"VANCE, kailangan mo nang pumili ng surrogate mother. Come on. Time is running out. Thirteen months na lang ang natitira bago ang taning sa iyo ng Ninong Mauricio mo. You are running out of time."
Walang ganang pinagmasdan ni Vance ang kaibigang si Deutsch na kanina pa palakad-lakad sa harap niya. Nasa sala sila ng penthouse niya at ipinapaalala niya ang mahalagang misyon niya sa buhay – ang magkaroon ng anak para makuha ang malaking porsiyento ng Villaviray Construction na nasa alanganin na bumagsak oras na hindi niya magawa ng proviso sa testamento ng Ninong Mauricio niya. Thirteen months na lang. Mahigit isang taon. Kaunting panahon na lang iyon para magawa niya ang kailangang gawin pero parang wala na iyon sa puso niya. Nawawalan na siya ng gana para makuha ang kontrol sa kompanya. Wala na siyang ganang gawin ang kahit na ano.
Umungol siya. “I am not in the mood for this crap right now. Next time na lang. I have tons of things to do," walang gana niyang wika.
"At anong gusto mo? Hintayin mo si Phoenix na matauhan? Na ma-realize niya na gusto niya ng happily ever after kasama ka at maging ama ng anak mo? Come on. She left you. Malinaw niyang sinabi na ginawa ka lang niyang boytoy. Women can be cruel sometimes. No. Make that most of the time. Kaya kung ayaw mong tuluyang mawala sa pamamahala mo ang Villaviray Construction, kailangan mong umaksiyon ngayon."
Bumuntong-hininga lang siya at hindi na kumibo. Tumayo siya at nagtungo sa mini bar niya. Nagsalin siya ng whiskey sa baso at saka tinungga iyon. He was tired. So damn tired. Kagagaling lang niya sa Hong Kong kung saan may bago na naman silang open house doon at maganda ang response ng mga OFW na nakilahok sa kanila. Marami pa silang bagong projects na nakaabang at malaking panghatak din nila ang eco-homes nila na pilit ginagaya ng ibang kompanya. He must be on a high right now. Dapat ay lalo siyang maging pursigido na ipagpatuloy ang legacy ng kompanya at ng ninong niya pero wala siyang gustong gawin na kahit na ano. Kung siya lang ang masusunod, he just wanted to let it go down the drain. Parang wala na siyang dapat ipaglaban. Wala siyang ibang nasa isip kundi si Phoenix.
Dalawang buwan na mula nang huli nilang pagkikita. Nalaman nito na hindi na siya ang nasa likuran ng pagsulpot ni Rosalinda sa kasal nito at ng ulupong na si Nelson. Ayos lang sa kanya kung magagalit ito sa kanya pero hindi nito ginawa. Sabi nito na ayos lang daw dito ang ginawa niya. Naniwala naman siya noong una. After all, gusto pa nitong ituloy ang relasyon nila – as casual bed partners.
Napuno na siya. Tiniis niya iyon noong una kahit na sukal ang kalooban niya dahil katatapos lang na hindi natuloy ang kasal nito. He thought that by making love with her, she would realize that she still loves him. Na magigising din ito at makikita nito na mahalaga siya dito. Na sila ang para sa isa’t isa. At kalaunan ay malalampasan din nito ang masasamang pinagdaanan nito at nanaisin din nito na magkaroon ng kumpletong pamilya kasama siya.
He was wrong. Nakita kung paano itong makipaglaban sa katwiran. Kung paanon parang gusto nitong piliin siya subalit sa huli ay nagmatigas ito. She just wanted to have him as a sex slave. Freakin’ sex slave. Na parang hindi deserving na seryosohin at pakasalan ang tulad niya. As if he was not a husband material. Na mas gugustuhin pa marahil nitong maghirap kaysa siya ang maging ama ng anak nito. O… mas tamang sabihin na tuluyan na itong na-trauma at ayaw na nitong makipagrelasyon, umibig o magkaroon ng anak.
