Nanigas ang buong katawan ni Phoenix at nanlalaki ang matang tiningnan si Vance. “Anong sabi mo?”
“Tinatanong kita kung pinaglilihian mo ba ang durian,” walang kakurap-kurap na tanong ng binata at naging seryoso na rin ang anyo.
He knows. Hindi niya alam kung gaano katagal niyang napigil ang hininga. Paano iyon malalaman ng binata samantalang wala naman siyang ibang sinasabihan. Ang doktor ba na pinagpatingnan niya? No. May doctor-patient confidentiality clause. Hindi naman siguro siya tatraidurin ng doktor niya.
Ang pinagbilhan ba niya ng pregnancy test kit? O baka naman nabanggit ni Doctor Ambrosio na may sakit siya at naghinala si Vance sa kondisyon niya. Di kaya nakita ni Aling Mina ang pregnancy test kit habang naglilinis ito ng bahay?
Habang nagsasalimbayan ang mga hinala sa isipan niya ay maang niyang tiningnan si Vance. “Anong pinaglilihian na sinasabi mo? Ibig sabihin sumugod ka dito sa El Nido dahil lang iniisip mo na naglilihi ako?”
“I heard that you are sick. Now you have cravings. Peculiar cravings with… that fruit.” At itinuro ng hinlalaki nito ang kahon ng durian. Walang kangiti-ngiti siya nitong pinagmasdan. At kumabog ang dibdib niya sa kaseryosohang nakikita sa anyo nito. “Minsan ko lang ito tatanungin at gusto ko na sabihin mo sa akin ang totoo. Are you pregnant?”
Ipininid niya ang bibig. "Dahil lang gusto ko ng durian at masama ang pakiramdam ko nitong nakakaraang araw ay buntis na ako?"
“Among other things. We had a sexual relationship. Malaki ang posibilidad na mabuntis ka. And we didn’t use protection...”
Nanlaki ang ulo niya sa deklarasyon nito. "We didn't use protection?" tanong niya sa mataas na boses. “Sinadya mo na hindi gumamit ng protection, di ba? Sinadya mo na mabuntis ako. Iyon ang plano mo sa simula pa lang.”
“So you are really pregnant?”
“Dahil sinadya mo ang lahat ng ito!” akusasyon niya at dinuro ito. Tuluyan na siyang nalunod sa bugso ng emosyon niya. Wala na siyang preno. Hindi na siya nagkaila tungkol sa pagbubuntis niya. Ano pang itatago niya? Kailangan niyang depensahan ang sarili at ang di pa niya naisisilang na sanggol mula sa lalaking ito.
Parang sasabog ang ulo niya nang mga oras na iyon. Ngayon ay malinaw sa kanya ang lahat. Planado ni Vance ang lahat. It was a calculated move all along. Sinira nito ang kasal nila ni Nelson, ipinahiya siya sa maraming tao at nang pakiramdam niya ay wala siyang kakampi ay saka ito pumasok sa eksena. Palalambutin na naman siya nito at kunwari ay concern hanggang ibigay niya ang sarili dito. He was a charmer after all. Sa kasamaang-palad ay ibinigay niya agad ang gusto nito nang walang kahirap-hirap. She offered herself on a silver platter. Only to end up pregnant just the way he wanted.
Parang nagtanim ito at ngayon ay naghihintay ng aanihin. Kaya pala hindi ito kumukuha ng surrogate mother. He didn’t need one.
Kaya gusto siya nitong pakasalan. Siya mismo ang gusto nitong maging surrogate mother. Mas sigurado nga naman. At wala siyang kamalay-malay na naipunla na nito ang binhi sa sinapupunan niya.
Stupid! Really stupid. Nalaglag siya sa patibong nito.
Napamaang si Vance na parang na-offend ito sa akusasyon niya. “Wait. Ako ba ang may plano dito o ikaw? Who wanted to make love with me? Begged for it? You caught me off guard. Nandoon lang ako para i-comfort ka. Then suddenly you were all over me. Ikaw ang nakaisip nito. Dahil nga naman hindi na pwede si Nelson, ano pa nga bang gagawin mo kundi ang paikutin ang susunod na tangang matitisod mo. Sino pa nga ba kundi ako?”
Naggiyagis ang ngipin ni Phoenix. Parang gusto niyang sampalin si Vance nang mga oras na iyon. Ang kapal ng mukha nito na baligtarin ang sitwasyon. Siya pa ngayon ang lumalabas na manggagamit at manloloko. Gusto niyang maiyak sa galit. “Para i-comfort ako? Talaga? Or you anticipated the event? Sa ating dalawa, ikaw ang higit na nakakaaalam ng sitwasyon dahil ikaw mismo ang sumira sa kasal ko. Hinintay mo lang na nanghihina na ako at wala sa sarili saka ka umatake. Isa kang bayani sa paningin ng lahat. May truce-truce ka pang nalalaman. Plano mo naman talaga na paamuin ako. Ang kaibahan lang ay ako ang nauna na mag-offer sa iyo kaya mas madali ang trabaho mo. Lucky you. Hindi mo na ako kailangang paikutin para lang makuha mo.” Pagak siyang tumawa at saka pumalakpak. “Ngayon ako pa ang lumalabas na masama samantalang ikaw naman ang makikinabang sa lahat. That was brilliant. Blame it on me, you jerk! Hindi ka dapat pagkatiwalaan. Truce, your face. All this time, ikaw naman talaga ang nagplano ng pagbagsak ko. Sinira mo ang plano ko!”
