Hearts Never Lie (Filipino) Chapter 97

"Pero biglaan ang kasal,” anitong parang naguguluhan pa.

"Di na kailangang patagalin pa. Gusto ko secured na ang pangalan ng anak ko," may kapormalang wika ni Vance.

Nanlaki ang mata ni Attorney Munsayac. "There is a baby on the way. Congratulations! You are a fast worker."

"Kaya gusto ko na mas umunlad pa ang kompanya para sa magiging anak namin ni Phoenix. Ito ang vision ni Ninong Mauricio. Na hanggang sa susunod na henerasyon ng mga Villaviray ay may hahawak pa rin. Mahalaga ito sa kanya," wika ni Vance at bahagyang pinisil ang baywang niya.

Sa pananalita nito ay parang iyon lang ang dahilan ng kasal nila. Para sa anak nila at sa Villaviray Construction gaya ng nais ng Tito Mauricio niya. Not about love. Not even about passion. Ganoon lang ba talaga ang pinagsamahan nila? Dahil lang sa bata? Dahil lang sa kompanya? And passion was not part of the equation anymore.

Naestatwa na lang siya habang patuloy ang pag-uusap ng dalawa. Ganito rin ba si Vance sa ibang tao? Ipapakita din ba nito na hindi na ito interesado sa kanya bilang isang babae? Okay. So she started that silly game. Sinabi niya na katawan lang at sperm nito ang habol niya at ngayon ay hindi na siya nito kailangan. Vance was able to turn the tables on her. Ipinakita nito sa kanya na siya ang mahina dito. At sa huli, ito pa rin ang mas sanay sa larong ito. Ipinapakita nito sa kanya na wala na itong interes sa kanya.

Pride lang iyan. Oras na magawa mo ang plano mo sa kanya, lalambot ulit iyan sa iyo at hindi ka niya matatanggihan. Just go with the seduction plan.

"Mabuti naman at nakita na ninyo na mas makakabuti kung magkakasundo kayo at di kayo maglalaban. Pwede nang ilipat sa pangalan ni Phoenix ang shares pagkapanganak niya," natutuwang wika ni Attorney Munsayac.

"Kay Vance na lang po ninyo ipangalan kung sakali. He will manage the company after all. Wala naman akong alam doon. Sa simula pa lang siya na ang deserving na mamahala doon," sabi niya.

“Sigurado ka, hija?” tanong ni Attorney Munsayac. “Pwede namang maghati kayo sa shares at hayaan mo lang na siya ang magdesisyon para sa kompanya.”

“I agree with Attorney Munsayac. Pwede rin naman na sa pangalan mo ang shares para manatili pa rin sa isang Villaviray ang majority shares ng kompanya. Sa inyo ng anak natin,” paliwanag ni Vance at lumamlam ang mga mata nito.

“I agree with Vance. Pero pwede naman natin itong pag-usapan kapag naipanganak na ang bata. This is good news. Your child is a blessing. Nakakalungkot lang na hindi na makikita pa ni Mauricio,” sabi ni Attorney Munsayac. “Wala siyang ibang pinangarap kundi ang maikasal kayo at makasama ang magiging mga apo niya sa inyo.”

Yumuko si Phoenix. Kung nandito sana ang Tito Mauricio niya ay di siya magiging ganito kalungkot. Hindi rin siguro magiging ganito kalamig ang trato ni Vance sa kanya.

“Nakikita iyon ni Ninong sa langit katulad ng sa mga magulang ko. Masaya sila dahil magkakapamilya na ako. Hindi na ako mag-isa,” anang si Vance sa malungkot na boses. Gaya niya ay mag-isa na lang ito sa buhay. Sila na ng magiging anak niya ang pamilya nito. At kailangan niyang unawain si Vance. Kailangan niyang makuha ang tiwala nito. Kailangan niya ito at sa palagay niya ay kailangan din siya nito. Sila ng anak nila.

Iniwan muna ni Phoenix sina Vance at Attorney Munsayac dahil may iba pa daw pag-uusapan ang mga ito tungkol sa ibang ipinamanang ari-arian ng Tito Mauricio niya dito. Nasalubong niya si JK na kumakain ng cake sa sala kasama ang ilang kawaksi. Nag-uwian na ang ibang mga bisita. Ito naman ay piniling sa hotel tumuloy malapit sa airport dahil flight na rin nito pabalik ng Egypt kinagabihan.

“Um!” anito at inilapag ang platito ng cake sa center table. “Kailangan mo ba ng katulong sa pagpapalit ng damit? Mukhang di ka na komportable.”

“Thanks! Talagang pinangangatawanan mo ang pagiging maid of honor ko,” sabi ni Phoenix at umakyat ng hagdan.

“Siyempre naman. Napansin ko kanina parang namumutla ka. Nag-alala tuloy ako dahil baka mag-collapse ka o kung anuman,” sabi nito habang nakasunod ng akyat sa kanya.

“Medyo mainit ang panahon. Iyon lang.”

Sana ay wala nang ibang napansin ang kaibigan niya gaya ng malamig na trato sa kanya ni Vance. Ayaw niyang pag-usapan pa iyon. Tama na ang pagse-self pity niya.

Nagpalit siya ng cotton dress na bagsak sa katawan niya hanggang sakong. Naka-ready na rin ang wide-brim hat na gagamitin niya kung sakaling mainit ang panahon.

