Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 85

Malakas ang tunog ng musika at halakhakan sa madalas ay tahimik na bahagi ng dalampasigan ng Las Cabañas. Nakalatag ang pagkain sa mesa sa harap ng beach house ni Vance. Sa isang parte naman ng bahay ay ang videoke kung saan nakikisali ang anak ng ilan nilang kasamahan na sa El Nido na nakadestino at isinama ang pamilya. Maagang natapos sa trabaho ang mga kasamahan niya para pagbigyan ang despedida party niya. Dapat ay hapunan iyon pero alas kuwatro pa lang ng hapon ay nakahanda na ang pagkain at nagdatingan na rin ang mga kasamahan niya. Susunod din ang iba pang naging mga kaibigan niya sa El Nido para daw makapagpaalam sa kanya.

Si Vance halos ang nag-eestima sa mga bisita, ang nagtatanong kung may kailangan ang mga ito. Gusto daw ng binata na mag-relax lang siya dahil araw niya iyon at makipagkwentuhan lang. Nakangiti si Phoenix at nakikisaya sa mga ito pero mabigat ang dibdib niya. She thought El Nido was her home now. Ang mga kasamahan niya ang pamilya niya. Pero ngayon ay parang isa siyang halaman na bubunutin mula sa lupa kung kailan nagsimula na siyang mag-ugat.

It was painful. Lalo na’t parang wala siyang karapatan sa mga susunod na mangyayari sa buhay niya. Lahat ay nakasalalay na sa mga kamay ni Vance.

“Anong gusto mong kainin?” tanong ni Vance sa kanya.

Umiling siya. “Ayos na ako sa veggie salad.”

Kumunot ang noo ng binata. “Iyan lang? Sandali. Igagawa kita ng sandwich. May whole wheat bread sa loob. Pwede naman siguro iyon sa iyo.”

“Hindi mo na kailangang…” Subalit bago pa siya makaangal ay umalis na ang binata patungo sa kusina para igawa siya ng sandwich. Ni hindi na nito inutusan si Aling Mina.

“Asikasong-asikaso ka ni Sir Vance,” sabi sa kanya ni Genessa. “Siya pa mismo ang gagawa ng sandwich mo. Ganyan din kami ng asawa ko noong naglilihi ako. Para akong prinsesa.”

At si Vance naman ay parang hari kung umasta mula pa kahapon. Wala siyang nagawa nang patulugin siya nito sa bahay nito at gamitin ang ilang damit na naiwan niya doon. Ang mga damit na iyon ang binili ni Vance sa kanya para dati. Wala siyang choice kundi isuot ang mga iyon kahit parang asiwa siya noong una.

Lalo lang niyang na-miss ang binata. Nasa kabilang silid lang ito kagabi pero sa unang pagkakataon ay parang napakalayo nila sa isa’t isa. Na parang di isang manipis na pader lang ang pagitan nila.

It was his choice this time. Di tulad dati na siya ang nagdedesisyon para iwan ito.

Kung pagdating sa pangangailangan niya ay wala siyang reklamo sa binata. Lahat ng pangangailangan niya ay tinitiyak nitong maibibigay sa kanya. But he left her cold inside. Pakiramdam niya ay isang robot ang kasama niya. Mechanical ang bawat kilos. Gagawin lang nito kung ano ang alam nitong makakabuti. Gaya ngayon na parang napaka-sweet nito kapag humarap sa maraming tao pero kapag silang dalawa lang ay walang init sa pakikitungo nito.

And she knew that she couldn’t ask Vance for warmth. That was asking too much from him. Isang kaaway din ang tingin nito sa kanya. Isang babaeng di nito mapagkakatiwalaan.

“Biglaan naman ang alis ninyo,” malungkot na sabi ni Florence. “Kung kailan nagiging interesante ang dig natin. May nahukay kaming mga bronze na kuwintas at hikaw kahapon doon sa area na pit mo.”

Nagningning ang mga mata ni Phoenix. “Really?”

“Oo. At malamang marami pang makukuha sa area na iyon. Kaya doon ang concentration ng dig namin ngayon para mas mapadali ang paghahanap.”

Nanlumo siya. “Sayang naman. Sana nandoon ako.”

May adrenaline rush tuwing may nahuhukay siya o may bagong discovery sa dig nila. Walang ipinagkaiba marahil sa mga treasure hunter kapag nagkakahukay ng kayamanan. Nakakadama siya ng pagmamalaki na nagiging bahagi siya ng pagtuklas ng kasaysayan. At isang malaking kabiguan para sa kanya na hindi na niya magagawa iyon. Her hands were tied now.

“Huwag kang manghinayang. Marami pa rin namang ibang pagkakataon. Marami pang ibang dig,” pang-aayo sa kanya ng isa sa matatandang kasamahan na si Marietta. “Magkaka-baby ka na. Higit sa mga kayamanan ng mundo, ang anak ang maituturing na mahalagang kayamanan. Isipin mo na lang na ang kaunting sakripisyo na iyon ay ginagawa mo para sa anak mo. Ikaw naman mismo masasabi mo na iba na ang pakiramdam mo mula nang magbuntis ka. Mahihirapan pa sa site kung ganyan.”

“Tama ka,” aniya at napilitang tanggapin ang katotohanan na may punto si Vance na alisin siya sa trabaho niya. Hindi na ganoon ka-conducive ang working environment niya dahil sensitibo na ang kalagayan niya. Ano pa nga bang magagawa niya? Lahat na lang ng mga kasamahan niya ay sumasang-ayon sa pag-alis niya bilang parte ng excavation team. Na dapat niyang i-prioritize ang dinadala niya.

