PARANG bulkang sumasabog si Phoenix nang mga oras na iyon. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam. Parang nakatali ang paa’t kamay niya. Ni wala siyang trabaho. Wala siyang magagawang kahit ano dahil lahat ng galaw niya ay nakadepende sa gusto ni Vance. Puro na lang ito ang tama. Puro na lang ito ang masusunod. Wala na itong itinira sa kanya.
Ibinuhos niya sa bawat pagbayo niya ang galit niya dito. Tumulo ang luha sa mata niya sa labis na galit. Bakit siya nito pinahihirapan? Ganoon ba kalaki ang kasalanan niya dito para parusahan nito? She didn’t deserve this treatment. Hindi siya nito alipin. Wala itong karapatan na tratuhin siya na parang wala siyang sariling isip.
Hinarap siya nito at mabilis na sinapo ang mga kamay niya para pigilan ang pag-atake niya. “Phoenix, ano ba. Sinasaktan mo lang ang sarili mo. Ano bang ipinagwawala mo?” inosenteng tanong ni Vance na parang wala itong alam sa ginagawa nitong panto-torture sa kanya.
“As if you don’t know. You are rearranging my life. Ikaw na ang nagdidikta ng mga dapat kong gawin ultimo kung saan ako matutulog. Pati trabaho ko na importante sa akin pinakikialaman mo. Inalis mo ako sa trabaho nang di man lang ako kinokonsulta. Wala ka namang alam. What the heck! Ni hindi mo man lang ako tinatanong kung anong gusto ko. Basta ka na lang nagdedesisyon nang di ako kinokonsulta. Buhay ko rin naman ito. The last time I checked it, you don’t own me. Ni hindi nga kita boyfriend o asawa,” angil niya dito habang nararamdaman niya ang pagkirot ng kamay niya. Hindi iyon dahil sa pagbayo niya sa matipuno nitong katawan kundi dahil sa frustration na di niya ito masaktan.
“At buhay rin ng magiging anak natin ang nakasalalay sa bawat kilos mo. Kung ikaw ang magdedesisyon, anong tama ang gagawin mo? Malay ko ba kung plano mong tumakas at ilayo sa akin ang magiging anak ko?”
“Di ko gagawin iyon. Sinabi ko na sa iyo kanina,” giit niya.
Ngumisi ang binata. “You are on a different league, Phoenix. Kapag ginusto mo, pwede mong gawin. At wala nang halaga sa akin ang mga salita mo o mga pangako mo. Gaya nga ng sinabi ko, wala akong tiwala sa iyo. So I am sorry if I am trying to run your life now. Kung sa iyo lang, wala na akong pakialam. Bahala ka kung anong gusto mong gawin sa buhay mo. Hindi kita kailangang sundan kahit mawala ka pa sa disyerto ng Egypt o lumutin ka sa Amazon jungle o kung saan mo man gustong pumunta. Pero dahil dinadala mo ang anak ko, that’s entirely a different story. And I will do everything to protect my child. Hindi mahalaga sa akin kung ano ayaw o gusto mo.”
Naggiyagis ang ngipin niya. “I am not stupid.”
“Yeah, right! Kaya pala nakikipagmatigasan ka sa akin. Delikado na ang trabaho mo pero ipinipilit mo pa rin. Bakit kailangan kitang pagkatiwalaan kundi ka nag-iisip nang matino?”
Huminga siya ng malalim. “Hindi ko ilalagay sa alanganin ang anak ko. Importante siya sa akin.” Hindi lang dahil sa testamento ng tiyuhin niya kundi dahil anak nila ito ni Vance. Kahit ano pang di nila pagkakaunawaan ng binata, lagi itong may puwang sa puso niya. Kahit pa nga siya ang babaeng kinamumuhian nito.
Mataman siya nitong tinitigan at pagkuwan ay unti-unting lumuwag ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Bumalik ang sirkulasyon sa dugo niya at minasamahe niya ang mga braso niya. “Mahalaga din sa akin ang anak natin. Gusto ko lang ng panahon para mapalagay ang sarili ko sa sitwasyon na ito. Para makapag-adjust ako. You don’t have to bulldoze me. I am not an imbecile. Kapag inilagay ko sa alanganin ang anak natin, ilalagay ko rin sa alanganin ang sarili ko. Mukha ba akong suicidal? Marami pa akong plano sa buhay. Marami pa akong gustong mangyari para sa magiging anak natin. Kahit na di pa siya isinisilang ay mahalaga siya sa akin.”
Tinitigan siya nang matiim ang binata. Di niya alam kung anong tumatakbo sa isipan nito. Kung naniniwala ito o hindi. Nakakalungkot lang na sa halip na ipinagdiriwang nila ang nalalapit nilang pagkakaroon ng anak ay nagbabatuhan sila ng insulto sa isa’t isa. Ganito ba ang mangyayari sa kanila hanggang lumabas ang bata?
