"Daddy, Mommy, hindi pwedeng ma-strain, magalit o ma-stress. Pwedeng mag-usap na mahinahon,” nakangiting sabi ng doktora. “Okay. Kumalma lang tayo.”
“I am sorry,” nausal na lang niya. They already made a spectacle of themselves. Sa harap pa mismo ng doktor sila nagtalo. Nakakahiya. Bakit kasi kailangan pa siyang asarin ni Vance? Nagtatanong lang naman siya. Isa pa, katawan naman niya ito. Siya ang magdedesisyon kung dapat nga siyang magtrabaho o hindi.
“Sa ngayon, maselan kang magbuntis, Miss Villaviray. Kailangan mo pang magpahinga at kailangan nating matiyak na maayos ang kalusugan mo bago kita bigyan ng go signal na magtrabaho. Sa kahit na anong trabaho. Maselan ang unang trimester ng pagbubuntis. Dito nangyayari ang forced abortion o ang miscarriage. Hindi natin gugustuhing makunan ka at mawala ang bata. Kaya kung pwede ka namang magpahinga, iyon muna ang gawin mo,” paliwanag ng doktora. Pero sa palagay niya ay umakto na itong referee sa kanila ni Vance para na lang sa ikatatahimik nila.
Napilitan siyang tumango. “Yes.” Wala naman siyang magagawa kung iyon ang bilin ng doktora.
"We must get going. Thank you, Doc,” anang si Vance at tumayo. Kinamayan nito ang doktora. “Kailan po pwedeng bumalik para sa next check up?”
"Pumunta kayo sa sekretarya ko para sa susunod na schedule ng check up. Tawagan ninyo ako anumang oras na kailangan ninyo ako o may tanong kayo."
"Thank you po,” wika niya at mabigat ang loob na kinamayan ang doktora.
Hindi rin niya nakuha ang sagot at suporta na inaasahan niya. Lalo lang naging malinaw na di siya pwedeng magtrabaho nang kahit na ano. Hindi naman ganoon ang sitwasyon sa ibang nagbubuntis. Mas mahihirap pa nga ang trabaho ng iba. Mas nakakapagsilang pa nga daw ng malulusog na bata ang mga nanay na pagod at mabilis din manganak. Hindi naman siya ganoon kahina.
Si Vance ang nanalo sa round na ito.
VANCE was in a surly mood since they left the doctor’s office. Tahimik lang ito habang naglalakad sa tabi ni Phoenix. Hawak nito ang siko niya at nararamdaman niya ang tensiyon sa katawan nito. Walang kangiti-ngiti sa mukha nito.
Hindi niya alam kung anong ikinaiinis nito. Nanalo na nga ito, hindi ba? Hindi niya nakuhang pumanig sa kanya ang doktora kahit na sa simpleng trabaho man lang. Pumayag na siya. Magpapalakas muna siya at pipilitin na bumalik ang kalusugan niya ayon sa gusto ng doktora para makabalik siya sa trabaho.
Kaya hindi niya maintindihan kung bakit daig pa ni Vance ang Biyernes Santo. Daig pa siya nito kapag sira ang mood dahil sa paglilihi. Di kaya naglilihi din ito? Hindi na lang niya ito tinanong at baka maasar na naman ito sa kanya. Ayaw na niyang maulit ang eksena kanina sa clinic ni Doctor Villamena kung saan ay nakasagutan sila sa harap ng ibang tao. Tama na iyon.
Tuwid lang ang tingin niya sa harapan habang hinihintay nila ang pagdaan ng Mercedes Benz na minamaneho ni Mang Ador. “Kumusta po ang check up ninyo, Ma’am?” tanong ni Mang Ador sa kanya.
“Ayos lang po,” aniya sa masayang boses. “Kailangan ko lang po sigurong kumain ng mas maraming prutas at gulay. Iyon daw po ang maganda sa bata. At maraming gatas na rin.”
“Excited na nga po kami sa magiging baby ninyo, Ma’am,” sabi ni Mang Ador.
