhay niya. Kung matatakasan lang sana niya ang mga ito.

“Then what are you planning to do? Magmumukmok ka lang dito?” she said in an outraged tone. “Oh! Hindi ako papayag na mangyari iyon.”

“I will make sure that it won’t happen,” singit naman ni Vance na nakasunod sa likuran niya. “Hindi siya pwedeng magmukmok dito habang nandito ako.”

Nakangisi niya itong nilingon. “Wala ka bang ibang gagawin? Like impregnate a woman or something?”

Nagtagisan ang mga mata nila ng binata. Matiim ang mata nito pero may panunkso naman sa mga mata niya. Mula kahapon ay hindi ito umalis sa mansion. Mula doon ay mino-monitor nito kung anong sitwasyon sa labas. Naa-appreciate niya ang suporta nito lalo na’t hindi na lumabas ang balita tungkol sa di niya naituloy na kasal. Malaking bagay iyon para matahimik ang isipan niya. Maaasahan talaga si Vance na mag-troubleshoot ng problema. Kung wala si Vance ay baka nagka-nervous breakdown na siya dahil di niya alam kung paano haharapin ang lahat ng problema.

Tumikhim si JK. “Is truce over? Magiging warzone na ba itong mansion?”

“No. No, we are good,” nausal na lang niya. Hinawakan naman ni Vance ang kamay niya para ipakitang totoo ang sinabi niya. “I am sorry if my joke was done in a bad taste.”

“I am not offended,” anito at hinawakan ang balikat niya. Simpleng hawak lang iyon pero pakiramdam niya ay gumapang ang kuryente sa buo niyang katawan. Hindi pa nila napag-uusapan ang tungkol sa proviso sa testamento ng tiyuhin niya. She had to decide what to do with it soon. Soon, but not now.

“We decided to stay here a week longer,” sabi ni JK. “Hanggang maka-recover ka.”

“That is cool. You can use this then,” aniya at inabot kay JK ang envelope.

Nanlaki ang mata ni JK nang buksan ang envelope at ilabas ang voucher na laman. “Accommodation at Plantation Bay in Mactan, Cebu? Ibibigay mo ito sa amin?” Para sa honeymoon sana nila ni Nelson. Kaysa magmukmok siya ay gamitin na lang ng mga ito. “Naka-reserve iyan mula sa isang araw. All you have to do is book your flight to Cebu.”

Dapat ay nasa Bukidnon pa sila ni Nelson at makikipagkilala sa pamilya nito at mga kababayan ng pamilya nito na hindi nakadalo sa kasal nila. Tatlong araw ang selebrasyon ng kasal nila saka pa lang sila pupunta sa Cebu para sa honeymoon. She was glad that she didn’t have to go through that ordeal.

“Joshua, look! I’ve been dying for you to bring me here, remember?” anang si JK sa nobyo.

“Plantation Bay? Wow! Thanks, Phoenix.” Biglang naging alanganin ang ngiti ni Joshua. “Are you sure you will give this to us? Aren’t you going to use it?”

“No,” sagot agad niya.

“Bakit hindi mo na lang gamitin?” nanghihinayang na tanong ni JK. “Sayang naman ito. Plantation Bay iyon. Come on! Sabi ko sa iyo di ka pwedeng magmukmok dito.”

Tumigas ang anyo niya. “No. Ayoko sa mga bagay na may kinalaman kay Nelson.”

Kahit na gusto niyang pumunta sa Plantation Bay, madalas daw ang pamilya ni Nelson doon. Isa sa kamag-anak nito ang may shares sa resort. Mahirap nang magka-access ang mga ito sa kanya habang naroon siya. Mas gusto rin niya na pumunta sa lugar kung saan walang bakas ni Nelson.

“I understand.” Niyakap siya ng kaibigan. “Thank you for this.”

“No. I should thank you. Ikaw ang best friend ko. Hindi mo ako iniwan sa panahong down na down ako. My ideas may be outrageous but you supported me. Kahit pa nga ayaw mo sa ginagawa ko minsan. This is just a little gesture for staying by my side,” mangiyak-ngiyak niyang wika sa kaibigan.

“Come on! Throught thick and thin magkasama tayo.” Nang kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya ay bakas ulit ang pag-aalala sa mukha nito. “Kung hindi ka sasama sa amin sa Cebu, paano ka dito? Okay lang ba na iwan ko kayo dito ni Vance kahit na sandali? Should I get a security… for him? You know, in case the truce is broken.”

“I can handle her,” puno ng kompiyansang sabi ni Vance.

“Phoenix, will you behave?” tanong ni JK sa kanya.

Nagkibit-balikat siya. “Ano naman ang gagawin ko? Nagkasundo na kami ni Vance. Kung may isyu kami sa isa’t isa, we will try to discuss it sensibly. Malinaw na hindi kami magkalaban ngayon.” Sa mga oras na iyon, mas kailangan niya ng kakampi at katuwang kaysa kalaban.

“Fine. We have to go now and we have a flight to book,” excited na sabi ni JK at nagpaalam na sa kanila ni Vance.

Nang makaalis sina JK at Joshua ay hinawakan ni Vance ang kamay niya at hinila siya papunta sa library. “Sa palagay mo ba naniniwala silang magkasundo tayo?” tanong niya sa binata.

“Yes. Basta huwag lang niyang makita ang mga kalmot mo sa likod ko.”

“Shhh!” aniya at inilapat ang hintuturo sa labi nito. “Masakit ba?”

Kinintalan nito ng halik ang dulo ng labi niya. “Don’t worry. I will endure any pain just to be with you. But for now, we have to discuss your plans.”

Isang mapang-akit na ngiti ang sumilay sa labi niya. Tinalunton ng daliri niya ang gilid ng kuwelyo ng puto nitong long sleeve polo. “Continue where we left off last night?”

Sinapo nito ang mga kamay niya. “Enough of the play, Phoenix. Gusto ko ng seryosong usapan. Anong plano mong gawin? Tama naman si JK. Hindi ka pwedeng magmukmok dito habambuhay.”

She lost her playful and naughty mood. Ilang sa mga panahong kasama niya si Vance ay hindi talaga niya iniisip harapin ang problema niya. Parang isang madilim na silid iyon na takot niyang pasukin. Parang napakaaga pa para sa kanya na harapin ang realidad ngayon.

Nagkibit-balikat siya at humakbang paurong dito. “I… seriously don’t know. Gusto ko lang magpahinga. I don’t even want to think at all. Ayos lang sa akin kung iiwan mo ako ngayon at mag-focus ka na lang sa hinihingi ng testamento ni Tito Mauricio. Get a woman, impregnate her, whatever. Sumusuko na ako sa laban.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.