“Bakit hindi mo sinabi sa akin na buntis ka?” tanong nito.
Hinawakan niya ang magkabilang sentido. “I need time to think. Noong nasa Manila tayo, di ko pa naman alam na buntis ako. Nalaman ko lang tatlong araw na ang nakakaraan. Paano ko sasabihin sa iyo, Vance? Naghiwalay na tayo. Iniisip ko na baka mas gusto mo na magkaroon ng anak sa ibang babae kaysa sa akin. Y-You might hate me.”
“Sabi mo hindi mo intensiyon na itago sa akin ang bata. Kailan mo sasabihin?” tanong nito sa mas kalmadong boses. Kakaiba sa naging usapan nila kanina.
“Hindi ko alam pero alam ko na sasabihin ko rin naman sa iyo. Vance, bago ang lahat ng ito sa akin. Hindi ko plano ang magkaroon ng anak sa iyo. What we had was fun. Gusto ko lang mawala ang lahat ng emotional baggage ko matapos ang lahat ng pinagdaanan ko – ang pagkamatay ni Tito Mauricio at ang naudlot kong kasal. Ikaw ang tumulong sa akin na maka-recover.”
Umangat ang gilid ng labi ni Vance. “As your little f*ck toy.”
Kinagat niya ang loob ng pisngi niya. She was not so proud about that. “I really appreciated what you did for me, Vance. Pero umabot sa punto na sa palagay ko di na tamang magtagal pa ang set up natin. It was good while it lasts. Tapos… akala ko hanggang doon lang. Na matapos iyon, pwede na tayong magkanya-kanya ng buhay. Pero hindi pala. My pregnancy was not deliberate. I am new with this, Vance. You didn’t ask me to get birth control. I didn’t ask you to use protection either because at that point in my life, I don’t want to question what we really have. Nag-e-enjoy ako na may sarili akong rules. You made me lose my head. Ni hindi ko na naisip ang consequences ng mga kilos ko.”
“Dapat ba kitang paniwalaan?” nakaingos nitong tanong. “You are an intelligent woman. Hindi ka padalos-dalos kahit wala kang experience.”
“Hindi naman kita masisisi kung ayaw mong maniwala sa akin. Pero seryoso ako nang sinabi ko na ikaw na lang ang dapat na mamahala sa Villaviray Construction. Vance, totoo rin nang sinabi ko na ayoko nang makipag-away sa iyo. Sa dami ng pinagdaanan ko sa buhay, ayoko na ng komplikasyon. Maniwala ka sana.”
Hindi siya dapat nakikiusap sa binata pero napapagod na rin ang puso niya sa walang kwenta nilang pagtatalo at kawalan ng tiwala sa isa’t isa. Inaalala na lang niya ang magiging anak niya. Ayaw niyang ma-expose ito sa gulo nilang dalawa ni Vance at maapektuhan habang ipinagbubuntis niya.
Umiling si Vance at inilagay ang mga kamay sa likuran nito. “I am not buying it. Gusto ko ring maniwala sa sinabi mo pero iba ang sinasabi ng mga ebidensiya. Looks like you really planned this all along. After all, you are not really that new when in comes to scheming. You turned it into a fine art.”
Pakiramdam niya ay tinadktad nito na parang bopis ang puso niya. Ganoon na ba siya kasama sa paningin nito? Na dahil lang sa isang kasalanan niya noon ay kailangan na niyang akuin ang lahat ng ibinibintang nito?
Hinawakan niya ang braso ng binata. “Please, totoo ang sinabi ko. Marami nang nabago lalo na sa akin. At ngayong magkakaroon na ako ng anak, gusto kong gawin ang lahat para palakihin siya nang tama. H-Hindi ko gugustuhing maging masamang nanay. H-Huwag mong ilayo sa akin ang magiging anak ko. W-Wala akong iniisip na kahit anong pwedeng makasama o magpahamak sa kanya. P-Pangarap ko na magkaroon ng buong pamilya,” aniya’t di napigilang kumawala ang hikbi.
Kinagat niya ang labi para pigilan ang sarili na umiyak. Tumingala siya para pigilin ang pagtulo ng luha. Gusto niyang maging matatag at huwag ipakita kay Vance na mahina siya pero di iyon madali. Damn hormones.
Hinapit nito ang baywang niya. “Patunayan mo iyan. Patunayan mo na gusto mong gawin ang tama sa para sa magiging anak natin.”
“A-Anong dapat kong gawin?” Kahit ano ay handa siyang gawin para sa magiging anak niya. Within reason.
“Bigyan natin siya ng buong pamilya. Marry me.”