Inilapit ni Vance ang matiim na mukha kay Phoenix. Ni hindi man lang ito mukhang na-guilty sa panloloko nito sa kanya. He looked more determined than ever. As if he had the higher moral ground in this issue. “Yes, I sabotaged your wedding to save you. Naniniwala kasi ako na kahit ano pang pagbabago sa iyo, kahit na kinamumuhian mo pa ako ay hindi ako papayag na makasal ka sa isang lalaking manloloko habang may isang babaeng dinadala ang anak niya. You deserve more than that.”
“You mean you?” nakataas ang kilay niyang tanong.
“I thought so, but not anymore. Dahil nakita ko na kung ano ka talaga. Kung lumaban ka lang sana ng patas sa simula pa lang, hindi ko guguluhin ang kasal mo.”
“A-Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ba ikaw ang nanuhol sa surrogate mother na kinuha ko? Ikaw ang nagbayad ng dalawang milyong piso kay Evarlita para lang ”
“Y-You know? K-Kailan pa?”
Ngumisi si Vance. “Mga ilang linggo bago ang kasal mo. Naglabas ka ng dalawang milyon mula sa account mo. You transferred it to Evarlita’s account. Ikaw ang magaling na donor na mistulang anghel na bumaba galing sa langit para sagipin siya sa demonyong tulad ko, tama? Ngayon mo sabihin na inosente ka sa lahat ng ito.”
Nahihilo si Phoenix. Parang gusto na lang niyang tumumba na lang at mawalan ng ulirat. Nalaman din ni Vance ang sekreto niya. Wala na siyang kawala dito. Tama ito. Sa sobrang galit niya kaya gumamit siya ng underhanded tactics. Aminado naman siya doon. Pero ang alam niya ay ginagawan niya ng pabor si Evarlita.
“I-I am just trying to help.” Napalunok siya. “H-Hindi tama na ibenta ng isang ina ang sarili niyang anak.”
“Wala rin namang ipinagkaiba sa iyo na magpapakasal sa lalaking basta na lang nahatak sa isang tabi para lang mapamukhaan ako.”
Matalim niya itong tiningnan. “You deserve it.”
Ngumisi ang binata at hinawakan ang baba niya. “Kaya huwag kang magmalinis. Kahit saang anggulo mo tingnan, ikaw ang mas magaling magmanipula. At nang nalaman mong buntis ka, basta mo na lang akong idinispatsa. Tama ako, di ba? Alam mo nang buntis ka noon pa lang nasa Manila tayo. And you gave me that crap that you are giving me the freedom to find a surrogate mother, at sinasabi mo na hindi ka mag-i-intervene at ibibigay sa akin ang shares ng kompanya at pamana ni Ninong Mauricio dahil iyon ang makakabuti? No. Gusto mo lang akong magmukhang tanga. Of course you have the advantage now.”
“V-Vance, hindi ko pa alam na buntis ako. Nito ko lang nalaman. Totoo iyon. Wala talaga sa plano ko ang mabuntis. I just… want to have fun and move on with my life.”
Gusto pa niyang makipag-argumento dito para patunayan na inosente siya sa ibinibintang nito. Bakit naging baligtad ang sitwasyon? Bakit siya ang nagiging masama? Parang napakahina ng depensa niya. Nararamdaman niya na parang gumuguhong lupa iyon sa bundok at natatabunan na siya. Dinepensahan lang naman niya ang puso niya mula dito. Ngayon ay parang napakasama na niyang tao.
Binatawan nito ang baba niya at naglakad palayo sa kanya na parang di na nito matatagalan pang lapitan siya. “Sa palagay mo ba maniniwala ako sa iyo matapos ang ginawa mo? You are the most vicious woman I’ve ever met. You planned everything. Ganyan ba kalaki ang galit mo sa akin? Ipagkakait mo sa isang ama na malaman ang tungkol sa anak niya at hindi mo sasabihin sa anak ko ang tungkol sa akin?”
“N-No! Sasabihin ko sa naman sa iyo. Totoo,” aniyang may halong pagmamakaawa sa boses para paniwalaan siya nito.
“Kailan?” pasigaw nitong tanong. “Kapag oras na para iharap ang anak mo para sa palugit ng testamento? Magugulat na lang ba ako dahil may anak ka na pala? Oh! At anong gagawin ko sa magiging anak ko kung sakaling kumuha ako ng surrogate mother? Wala naman palang halaga ang sakripisyo ko para magkaroon ng anak para lang mapangalagaan ang Villaviray Construction at ang mga pamilyang sinusuportahan nito dahil nariyan na ang batang plano mong itago sa akin. Ipapakilala mo ba siya bilang anak ko o ililihim mo na lang habang pinaglalaban sila ng sarili niyang kapatid?”
“Vance, stop it!” pakiusap niya.
The scenario he presented was breaking her heart. Paano kung hindi siya kinompronta ni Vance? Paano kung naduwag siya nang tuluyan? Paano kung pakiramdam niya ay mas mamahalin nito ang anak nito sa ibang babae kaysa sa anak niya? Masasabi ba niya dito na may anak sila? Matutupad ba niya ang pangako niya dito na ituturing niyang sarili niyang anak ang anak nito sa ibang babae kung may sarili na siyang anak?
Nagpatuloy pa rin si Vance. “Will you gloat? Pagtatawanan mo ba ako sa tagumpay mo dahil pinagmukha mo akong tanga? Alam mo kung gaano kasakit ang ginagawa mo sa akin?”