“WHAT?” bulalas ni Phoenix habang nakatigagal kay Vance. Umaalingawngaw sa tainga niya ang gusto nitong mangyari. Pakakasalan niya ito para magkaroon ng buong pamilya ang anak nila? Pakakasalan niya ang lalaking kinamumuhian siya ng labis. Parang sinabi na rin nito na magpatiwakal siya.
“A simple wedding will do,” sabi ni Vance at naglakad patungo sa nakabukas na bintana ng beach house at tumanaw sa madilim na dagat na parang ini-imagine nito ang magagandang plano nito para sa kasal nila. “Hindi pa nakaka-recover ang publiko sa magarbong kasal mo na hindi natuloy. Let’s keep it quiet. Hindi natin kailangan ng press coverage. Siguro magpapadala lang tayo ng announcement sa mga diyaryo para ipaalam sa lahat na kasal tayo. Gusto ko na magkaroon ng stable na buhay ang magiging anak natin.”
“B-But you hate me. Paano mo magagawang pakasalan ang babaeng kinamumuhian mo?”
Hindi ba parang suicide na rin iyon para sa binata? Na sa araw-araw ng buhay nito ay kasama nito ang babaeng hindi di nito pinagkakatiwalaan habambuhay. Hindi rin naman niya ito pinagkakatiwalaan. But she was willing to make their marriage work if he would treat her right and respect her. Pero sa nangyayari sa kanila ngayon ay malabo na magkasundo nila. Magiging mala-impyerno ang kasal nila dahil ang alam lang nito ay pasunurin siya sa gusto nito. Wala siyang sariling boses. Magmimistula siyang puppet na susunod sa anumang gusto nito. Ayaw niyang mangyari iyon.
“I would marry the devil myself just to give my child my name and a whole family,” anito sa maigting na boses.
Pangalawang kasalan na ito at wala pang apat na buwan ang pagitan. Parang hindi siya kumporme na pakasalan si Vance. Hindi siya magpapakasal nang wala silang tiwala sa isa’t isa. Na kinamumuhian nila ang isa’t isa.
Iba ang kasal nila ni Nelson. Kahit pa sabihing niloko siya ng lalaki ay nagkasundo sila sa kasalang iyon. Hindi siya nito pinilit. Kahit paano ay pinagkatiwalaan niya ito. Ibang usapan ang sitwasyon nila ni Vance. Mistulang lason ang kawalan nila ng tiwala sa isa’t isa at galit nila para di pa man nagsisimula ang pagsasama nila ay tuluyan nang masira. Hindi niya alam kung hanggang kailan sila tatagal.
“At kung hindi ako pumayag? Pwede naman tayong maging magulang sa anak natin nang hindi nagpapakasal,” wika niya at pilit na ngumiti. “Kung gusto mong tumira ako kasama mo, pwede rin naman. Hindi naman natin kailangang magpakasal.”
“Ipinakita mo lang na hindi ka talaga sinsero nang sabihin mo na gusto mong bigyan ng buong pamilya ang magiging anak natin. Wala akong kailangang patunayan sa iyo. Ikaw ang may kailangang patunayan sa akin.”
Umikot ang mga mata niya. “See? Gusto mong pakasalan kita nang ganyan ang trato mo sa akin? Hindi mo ako pinagkakatiwalaan.”
“Gusto mong pagkatiwalaan kita? Prove to me that you are trustworthy. Marry me. Huwag ka munang magtrabaho. Magpahinga ka para sa anak natin. Alagaan mo ang sarili mo, alagaan mo ang bata. Kung hindi mo ako susundin, kung ipipilit mo na gusto mong magtrabaho at ayaw mong magpakasal, magpa-file ako para sa sole custody ng bata pagkapanganak mo. At pwede ka nang magpunta kahit lupalop pa ng kalawakan mo gusto.”
