Nakatulala lang si Phoenix sa kisame ng ospital habang nakahiga sa hospital bed. Nasa paanan niya ang doktor na kinuha ni Vance para i-check up siya na si Doctor Priscilla Villamena. Isa itong OB-Gyne sa St. Luke’s Hospital sa Bonifacio Global City.
Kahapon ng tanghali sila dumating sa Manila mula sa El Nido. Sa Villaviray Mansion sila tumuloy at maghapon siyang di inabala ni Vance na nagpunta sa opisina para asikasuhin ang mga naiwan nitong trabaho nang magpunta ito para komprontahin siya sa El Nido. Umalis ito para maghanap lang ng kasagutan. Bumalik ito ng Maynila na magiging isang ama at asawa na. At gayundin naman siya. Parang normal lang ang lahat pero marami nang nagbago.
Kinabukasan ay maaga silang umalis sa bahay. Idinala siya nito sa Taguig para sa doktor na pinili nito. May destino din si Doctor Villamena sa St. Luke’s Quezon City pero gusto ni Vance na mai-check up agad siya para daw matiyak ang kalagayan niya. Hindi sa wala itong tiwala sa doktor na nag-check up sa kanya sa El Nido pero hindi daw espesyalista ang pinagpatingnan niya at mas kumpleto at makabago ang facilities sa mga ospital sa Manila. May mga eksperto din na makokonsulta dito. He wanted the best for their child.
At kung noong una ay mag-isa lang siya sa clinic, ngayon ay kasama na niya si Vance na hindi umaalis sa tabi niya. Hinawakan nito ang kamay niya at bumulong sa kanya. “Don’t worry. Everything will be fine.”
Lumunok siya at tumango. Humugot siya ng malalim na hininga. Malamig ang gel na ipinahid sa tiyan niya. It was not as cold as she expected. “Your husband requested to heat up the gel for you. Ayaw daw niyang di ka maging komportable sa procedure na iyon.”
Tumango siya at tumingin kay Vance. “Thank you.”
Hindi niya alam na pwede palang painitin ang gel na karaniwan ay malamig ayon sa mga nababasa na niya. Na-touch naman siya dahil pati iyon ay inalam ni Vance.
“Gusto ko nang makita ang anak ko,” sa halip ay sabi lang nito sa malamig na boses.
Na parang sinasabi nito na ayaw lang nitong maantala ang ultrasound procedure niya kaya nag-request ito ng di malamig na gel para sa kanya. Gusto lang nitong makita ang anak nito nang walang aberya at wala siyang inirereklamo na kahit na ano.
Nang maramdaman ang tranducer na naglalakbay sa tiyan niya ay itinuon na lang niya ang atensiyon sa screen habang hinihintay ang paglabas ng imahe doon. Kung hindi ito interesado sa kanya bilang ina ng anak nito, hindi rin siya interesado sa iniisip nito. Magfo-focus lang siya sa kondisyon ng magiging anak niya.
Nanlalamig siya na parang naiinitan nang lumabas sa computer screen ang image. Animo’y nasa loob ng isang madilim na kuweba ang imahe at may maliit na kumpol ng laman sa gitna. “This is your womb and that is the embryo in the middle. You are now five months pregnant.”
Maya maya pa ay nakarinig siya tunog na parang may dumadagundong. “Ano iyon?” tanong ni Vance na narinig din ang tunog.
"That is your baby's heartbeat. Malakas ang tibok ng puso niya. It means that the embryo is strong,” sabi ni Doctora Villamena.
Mahigpit na hinawakan ni Vance ang kamay niya. Di nito inaalis ang tingin sa screen. "Amazing! T-That's my baby?"
"Yes, Daddy,” nangingiting wika ni Doctor Villamena.
"Wow! As in wow. Magiging daddy talaga ako,” excited na wika ni Vance at parang gusto nitong magtatalon doon sa tuwa. The expression on his face was priceless. Ngayon lang niya ito nakitang ganito kasaya. And she could see the love in his eyes for their unborn child.
"In a few months time,” wika ni Doktora.
