Pero di siya magpapakasal kay Vance sa ganitong paraan. Wala silang tiwala sa isa’t isa. Kahit na hindi sana siya nito mahal, basta tiwala man lang sa kanya ay ibigay nito ay papayag siyang magpakasal dito. Kung wala itong tiwala sa kanya, wala silang mareresolba. Bawat galaw niya ay iisipin nitong may motibo siyang masama. O maya’t maya nitong iisipin na may gagawin na naman siya para pabagsakin ito.
Hindi niya ito masisisi dahil kasalanan din naman niya. Aminado siya na sinabotahe niya ang pagkuha nito ng surrogate mother. Pero kasalanan din naman nito. Pinasakay siya nito. Nagkunwaring mahal siya pero ang totoo ay sinusunod lang nito ang gusto ng Tito Mauricio niya. Na hanggang ngayon ay pilit pa ring ikinakaila ni Vance.
Napangiwi siya dahil sumakit ang sentido niya sa sitwasyon nila ngayon. Hindi niya alam kung paano sila magkakasundo kung ang lahat ng pinagsamahan nila ay iniisip nilang may halong motibo. At ngayon pa lang ay kinakabahan na siya. Pakiramdam niya ay marami pang plano si Vance na hindi niya magugustuhan.
Masaya silang nagkukwentuhan nang lumapit sa kanila si Aling Mina na may dalang cake. “Ma’am, para po sa inyo,” anang babae at inilapag sa harap niya ang cake.
Nagningning ang mata ni Phoenix. "Cake? Para sa akin?”
Na-touch siya nang makita na may naka-drawing na chocolate syrup na hugis puso sa cake. May nakasulat din na – For Phoenix and our baby. Galing kay Vance ang cake.
“Bakit ganoon ang amoy?” anang si Marietta. “Parang kakaiba. Sira na ata iyan.”
“Anong sira? Durian flavor ang cake!” excited niyang sabi at kumudlit ng icing saka isinubo. Napapikit siya at ngumiti habang kinikilig nang makumpirma ang hinala niya. “Durian flavor nga. Aling Mina, dalhan po ninyo kami ng platito dito.”
She was touched. Hindi niya inaasahan na gagawin ito ni Vance. It was such a sweet gesture. Ayaw nito sa amoy ng durian kung tutuusin. Ilang beses din ito na may disapproval sa mukha nito kapag pinapanood siyang kumain ng durian pero wala lang itong magawa dahil iyon ang pinaglilihian niya. Ibig sabihin ay nag-e-effort naman ito kahit paano na i-please siya. O ginagawa lang nito iyon para sa bata.
“Ano ba iyan? Nag-cake pa tapos ikaw lang ang pwedeng kumain,” reklamo ni Nagine. “Nahihilo ako sa amoy ng durian.”
“Hindi mo naman kasi kailangang makisalo kasi para kay Phoenix at sa baby nga lang iyan. Naglilihi nga. Ito talaga. Kung ayaw mo ng durian, huwag kang kumain. Basta ako titikim dahil ngayon lang ako makaka-experience ng durian cake,” sabi ni Marietta.
“Inalok ka na ba ni Vance ng kasal? Nag-propose na ba siya?” tanong ni Florence.
“Not exactly a proposal. Napag-usapan lang namin na gusto niyang pakasalan ako,” sabi niya at medyo awkward sa pakiramdam niya. Ayaw sana niyang i-open iyon sa iba pero iyon naman ang totoo. Hindi proposal ang ibinigay ni Vance sa kanya kundi ultimatum.
Naniningkit ang matang tinitigan ni Florence ang cake. "Huhulaan ko. Proposal cake ito. May diamond engagement engagement ring diyan sa loob ng cake. Aalukin ka niyang magpakasal!” kinikilig na wika nito.
“Ha?” nakatigagal niyang sabi at natigilan sa paghiwa ng cake.