It was sad. He could offer her so much more. Subalit hindi naman niya ito masisisi kung napaso na ito dahil sa mga pinagdaanan nito sa buhay. She walked away from him without a backward glance. Mas mabuti na rin iyon dahil di niya kakayaning angkinin ito nang hindi nito tinatanggap na nagmamahalan sila. Gusto niyang malaman nito na mas gusto niyang irespeto pa rin ito. He wanted to make an honest woman out of him – bilang respeto dito at sa Ninong Mauricio na ipinagbilin sa kanya na alagaan niya ang dalaga.
Nagpapatuloy ang dalaga sa buhay nito na parang walang nangyari. While he was shattered to pieces. Parang robot lang siya na gumagalaw dahil kailangan. Pero wala na siyang maramdaman na kahit ano. Parang napagod nang makaramdam ang puso niya.
Umupo si Deutsch sa tabi niya. “Dahil ayaw mo namang magpa-appointment kay Madam Caro, ako na lang ang pumili ng kandidato na babymaker para sa iyo. Sinala ko na lahat at ikaw na lang ang mamimili kung sino ang pinakagusto mo. Siyempre alam ko naman ang taste mo sa babae, pare.” Inilabas nito ang ASUS EEE Pad nito at ipinakita sa kanya ang mga napili nito. “This one is a college drop-out. She is half-American. Kahawig siya ng unang girlfriend mo noong college. She looks like a doll. Gusto daw niyang maging surrogate mother dahil kailangan niya ng pampatayo ng bahay niya.”
Bumuntong-hininga siya. “Not my type. My ex-girlfriend left me for a richer and older man. Hindi ko naisip na kamukha niya ang magiging ina ng anak ko.”
“Oh! Kahawig ito ng crush mong model dati na si Vera Alano.” Siniko siya ng kaibigan. “Galit na galit ka pa nga nang malaman mong magpapakasal siya sa iba. This one is a professional babymaker. Pang-apat na anak na niya ito kung saka-sakali. Well, hindi mo iisipin na baka itakas niya ang anak mo. She’s used to it.”
Umiling siya. Ni hindi man lang siya nag-abalang sulyapan ang larawan. “Too cold and cunning for me.”
“This last one is surely your type. Tadaaan!” Nang hindi pa rin siya lumingon at itinapat nito sa mukha niya ang EEE Pad. “What do you think?”
Nahigit niya ang hininga nang makita ang larawan at hinawakan agad ang EEE Pad nito. “Phoenix! This is Phoenix!”
Nanlamig ang buong katawan niya at parang di siya makahinga. Ito ang perpekto paa maging ina ng anak niya.
“Aha! Kamukha siya ni Phoenix pero hindi siya si Phoenix. Pero isinama ko na para naman maging interesado ka. Kung ayaw ni Phoenix na maging ina ng anak mo, kumuha na lang tayo ng kamukha niya. At least, kahit paano parang anak na rin ninyo ni Phoenix,” nakangiting sabi ni Deutsch na parang naka-hit ito ng jackpot.
Pinagmasdan ni Vance na mabuti ang babae. Sa unang tingin ay kahawig nga nito si Phoenix. But the woman didn’t look innocent at all. Her eyes were calculating. Na parang alam na alam na nito ang ginagawa nito at alam nito kung paano magpaikot ng lalaki. Hindi niya nagustuhan ang nakita niya.
Hindi ito si Phoenix. Maaring naging matigas si Phoenix dahil sa mga pinagdaanan nito sa buhay at may mga nagagawa itong pagkakamali pero nakikita pa rin niya ang kainosentehan nito. Na kahit sabihin nitong ginagamit lang nito ang katawan niya, alam niyang sa puso nito ay mahal pa rin siya nito.
Tinabig niya ang EEE Pad. “Tigilan mo na nga ang larong ito. Ayoko! Hindi ako interesado sa mga babaeng iyan. That woman is not Phoenix. Nag-iisa lang si Phoenix.”
