“Ayaw mo talaga akong makita? Are you sure? Hindi mo man lang ako haharapin?”
Kinuyom ni Phoenix ang palad. Gusto niya itong makita pero hindi siya nito pwedeng makita. Baka makahalata ito na may itinatago siya. Hindi pa siya handang sabihin dito ang tungkol sa pagbubuntis niya. Hindi pa niya alam kung paano sasabihin dito.
Tiningnan niya ang sarili sa salamin na di kalayuan sa pinto. Nangingitim ang ilalim ng mata niya. Mukha siyang maputla. She looked sick. Sabog-sabog din ang buhok niya. At hindi rin welcoming ang suot niyang T-shirt at shorts lang. Habang nakita niya na mukha itong fresh kahit na simpleng pantalon at polo shirt lang ang suot nito.
She would resist him as much as she could. Pero di niya alam kung gaano katagal niya ito kayang tiisin. Hindi pa siya handa dahil nanghihina siya. Ayaw niyang magharap sila nang wala siya sa sarili at baka di siya makapagdesisyon ng tama para sa anak nila. Hindi lang sarili niya ang iniintindi niya ngayon. Mas mahalaga ang munting buhay sa sinapupunan niya.
“Gusto mo ba talaga na marinig ng buong El Nido kung anong pag-uusapan natin dito? I don’t mind really. Ang mahalaga masabi ko ang lahat sa iyo,” nagbabanta nitong wika.
“E di sabihin mo diyan. Hindi pa rin kita pagbubuksan ng pinto,” matigas niyang sabi.
He is bluffing. He is bluffing.
Ano namang sasabihin nito na pwede niyang ikatakot o ikahiya? Gusto lang nito na gipitin siya para buksan niya ang pinto. Hindi naman gagawa si Vance ng pwedeng magpahiya sa kanya para lang makuha ang gusto nito. Mas gugustuhin pa ni Vance na maputol ang kamay nito para maprotektahan lang ang pangalan niya. Di naman siguro ito magbo-broadcast ng sensitibong impormasyon tungkol sa kanila.
“Bahala ka diyan,” sabi lang niya at lumayo sa pinto. Lumapit siya sa salamin at pasimpleng nagsuklay. Mabuti nang mas maayos ang itsura niya kapag hinarap ito. Kahit paano ay may kompiyansa na siya ngayon.
“Sabihin mo na ang sasabihin mo. Ang tagal naman,” sabi niya. Narinig niyang may tumigil na sasakyan sa tapat. Narinig din niya ang papalayong yabag ni Vance. Aalis na ito? Susuko na talaga ito sa kanya?
Sumilip siya sa bintana at nakitang kausap nito si Mando. Pumitlag ang puso niya. Si Mando – ANG DURIAN NIYA! Dumating na ang durian niya.
Si Mando ay driver na nagmamaneho ng van na biyaheng Puerto Princesa at El Nido. Dahil isang maliit lang na bayan ang El Nido at malayo sa sentro ng lalawigan na Puerto Princesa ay humihingi sila ng pabor sa mga driver kapag ipapadala sila o kaya ay ipapabili sa Puerto Princesa. Masyado kasing malayo ang anim na oras na biyahe para sa mga taga-El Nido at anim na oras ulit pabalik sa munting bayan. Masyadong malayo ang biyahe.
Nawala na sa isip niya ang pakikipagmatigasan niya kay Vance. Binuksan niya ang pinto at nagtatakbo palabas. Subalit sa panggigilalas niya ay umalis na si Mando at si Vance na ang may hawak ng kahon. May kalakihan din ang kahon dahil nasa sampung kilo ang in-order niya pero parang balewala lang kay Vance.
“Akin na iyan,” sabi niya at tangkang kukunin dito ang kahon.
Nanguluntoy ang ilong nito at nakasimangot na tiningnan ang kahon. “Ano ba ito?”
“Durian. Durian na prutas, durian na candy, choco durian,” nakangiti niyang sabi.
“Durian?” bulalas nito at maang siyang tiningnan. “Anong gagawin mo dito? Ano ito? Weapon of mass destruction? Biological weapon gamit sa terorismo?”