“Ido-double check ko lang itong mga gamit mo para sa honeymoon ninyo ni Vance,” wika nito at tiningnan ang bags niya. “Ready na ang lahat – sexy lingerie, fresh handmade soap,” ipinaamoy pa nito ang sabon sa kanya at tumango na lang siya nang maamoy ang rose scent ng sabon, “toiletries at Kamasutra book for pregnant women.”

“Ano?” bulalas niya at dali-daling nilapitan ang bag niya. Nanlaki ang mata niya nang makita ang maliit na libro. “K-Kamasutra for…”

Kinuha ni JK ang libro sa kanya at iwinasiwas sa mukha ni Phoenix. “You need this. Mas okay nga kung alam mo ang mabuti sa iyo. Kung gusto mo ipabasa mo rin kay Vance. Iba na ang kondisyon mo ngayon. You have your baby to consider.” Ibinalik nito ang libro sa loob ng bag niya. “Okay lang mag-enjoy basta maging maingat ka.”

Pabagsak siyang umupo sa gilid ng kama niya. Nag-aalala pa rin siya. Di niya alam kung may honeymoon nga sila ni Vance. Parang di naman na ito interesado sa kanya. Ayaw naman niyang sabihin sa kaibigan niya ang tungkol sa agam-agam niya dahil baka maghurumentado ito. Or mas drastic pa sa plano niya ang gagawin nito.

“Bigla ka yatang natameme diyan? Di ka ba excited sa honeymoon ninyo?” tanong nito.

Pinagsalikop niya ang palad. “Hindi ko alam kung kaya kong akitin si Vance. Paano kung ayaw na niya sa akin dahil buntis na ako? Siyempre di na tulad ng dati ang katawan ko…”

Hinawakan nito ang magkabilang gilid ng ulo niya. “Makinig ka sa akin. You are pretty and attractive. Kailangan mo lang ilabas ang full potential mo. Oras na makita ni Vance na suot mo ang lingerie na bigay ko sa iyo, hindi ka niya kayang pahindian. Your dress will say it all. That you still want him. Hindi mo naman kailangang sabihin sa kanya. Kung kinakabahan ka, basahin mo na lang itong libro na bigay ko sa iyo. Hindi na rin ako magtatagal. Kailangan ko pang bumalik sa hotel at mag-check out.”

Mahigpit niyang niyakap ang kaibigan. “I will terribly miss you.”

“Basta kapag may problema, sasabihin mo agad sa akin. Huwag ka lang talagang paiiyakin ni Vance dahil ako ang makakalaban niya.”

Si Mang Ador ang naghatid kay JK sa hotel. Pabalik na siya sa loob ng bahay nang tawagin siya ni Vance. “We are leaving. Dadalaw tayo sa puntod ni Ninong Mauricio,” paliwanag ni Vance sa kanya.

Hindi niya ipinaagaw ang wedding bouquet niya at inilagay iyon sa puntod ng tiyuhin. "Tito, sana po masaya na kayo. Magkakapamilya na kami katulad ng pangarap ninyo. I miss you," aniya at hindi mapigilan ang sarili na maluha.

Ginagap naman ni Vance ang kamay niya. "Ninong, ako na po ang bahala kay Phoenix at sa magiging anak namin. Hindi ko po sila pababayaan."

Gusto niyang magsumbong sa tiyuhin niya. Hindi siya pababayaan niya Vance. Sure. He would be a responsible father and husband. Pero di siya nito mamahalin.

Kinakabahan siya. Paano kung hindi niya kayanin ang buhay na kasama si Vance? Paano kung gawin niya ang lahat para mahalin nito o maayos ang pamilya nila pero mabigo lang siya sa huli? Kakayanin ba ng puso niya?

Tito, tulungan po ninyo ako. How do I make things right? I want this marriage to work.

"Let's go,” untag ni Vance sa kanya.

"Where?" Babalik ba sila sa mansion ng mga Villaviray? Sa hiwalay na kuwarto? Na sa harap ng buong mundo ay mag-asawa sila pero sa likod ay daig pa nila ang estranghero sa isa’t isa? Ni wala silang honeymoon man lang. How pathetic!

Umangat ang gilid ng labi nito. "To our honeymoon."

“Oh!” nausal niya at sinapo ang dibdib. Bigla siyang nakadama ng excitement at kaba. Magha-honeymoon siya. Akala niya ay wala na.

Kumunot ang noo nito. “Ayaw mo ba?”

“G-Gusto ko… I mean… people will talk. Magtataka sila kung bakit wala tayong honeymoon. Of course, that is expected. P-Pero wala akong gamit na dala.” Nasa bahay pa ang bag niya at ang mga regalo sa kanya ni JK na para sa honeymoon nila ni Vance.

“Nasa kotse na ang gamit na inempake mo sa kuwarto. Si JK mismo ang naghanda. Sabihin mo lang sa akin kung may kulang pa.”

Umiling siya. “Wala. Wala na. Okay na iyon.”

Naroon na ang lahat ng kailangan niya. So what kung wala silang torrid and passionate wedding kiss? May honeymoon sila ni Vance. Ito na ang pagkakataong hinihintay niya para ipakita na pwede silang magkaroon ng passionate marriage.

Handang-handa na siya para sa honeymoon nila. Kailangan lang niyang i-review ang Kamasutra book na bigay sa kanya ni JK.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.