Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 71

TININGALA ni Phoenix ang bagong dating. “Vance!”

Inilagay siya ng binata sa likuran nito. “Dito ka lang. Ako ang haharap sa kumag na ito.”

Nararamdaman niya ang tensiyon base sa pagkakahawak nito sa braso niya at sa matiim nitong anyo. Kanina ay kontrolado niya ang sitwasyon pero ngayong narito na si Vance ay mukhang hindi na. Malaking gulo ito at kinakabahan siya sa posibleng mangyari.

Noon pa mainit ang ulo ni Vance kay Nelson dahil sa ginawa ng lalaki sa kanya at kay Rosalinda. Kahit na may kasalanan si Vance dahil sinabotahe nito ang kasal niya, malaki ang buting naidulot nito sa kanya. Nalaman niya ang tunay na kulay ni Nelson at ng pamilya nito. At hindi siya papayag na maikasal sa ganoong klaseng pamilya.

Kaya naman malaki rin ang grudge ni Nelson kay Vance. Malaking pagkakataon nga naman para makabangon ang pamilya nito kung maikakasal sila. Kayamanan ng tiyuhin niya ang kapalit ng pagmamahal nito. Napahiya ang ilustradong pamilya nito sa publiko.

She could feel both of them fuming. At hindi yata maganda ang timing ng pagkikita ng mga ito dahil nasa ospital sila. Maraming taong makakakita.

Dinuro ni Nelson si Vance. "Ikaw ang lumayo sa kanya. Alam na ni Phoenix ang tungkol sa sabwatan ninyo ni Rosalinda. Alam na niya ang lahat ng kasinungalingan mo."

"Talaga?” kalmadong usal ni Vance. “Anong sabwatan ang sinasabi mo?”

“Alam kong hindi coincidence lang na napunta si Rosalinda sa kasal namin. Bago ang kasal ko, basta na lang siyang nawala at hindi na niya ako kinausap. Nasa poder mo na siya nang mga panahong iyon. Ikaw ang gumawa ng paraan para makapasok siya sa mansion noong kasal namin. Sinadya ninyong pagkasunduan na ipahiya kami sa mga tao. Sinabi sa akin ng kapatid niya ang ginawa mo. Ikaw ang sumira sa lahat ng magagandang plano namin ni Phoenix pero hindi na ngayon. Alam na namin ang ginawa mo kaya hindi mo na kami mapipigilan sa pagkakataong ito.” Inilahad ni Nelson ang kamay sa kanya. “Phoenix, halika na. Sumama ka na sa akin. Lumayo na tayo sa lugar na ito. Magsimula tayo ulit.”

“At sa palagay mo gugustuhin ka pang balikan ni Phoenix? Sarili mo ngang mag-ina, hindi mo mapanagutan. Anong klaseng lalaki ka? Kung pinigilan ko man ang kasal ninyo noon, para din kay Phoenix iyon. Hindi mo na siya magagamit para ayusin ang problema ng pamilya mo. Humanap ka na lang ng ibang paraan," anang si Vance sa matigas na boses. At alam niyang kahit na sumama siya kay Nelson nang mga oras na iyon ay hindi rin ito papayag.

Nanatili pa ring nakalahad ang mga kamay ni Nelson at nagmamakaawa siyang tiningnan. “Phoenix, please. Aayusin natin ito.”

“Phoenix…” anang si Vance na may babala sa boses.

Huminga si Phoenix ng malalim. “I am sorry, Nelson.”

“A-Anong ibig mong sabihin?” tanong nito sa nanginginig na boses. “Huwag mong sabihing ayos lang sa iyo na lamangan ka ng lalaking ito. Hindi mo siya kakampi. Tayo ang magkakampi.”

Humawak siya sa braso ni Vance. “Hindi ko na matutulungan ang pamilya mo kung magpapakasal ka sa akin. You see, isinuko ko na ang claim ko sa kayamanan ni Tito. Hinayaan ko na kay Vance ang lahat”

“What?” bulalas ni Nelson. “Ganoon-ganoon lang at hinayaan mo na siyang manalo sa laban.”

