“Buti nakarating po kayo, Sir,” sabi niya. “Kumusta na po sila sa site?”
“Nami-miss ka, siyempre. Pero huwag muna nating pag-usapan ang trabaho. Baka magselos ang asawa mo dahil alam naman natin na ayaw niyang mag-isip ka ng kung anu-ano maliban sa kanya at sa baby ninyo. Masama na ang tingin sa akin. Gusto niya sa kanya ka lang naka-focus ngayong araw na ito,” sabi ni Doctor Ambrosio.
“Pero gusto ko pa rin kayong kausapin tungkol sa…”
Hinawakan ni Vance ang braso niya. “Phoenix, kakakasal pa lang natin, huwag mong sabihing trabaho agad ang iniisip mo?”
Huminga siya ng malalim at pilit na ngumiti. “Sorry.”
“Sa susunod na tayo magkwentuhan, hija,” sabi ni Doctor Ambrosio. “Asikasuhin muna ninyo ang ibang bisita ninyo.”
“Bachelor no more, Vance?” nakangising wika ng kaibigan ni Vance na si Deutsch nang lapitan sila. “You are finally caught.”
“No. I caught her. Finally,” mariing wika ni Vance at ngumisi.
He caught her finally and literally. Nalaman na nito ang lahat ng sekreto niya at wala siyang choice kundi magpahuli dito. Lalong bumigat ang kalooban niya dahil doon. Parang isa siyang kriminal na nahuli sa ginagawang krimen. Natitiyak niya na alam ni Deutsch ang lahat ng nangyayari sa kanila ni Vance – ang nature ng kasal nila pati na rin ang labanan nila sa kayamanan ni Vance. He was Vance’s bestfriend and confidante.
“Huwag mo nang paiiyakin ang kaibigan ko, Phoenix,” sabi ni Deutsch.
“Paiiyakin? Umiyak si Vance?” bulalas niya.
“Sira ulong ‘to,” pabirong wika ni Vance at itinulak ang kaibigan sa balikat.
“He was inconsolable when you were gone. Naglasing pa nga iyan,” nakangising sabi ni Deutsch. She could literally hear Vance grinding his teeth. Na kung pwede lang sapakin na nito si Deustch sa bunganga ay ginawa na nito para lang manahimik. “Vance, okay lang na malaman ni Phoenix na nami-miss mo siya nang mawala siya. Kasal naman na kayo. Hindi iyon kabawasan sa kaguwapuhan mo. Romantic pa nga iyon.”
“Hindi ako umiyak,” mariing giit ni Vance.
“Pero naglasing ka pa rin,” sabi ni Deutsch.
“Kami ngayon ang kinukulit mo dahil wala kang single na babaeng makukulit dito,” anang si Vance at nagsalubong ang kilay.
“Single naman si Manang Doria. Wala naman akong pinipiling edad o itsura.” Di niya maiwasang mangiti sa kakulitan ni Deutsch. “So anong pakiramdam na maikasal sa wakas?” tanong ng binata at tinapik pa si Vance sa braso.
“We are excited about the baby,” sa halip ay sagot ni Vance at inakbayan siya. “Siyempre ninong ka.”
“At ikaw ang tutulong kay Vance sa pagpapalit ng diaper at pagtitimpla ng gatas,” nakangisi niyang sabi. Yes. The baby. What a nice time to remind her that this wedding was all about their baby. Pero nagagawa na lang niyang ngumiti at maging manhid. Nasasanay na siya.
Humakbang paurong si Deutsch. Allergic ito kapag usapan ay ang pagkakaroon ng anak. “No! No! Ibang usapan na iyan. Sasagutin ko na lang ang educational plan ng anak ninyo pero hindi ako papayag sa diaper-diaper na iyan.”
“And here I thought you are my bestfriend,” sabi ni Vance sa amused na tono. “Dapat samahan mo ako dito.”
“Kayo ang nag-enjoy diyan kaya huwag ninyo akong isali sa pagdurusa ninyo,” sabi ni Deutsch at umupo sa isang mesa. Kinausap na lang nito ang ama nito na imbitado din sa kasalan.
“He is really a certified bachelor. Ayaw niya sa kasal o kahit sa bata man lang,” nausal niya habang pinagmamasdan si Deutsch na pati ang magandang waitress ay pinapupungayan nito ng mata. He really won’t miss the chance to charm women. “Ganyan ka rin kay Deutsch, di ba? Allergic sa kasal. Allergic sa anak.”
“Marami namang bachelor ang dumadaan sa ganoong stage. That was a long time ago. Kasal na ako ngayon. Magkakaanak na tayo. Let’s eat,” sabi ni Vance at idinala siya sa mahabang mesa sa garden kung saan may limang mesa na paikot. Sila naman ni Vance ay nasa bridal table nakaupo.
Inaasikaso siya nito pero pakiramdam niya ay isang robot ito na nagtatanong kung anong kailangan niya. She really felt cold inside. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam. She wanted to start everything right. Hindi ba’t handa na nga siya para sa honeymoon niya? Ipapakita niya kay Vance na gusto niyang mag-workout ang kasal na ito. Baka sa honeymoon ito babawi.
Paano kung wala silang honeymoon?
“Hindi ka na naman kumakain,” puna ni Vance sa kanya. “Ayaw mo ba ng pagkain o masama na naman ang pakiramdam mo? O may iba kang gustong kainin.”
“Ayos lang ako dito,” ani Phoenix at tipid na ngumiti. “Thanks for the flowers, Vance.”
Kumunot ang noo nito. “Flowers?”
Tumango siya. “Ang wedding bouquet ko.”
“Oh! Wala iyon. Naisip ko kasi na baka sa sobrang busy mo ay nakalimutan mo iyon. I know that you worked hard for this wedding. I thought you don’t really like this but it is beautiful,” anito at inikot ang mata sa paligid.
“I want to make this work, sa maniwala ka at sa hindi,” aniya at pilit na ngumiti dito.
“Good. Sana nga,” wika ni Vance sa malamig na boses at nagpatuloy sa pagkain. Parang wala pa rin itong tiwala sa kanya. Inayos niya ang kasal nila. Hindi siya tumakas. Ano pa bang gusto nito para mapatunayan niya?
You can make it work. You have a lifetime to prove it to Vance, bulong ng isipan niya. Hindi ka pwedeng balat-sibuyas ngayon. Mas lalo ka lang mahihirapan kung lahat ng nakikita mo ay iisipin mong negative.
Makalipas ang dalawang oras ay isa-isa nang nagpaalam ang mga bisita. Isa sa mga huling nagpaalam sa kanila ay ang abogadong si Attorney Munsayac. "Finally, you two ended up together. Akala ko di na kayo magkakasundo. Mas mabuti iyan kaysa lagi kayong di magkasundo. Pumuputi ang buhok ko sa inyo.”
Halos nakita ni Attorney Munsayac ang paglaki niya dahil family lawyer ito ng mga Villaviray. At alam niyang isa ito sa mga taong sinasabihan ng tiyuhin niya sa problema sa kanila ni Vance kapag di sila magkasundo.
Humawak ang isang kamay ni Vance sa baywang niya at hinapit siya palapit. Sa library sila nag-usap para may privacy sila. "Well, looks like we are really meant to be together."