“Pakialam mo ba? Gusto ko ng durian.” Di niya maiwasang mainis dito sa pang-iinsulto nito sa durian. “Akin na iyan.” Hindi ito gumalaw man lang para iabot sa kanya ang kahon. Gusto talaga siya nitong pahirapan. “Vance, please. Ibigay mo na sa akin iyan,” pakiusap niya. Takam na takam na siya sa durian. Parang mababaliw siya kapag di siya nakakain.
“G-Gusto mong idikit sa iyo ang.. bagay na ito? Nakakahilo kaya ang amoy. Gusto mo talagang ipasok sa bahay mo?” tanong nito na parang nandidiri. “How can you stand that?”
Inilahad niya ang mga kamay. “Ibigay mo na sa akin kung ayaw mo ng amoy. Hindi nakakadiri ang durian. Pagkain iyan. Wala kang pakialam kung iyan ang gusto kong kainin. Hindi ka pwedeng basta na lang pumunta dito para sabihin sa akin kung ano at hindi ko pwedeng kainin. Hindi ko nga alam kung bakit ka nandito. Sabi mo sa akin wala na tayo. Pwes, wala na tayo kaya umalis ka na. Leave me and my durian in peace.”
Naging matigas ang anyo nito. “Ipapasok ko na ito. Saan ko ilalagay?”
Hindi ito aalis. Mas titiisin nito ang amoy ng durian kaysa iwan siya.
Namaywang siya. Papapasukin sana niya ito pero dahil nilait nito ang durian niya ay nagbago ang isip niya. “Hindi ka welcome sa bahay ko. Ayokong nandito ka. Bumalik ka na sa Manila at iwan mo na ang durian ko.”
Ngumisi si Vance. “Kung hindi mo ako papapasukin, wala kang durian. Isasama ko ito pabalik sa Manila or ipapaanod ko sa dagat. So am I leaving or what?”
Nangilid ang luha niya. “No, please! H-Hindi ko kayang mabuhay nang wala ang durian na iyan.”
Kung kailangan niyang magmakaawa at lumuhod dito ay gagawin niya. Ilang araw siyang nagtiis. Abot-kamay na niya ang durian ay mawawala pa sa kanya. Wala na siyang pakialam sa pride niya at pagmamatigas niya. Gagawin niya ang lahat para sa durian. Ilang araw siyang nagtiis. Kung pwede nga lang ay liparin na niya ang Davao para sa durian.
Isang matagumpay na ngiti ang sumilay sa labi ni Vance. Na parang nasisiyahan ito na nalaman na nito ang kahinaan nito. Na nalaman nito na nagkaroon ito ng kapangyarihan laban sa kanya dahil sa durian. “Saan ko ilalagay ang kahon?” tanong nito.
“Ipasok mo sa loob,” aniya at puno ng panlulumo na sinundan ito ng tingin nang pumasok ito sa apartment niya. Mabigat na mabigat ang loob niya dahil napasok nito ang teritoryo niya. And he felt so at home. Paano nangyari iyon? It was her own personal space but he was invading it as if he had the right to do so.
Nang pumasok siya ng bahay ay inilapag nito ang durian sa may kusina. “Now I smell like shhhh…” Di na nito itinuloy ang sasabihin at inamoy ang sarili.
Naglaway siya habang pinagmamasdan si Vance. Parang isa itong malaking durian sa kanyang paningin. Oh, great! The idea that he smelled like durian made him more desirable. Parang gusto niya itong lapitan at amoy-amuyin. At papakin. Rawr!
Kinuyom niya ang palad para pigilan ang sarili. Hindi ito ang oras para pagnasaan si Vance. May mas mahalaga siyang kailangang intindihin. Kailangang mawala ang hilo niya para sa paghaharap nila ng binata. Kailangan niya ng durian.
“Gusto ko nang kumain ng durian,” aniya sa malamig na boses.
“No. Mag-uusap tayo,” wika nito sa malamig din na boses at saka hinarangan ang dadaanan niya.
Tinaasan niya ito ng kilay. “Mamaya kapag tapos akong kumain ng durian.”
“Saka ka na kumain ng durian kapag tapos na tayong mag-usap,” anito at sinadyang iharang ang sarili sa kahon. Humalukipkip pa ito na parang hinahamon siya na piliting kunin ang durian mula dito. “So…?”
Humalukipkip din siya at iniwas ang tingin dito. “Sabihin mo na ang sasabihin mo at makakaalis ka na.”
“Sa durian ka ba naglilihi?”