“Ano ka ba?” angil ng kaibigan at maagap na sinalo ang gadget nito bago pa bumagsak sa sahig. “Mag-focus ka naman. Hindi biro ang nakasalalay dito. Kung puro Phoenix ang iintindihin mo, pupulutin ka sa kangkungan at ang mga tauhan mo. Gusto mo bang mawala ang lahat sa iyo? Ikaw itong kuntodo ang paglaban para maproteksiyunan ang kompanya. Focus, man! Focus! Get your head on the goal.”
Sumandal siya sa sandalan ng sofa at pumikit. “Just not now. I am just tired with all of this. Gusto ko lang makita si Phoenix. To check if she's okay. Sabi ni Aling Mina parang lagi siyang matamlay at walang ganang kumain nitong nakakaraang araw. Baka may sakit siya. Walang nag-aalaga sa kanya doon,” nag-aalala niyang wika.
Kahit na gusto niya itong kamuhian, kahit dapat niya itong kamuhian ay di niya magawa. He still cared about her. Naiinis na nga siya sa sarili pero di naman niya ito maalis sa sistema niya. Di niya alam kung bakit parang may pwersang humahatak sa kanya para habulin muli si Phoenix. Para baguhin ang isipan nito. Maybe… maybe she would consider having a real relationship with him. A family. Gaya ng minsan nilang pinangarap na dalawa.
“Heto ka na naman kay Phoenix. Marami namang babaeng mas maganda doon.” Si Deutsch naman ang nagtungo sa mini bar at brandy naman ang isinalin sa baso. Pikit-mata nitong tinungga. "Vance, that woman is nothing but trouble. Ang pakonsuwelo lang ngayon ay hindi mo na siya kalaban sa parte sa Villaviray Construction. But I am still skeptical about it."
Nilingon niya ang kaibigan. "Anong ibig mong sabihin?"
"Paano kung may iba pala siyang plano para mautakan ka?"
Napaisip si Vance pero kalaunan ay umiling din. "Hindi niya gagawin iyon."
Ipinitik ng kaibigan ang daliri. "Nagawa na niya dati. Nasabi na ba niyang pinapatawad ka niya sa sabwatan ninyo ng Ninong Mauricio ninyo na itago ang tungkol sa pagkatao niya?"
Iniwas niya ang tingin. "Hindi na namin napag-usapan."
Parang wala yata siyang natatandaan na ganoon. Hindi rin naman niya naitanong sa dalaga. Basta nang hindi natuloy ang kasal nito at may nangyari sa kanila ay parang ayos na silang dalawa. Parang tanggap naman na nito ang mga nagawa niya dati. After all, hindi naman nito ikinonsidera na pagkakamali lang ang nagawa niya. Kung talagang di pa siya nito napapatawad, sana ay hindi nagpatuloy ang set up nila. Hindi naman siguro nito maibibigay ang sarili nang paulit-ulit sa lalaking kinamumuhian nito.
Tumayo si Deutsch sa likuran niya at itinulak siya. "Huwag kang masyadong malambot. Mag-ingat ka sa babaeng tulad ni Phoenix. She's up to no good. Hindi siya tanga. Hindi siya utu-uto. She’s an archaeologist. Alam niya ang art of warfare dahil kasama iyon sa pinag-aralan niya. Magagaling na military tactician ang mga lalaking gusto niya. Tinitiyak ko na may secret weapon siya laban sa iyo. Maniwala ka sa akin."
“Anong secret weapon iyon?” tanong niya.
“Paano ko malalaman? E secret nga niya!”
Hinablot niya ang throw pillow at ihinampas sa mukha nito. “Umalis ka na nga. Puro ka kalokohan. You are not helping me.”
“Fine! Ang sungit mo. Daig mo pa ang naglilihi.” Tumayo ng tuwid ang kaibigan niya at inayos ang polo nito. “Mas mabuti pa nga siguro na mag-enjoy na lang ako sa labas kaysa samahan kang magmukmok dito. Pag-isipan mo ang deadline mo. Kailangan mo nang hanapin ang ina ng magiging anak mo. Take it seriously. Oras na bumagsak ang kompanya, tingnan ko lang kung gugustuhin mo pang isipin si Phoenix.”