Kakaiba ang tingin kay Phoenix ng mga kasamahan niyang archaeologist habang mag-isa niyang kinakain ang durian. Nakadistansiya ang mga ito sa kanya habang kumakain ng tanghalian. Hindi niya gusto ang amoy ng ulam ng mga ito lalo na ang sawsawan ng siomai na may garlic chips. Parang nasusuka siya sa amoy.
Mabuti na lang at may dalang durian ang isang kasamahan nila na dumating mula sa Davao. Iyon lang ang mabangong pagkain para sa kanya. Sa halip na makikain ng siomai ay siya ang solo na pumapak sa durian. It was heaven.
"Iyan lang talaga ang kakainin mo? Marami pang pagkain dito,” nakangiwing sabi ni Genessa at itinuro ang inihaw na isda at iba pa na nakahain sa mesa.
Umiling siya at umismid. "Hindi ko type iyan. Ang sama ng amoy. Ito lang ang gusto ko,” sabi niya at kinikilig-kilig pang sumubo ng durian. Malamig iyon at galing sa cooler kaya parang ice cream. Tuwang-tuwa siya kung paanong matunaw ang durian sa loob ng bibig niya na parang ice cream.
"Sakit naman sa ilong ng type mo,” wika ni Florence.
"Ang bango kaya nito. Sa Singapore at Malaysia ito ang kinakain lagi ng mga tao. Parang Durian Mcflurry lang. Sumasama kasi ang sikmura ko sa ibang pagkain nitong nakakaraang araw. Ito lang ang nagustuhan ko.”
Nitong nakakaraang araw ay laging masama ang pakiramdam niya. Madalas siyang nagsusuka. Halos hindi siya makakain. Hula nga niya ay may virus siyang nasagap pero di pa siya nakakapagpatingin sa doktor. Pinipilit na lang niyang kumain para may lakas siyang magtrabaho. Kaya pasalamat siya sa durian dahil iyon ang nagpagaan ng katawan niya. Sa palagay niya ay handang-handa ulit siyang magtrabaho.
Kumaway si Edgar sa kanya. “Huwag kang mag-alala. Pati ang pasalubong ko na durian candy at choco durian sa iyo ko na ibibigay dahil mukhang wala namang kakain sa kanila. Basta ba sa akin na ang kaparte mo na lobster dito.”
Iwinaksi niya ang kamay. “Sa iyo na lahat iyan. Sa durian lang ayos na ako.”
Nilapitan siya ni Doctor Ambrosio at tinapik sa balikat. "At least nagkakulay ka na. Medyo maputla at masasakitin ka nitong nakakaraang araw. Nag-aalala na kami sa iyo kasi lagi kang walang ganang kumain. Sabihin ko nga sana magpatingin ka sa doktor."
"Okay na okay na ako, Doc.” At ngumiti siya sa butihin nilang direktor. Ito lang ang nagkalakas ng loob na lapitan siya habang ilag na ilag sa kanya ang mga kasamahan. “Durian lang siguro ang kailangan ko. Masustansiya naman ito, di ba?”
“But I think you should see a doctor. Baka iba na iyan,” malumanay na wika ng doktor.
Kumaway ang kasamahan nilang si Ferrer. "Basta huwag mo kaming kausapin nang hindi ka nagtu-toothbrush. Baka himatayin kami sa hininga mo at kami na man ang kailangan niyang magpatingin sa doktor."
"Sinasabi mo ba na mabaho ang hininga ko? Hindi naman ako bad breath. Sobra ka naman, Fredo." Humikbi siya at basta na lang tumulo ang luha niya. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon at kung bakit siya napaiyak. Basta na lang sumama ang loob niya at tuloy-tuloy ang pagluha niya.
"Hey! Huwag kang umiyak,” sabi ni Florence. “Ito naman masyadong sensitive.”
Matalim siyang tumingin sa mga ito. "Sabihin lang ninyo sa akin kung ayaw ninyo sa akin dito. Aalis na lang ako dito,” aniya at tumakbo sa may dalampasigan palayo sa mga ito.