Nahigit niya ang hininga. “No! Napakasama mo!” Gusto nitong ilayo sa kanya ang anak nila. Parang minamartilyo ang puso niya.
“You started this war, Phoenix. At hindi ako papayag na saktan mo ang anak ko katulad ng pananakit mo sa akin. And if you do anything stupid to harm our child, I will turn your life into hell. Maliwanag ba?”
Naramdaman niya ang paggapang ng lamig sa gulugod niya dahil sa matigas at malayelong boses ni Vance. Wala siyang nagawa kundi ang sumang-ayon na lang dito. “Yes.”
Dahil ngayon pa lang ay parang impyerno na ang pakiramdam niya. Paano siya makakatagal na makasama ang lalaking hindi naman siya pinagkakatiwalaan?
Ngumiti si Vance. “Good. Gusto mo ba ng durian? Nasa freezer lang ang durian na dala mo kanina,” malambing na alok nito sa kanya.
Drat! How could he turn his emotion on and off like that? Kanina lang ay ipinakita nito kung gaano siya nito kinamumuhian. Ngayon naman ay malambing ito sa kanya. At hindi mapigilang pumitlag ng puso niya. Traidor ang puso niya. Matapos tapak-tapakan ni Vance ay nagagawa pa rin nitong tumibok para sa binata.
Lumunok siya at iniwas ang tingin dito bago pa nito makita kung gaano katindi ang epekto nito sa kanya. “G-Gusto ko na lang matulog… at pag-isipan ang alok mo. It has been a long day.”
“You do that,” anito sa malamig na boses. “Goodnight.”
“Goodnight,” mahinang usal niya at naglakad patungo sa kuwarto niya.
Malakas pa rin ang tibok ng puso niya nang humiga sa kama niya at tumitig sa kisame. Hindi alam ni Phoenix kung paano magiging maayos ang gabi niya. Malamang ay hindi siya makakatulog. The hate and crazy accusations he showered her with were unbearable.
And marry him? Hindi niya pinangarap na magpakasal sa isang lalaki na hindi na nga siya mahal ay kinamumuhian pa siya. Di niya alam kung ano ang mas malala – ang di pinakasalan ng nanay niya ang tatay niya dahil niloko ito at hindi siya kinilalang anak o ang sitwasyong kinalalagyan niya ngayon kung saan handa siyang pakasalan ni Vance pero hindi naman nito sasayangin ang pagkakataon kung paanong isang malaking pagkakamali ang tingin nito sa kanya. Na kung may choice lang ito ay ayaw nito na siya ang maging ina ng anak nito.
Hindi naman niya iyon pinangarap pareho. Wala ba siyang swerte sa lalaki? She wanted to be free from Vance’s domineering ways. Mas gugustuhin ba niyang gayahin nito ang ama niya na walang pakialam sa responsibilidad nito?
Pero nandito si Vance. Handa itong panagutan siya. Hindi man siya nito mahal, di naman ito katulad ng tatay niya na tinalikuran ang responsibilidad sa nanay niya. Handa itong ipaglaban ang anak niya. At kung pakialaman man nito ang kilos niya, alam niyang sa huli ay kapakanan pa rin ng magiging anak nila ang iniisip nito. Kung sana lang ay mas maayos ang maging pag-uusap nila. If only he would meet her halfway.
Mas malaki pa sa pagkamuhi ni Vance ang problema niya. Masokista yata ang puso niya dahil naroon pa rin ang pagmamahal niya dito. Her heart was at risk once more. Kaya nga siya lumayo kay Vance noon, di ba? Ayaw niyang ilagay sa alanganin ang puso niya. Can she spend forever with a man who won’t love her back?
Bago siya pumikit ay isa lang ang tumimo sa isip niya –nagsasakripisyo si Vance para sa magiging anak niya. Mukhang kailangan din niyang gawin iyon. Ang kailangan lang niyang gawin ay ang ihanda ang sarili niya. Kailan siya magiging handa.