Subalit hindi iyon narinig ni Vance dahil hawak pa rin nito ang kamay niya habang nakatitig sa monitor. There was wonder in his eyes. Parang mas excited pa ito sa kanya na maging magulang. At habang hawak nito ang kamay niya nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay magkakampi sila sa pagkakataong ito. Pareho nilang mahal ang magiging anak nila. Hindi kailangang lumaki ng bata na walang kinikilalang ama dahil naroon si Vance para sa magiging anak nila. Hindi mami-miss ng magiging anak niya ang mga bagay na na-miss niya dahil lumaki siyang walang ama. Kung may isang bagay man na masaya siya nang mga oras na iyon, iyon ay dahil naroon si Vance para sa magiging anak nila.
Matapos ang ultrasound procedure ay tinulungan pa siya ni Vance na punasan ang sticky gel sa tiyan niya. Napaka-attentive nito hanggang bumalik sila sa opisina ng doktora.
“Ngayon ay nine weeks ka nang buntis. The embryo is now 2.5 cm in length,” sabi ni Doktora Villamena at ipinakita sa kanila ang printed copy ng ultrasound. “Malinaw nang makikita ang ugat niya.”
“Ano po ang parang sapot na iyon?” tanong ni Vance.
“His fingers,” sagot ng doktora at nagpatuloy sa pagpapaliwanag. “The placenta is intact. Sa loob ng ilang linggo ay hahaba na ang mga braso niya at magsisimula na ring magkaroon ng bend para sa siko niya.”
“Kailan sisipa ang bata?” tanong ni Vance.
“By twelve weeks, your child will start kicking. Pero dahil maliit pa, hindi pa iyon masyadong mararamdaman. Bandang eighteen weeks ay pwede na iyong maramdaman.”
Lumungkot ang mukha ni Vance. “Matagal pa pala iyon. A-Ano pong kailangang kainin? Anong bawal na kainin? Ano po ang di pwedeng gawin habang nagbubuntis? Ano po ang anak ko - babae o lalaki?" sunod-sunod na tanong ni Vance.
Hindi na nga kailangan pang magtanong ni Phoenix dahil ito na ang nagtanong nang nagtanong. Na parang mas ito ang nagdadalang-tao kaysa sa kanya. Na parang ang kailangan lang niyang gawin doon ay maupo at mag-relax. At ito na ang bahala sa lahat.
"We'll get there later. Pag four months pa malalaman sa ultrasound kung anong gender ng bata. Mukhang excited si Daddy?" natatawang sabi ni Doctor Villamena. “He really wants to be a father.”
"Very much,” nausal na lang niya at sumilay ang ngiti sa labi. Ngayon lang niya nakita si Vance na hyper na hyper. It was encouraging actually.
"Mababa ang blood pressure mo kaya kailangan mo ng ferrous sulfate. Folic acid para sa brain development ng bata. And calcium for your bones.” Nagreseta ang doktora ng mga iinumin niyang vitamins at agad naman iyong kinuha ni Vance mula dito. May ibinigay na brochure sa kanya ang doktora. “Heto ang mga bawal sa iyo at ang mga dapat mong kainin. Pati na rin ang mga dapat at di mo dapat gawin habang nagbubuntis ka."
Kinuha niya ang brochure at binasa. May sarili rin kopya si Vance dahil alam niyang di ito papayag na di malaman ang laman ng brochure. Maraming pagkain na nakalista doon ang tiyak na ipapakain sa kanya ni Vance. Marami ring pagkain ang di niya maaring kainin habang nagbubuntis siya na nakapagpalungkot sa kanya – tsokolate, tsaa, kape at iba pang matatamis. May content daw sa mga ito na makakaapekto sa bata. Maari daw kasing magka-diabetes habang nagbubuntis at may mga insidente din ng Silent Infant Death Syndrome dahil sa pagkain ng mga pagkaing may caffeine habang nagbubuntis.
“Hindi ka pwedeng mapagod,” sabi ni Vance. Hindi man nito sabihin ay alam niya kung anong tinutukoy nito – justified na hindi siya nito hayaan na magtrabaho muna.
Nagpatuloy siya sa pagbabasa. Naglalabo-labo na ang letra sa mga mata niya. Mas mahirap pa pala ang pagbubuntis kaysa sa inaasahan niya. Nakapagbasa na siya ng libro tungkol doon pero iba pa rin pala kapag kailangan na niyang gawin.
"You have to watch out your diet. Kailangan nating iwasan na maging sobrang laki ng anak mo para hindi ka mahirapang manganak kung mas gusto mo ng normal delivery. We must monitor that one.”
“Doc, hindi ba mas maganda nga kung mas malaki ang bata?” tanong ni Vance.