Isang welcome distraction na makausap niya ang butihing driver ng pamilya niya. Kung wala ito ay baka mabaliw na siya doon. Mistula itong shield laban kay Vance na hanggang ngayon ay di pa rin maipinta ang mukha.
“Masaya ka ba sa ginawa mo?” tanong ni Vance sa kanya.
“Anong ginawa ko?” inosente niyang tanong at uminom ng bottled water.
“Nagtanong ka pa kay Doktora kung pwede kang magtrabaho.”
Nagkibit-balikat lang siya. “Oh! Wala naman sigurong masama kung magtanong ako kay Doktora. Natural katawan ko ito. Kailangan kong malaman mula sa kanya mismo.”
“Hindi mo naman kailangang itanong,” mariing wika ni Vance. "Napag-usapan na natin ang tungkol dito. Hindi ka magtatrabaho. Bakit kailangan mo pang tanungin si Doc? Iniinsulto mo ba ako?"
"Bakit ba kailangan na lang lahat tungkol sa iyo? I want to work. Masama bang magtanong? Buhay at career ko naman iyon. Usapan natin pagka-check up ko saka natin malalaman kung tatanggap ako ng trabaho o hindi. Hindi ko yata natatandaan na basta na lang ako pumayag na ayokong magtrabaho. Di dahil pinuwersa mo ako na alisin sa trabaho at magpapakasal na tayo ay parang puppet na lang ako magiging sunud-sunuran sa iyo."
Nagtagis ang bagang ni Vance. “Hindi kita tinatratong puppet. Hindi sana ganyan ang iisipin mo kung hindi matigas ang ulo mo. Akala ko ay mag-a-agree ka sa akin na mahalaga ang kapakanan ng magiging anak natin. If you want to pursue your career, pag-usapan natin kapag nanganak ka na."
"May ibang babae diyan na nagtatrabaho kahit na buntis,” giit nito.
"Not if you are the mother of my child. You don’t have to. Kaya ko kayong buhayin ng baby natin kahit na hindi ka magtrabaho habambuhay. Ano ba ang mahirap intindihin doon? Narinig mo naman ang sinabi ni Doktora kanina. Kailangan mong magpahinga. Kailangan munang bumuti ang kondisyon mo. Have you seen yourself at the mirror lately? You look awful. Nangangayayat ka na at nangangalumata. And you expect me to let you work in that condition? Kahit na hindi ka buntis, baka di rin kita hayaang magtrabaho.”
Mariing nagdikit ang labi niya. “Wala na nga akong sinabi, di ba? Panalo ka na.” Sa ngayon.
Hindi na lang sinabi ni Phoenix na ayon kay Doctor Villamena ay pwede nilang pag-usapan ang kondisyon niya kung pwede na siyang magtrabaho. Di man ngayon pero sa mga susunod na check up. It would be her trumph card. Di niya pwedeng ipaalala kay Vance ang tungkol doon at makipag-argumento tungkol doon dahil baka pati ang pag-asang nakikita niya ay mawala din.
Sa ngayon ay hahayaan niyang isipin ni Vance na ito ang manalo. Susundin niya ang lahat ng gusto nito. She would wait for her chance. Sapat na iyon para gumaan ang mood niya.
“Bukas tayo pupunta sa munisipyo para asikasuhin ang mga requirement sa kasal natin at makakuha tayo ng marriage license. Tapos ay makikipag-meet ka sa designer. Kasama mo si JK na mamimili ng wedding dress mo,” wika ni Vance.
“Si JK?” tanong niya. “Dadating si JK?”
“Yes. Pero mga tatlong araw pa bago ang kasal natin ang dating niya. Kailangan pa rin siya sa Egypt dahil may importanteng presentation daw doon si Joshua. Baka mag-video conference na lang kayo kapag namimili ka na ng design ng damit mo.”
