Hello, Stranger Chapter 27

GUSTUHIN man ni Cess na mainis habang nakatingala siya ngayon sa mataas na gusali na pinagdalhan sa kaniya ng recruiter niya para makapasok sa trabahong ‘yon ay hindi niya magawa.

Nagreklamo na siya kanina dahil obvious naman na hindi sa inaasahan niyang lugar siya dadalhin nito dahil lumabas sila ng probinsya kung saan sila parehong nakatira nito at wala naman nagawa ang pagrereklamo niya dahil kinonsensya siya nito na ginawa raw nito ang lahat para sa kaniya. Na kesyo mahirap daw makapasok o magpasok ng tao sa magiging amo niya.

Ano pa nga ba ang magagawa niya? Malamang, e ‘di ang magpakapositibo na lang sa kalalagyan.

“D’yan sa taas nakatira si Sir Jio San Marinez, siya ang magiging boss mo, Cess,” pukaw sa kaniya ng recruiter niyang si Gara. Grace talaga ang pangalan nito, nakasanayan na lang niya na tawagin na Gara dahil palayaw na nito ‘yon buhat maliit pa lamang sila.

Kalaro niya ‘to na nang makapag-asawa ay nawala sa kanilang probinsya ng ilang taon at pagbalik nga ay eksakto naman na nakak’wentuhan niya tungkol sa mga San Martinez. Nabanggit niya rito ang problema niya na may kinalaman sa mga San Martinez.

“Alam mo naman na hindi ito ang inaasahan kong lugar kung saan ko makikita ang kapatid kong hinahanap ko, Gara,” diretsahan niyang sabi rito dahil maghihiwalay na sila panigurado nito ‘pag naiharap na siya nito sa magiging boss niya.

Hindi naman siguro ‘to tanga, alam naman nito na may regular siyang trabaho siya sa munisipyo na iniwan niya sa probinsya kapalit sa pinangako nitong makakapasok siya sa mga San Martinez bilang katulong dahil may kakilala ‘to ro’n at nataon nga raw na in need sa maid ang malaking pamilya na kilala sa lugar na kinalakhan nila.

Kamakailan kasi ay may nakapagsabi sa kaniya na ang hinahanap niyang nawawalang kapatid ay parang naroon sa mga San Martinez at naninilbihan bilang katulong.

S'yempre ay nagulat siya, lumipas na ang labing limang taon na wala ni ha, ni ho siya balita sa kapatid na nawawala. Kung ito man ang nakita ng kapitbahay na nakapagsabi sa kaniya ay wala namang mawawala rin kung titignan niya. Sana lang ay makilala niya 'to kahit wala naman siyang palatandaan dito.

“Oo, e, Cess, pasensya ka na ah… ang alam ko rin kasi ay sa mansion ang bagsak mo dahil bali-balita ang pagiging model ng isang maid nila sa mansion. Turns out, hindi pala. Nakakuha na raw ng maid. Hayaan mo, hindi naman ako mawawala sa ‘yo, back up-an pa rin kita kahit nariyan ka kay Sir Jio, gagawa akong paraan para malipat ka sa mansion,” mahabang paliwanag ni Gara sa kaniya.

Napabuntonghininga na lamang siya at umiling. Again, ano pa nga ba ang magagawa niya?

"Aasahan ko 'yan ah," sabi na lamang niya kay Gara.

Inaasahan niya talaga na kung hindi man siya maging maid sa mansion ng mga San Martinez, sana ay magkaroon 'to ng magandang balita sa kaniya isa sa mga araw na 'to.

Napakatagal na panahon na niyang nawalay sa kaniyang kapatid. Sana ay mahanap na niya 'to. Ang nasa isip na lang niya ngayon ay hinding-hindi niya titigilan ang magiging amo niyang si Jio San Martinez hangga't hindi siya nito dinadala sa San Martinez Mansion kung saan may nakakita raw sa kapatid niya.

Tama, gano'n na nga ang maiging gawin. Huwag patahimikin si Jio San Martinez!

ISANG malaking unit sa mataas na gusali na nasa ituktok ang pinuntahan nila ni Gara. Sa laki ng bahay, hindi na iisipin ng kung sinong makakapasok do'n na nasa loob ka ng mataas na gusali na kanina lang ay tingala niya.

Unipormadong lalaki ang nag-asiste sa kanila nang makapasok sila sa building hanggang sa ngayon na nasa loob na sila ng bahay ng pakay na tao.

"Kindly wait for Mr. Jio, may kausap lang siya sandali sa telepono," ani sa kanila ng unipormadong lalaki na nagpakilala kanina kay Gara na assistant ng magiging boss niyang si Jio San Martinez.

Hindi bago sa kaniya ang mga San Martinez. Sa probinsya nga kasi nila ay kilala ang mayamang angkan. Ngunit nakakalula pa rin pala na makita ang yaman ng mga 'to kahit alam na niya ayon sa mga kuwento at kahit hindi pa naman mansion ng mga 'to ang napasok niya.

"Wait natin," pabulong na untag sa kaniya ni Gara, marahan siyang tinulak para maupo silang dalawa sa sofa.

Napakalambot naman pala ng leather na sofa na naroon. Ang sino man na uupo ay para nang reyna sa laki ng design niyon na crown sa gitnang ituktok na bahagi.

"'Ganda pala rito," bulong pa ng kasama niya ulit sa kaniya.

Tahimik lang naman siya. Hindi na niya nakuhang sumagot din nang lumabas na ang magiging boss niya.

Plantsado ang buhok at ang suot na tuxedo na maganda ang kulay, maberde na may pagka-asul. Kung sa iba siguro ay hindi magandang tignan ang suot nito pero hindi rito. Bagay na bagay ang kulay at estilo ng suot sa lalaking 'to. Ibinagay ang mga 'yon sa tindig, taas at mas lalo sa mukha nitong para sa kaniya ay pinaghalong maamo at medyo rough...

"Miss? Okay ka lang?"

Kung hindi pa siya marahan na itinulak ni Gara, hindi niya malalaman na naglaho na pala ang diwa siya nang dahil sa mala-adonis niyang magiging amo na si Jio San Martinez!

"Ah haha, pasensya na Sir Jio, na-starstruck po sa inyo. Si Cess nga po pala," pakilala ni Gara sa kaniya.

Napatikhim siya nang maitikom niya ang nakanga-nga pala niyang bibig, late na niya na-realize. "Ceska Adriano po," aniya rito, nilahad niya ang palad niya rito pagkatapos.

Tinanggap naman nito ang pakikipagkamay niya. "Jio San Martinez."

I know, right?

"By the way, naipaliwanag na naman sa 'yo ni Grace ang magiging trabaho mo rito?"

"Yes Sir Jio, nasabi ko na po sa kaniya," ani Gara. "Turuan ko na lang siya sa paggamit ng mga kagamitan niyo rito."

"Ah, yes, yes, of course, you can. Feel free and at home. Maiwan ko na kayo kay Arthur," sagot ni Jio, itinuro ang kaninang nag-assist sa kanila na Arthur pala ang pangalan.

Obvious naman na nagmamadali 'to. Ilang segundo lang, hayun na nga 'to sa pinto.

Aalis pala kaya gano'n ang bihis!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.