"Oo. Kaya siguro di ka pa niya inaalok ng kasal kasi gusto niyang isopresa ka. Isn't it exciting and romantic?" anang si Genessa na kinikilig na rin.
It was exciting. Parang tulad sa mga napapanood niya sa mga pelikula kapag gustong mag-propose ng isang lalaki. A romantic part of her wanted to experience that. Na kahit man lang sa proposal ay gusto ni Vance na maganda pa rin ang maging alaala niya.
Pero sa isang banda naman ay iniisip niya kung anong implikasyon nito. Vance was putting her on the spot. Kapag nakuha na niya ang singsing ay parang obligado siya na tanggapin ang proposal nito. Wala nga naman siyang kawala dahil nakaharap ang mga kasamahan niya. Mahirap itong i-reject. Hindi niya ito pwedeng ipahiya.
"Halika. Tulungan natin si Phoenix na kumain ng durian cake para mahanap natin ang engagement ring mo,” yaya ni Marietta at naunang kumuha ng platito.
"Paano kapag ako na ang nakakuha? E di sa akin na ang engagement ring mo at kami na lang ang magpapakasal ni Sir Vance?” tanong ni Florence.
“Huwag ka ngang panira ng mood. Kumain ka na lang diyan,” sabi ni Nagine at nakikuha na rin ng slice ng cake. “Kahit na ayoko ng durian, gagawin ko ito para sa iyo at sa baby mo. Hindi na lang ako hihinga.”
Napangiti siya sa gesture ng mga ito. “Salamat,” aniya at sumubo ng cake.
Wala siyang nagawa pa para pigilan ang mga kasamahan niya dahil excited ang mga ito. It was clever on Vance’s part. This was another of his machinations so that she would be forced to follow him. Muli ay wala na naman siyang choice. Ito na naman ang masusunod.
Subalit unti-unting natunaw masamang hinala niya tungkol sa motibo ni Vance sa cake at napalitan iyon ng excitement Maya’t maya siyang kinakabahan na anumang sandali ay makakapa na ng dila o ngipin niya ang singsing. Tinitingnan din niya ang reaksiyon ng mga kasama dahil baka isa na sa mga ito ang nakatagpo sa singsing. Ganoon pala kapag ina-anticipate ang isang romantic na pangyayari. Kahit na ano pang di nila napagkakasunduan nila ni Vance ngayon, in a way it would exciting to have an illusion of a fairy tale. Of romance.
"Hala! Wala pa ring singsing,” usal niya nang pigain ng tinidor ang huling slice ng cake para malaman kung may matigas na bagay doon gaya ng singsing subalit wala. It was perfectly done. Malambot na malambot ang cake. Parang walang naitago na kahit ano doon.
“Wala rin dito,” sabi ni Marietta.
Tinapik ni Nagine ang likod ni Florence. "Iluwa mo na singsing. Baka nakain mo na pala, hidn mo pa alam."
Binigyan ito ni Florence ng masamang tingin. “Kung makakabog ka na naman. Wala akong nakain o nalulon na singsing! Kung nginata ko iyon malamang sira na ang ngipin ko ngayon."
"Wala siguro talagang singsing diyan," malungkot na usal ni Phoenix.
Pilit siyang ngumiti para itago ang pagkadismaya. Heto na naman siya. Nagpapadala sa romantic fairy tale na nauwi sa disilusyon. Inaasahan niya na ipipilit ni Vance na mag-propose sa kanya sa ganitong paraan pero di nito ginawa. Excited pa mandin siya. At kung sakaling natagpuan niya ang singsing sa gitna ng durian cake ay baka hindi na siya makahindi pa dito. Sino bang makakahindi sa ganoon ka-romantic na proposal? Ang problema lang ay walang proposal na nangyari. Walang singsing. Umasa lang sila sa wala.
"O! Naubos na pala ninyo ang durian cake,” anang si Vance na pawisan pa mula sa pakikipaglaro ng football sa mga bata. “Sayang kasi akala si Phoenix lang ang may gusto ng durian cake. Nagpagawa sana ako ng mas malaki.”