“Fine,” aniya at tumango na lang. Nagawa na nitong makipag-coordinate kay JK habang di pa niya nakakausap ang kaibigan. Naunahan pa siya nito. Sabagay dati pa man ay malapit na sina JK at Vance sa isa’t isa. At alam niyang matutuwa ang kaibigan niya sa kasalang iyon. Kung alam lang nito ang totoong nangyayari.
“Sabihin mo sa akin kung may preference ka para masabi ko ang wedding coordinator."
"No. Ako na ang kakausap,” sabi niya.
Kumunot ang noo ni Vance. "Noong ikasal ka dati ang pagkakaalam ko ay wala kang pakialam sa kasal mo."
“Iba noon at iba naman ngayon. It was Nelson’s family who was running the show. Gusto nila ng magarbong kasal na ayaw ko naman. Ako naman ang masusunod sa klase ng kasalang gusto ko, hindi ba?” tanong niya.
Tumango si Vance. “Yes.”
“Good. Ako na ang bahalang makipag-coordinate.” Hindi naman marami ang demands niya para sa kasal niya lalo’t simple lang naman iyon. Mas mabuti na ito kaysa wala siyang ginagawa. “Saan nga pala tayo pupunta?" tanong niya nang makitang nasa Makati area na sila.
"We will go to Greenbelt for lunch. Pero may dadaanan pa tayo bago magtanghalian."
Sa isang jewelry store sila sa Greenbelt nagtungo. Sinalubong agad sila ng isang matandang lalaki. “Good afternoon, Mr. Antiporda.”
“Hans, this is my fiancée, Miss Phoenix Villaviray.” Kinamayan niya ang matandang lalaking manager pala ng jewelry shop. "Give us your best engagement rings and wedding rings. I want my bride to wear the best."
Nahigit niya ang hininga lalo na nang iprisinta sa kanya ang nagkikinangang mga singsing na may tampok na diamante. It was becoming more and more real to her. Ikakasal na talaga sila ni Vance. And she would pick out the ring.
"Pumili ka kung anong gusto mo,” anang binata. Alam naman niya na walang problema kahit gaano pa kalaki ang batong piliin niya. Kahit na gaano kamahal. Bibilhin nito para sa kanya.
Pinagkiskis niya ang mga kamay at pinagmasdan ang nakahilerang diamond rings. Subalit sa pagkadismaya niya ay wala siyang nagustuhan sa mga naroon. “Errr… hindi ko alam kung anong pipiliin ko.”
“Naliliitan ba kayo sa mga bato?” tanong ni Hans.
Umiling siya. “I want something simple. Masyadong magarbo ang nandito. Hindi naman talaga ako mahilig sa alahas. Simple lang talaga."
“Do you have anything simple yet unique, Hans?” tanong ni Vance. “Just give her whatever she wants.”
“We have pink and pink diamonds here as well. Gusto ba ninyong makita?” tanong ni Hans.
“Sure,” sabi niya at tumingin sa ibang mga singsing at hikaw na naroon.
Saglit siyang dumistansiya kay Vance at tumingin ng ibang mga alahas doon. Ang totoo ay wala siyang hilig sa mga alahas. Lumaki siya sa poder ng ina niya na simple lang ang pamumuhay. Dahil sa nature ng trabaho niya ay natuto siyang tumingin at humanga sa magagandang craftsmanship subalit hindi niya nakikita ang sarili na magsusuot ng magagarbong alahas.
“May nagustuhan ka ba diyan na gusto mong isuot sa kasal natin?” tanong ni Vance nang lapitan siya.
“I’m not s-sure…” aniya at tumingin sa iba pang set ng alahas na nasa estante. Wala talaga siyang ideya. Di nga niya alam kung anong klaseng wedding gown ang isusuot niya. Di naman kailangang maging magarbo ang alahas niya. Nandoon lang naman siya para sa engagement ring at sa wedding ring nila.
"Hello, handsome!" narinig niyang wika ng isang babae.
Nang lumingon siya ay nakita niya ang isang matangkad at sexy na babae na halos wala nang itago sa suot nitong red dress ang hinahalikan si Vance sa labi.