“Mister, mahirap manganak. Kailangang isaalang-alang din natin ang kaligtasan ng nanay sa pagdadalang-tao. Hindi ka naman dapat mag-alala dahil mabilis na lang lumaki ang bata kapag lumabas na.” Bumaling sa kanya ang doktora. “Kaya kailangang mag-stick tayo sa masusustansiyang pagkain. Kapag masyadong malaki ang bata ay mapipilitan tayo na i-caesarian ka kapag nahirapang lumabas ang bata.”
Ngumiwi si Phoenix. “Parang ayoko yata ng caesarian.” Takot siya sa mga binibiyak-biyak at inooperahan. Kakayanin na lang niya ang normal delivery kaysa ang magpabiyak ng tiyan.
"Mister, iiwas din siya sa mga bagay na pwedeng maka-stress sa kanya. Bawal siyang galitin o pasamain ang loob. She is going through a lot of hormonal changes. Natural lang na maging sensitive siya. Kailangan mong maging supportive sa kanya,” bilin ng doktora. “She will have mood swings. Minsan mahirap din makipag-argumento sa kanya. Kapag masama ang loob ni Mommy, makakasagap din ng negative na emotions ang baby at makakaapekto sa dinadala niya. We don’t want that, do we? Mahirap na kalaban lahat ang emotional stress,” paliwanag ni Doktora Villamena.
Lumingon siya kay Vance at umangat ang gilid ng labi niya. Siguro naman ay matututo na ito na huwag siyang laging kontrahin. Mula nang bumalik ito sa buhay niya ay wala na itong ibinigay sa kanya kundi stress. Kaya kung gusto nito na maging maayos ang kalagayan ng anak niya ay kailangang maging mas considerate ito sa kanya.
"I understand,” usal ni Vance sa maamong boses.
"May tanong pa ba kayo?" tanong ni Doctor Villamena.
"Doktora, pwede po ba akong magtrabaho?” tanong ni Phoenix. Pagkakataon na niya ito.
“No!” kontra agad ni Vance. “Hindi ka pwedeng magtrabaho. Nakalagay na nga sa brochure na bawal kang mapagod. Fatigue will definitely pose harm for my child.”
“Pero may mga buntis naman na nagtatrabaho hanggang full term nila,” argumento niya.
“I understand that you are an archaeologist. You spend a lot of time at the excavation sites, Mommy,” wika ng doktora. “Maaring may mga buntis na nakakapagtrabaho pa rin pero di natin masasabi kung anong posibleng maidulot nito sa magiging anak nila.”
“Hindi naman po iyon lang ang pwede kong maging trabaho. Marami pa naman po akong ibang gawin. I mean, I will write reports. Nothing tedious,” paliwanag naman niya. Tanggap na niyang hindi siya papayagan ni Vance na bumalik sa El Nido. Pero kahit man lang sana simpleng paggawa ng report o journal ay makatulong siya. Kung makukuha niya ang approval ng doktora ay may edge na siya kay Vance. Wala itong magagawa kundi sundin niya ang hatol ng doktora.
"Kailangan mo ring pakiramdaman ang sarili mo kung kaya mo bang magtrabaho. Work is work. Kahit physically hindi ka pagod, baka ma-strain ka pa rin lalo na kung lagi kang mag-iisip," paliwanag ni Doctor Villamena.
"Huwag mo nang ipilit kasi,” parang nang-iinis na sabi ni Vance. “Di nga pwede.”
Sumabog na lang si Phoenix bago pa siya makapag-isip at pigilan ang sarili. Napipikon na talaga siya kay Vance dahil nakakontra agad ito. Nagdedesisyon ito nang di man lang siya kinakausap. "Ano naman ang gagawin ko sa bahay maghapon kung hindi ako magtatrabaho? Sa bahay na nga lang ako magtatrabaho."
"You don't have to work. Kaya kitang buhayin. Mag-focus ka na lang sa magiging anak natin,” argumento naman ni Vance.
"Kapag hindi ako nagtrabaho, mababaliw ako. Iyon ba ang gusto mong mangyari, Vance? Kilala ko naman ang sarili ko. Hindi ko ilalagay sa alanganin ang anak natin. Pero di naman ibibig sabihin tutunganga na lang ako sa bahay habang naghihintay na ipanganak siya. Ayokong maramdaman na parang wala akong silbi, when I can do so much with the idle time in my hands. Naiintindihan mo ba ako?" tanong niya sa mataas na tono.