“Hindi naman namin gusto ng durian cake. Naghahanap kasi kami ng singsing,” sabi ni Florence at maasim na ngumisi.
"Singsing?" nagtatakang tanong tanong ni Vance.
"Free na singsing. Sa Davao kasi may free na singsing sa durian cake,” palusot ni Phoenix.
"Really?" amused na wika ni Vance. "Ipina-bake ko lang iyan sa isang chef sa resort. Galing siyang Davao at alam niya ang recipe. Hindi ako aware sa free ring na iyan. Saka baka mabilaukan pa kayo kapag may singsing. Maospital pa kayo. Kasalanan ko pa."
Hindi niya alam kung naniniwala ito o hindi sa palusot niya. Kahit na anong mangyari ay di niya aaminin na ina-anticipate niya ang marriage proposal nito. Sana talaga ay di na lang siya umasa. May paroma-romantic pa siyang nalalaman. Di na siya nadala. Kapag masyado siyang umaasa ay lagi siyang nabibigo. Gusto talaga niyang batukan ang sarili niya. Di na siya natuto.
"May date na ba ang kasal ninyo?" tanong ni Marietta na nagpatigil sa pagtibok ng puso niya.
"Depende iyan kay Phoenix kung papayag siyang magpakasal sa akin,” sabi ni Vance at malamlam ang mga mata na tumingin sa kanya. Animo’y nakikiusap.
Nagulat siya. Hindi kasi niya inaasahan na iyon ang sasabihin nito. Akala niya ay sasabihin ng binata na pag-uusapan na lang nila ang date. O kaya ay naghahanap pa ng venue. Parang naramdaman niya ang pagluwag ng kamay na humahawak sa leeg niya.
Siniko siya ni Hersheys. "Ikaw lang naman pala ang hinihintay. Ano pa bang kulang? Kung ganyan kaguwapo ang mag-aalok ng kasal sa akin, di na ako tatanggi."
Hindi niya alam kung anong dapat niyang isagot doon. Ano bang dapat niyang sabihin? Na hindi siya mahal ni Vance? Na napipilitan lang ito para sa anak nila? Na gusto lang sana niya ay kaunting respeto at kalayaan mula dito?
"Hindi naman kami nagmamadali. Alam naman natin kung paanong di natuloy ang kasal ni Phoenix dati. Gusto ko kapag tinanggap niya ang pagpapakasal sa akin ay komportable siya sa ideya. Na ito talaga ang gusto niya,” sa halip ay sabi ni Vance.
“Tito Vance, nakapagpahinga na kami. Maglaro ulit tayo,” yaya dito ni Borgy dito at hinatak ang kamay ng binata. “Dali! Turuan mo ako paano mag-goal si Chicharito.”
“Ibang goal na lang ituturo ko sa iyo,” sabi ni Vance habang nagpapatianod sa bata at palayo sa kanila. “Mahihirapan ka sa goal na iyon. Para sa mga expert lang iyon.”
Kinalabit siya ni Genessa. "Ano ba? Tanggapin mo na ang proposal. Saan ka pa makakatagpo ng ganyan? Kung ayaw mo sa akin na lang si Sir Vance."
"May asawa ka kaya,” sabi ni Nagine. “Mahiya ka uy!”
"Ipapa-annul ko ang kasal namin,” nakaingos na sabi ni Genessa.
“Mabuti pa tayo naman ang mag-videoke. Masyado nang nakakarami ang mga lalaking iyan,” yaya niya sa mga ito.
“Ako na ang unang kakanta,” prisinta ni Marietta.
Mabuti na lang at nai-divert niya ang atensiyon ng mga ito tungkol sa kasal nila. Dahil ang kasal ay isang bagay na mas gusto niya na silang dalawa lang ang mag-usap at magdesisyon. She had to forgo the romance. Oras na para mag-focus sila kung anong logical at mas makakabuti para sa magiging anak nila.