Nagkibit-balikat siya. “I thought it was easier on my part to just give up. Ano ba ang ipinaglalaban ko? Nakakapagod na. After all, ano naman ang gagawin ko sa kompanya? I am just an archaeologist. Simple lang ang kailangan ko sa buhay. Okay na sa akin ang...."

Biglang sumabog si Nelson dahil sa galit. "That's stupid. How could you be so stupid? Isinuko mo na lang sa lalaking ito ang lahat? That's...."

Binitiwan siya ni Vance at dali-daling hinaklit ang kuwelyo ng polo ni Nelson. "Tawagin mo si Phoenix na stupid ng isa pang beses at paduduguin ko ang nguso mo.”

Natakot siya sa itsura ni Vance nang mga oras na iyon. Pulang-pula ang mukha nito sa galit. As if he wanted to beat Nelson to the pulp. Kahit si Nelson na kanina ay palaban ay biglang namutla. Alam na nito na kung may isang bagay na hindi mapapatawad si Vance, iyon ay ang pagsalitaan siya nang di maganda ng ibang tao. Natatakot siya para sa mas maliit na lalaki. Mukhang maiihi sa salawal ang dating lalaking pakakasalan niya.

“Vance,” aniya at hinawakan ang braso ng lalaki. Baka mapatay nito si Nelson.

Lumapit sa kanila ang isang guwardiya. “Sir, may problema po ba dito?”

Binitiwan ni Vance ang kuwelyo ng lalaking mukhang suka na ang mukha sa takot at saka nakangising pinagpag ang balikat ni Nelson. Nilingon ng binata ang guwardiya. “Wala ito, Boss.” Saka inakbayan si Nelson. “Masaya lang kami kasi tatay na itong si Pareng Nelson. Congratulations, pare!” At saka tinampal nang malakas sa dibdib ang pobreng lalaki.

Napangiwi si Phoenix nang marinig ang lagabog ng pagtama ng palad ni Vance sa dibdib ni Nelson. Napaigik si Nelson pero napilitan na lang ngumiti. “O-Oo nga, Boss. A-Ayos lang kami.”

“Sige. Akala ko kung ano nang mayroon,” sabi ng guwardiya at nawala ang hinala sa mga mata.

Dali-daling humiwalay si Vance kay Nelson at itinulak ito palayo. “Be a man. Panindigan mo ang mag-ina mo. Kundi mo kaya, layuan mo sila at layuan mo si Phoenix. Huwag ka nang lalapit para manggulo. Malinaw na ang sinabi niya na wala siyang balak na magpakasal sa iyo. Magtago ka na lang sa saya ng nanay mo. Baka hindi ka na ganoon kaswerte sa susunod na matiyempuhan kita."

Tahimik na lang na tumango si Nelson. Mukhang nakuha na nito ang mensahe kung gaano kaseryoso si Vance. At hindi mag-aatubili ang lalaki na bangasan ito. Kahit siya ay papayuhan niya si Nelson na huwag nang labanan si Vance. Mas malalagay lang sa alanganin ang mukha nito at ang pamilya nito kapag hindi pa ito umayos.

Hinatak niya ang braso ng binata. "Vance, hayaan mo na siya. Baka balikan na naman tayo ng guwardiya. Nakatingin sa atin ang mga tao. A-Ayoko na ng gulo. L-Let's just go home."

Tumango si Vance. “Halika na.” At tinawagan na nito si Mang Ador na dalhin na ang sasakyan sa harap ng entrance ng ospital.

“Phoenix,” anang si Nelson na parang gusto pang umapela sa kanya.

“Goodbye, Nelson. Sana ay gawin mo ang tama para sa mag-ina mo. I want to believe that there is still something good in you. May pag-asa ka pang itama ang pagkakamali mo na hindi nagawa ng ama ko. You have a beautiful daughter. Don’t miss your chance. Mahirap magsisi sa huli,” aniya at hinayaan si Kenji na akayin siya palayo.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.