“Tita Phoenix, can we play football?” malambing na tanong ng anak ni Hershey, ang anim na taong gulang na batang si Borgy na may bitbit pang bola. “Ayaw naman po nila akong pakantahin.” At ngumuso sa mga nagvi-videoke.

“Naku, Borgy! Hindi na pwedeng makipaglaro si Tita Phoenix sa inyo. Magkaka-baby na siya. Kaya pumirmi ka na lang diyan at huwag mo kaming guluhin sa pinagkukwentuhan namin,” saway ni Hersheys sa anak. “Maglaro ka na lang ng tablet. Tingnan mo ang ibang mga bata tahimik lang sila sa isang tabi.”

Subalit dumabog lang si Borgy. “No! I wanna play football! I wanna play. Tita Phoenix, please! Let’s play.”

Si Borgy ang pinakamalapit sa kanya sa mga anak ng mga kasamahan niya. Sa halip kasi na maglaro ng gadgets katulad ng ibang mga bata ay mas gusto nitong magbasa o kaya naman ay maglaro ng football. May kakulitan nga ito kaya madalas napapalo ng nanay. At kapag may gusto ito ay kailangan nitong makuha. Wala pa itong pakialam sa paliwanag. Palibhasa ay anim na taon pa lang. Kung ano ang maibigan nito ay iyon ang ipipilit nito.

“Come, Borgy. Tayo na lang ang maglaro ng football,” sabi ni Vance at nilapitan ang bata. Tumigil na rin ang paglalaro ng ibang bata ng tablet at pad phones dahil narinig ang sinabi ni Vance.

“Sali din kami! Sali din kami,” wika ng mga ito at nagsitayo sa upuan.

Nanghahaba ang nguso ni Borgy at saka puno ng pagdududang tiningnan si Vance. “Magaling po ba kayong mag-football? Mukha namang hindi.”

“Ayos basta alam ko nakapag-goal ako dati Chicharito Hernandez style,” anang si Vance at may paglalaki sa mukha nang ideklara iyon.

Di niya mapigilang matawa dahil naalala kung paanong humampas sa mukha ng binata ang bola kaya lang ito naka-goal. Ngayon ay iyon pa ang ipinagmamalaki nito.

Nilingon siya ni Borgy. “Totoo po ba iyon, Tita Phoenix?”

“Oo naman. Magaling si Tito Vance kasi ako rin ang nagturo sa kanya,” wika niya.

Nagkibit-balikat ang bata at ihinagis kay Vance ang bola. “Okay.”

At nagkanya-kanyang takbo na ang mga ito sa beach. Di nawala ang ngiti sa labi niya habang sinusundan ng tingin ang mga ito.

Nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay bumalik ang Vance na nakilala niya noon. He was playful now. Maalalahanin din ito. At sasamantalahin niyang mag-relax habang maganda ang pakikitungo nito sa kanya at may ibang tao sa paligid nila. Kailangan din niya ng breather. Matapos ang mga pangyayari sa kanya nitong nagdaang mga araw, may mga pagkakataon na parang nahihirapan siyang huminga. At sa palagay niya ay ito ang huling araw para mag-relax siya. Bago niya harapin ang buhay nang silang dalawa lang ni Vance at kailangan nilang humarap sa realidad.

"I am sure maganda o guwapo ang magiging anak mo. Tingnan mo nga. Sobrang hunk ni Sir Vance,” sabi ni Florence na puno ng paghanga habang pinapanood si Vance.

"Mayaman pa at mukhang mabait. Saka kasundo talaga niya ang anak ko. Ang ibang bachelor allergic sa bata,” wika ni Hersheys at sumimangot. “Mga lalaking walang buto. Mga hindi marunong managot sa responsibilidad nila sa anak nila.” Paano ay matindi ang galit nito sa asawa nito na nang-iwan dito at di na naalala pa ang mga anak nito.

"I guess he would be a good father and a good provider even,” wika naman ni Marietta na tumango-tango. Wala na siyang narinig tungkol kay Vance kundi papuri.

Vance took over her life. He was a good organizer. Level-headed even. Nagawa nitong desisyunan ang mga bagay na kailangan pa niya ng ilang araw o linggo bago aksiyunan. Nailipat agad nito at nai-empake ang mga gamit niya. Nakausap agad nito ang landlord niya. Naplantsa din nito ang pag-alis niya sa trabaho. Sinagot pa nito ang pamasahe ng mapipili ni Dr. Ambrosio na papalit sa kanya para lang matiyak na maaayos ang transition ng team sa pag-alis niya.

Pero hindi ito ang asawa na magmamahal sa kanya. Noon siguro ay pwede nitong sabihin na mahal siya nito pero ngayon ay hindi na nito kailangang magpanggap sa kanya. Alam niya na walang natitira sa puso nito sa kanya kundi pagkamuhi. And if he had a choice, he won’t touch her with a ten-foot pole. Wala itong tiwala sa kanya. At kung ito ang masusunod, mas gusto nitong maging solong magulang sa anak niya kaysa makasama siya.

"Kailan ang kasal ninyo?" tanong ni Genessa sa kanya. “Saka saan? Sana naman imbitahan ninyo kami.”

Napipilan si Phoenix. Hindi naman kasi niya naisip ang isasagot doon kapag may nagtanong sa kanya lalo na’t magulo pa ang sitwasyon nila ni Vance. “Let’s see,” nausal lang niya.

Kung pwede lang ay huwag na niyang marinig ang salitang kasal. Pakiramdam niya ay papasok siya sa bilangguan kapag nababanggit iyon. May ultimatum na si Vance sa kanya na kapag hindi niya ito pinakasalan ay gagawin nitong impyerno ang buhay niya. Hindi rin niya gusto ang ideya na magpa-file ito ng sole custody para sa anak nila. Anong klaseng ina siya kung hindi niya kayang bigyan ng buong pamilya ang bata?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.