Gusto sana niyang hanapin ang bangkang sumusundo sa kanila pero kumakain pa ang mga bangkero. Napaupo na lang siya sa buhanginan at yumukyok sa tuhod niya saka umiyak nang umiyak. Pakiramdam niya ay pinagtutulungan siya ng buong mundo dahil lang gusto niyang kumain ng durian. Durian na nga lang ang nagpapasaya sa kanya.
Maya maya pa ay humupa ang luha niya at nagpatuloy siya sa pagkain. Ano ngayon kung ayaw ng mga ito sa kanya at sa durian?
Nilapitan siya ni Ferrer. "Hoy! Pasensiya na. Nagbibiruan lang tayo kanina. Di ko alam na seseryosohin mo. E sa nakakahilo naman talaga ang durian.”
“Huwag mo akong kausapin. Baka himatayin ka diyan at ipadoktor pa kita,” wika niya at saka nagtungo sa restroom para mag-toothbrush. Tiniyak din niya nag-mouthwash siya para walang masabi ang mga ito. Parang durian lang, ang dami nang sinasabi.
Nagpatuloy siya sa pagtatrabaho nang hindi kinakausap ang mga kasamahan. Masama talaga ang loob niya. Humupa lang ang tampo niya at itinuon ang atensiyon sa pagbubungkal sa pit. Mukhang pinili na lang ng mga kasamahan niya na huwag muna siyang kausapin dahil baka masama na naman ang mood niya at magkainitan pa sila. Gumanda lang ang mood niya nang abutan siya ni Edgar ng durian candy at choco durian.
Pauwi na sila nang lapitan siya ni Genessa. “Okay ka na?”
Nakangiti siyang tumango at nagbukas ng durian candy. “Oo naman. Ayos na ayos na ako. Durian lang masaya na ako,” wika niya.
“Binibiro ka lang namin kanina. Huwag mo sanang seryosohin iyon. Dati ka naman kasi naming binibiro pero game na game ka naman.”
Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko alam bakit naiyak ako kanina. Hindi naman ako sensitive na tao. Basta naiyak na lang ako. That was weird."
“Baka hormones iyan. Ganyan ako kapag magkaka-period na ako.”
“B-Baka nga,” usal niya. Subalit hindi naman siya sumpungin kapag magkaka-period. Pero ang sabi nga ay nagkakaroon ng pagbabago sa hormones kapag nagkakaedad. Ano ba naman ang magagawa niya sa hormones? Baka lilipas din ito pagkatapos ng ilang araw.
"You should really see a doctor,” anang si Genessa sa mas mariing boses.
"Dahil bigla akong naging sensitive? O dahil sa hormones?" tanong niya at isinumpak ang durian candy. “Hindi naman siguro ganoon kalala ang problema ko. Hindi naman siguro hormonal imbalance ito. Baka ngayon lang naman ito. Saka siguro may sumpong kasi kasi masama ang pakiramdam ko nitong nakakaraang araw. ”
"Iyan mismo ang dahilan. Baka may sakit ka kaya kailangan mong magpatingin. Nitong nakakaraang araw lagi kang nanghihina. Hindi ka gaanong nagkakakain. Madalas ka rin naming nakitang nagsusuka kapag umaga. Kung kumain ka man, kakaiba ang hilig mo. May pagka-moody ka rin.” Huminga ito ng malalim. “G-Ganyan ako kapag naglilihi ako."
Natigagal si Phoenix. "I-Iniisip mo na buntis ako?"
At nangilid na naman ang luha sa mata niya. Oh, no! Iniisip din ba ng ibang mga kasamahan niya na buntis siya? Baka kumalat iyon sa lahat. Hindi naman siya buntis.
Natatarantang hinawakan ni Genessa ang braso niya para kalmahin siya. "Hindi ko sinasabing buntis ka. Kaya nga sinasabihan kitang magpatingin sa doktor. Mas mabuti nang sigurado at malaman mo kung ano ang totoong kondisyon mo. Mabuti nang maagapan iyan...kung anuman iyan."